Kabanata 3
IKATLONG GABI
GANITO pala. Ganito pala ang pakiramdam ng nagmamahal, para akong lumulutang sa ere. Pakiramdam ko lumunok ako ng sampung bituin. Ang liwanag ng paligid. Aaliwalas ang lahat. Lalo pang lumawak ang aking mga ngiti nang makita kitang nakapikit sa tabi ko.
Pangatlong gabi na ng simbang gabi ngayon at sobra akong nagpapasalamat dahil nagkasakit si Mama. Buti na lang talaga nagkalagnat siya kaya hindi siya nakapagsimba. Buti na lang talag dahil pumayag kang magtabi tayo kahit ngayon lang. Hindi ko alam pero komportable ako sa iyo. Masaya ako sa iyo. Kontento ako sa iyo. Gusto ko sa'yo.
Nakatuon lamang ang atensyon ko sa altar nang bigla kang humarap sa'kin sabay lahad ng mga palad mo. Napangiti ka dahil siguro sa reaksyon ko. Tiningnan ko lamang ang kamay mo na puno ng pagtataka.
"Ano 'yon?" tanong ko.
Umiling ka at hinawakan ang kamay ko. Bahagya pa akong nagulat ngunit nang makita kong naghawak kamay na rin ang lahat ng mga tao sa simbahan ay doon ko lamang napagtanto ang lahat. Ama Namin na pala. Ramdam ko ang lamig sa mga kamay. Kinakabahan ka ba?
Nagsimula nang umawit ang lahat. Napalunok ako nang marinig ko ang boses mo. Aaminin kong hindi ka ganoon kagandang kumanta pero hindi na iyon mahalaga. Pumikit na lang din ako at sumabay sa iyo. Dinilat ko ang isa kong mata upang silipin ka. Ang seryoso mo tingnan. Ramdam mo ang bawat salita habang kumakanta. Para sa'kin ang ganda ng boses mo kahit alam kong sintunado.
Pagkatapos ng simba, agad mo akong kinaladkad palabas. Hinayaan kitang muling hawakan ang kamay ko. Hinayaan kitang dalhin ako kung saang lupalop mo man ng mundo gusto. Wala tayong paki-alam sa ibang tao. Ang tanging nakikita ko lang ay ang tayo. Tayo, habang tumatakbo. Ikaw, habang hawak ang mga kamay ko. Ikaw, habang nililipad ang mahaba mong buhok ng malamig na hangin ng Disyembre. At ako. Ako, habang nakangiting nakasunod lamang sa iyo.
Hindi ko akalaing dadalhin moa ko sa isang lugar na hindi ko naman binibigyanng pansin noon. Dinala mo ako sa isang balon. Isang lumang balon sa parke na dinarayo ng mga tao dahil sa hiwaga nito. Gawa ito sa bato at pinalamutian ng mga gumagapang na halaman. Kilala ito ng mga tao sa pangalang Balon ng Hiwaga pero Wishing well ang tawag mo rito. Gayunpaman, dinarayo ito ng mg turista sa paniniwalang tumutupad ito ng kahilingan kapag nagtapon ka ng barya sa ilalim nito.
"Bakit tayo nandito?" tanong ko sa iyo.
"Mahalaga ang lugar na ito sa'kin," sagot mo. "Dito kasi ako unang humiling. Dito ko napatunayan na nagkakatotoo talaga ang mga kahilingan ng mga tao."
Napaisip ako lalo na nang banggitin mong ako ang unang taong dinala mo rito.
"Donne?"
Iyon ang unang beses na tinawag mo ang pangalan ko. Sa labis na pagkabigla, hindi agad ako nakapagsalita. Natauhan lamang ako nang kinalabit mo ako sa balikat.
"Bakit?"
"Sabi nila, lahat ng tayo may pangarap. Mga lugar na gustong marating. Mga bagay na gustong mangyari. Mga taong gustong abutin. Ikaw? Anong pangarap mo? Kung hihiling ka, alin doon ang gusto mong matupad?"
Nanahimik ako. Hindi ako ang klase ng taong naniniwala sa kayang tuparin ng mga bagay-bagay ang mga gusto ko. Wala. Wala namang kahilingan natutupad.
"Hindi ka ba naniniwala?"
Tumitig ka sa akin na pawang hinihintay ang susunod kong sasabihin. Sinubukan kong tumawa para maalis ang nakakailang na atmospera sa pagitan nating dalawa pero bigla mo na lang kinuha ang palad ko at inilagy rito ang isang barya.
"Wala namang mawawala kung susubukan mo. Kapag naniwala ka, siguradong magkakatotoo ang hiling mo."
Ipinakita mo sa akin ang hawak mong piso at agad na inihagis ito diretso sa balon. Kaagad mong pinagsalikop ang dalawa mong kamay at may kung ano kang ibinulong sa hangin.
Pinanunuod lamang kita habang ginagawa iyon. Hindi ako naniniwalang natutupad ang mga kahilingan ng mga tao sa pamamagitan lamang ng pagtatapon ng barya. Ngunit, sa pagkakataong ito, susubukan ko. Kakapit ako.
Ginaya ko ang ginawa mo. Itinapon ko ang barya sa loob ng balon at kaagad na pumikit.
Kung tutuusin, wala na naman akong dapat hilingan pa dahil nandito ka na. Idinilat ko ang mata ko pagkatapos kong ibulong ang aking kahilingan sa hangin. Nanatili kang nakapikit. Noong mga oras na iyon, hiniling ko na sana---sana parte ako ng kahilingan mo.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro