Kabanata 14
Kabanata 14: Reyalidad
"Ceres..."
Bumaling ako kay Kuya Cesar nang tawagin niya ako. Ngumiti siya nang makitang naghanda talaga ako para rito.
Niyakap ko siya at inabot ang regalong aklat tungkol sa iba't ibang pangalang makatutulong sa kanila ni Roselia para makapili ng ipapangalan sa kanilang anak.
"Maligayang kaarawan," bati ko.
Inabot niya iyon. "Inimbitahan mo?"
Hindi ko talaga alam kung paano niya nalaman. Sa tingin ko ay nakikisagap siya ng balita kay Mang Ruben o kahit sino roon sa may tubuhan.
"Oo. Pupunta siya." Ngumisi ako.
Marami nang bisita kaya bumaba na kami. Nadatnan naming sinasalubong nina Papá at Mamá ang bawat dumadating. Magiliw ang ngiti nilang para bang walang problemang dumating sa aming pamilya.
Nawala na sa aking paningin si Kuya Cesar dahil nakihalo na siya sa ilang kakilala. Nanatili ako sa gilid, nakatayo at naghihintay.
Natanaw ko si Enrico Consano, matipunong binabagtas ang daan papunta sa akin. Siya ay aking kababata at nag-aral ng medisina. Nawalan lamang kami ng komunikasyon noong umalis siya patungong Amerika para roon mag-aral.
Umangat ang gilid ng kaniyang labi nang makitang nasa kaniya na ang aking atensiyon. "Kay tagal na rin simula noong huli tayong nagkita," mapaglaro niyang turan.
Hindi pa rin siya nagbabago. Nanunuya pa rin ang kaniyang mga tingin at ngiti. Ang tanging nag-iba lamang ay ang kaniyang tindig, mas pormal kaysa noon.
"Kumusta?" nakangiti kong tanong.
Nagkibit-balikat siya. "Malapit nang ikasal?"
Natawa ako. "Bakit parang hindi ka sigurado?"
"Ayaw niya sa akin, Ceres." May dumaang emosyon sa kaniyang mga mata pero agad din naman iyong nawala. "Ikaw? Ikakasal ka na rin, hindi ba? Sa panganay ng mga Arsenio?"
"O-oo, Rico."
Nagtagal ang titig niya kaya hindi ako napalagay. Naalis lamang sa kaniya ang aking mga mata nang matanaw ko si Pacifico sa entrada, tila may hinahanap. Yumuko ako nang kaunti sa harap ni Enrico.
"Maiwan na muna kita, Rico."
Binigyan niya naman ako ng daan kaya malaya kong napuntahan si Pacifico sa kaniyang kinaroroonan. Nakatalikod siya sa aking gawi. Madalas ang ayos sa kaniyang suot at pasada sa kaniyang naka-pomadang buhok.
Nangingiti akong tumikhim na nakakuha ng kaniyang atensyon. Bahagyang nanlaki ang kaniyang mata at nakaawang ang bibig na hinagod ako ng tingin.
Nag-init ang pisngi ko dahil doon. Kaya upang maalis ang hindi kumportableng pakiramdam, pagak akong tumawa, kunwaring nasisiyahan sa kaniyang reaksiyon kahit kabado talaga.
"S-salamat sa pagtugon sa aking paanyaya. Nawa'y masiyahan ka sa pagdiriwang," bungad ko.
Nakita ko ang pasimple niyang paglunok bago tipid na tumango. Iginiya ko siya sa isang bakanteng lamesa, malayo sa mga tao.
Umupo ako sa kaniyang harap at pareho naming pinagmasdan ang mga nagkakatuwaang bisita. May orkestra sa harap na tumutugtog ng masiglang musika. Nagkalat din ang mga tagapagsilbi para tumugon sa mga panauhin.
Binalingan ko si Pacifico. Seryoso lamang siyang nakatanaw sa nagaganap na pagdiriwang. Sumulyap siya sa akin at nang nakitang nakatanaw ako sa kaniya ay umayos ng upo. Hinarap niya ako.
"May dala akong mga prutas. Iniwan ko sa labas. Iaabot ko na lamang sa iyo bago ako umalis," imporma niya sa akin.
Saglit na kumunot ang noo ko at sumulyap sa labas. "Bakit mo iniwan doon? Sana ay dinala mo na nang makita rin ni Kuya Cesar."
Umiling siya. "Kaunti lamang ang aking dala. Nakakahiya kung ipapasok ko pa, Ceres." Nagbaba siya ng tingin.
Nahirapan akong lumunok at napakurap-kurap. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Ngayon lamang ako nabahala sa mga salita niya. Nahihirapan ba siya dahil sa sitwasyon namin? Sa sasabibin ng mga tao at ng pamilya ko?
Napansin niyang natigilan ako kaya suminghap siya at binasa ang labi. "Patawad. Hindi ko lamang maiwasang mabahala dahil sa magkaibang estado natin. Tingin ko'y mahihirapan ka lalo na kapag nalaman ito ng pamilya mo," paliwanag niya.
Matapos ang usapan namin noong kaarawan niya ay doon ko lamang napagtanto ang mayroon kaming dalawa. Hindi niya diretsong sinabi pero batid kong malaki na ang pagbabago sa amin.
Tipid akong tumango. "K-kung ganoon, magtiwala muna tayo sa isa't isa. Nagsisimula pa lamang at kailangan muna nating kilalanin nang maigi ang ating mga sarili nang sa ganoon ay magkaroon tayo ng matibay na pundasyon. Huwag muna nating isipin ang opinyon ng iba."
Pumungay ang kaniyang mga mata. Bumaba ang tingin niya sa aking pulseras na ibinigay niya. Bumuntong-hininga ako at nilingon si Elena, papunta sa amin at may dalang pagkain.
"Tiyak na wala pang laman ang inyong mga tiyan. Mabuti pa't kumain na kayo," si Elena, may nanunuksong ngiti.
Nagtataka ko siyang tinignan. Akala ko ba ay tutol siya rito? Bakit biglang nag-iba ang ihip ng hangin?
Hindi ko na lamang iyon isinatinig dahil nariyan si Pacifico. Ilang sandali lang din naman ay nilisan na ni Elena ang aming lamesa kaya napayapa na ako nang kaunti.
Matapos kumain ay dinaluhan namin ang grupo nina Kuya Cesar. Naroon din si Enrico kasama si Gloria Adevar na kaniyang mapapangasawa.
Matiim na tinignan ni Kuya Cesar si Pacifico pero nakitaan ko ng multo ng ngiti ang kaniyang labi, nakumpirma siguro ang kaniyang hinala.
"Kuya, ito si Pacifico, ang aking--," naputol ang sasabihin ko dahil biglang sumalida sa aking gilid si Elena at palihim na itinuro ang papalapit na sina Mamá at Papá.
"--Kaibigan," pakilala ko, imbes na manliligaw dahil natanaw kong nakatingin din sa amin ni Pacifico si Enrico at may ibinulong sa kaniyang ama.
Naglahad ng kamay si Pacifico na kaagad namang tinanggap ni Kuya Cesar. Matunog siyang ngumisi at nanliliit ang mga matang tinignan ang kaharap.
"Kaibigan? Hindi iyon ang nasagap ko mula sa mga trabahador na nasa tubuhan," bulong niya.
Nahihiya kong sinulyapan si Pacifico. Nawala lamang ang pagkabahala ko nang makitang hindi naman siya apektado.
Tipid na tumango si Pacifico sa tinuran ni Kuya Cesar. "Aking nililigawan ang iyong kapatid, Senyorito Cesar," magalang niyang tugon, walang pag-aalinlangan.
Hindi ko inaasahan iyon kaya nanlalaki ang mga matang binalingan ko siya. Hindi niya ako nilingon at nanatili ang tingin sa kay Kuya Cesar na ngayo'y malaki na ang ngisi sa akin.
"Tila hindi iyon alam ng aking pinakamamahal na kapatid. Iyo pang galingan, bayaw."
Sumimangot ako at nakaramdam ng panibagong bugso ng pagkapahiya. Nababahala rin ako sa posibleng reaksyon ni Pacifico. Hindi ko sinabi ang tunay naming estado pero hindi ko rin naman siya itinanggi. Kaya lamang, dahil siya ay umamin na, pakiramdam ko ay nasaktan ko siya.
Naiwan kaming dalawa dahil tinawag ni Papá si Kuya Cesar. Hindi ko siya matignan sa mata dahil kahit hindi ko naman siya itinanggi, itinago ko naman ang katotohanan na namamagitan sa aming dalawa. Patunay lamang iyon na may pagaalinlangan pa rin ako kahit siya, sigurado na.
Marahil ayoko lamang malaman ng iba at makarating kay Papá. Tiyak na lalo niya akong paghihigpitan dahil binigo na rin siya ni Kuya Cesar.
Napansin niyang sumama ang timpla ko. "Hindi kita minamadali, Ceres. Ayokong ipakilala mo ako sa iba na hindi mula sa loob mo. Kung anong kaya mong ibigay, sapat na iyon sa akin," pag-aalo niya sa akin.
Suminghap ako at umiling, hindi maintindihan ang kaniyang rason. "Ngunit masasaktan ka lamang..."
"Kung ganoon... ikaw lamang ang bibigyan ko ng karapatang saktan ako, Ceres."
Kumirot ang dibdib ko sa naging sagot niya. Mas natakot lamang ako dahil alam kong tiyak na masasaktan siya rito. Kahit kumapit kami sa katotohanang pilit naming isinasalba, kung hindi namin makaya ang sakit, kusa naming isusuko iyon at susubukang hilumin ang sugat nang mag-isa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro