Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1: Una

UNANG GABI

NAPAAYOS ako ng upo nang kurutin ni Mama ang aking tagiliran. Impit akong napadaing sa sakit at marahas ko siyang nilingon. Kaagad na sumalubong sa akin ang galit niyang mukha.


"Huwag kang matutulog," gigil niyang sabi.


Humikab ako. "Ma, umuwi na lang kaya ako?"


"Hindi! Manahimik ka riyan."


Napabuntong hininga na lamang ako at pinunasan ang gilid ng aking mga mata. Pinilit kong muling humarap sa altar. Kasalukuyang nagho-homiliya ang pari na hindi ko alam ang pangalan. Hindi ako interesado sa mga ganitong bagay dahil hindi naman ako naniniwalang may Diyos. Nadamay lamang ako sa pagiging relihiyoso ni Mama. Pinili ko na lamang pag-aralan ang paligid upang aliwin ang aking sarili. Maraming tao. May iilan na nakikinig at mayroon ding nilalabanan ang antok. May iba ring hindi na kinaya at napaidlip na lamang nang hindi namamalayan.


Muli akong bumuntong hininga. Hindi ko maintindihan kung bakit tuwing madaling araw ginaganap ang simbang gabi. Paanong naging gabi ang madaling araw. Ang sarap-sarap pa ng tulog natin tapos iistorbohin tayo. Suki na talaga si Mama ng simba. Noong isang araw nagkaroon kami ng kasunduang tataasan niya ng limang-daan ang allowance ko sa susunod na taon kung makukompleto ko ang siyam na gabi ng Simbang gabi. Ayaw ko sanang patulan ang mapanukso niyang alok kaso wala namang mawawala sa akin kung susubukan ko rin.


Ngunit, unang gabi pa lamang, inaantok na ako. Gusto kong aliwin ang sarili ko upang matunaw ang aking pagkaantok at bagot. Hindi naman ako maaaring mag-cellphone na lamang habang nagsasalita ang pari dahil siguradong labing dalawang bersikulo ng sermon ang aabutin ko kay Mama.


Pinaglaruan ko na lang ang dala kong lalagyan ng tubig upang maiwasan ang antok ngunit nang magsawa ako sa aking ginagawa, bumabalik ako sa pagmamasid sa mga tao sa loob ng simbahan. Napako ang aking tingin sa isang babaeng nakaupo sad pinakasuluk-sulukan ng lugar. Nakasuot ito ng uniporme. Napagtanto kong pareho kami ng paaralang pinapasukan dahil hawuig nito ang paldang isinusuot ng mga babaeng estudyante sa paraalan namin.


Nakatalikod siya sa akin dahil nasa likurang bahagi lang kami nakaupo ni Mama. Nakalugay ang kaniyang mahabang buhok na may kulot sa dulo. Bumaba ang aking tingin. Napansin kong naka-rubbershoes siya. Ngumiti ako nang hindi namamalayan. Bago iyon sa aking paningin. Ngayon lamang ako nakakita na pinarisan ang kaniang uniporme ng rubbershoes sapagkat bawal iyon. Karaniwang naka-itim na sapatos at puting medyas ang mga babae sapagkat palagi iyong sinusuri ng guwardiya ng paaralan namin. Hindi ko akalaing maganda rin pala ito tingnan.


Naputol ang aking pag-iisip nang bigla akong siniko ni Mama. Doon ko lamang din napagtantong humahagikhik na pala ako habang nakatingin sa suot ng babae. Ngumisi lamang ako kay Mama upang ipakitang maayos lang ako. Bumalik ang atensyon ni Mama sa pakikinig kung kaya't muli ko na ring sinulyapan ang babaeng nakaupo sa 'di kalayuan. Kung tatansiyahin, hindi ito masyadong matangkad. Baga-leeg ko lamang siya. Maganda siya kahit nakatalikod lang. Bigla rin tuloy akong nanabik na makita ang itsura nito.


Nagulat ako nang bigla siyang lumingon sa aking direksyon. Aksidenteng nagtagpo ang aming mga tingin. Bigla siyang napatigil at tinitigan ako nang mabuti, bagay na ipinagtaka ko. Kumurap ako. Bumilis ang pintig ng aking puso at halos hindi ako makakilos. Nilabanan ko ang aking kaba at tiningnan siya nang diretso. Kumurap siya saglit ngunit hindi pa rin niya pinuputol ang tinginan naming dalawa hanggang sa isang matamis na ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi.


Nabalik ako sa reyalidad nang marinig kong nagsalita si Mama.


"Peace be with you, anak." Bati niya sa akin at sa iba pang katabi namin. Hindi ko siya sinagot at nanatiling nakatuon pa rin ang aking atensyon sa babae hanggang siya na mismo ang umiwas ng tingin upang batiin rin ang mga taong katabi niya sa upuan.


Parang binuhusan ako ng malamig na tubig sa aking kinauupuan. Hindi ko mawari kung ano itong aking nararamdaman gunit sa mga oras na iyon, alam kong nilayasan na ako ng antok at pagkabagot. Alam kong sisipagin na akong magsimba tuwing umaga. Hindi ko man matukoy ngunit alam kong may kakaiba sa babaeng iyon. Iba siya.


Hindi ko akalaing ang unang gabi ng simba ay ang unang beses ring nakita kita.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro