Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 15

Kabanata 15: Balita

Maaga akong nagpahinga dahil umalis na rin naman si Pacifico at hindi maganda ang aking pakiramdam. Hatinggabi na pero nadidinig ko pa rin ang mga tawanan sa ibaba, siguro'y ipinagpatuloy pa ang inuman kahit tapos na ang selebrasyon.

Nahirapan akong makatulog kahit pagod naman. Panay ang ubo ko at sumigid din ang sakit ng ulo. Nang makainom ng tubig ay doon lamang ako nahimasmasan, naibsan kahit papaano ang sakit at dinalaw na rin ako ng antok.

Pagkagising ko pa lamang ay hapong-hapo na ako. Mataas ang aking lagnat na sinabayan pa ng tuyong ubo.

Agad akong dinaluhan ni Elena nang makita ang panghihina ko. Uminom na rin ako ng gamot pero hindi pa rin bumababa ang aking temperatura. Sa pagkakataong iyon, ipinaabot na ni Elena kay Mamá ang balita.

"Kailangan mo ng pahinga, hija," si Dr. Israel Consano, ama ni Enrico.

Nang malaman ni Mamá ang aking sitwasyon ay dali-dali niyang tinawagan ang klinika ng tanyag na doktor.

Tumikhim si Elena upang mawala ang atensiyon ko sa sinasabi ng doktor. Nagtataka ko siyang binalingan.

"Narito si Aurelius. Nais niyang makita ang iyong kalagayan," imporma niya, may hindi maipaliwanag na lukot sa mukha.

Tiyak na si Mamá ang nagbigay ng inpormasyon kay Aurelius tungkol sa aking pagkakasakit.

"Aurelius Arsenio?" may pagkamanghang nagtanong si Dr. Israel nang madinig din ang binalita ng aking kaibigan.

Magalang na tumango si Elena na naging dahilan upang lumitaw ang ngisi sa labi ng doktor.

"Hmm. Ipinag-iisang lakas ng mga natatanging angkan. Mag-ingat at nakapapaso ang naglalagablab na kapangyarihan."

Tumatak sa akin ang mga katagang kaniyang iniwan. Tila may ipinahihiwatig siya. Sa aking palagay ay may kinalaman iyon sa maugong na balita tungkol sa aming nakatakdang pagiisang-dibdib ni Aurelius dahil kapag naisakatuparan iyon ay mas lalawig ang kakayahan ng parehong pamilya.

May kumakatok na ideya sa aking isipan kung ano talaga ang dahilan sa likod ng kasunduang ito ngunit pilit kong ipinagsasawalang-bahala iyon. Ayokong pag-isipan ng masama si Papá.

Ilang sandali pa ay pumasok na sa aking silid si Aurelius. Bakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha.

"Ako'y agad na nagmadaling pumunta rito nang ipinaalam sa akin ni Papá ang kalagayan mo. Masama pa ba ang iyong pakiramdam?"

Ngumiti ako at tumango. Nanatali siyang nakatayo sa aking harap pagkatapos ilapag ang dalang mga prutas sa maliit na lamesang nasa gilid ng aking kama.

"Huwag ka nang mag-alala, Aurelius. Natignan na ako ng doktor at binigyan niya na rin ako ng gamot. Tiyak na gagaling din ako," sagot ko.

Hindi na rin siya nagtagal. Nais niyang makapag-pahinga na ako kaya nangako na lamang siyang bibisitang muli kinabukasan.

Sa kabutihang palad, nang makaidlip ako ay bumuti nang kaunti ang aking pakiramdam. Nawala na ang pananakit ng aking ulo.

Inabot ko mula kay Elena ang tinalupan niyang mansanas. "Natanaw ko ang iyong kapatid na papunta rito. Tiyak na nag-aalala rin siya," turan ni Elena.

Sa oras ngang iyon, bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Kuya Cesar. Marahil nanggaling siya sa tubuhan dahil naka-bota siya at may bakas ng putik sa laylayan ng maong na pantalon.

Umayos ako ng pagkakaupo. May misteryosong ngisi sa kaniyang labi, tila may binabalak.

Imbes na dumiretso sa akin ay niluwagan niya ang pagkakabukas ng pinto. Nawala ang pagkakakunot ng aking noo at nanlaki ang aking mga malamlam na mata.

Bahagyang yumukod si Pacifico nang matanaw si Elena sa aking gilid. Nakalimutan ko na ang pagkain ng mansanas dahil sa sobrang kaba at pagkagulat.

"Isinama ko na si Bayaw dito, Ceres. Naabutan ko kasi siyang naghihintay sa labas," si Kuya Cesar na animo'y nahihiya ngunit may malaking ngisi naman.

Pinanindigan niya na talaga ang pagtawag kay Pacifico ng 'Bayaw'. Napailing na lamang ako at binalingan si Pacifico na nakapamulsa. Pinasadahan niya ng tingin ang aking kabuuan.

Mahinang humalakhak si Kuya Cesar nang mapansing niyang natigilan ako dahil doon. Nag-init ang pisngi ko sa sobrang kahihiyan. Maging si Elena ay hindi napigilan ang paghagikgik sa aking gilid.

Tinawid ni Pacifico ang distansya sa pagitan namin at sinalat ang aking noo. Naka-igting ang kaniyang panga at magkasalubong ang mga kilay.

Napalunok ako. "Naghintay ka sa labas?" tanong ko kahit kinumpirma na nga iyon ni Kuya Cesar kanina.

Hindi niya ako sinagot at sa halip ay bumaba ang tingin sa aking gamot. Kinuha niya iyon at sinipat, seryosong-seryoso ngunit hindi nakatakas sa aking paningin ang bahid ng pag-aalala sa kaniyang mga mata.

"Maliban sa lagnat, ano pang nararamdaman mo?"

"Paminsan-minsang pag-ubo lang. Ang sabi naman ng doktor ay pahinga lamang ang kailangan."

Binalik niya sa akin ang tingin. "Magpahinga ka na kung ganoon," aniya.

"Umidlip na ako," iling ko.

Nagkatitigan kami. Ako ang unang nag-iwas ng tingin. Hindi na bago sa akin iyon. Noong una pa lamang naman ay hindi ko na talaga matagalan ang mga mata niya. Masyadong malalalim ang mga iyon.

Sinulyapan ko sina Elena at Kuya Cesar na abala sa kanilang pinag-uusapan ngunit batid kong nakikinig sila sa amin. Kitang-kita ko kasi ang pababalik-balik na sulyap nila rito.

"Siya nga pala, Ceres. Hindi ko nagustuhan ang basta-bastang pagpasok ni Aurelius dito sa iyong silid. Sa susunod na mangyari iyon at makita ko, hindi ko na iisipin pang isa siyang de-kalibreng sundalo," si Kuya Cesar.

Natanaw ko ang munting pag-atras ni Pacifico. Hindi na magkasalubong ang kaniyang mga kilay ngunit hindi ko naman mabasa kung anong iniisip at nararamdaman niya. Walang emosyon lamang siyang nakatingin sa akin.

Sana ay hindi na iyon sinabi ni Kuya Cesar lalo na't narito si Pacifico. Natandaan ko pang binanggit ni Pacifico si Aurelius noong naroon kami sa sayawan. Baka kung ano ang sumagi sa kaniyang isipan. Ayokong isipin niyang hindi ako totoo sa aking nararamdaman at pinaglalaruan ko lamang siya.

Magsasalita sana ako ngunit naunahan ako ni Pitoy, humahangos na nilapitan si Kuya Cesar. Muntikan pa siyang madapa dahil sa pagmamadali. Mabuti at naalalayan siya ni Elena.

"Senyorito Cesar! S-si Roselia... natagpuang wala nang buhay!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro