Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5

IKALIMANG GABI

LIMANG araw na ang nagdaan simula noong makilala kita. Limang araw na ang nagdaan simula noong nakita kita sa simbahan. Limang araw na. Limang araw na pala. Sa loob ng maikling panahon na iyon, napalapit na kaagad ako sa iyo. Sa loob ng limang araw na iyon, naging masaya ako. Naging masaya ako sa piling mo. Limang araw lang pero parang nagawa ko na ang lahat ng gusto ko sa buhay. Alam mong nabuhay ako ng labing siyam na taon. Nabuhay ako ng mahabang panahon kahit wala ka pero bakit ganoon? Bakit parang hindi ko na maalala kung paano ko nagawa iyon?


Hindi ko mapigilang hindi kita isipin. Hindi ko mapigilang hindi isipin ang susunod na mga araw na makakasama kita. Ngayon pa lamang alam kong magiging masaya ako. Magiging masaya ako basta't kasama kita. Kaya naman puyat ako ngayon. Puyat ako pero ayos lang. Ayos lang mapuyat kung ikaw naman ang dahilan nito.


Nakatitig lang ako sa kisame ng aking kwarto. Napansin kong may butiki sa gilid nito. Tinitigan ko ito hanggang sa naalala kita. Hindi naman sa mukha kang butiki, may butiki bang ganyan kaganda?


Naalala ko lang ang nangyari kahapon nang pauwi na tayo sa galing sa balon. Dahil inabot na tayo ng ala sais ng umaga at nagugutom ka na, niyaya kitang kumain sa bahay naming kaso walang tao pagdating natin kaya naman napasubo akong magluto.


Nakakatawa lang kasi hindi naman ako marunong magluto. Itlog at hotdog lang ang kaya kong lutuing pagkain. Kaya naman iyon lang ang inihain ko sa iyo. Kung alam mo lang kung paano ako nakahinga nang maluwag nang makita kitang kuamin at sinabi mong masarap ito. Prinito ko lang naman iyon tapos medyo sunog pa.


Pagkatapos nating kumain, nagpumilit ka pang maghugas ng pinggan. Sandali tayong nagtalo dahil naalala ko ang sabi ni Mama. Bawal daw pahugasin ng pinggan ang isang tao kapag hindi pa ito nakakatulog sa bahay ng may-ari. Ewan ko, malas daw iyon. Hindi kita hinayaan pero siguro totoo nga ang sinasabi nilang hindi ka makakatanggi pagdating sa taong mahal mo kaya naman nagpatalo ako sa iyo.


Umupo na lang ako at pinanuod kita mula sa likuran. Nakasuot ka pa rin ng uniporme mo. Pati ang sapatos mo ganoon pa rin gaya noong una tayong nagkakilala. Hindi ko alam kung anong klaseng estudyante ka. Hindi kasi tayo nagkikita sa paaralan. Pang-hapon ka siguro kaso pang-umaga ako. May pasok ako ngayon pero mas pinili kong hindi pumasok para makasama kita.


Napaayos ako ng upon ang bigla kang humarap sa'kin kaya naman nahuli mo tuloy akong nakatitig sa iyo. Napansin kong tapos ka na sa ginagawa mo. Nakataas ang dalawang kilay mo habang nakatingin sa akin. Nakatukod pa ang dalawa mong kamay sa labado habang tinitingnan ako ng diretso. Napaiwas ako ng tingin. Iniisip mo sigurong may sasabihin ako sa iyo.


Tumayo ako nang maayos at sinenyasan kang lumapit sa'kin kaso nang papalapit ka na biglang may tumalon na butiki galing sa kisame sa pagitan nating dalawa. Kapwa tayong napahinto na na para tayong binuhusan ng malamig na tubig tsaka sinuri ang bagay na bigla na lang bumagsak galing sa itaas.


Nang mapagtanto mong butiki pala iyon. Bigla kang sumigaw ng malakas at nagtatalon-talon. Kumapit ka pa sa braso ko at ginawa mo akong panangga para hindi ito makalapit sa iyo. Hindi moa lam na takot rin ako sa butiki kaya naman napamura ako nang biglaan. Tatakbo na sana ako palayo nang biglang nasapid ko ang paa mo. Hindi ko alam kung anong sumunod na nangyari pero nakita ko na lamang ang sarili ko sa sahig habang nakapatong ka sa akin.


Parang biglang nawala sa isipan ko ang butiki. Nagkatitigan tayong dalawa at hinihintay kung sino ang unang magsasalita. Nabato ka na siguro dahil lampas minuto na tayong ganoon pero hindi ka pa rin umiimik. Binasag ko ang katahimikan at pinatayo na kita. Nagtawanan na lang tayong dalawa para maalis ang nakakaasiwang sitwasyon sa pagitan natin.


Ito ako ngayon. Napupuyat. Napupuyat sa kakaisip sa iyo. Hindi ko alam kung sino o anong pasasalamatan ko. Magpapasalamat baa ko dahil takot ka sa butiki o sa butiki ako mismo magpapasalamat dahil tinakot ka niya?


Tinitigan ko ang butiking nakakapit pa rin ngayon sa kisame ng aking kwarto. Pagkatapos ng pangyayaring iyon, nawala na ang takot ko sa butiki. Ang totoo niyan ay mahal ko na sila ngayon, pero syempre mas mahal kita.


Napabuntong hininga na lang ako sa mga pinag-iisip ko. Bumaling ang aking tingin sa digital clock sa ibaba ang aking mesa. Saktong 11:11 ang nakita ko doon. Itong oras na ito. Itong punto na ito. Dito kadalasang humihiling ang mga mata. Hindi ko alam kung anong mayroon sa 11:11 pero tuwing sasapit ito at gising ka pa, humiling ka raw at magkakatotoo ang hiling mo.


Hindi naman ako naniniwala sa ganoon kasi hindi naman din ako naniniwala na nagkakatotoo talaga ang mga kahilingan hanggang sa naisip kita. Wala naman sigurong masama. Wala naman sigurong masama kung hihilingin kong sana iniisip mo rin ako.


Tatlong oras lang ang tulog ko pero ang sarap ng gising ko. Hindi halata pero hindi ako makapaghintay na makita ka ulit. Nawala na rin sa isip ko na dapat kong makumpleto ang siyam na simbang gabi para sa ikakataas ng allowance ko sa susunod na taon. Kampante pa nga ako dahil alam kong makukumpleto ko naman ito. Magagawa ko iyon kasama ka.


Pagdating sa simbahan, humiwalay ulit ako ng upuan kay Mama at tinabihan kita. Hindi ko alam kung bakit laging nasa pinakagilid ka umuupo at kung bakit parating may espasyo sa upuan mo. Siguro sinasadya mo iyon para tabihan kita. Wala naman sigurong masama kong ipagpalagay kong may gusto ka rin sa'kin.


"Magandang umaga." Salubong sa akin ng malambing mong boses. Nakapaskil pa sa iyong mga labi ang isang nakakahawang ngiti.


"Magandang umaga rin," bati ko.


Lalaki akong tao ngunit ewan ko kung bakit kinikilig ako. Palagay ko nga hindi na ako normal. Kung dati-rati halos isumpa ko na ang mundo. Wala akong ibang maramdaman noon kundi inis at galit lamang pero nang makilala kita, nag-iba ang lahat. Panaka-naka akong sumulyap sa iyo. Ngayon ko lamang napansin na parang may nag-iba sa iyo. Ang dating bagsak at nakalugay mong buhok ay nakatalis ng pataas ngayon. Kitang kita ko kung gaano kaganda ang mukha mo. Kitang kita ko kung paano ka tumingin sa malayo na parang may iniisip ngunit hindi ko mawari kung ano. Kitang kita ko kung paano ka ngumiti bigla. Kitang kita ko ang labis na saya sa iyong mga mata. Kitang kita ko. Nakikita ko ang lahat. Sana nakikita mo rin ako.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro