Kabanata 2
PANGALAWANG GABI
MAAGA akong nagising. Hindi dahil sa simba kundi dahil hindi ako mapalagay mula nang makita kita. Parang nakaukit na sa aking isipan ang maamo mong mukha. Hindi ko makalimutan ang itsura mo. Ang ganda mo lalo na kapag nakangiti ka.
Alam mo bang sinubukan kitang hanapin sa paaralan kanina dahil alam kong pareho lamang tayo ng pinapasukan pero hindi kita nakita. Hindi ka ba pumasok?
Ngayon, nagbabakasakali akong makikita ulit kita sa simbahan. Wala naman akong kailangan sa iyo ngunit gusto lamang kitang makita. Hindi ako sanay sa ginagawa ko. Ito ang unang pagkakataong naging interesado ako sa ibang tao. Nabuhay ako nang walang ibang inaalala kundi ang aking sarili at ang kapakanan ni Mama kaya't hindi ko alam kung anong una kong gagawin nang mapagtanto kong interesado rin pala ako sa iyo.
Umupo ulit kami ni Mama sa dating upuan naming kahapon. Tinanaw ko rin ang dating inuupuan mo at hindi nga ako nagkamali. Nandoon ka. Nandoon ka lang pala. Nakasuot ka pa rin ng uniporm at ganoon pa rin ang ayos ng iyong buhok. Maging ang rubbershoes mong kulay dilaw ay gamit mo pa rin.
Hindi mo alam kung ilang beses kong pinigilan ang sarili kong lapitan ka upang magpakilala. Baka magulat ka o magtaka kung gagawin ko man iyon. Baka isipin mong masama akong tao o di kaya'y mapagkamalan mo akong adik sa kanto.
Natapos ang isang oras nang wala akong ginagawa kundi ang sumulyap sa iyo. Hindi ko man lang napansing malapit na pa lang matapos ang misa. Nakatingin lang kasi ako sa iyo. Kahit nakatalikod ka, malinaw pa rin sa aking memorya ang hubog ng iyong mukha.
"Peace be with you," rinig kong bulong ni Mama. Ngumiti lamang ako bilang sagot. Tiningnan kita. Ginaya mo ang ginagawa ng ibang tao. Binati mo rin ang iba. Ngumiti ka ngunit hindi para sa'kin. Ngumiti ka nang hindi man lang ako binabalingan ng tingin.
Hinintay kong magtagpo ang ating mga mata. Hinintay kong lumingo ka sa akin dahil baka nakalimutan mo lamang ako. Ngunit, muli na lamang humarap sa altar na parang walang nangyari. Sunud-sunod akong kumurap at naglaho ang mga ngiti ko sa labi. Bigla akong nadismaya. Bigla akong nalungkot. Nanahimik ako habang naglalaro sa aking isipan ang isang katanungan. Iniiwasan mo ba ako?
Hindi ko mahanap sa utak ko ang dahilan ng pag-iwas mo o kung umiiwas ka na ba talaga? Alam kong hindi tayo magkakilala kaya't anong karapatan kong makaramdam ng ganito?
Pilit kong inalala ang nangyari kahapon. Sinusuri ko kung may nagawa ba akong mali. Wala naman akong ibang ginawa kundi tingnan ka lamang mula sa malayo. Natakot ka ba sa'kin? Natakot ka ba noong tinitigan kita kahapon? Sa pagkakaalam ko, may itsura naman ako kaya bihirang mapagkamala mo akong masamang tao.
Bagsak ang balikat kong lumabas ng simbahan. Mag-isa lamang akong umuwi dahil may lalakarin pa si Mama at kailangan kong mauna sa bahay dahil may pasok pa ako. Medyo madilim pa ang kalangitan dahil pasado alas singko pa lamang ng umaga. Makulimlim rin ang kalangitan at nagbabadya ang ulan kaya't binilisan ko na rin ang aking mga lakad. Kasalukuyan kong tinatahak ang daan patungo sa sakayan. Kakaunti pa lamang ang taong nakakasalubong ko kaya kahit paano ay tahimik pa ang paligid.
Bumuntong hininga ako. Ayoko na. Ayoko nang magsimba bukas. Wala na akong paki-alam kung dadagdagan o babawasan ni Mama ang allowance ko sa susunod na taon. Ayaw ko mang mangyari iyon pero mas ayaw ko itong nararamdaman ko ngayon. Para akong isang taong nalungkot dahil hindi nanalo sa lotto nang hindi tumataya.
Sa gitna ng aking paglalakad, napumura na lang ako nang biglang bumuho ang malakas na ulan. Tumakbo ako at sumilong sa kalapit na waiting shed. Pinusan ko ang basa kong damit ng aking panyo habang tahimik na minumura ang aking sarili. Siguro nga't nakatakda nang magiging malas ang araw na ito para sa'kin.
Naghintay ako saglit ngunit dumaan ang ilang minuto at hindi pa rin tumitila ang ulan. Ala sais na at may klase pa ako mamaya. Hindi na ako nagdalawang-isip na lumusob na lang sa ulan. Mabibilis ang aking mga yapag upang agad na makarating sa sakayan ngunit sa gitna ng daan habang bumubuhos ang ulan at makulimlim ang kalangitan, napatigil ako. Isang malutong na mura ang aking ibinulong sa hangin nang matanggal ang pagkakatali ng sintas ng suot ng sapatos.
Nawalan na ako ng ganang magpatuloy kaya't hinayaan ko na lamang basain ako ng malamig na tubig-ulan. Puno ng pagkayamot akong yumuko upang abutin ang aking mga paa. Ramdam na ramdam ko ang malalaking patak ng ulan na tumama sa likuran ko. Hindi ko na lang ito pinansin at itinali nang mabilis ang aking sintas ngunit bago pa ma ako tumayo ay biglang may lumitaw na isang pares ng rubbershoes sa aking harapan.
Pamilyar sa akin ang sapatos na iyon. Nagtaka rin ako kung bakit hindi ko na maramdaman ang mga patak ng ulan sa aking likuran at balikat. Dahan-dahan akong tumingala. Halos mapaatras ako sa gulat nang tumambad sa akin ang mukha ng isang taong hindi ko inaasahang makikita ko pa pala.
Nakita kita. Nakita na naman kita. Nakangit ka habang hawak ang isang kulay dilaw na payong na siyang pilit mo namang isinusukob sa akin.
Sa oras na iyon, tumigil ang mundo ko. Dahan-dahang pumatak ang ulan na pawang huminto ito upang bigyan tayo ng pagkakataong titigan ang isa't isa. Pakiramdam ko tayong dalawa lamang ang tao sa mundo. Nawala ang ingay. Nawala ang lamig at lungkot sa dibdib. Huminto ang buong paligid. Isa lamang ang hindi—ang puso ko. Ang bilis ng tibok nito.
"Pwede mo namang hinitaying tumila ang ulan, 'e."
Naistatwa ako sa lamig ng boses mo. Nakatitig ka lamang sa'kin na parang hinihintay ang sasabihin ko. Napatingin ako sa sarili ko. Bigla akong tinamaan ng hiya nang mapagtanto ko ang aking itsura. Mukha akong basang sisiw. Imbes na magtaka, ngumiti ka lamang sa'kin. Hindi ko alam kung ilang beses nang nangyari ito ngunit napatahimik na naman ako. Gusto kong magsalita. Gusto kitang kausapin pero parang umatras bigla ang aking dila. Hindi ko alam kung paano sabihin ang mga salita. Hindi ko kayang magsalita.
Kinuha ko ang payong sa iyo atako na ang humawak nito. Isang ngiti lamang ang isinukli mo sa akin. Sandali tayong nagkatitigan na pawang pinapakiramdaman ang isa't isa. Patuloy pa rin sa pagbagsak ang ulan. Ganitong-ganito ang mga eksenang bumibenta sa pelikula.
"Ano nga palang pangalan mo?" tanong mo.
Kabado man ngunit hindi ko na pinalampas ang pagkakataong ito.
"Donne," sagot ko. "Ako si Donne."
Inilahad ko ang kamay ko at masaya mo naman itong iniabot.
"Vanessa."
Naghawak tayo ng kamay at nagngitian sa isa't isa. Hindi mo alam kung ilang beses kong hiniling na sana ganito lang tayo palagi.
"Masaya akong makilala ka," dagdag mo pa.
Nagsimula na tayong maglakad. Malapit na pala tayo sa sakayan kaya't bahagya kong binagalan ang aking mga hakbdang. Kung kaya ko lamang pahabain ang daang ito gagawin ko. Gusto kitang makasama pa ng matagal.
Simula pa lang nakuha mo kaagad ang loob ko. Unang tingin ko pa lang s aiyo alam kong iba ka sa kanila.
"Sinadya mo ba iyon?" tanong ko bigla. Hindi ko na mapigilan ang aking sarili na halungkatin ang ginawa mong pag-iwas sa akin kanina sa simbahan.
"Ang alin?"
"Kanina," tukoy ko. "Hindi ka man lang tumingin sa gawi ko."
Nanahimik ka lang at umiling. Pinili mong hindi sagutin ang aking tanong kaya't hinayaan na lamang kita. Ngunit nang tuluyan tayong makarating ng sakayan, bigla kang nagsalita.
"Pinilit ko ang sarili kong hindi ka tingnan kasi hindi ako makapaniwala," sambit mo.
Kumunot ang aking noo. Hindi kita maintindihan.
"Hindi makapaniwala saan?"
"Na tingnan mo ako. . . na nakikita mo ako."
Lalo akong naguluhan.
Imbes na sumagot, mabilis kang nagpaalam sa akin dahil may pupuntahan ka pa. Pinahiram mo pa sa akin ang payong mo ngunit tumanggi ako. Kaso sobrang mapilit ka kaya sinabi mong hindi ka aalis kapag hindi ko ito tinanggap. Kung tutuusin, ayaw ko rin namang umalis ka pero binabagabag ako ng mga tingin mo. Sinasabi nito na kapag nagkasakit ako dahil sa katigasan ng ulo ko ay malalagot ako sa iyo.
"Huwag na. Hindi ko na kailangan ng payong. Tingnan mo, basa na kaya itong suot ko."
Ilang beses kong sinabi iyon hanggang sa bigla mo akong tiningnan ng masama. Ngayon lamang kita nakilala ngunit nababasa na kaagad kita. Nababasa ko ang pinapahiwatig ng iyong mga tingin. Hindi ako sigurado pero parang nag-aalala ka sa akin. Sa huli, tinanggap ko na lamang ang payong mo, kasabay ng pagtanggap ng puso ko sa iyo.
Nakangiti ka pero ako naman itong nag-aalala. Nag-aalala na baka magkasakit ka. Hindi pa rin tumitila ang ulan kaya nagulat ako nang bigla kang lumusob at tumawid papunta sa kabilang bahagi ng daan. Hindi ako makapagsalita at natuod lamang ako sa aking kinatatayuan. Humigpit ang aking hawak sa payong na ibinigay mo.
Kitang-kita ko kung paano ka nababasa ng ulan. Kitang-kita ko kung paano nababsa nito ang buhok at balikat mo pero sa halip ay itinaas mo lang ang dalawa mong hinlalaki upang ipakitang ayos ka lamang.
Natigilan ako. Paano ka naging ayos lang? Gusto kitang puntahan para mabatukan kita dahil sa mga pinanggagawa mo kaso parang nabato ako sa aking kinatatayuan nang bigla kang ngumiti at kumaway sa'kin. tinitigan lang kita. Bakit ang saya mo? Bakit masaya ka?
Nakita kong naglaka ka na palayo. Habang tinitingnan kita mula sa malayo, hinihiling ko na sana ako ang dahilan ng kasiyahan mo. Pinanuod lang kita hanggang sa hindi na kita matanaw pa. Napangiti na lamang ako nang hindi namamalayan. Makikita uli kita bukas. Bukas, bakit bukas pa?
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro