| 1 | How Do You Heal a Broken Heart?
Chapter Theme: Sana'y 'Di Nalang by Bandang Lapis
CHAMUEL
A TWO-YEAR relationship seemingly turning into dust over a night. Things happened fast, and I didn't have the capability to stop it even if I tried. Hindi ko kayang pigilan ang pag-alis ng isang tao sa buhay ko kung pursigido na talaga siyang putulin ang relasyon namin.
Maaliwalas ang hangin sa parke. Kahit papaano, napapagaan nito ang loob ko. Humigpit ang pagkakahawak ko sa swing, binabalikan ulit ang nangyari ilang araw pa lang ang nakalilipas. Ito nanaman. Maninikip ang dibdib ko. Bubugso ulit ang luha sa mata ko. Pagtitinginan nanaman ako ng mga batang naglalaro at huhusgahan ng kanilang mga magulang. Baka bukas may ibalita sa TV na may caption: Isang lalaki, nakitang tumatawa mag-isa habang luhaan sa isang parke sa Laguna, nahihibang na.
Humagikgik ako sabay singhot. Hindi ba pwedeng coping mechanism ko lang tawanan lahat ng pinagdadaanan ko? Dalawang taon ang ginugol ko sa relasyon namin. Ang dami kong ibinigay sa kanya. Sobra-sobra pa nga. Sa huli, napunta lang sa wala. Bakit? Dahil sa walang-hiyang lalaki niya.
Lagi niya iyon kinekwento sa'kin. Madalas, ipinagkukumpara pa kaming dalawa. Ayos sana kung ako ang angat sa kwento niya, pero hindi. Laging yung ipagpapalit niya ata sa'kin. Mas matangkad, mas may itsura, mas mayaman, mas matalino, mas malinis, mas matino, at marami pang iba.
Napapagod na akong pakinggan iyon. May pagkukulang ba sa'kin? Hindi pa ba sapat yung mga binigay ko sa kanya? Ganito ba talaga kapag galing break up? Nagiging sad boi?
Pinunasan ko ang luha ko. Ngunit, bumabalik talaga sa alaala ko ang lahat nang pinagsamahan namin. Sa dalawang taon na iyon, yung huling pagkikita namin ang pinakatumatak sa'kin.
"Keith. Magbreak na tayo," diretsuhang sabi ni Aimee sa'kin. Magkatabi kaming dalawa sa isang bench sa tambayan ng Maximillian University, malapit sa building ng College of Business and Accountancy.
Natameme ako. Ilang segundo ang lumipas bago ako makapagsalita. "Ha ha! Prank ba 'to, Aimee? Muntik mo na akong mapaniwala do'n, ah?" kunyari pa akong humalagpak sa tawa.
Seryoso ba siya...? Bakit...? May nagawa nanaman ba ako...?
Inangatan niya ako ng kilay, hawak ang selpon niya sa kanang kamay. Kanina niya pa iyon hawak simula nung nagkita kami sa building niya. Dinayo ko pa siya mula sa College of Health Sciences, yung building ko, na ilang metro rin ang layo. Malawak ang unibersidad, kaya hiwa-hiwalay ang building ng bawat college department.
"I'm not joking, Keith. Let's break up." Kinuha niya ang bag niya mula sa bench, akmang tatayo pero hinawakan ko ang braso niya. Hindi ako makahinga ng maayos. Seryoso ba talaga siya?
Aimee.... 'wag naman ganito....
Inis niyang piniglas ang braso niya, iritang tumingin sa'kin. "And please, don't beg again. Sasayangin mo lang oras ko. At pagod na ako sa pagiging immature mo. Buti pa si Leon..." she trailed off.
'Yan nanaman...?
"Ano bang meron sa kanya na wala ako, babe?" napakagat ako sa labi ko. Kung hindi ko ito ginawa, baka tuluyan nang nagpakita ang tunay kong nararamdaman.
Pucha. Ang sakit sa dibdib. Ayaw ko sa paraan ng pagtingin niya sa akin. Dati, tuwang-tuwa pa siya kapag nakikita ako. Ngayon, inis at pagkamuhi ang tingin niya sa'kin. Hindi ko maintindihan. Ano bang nagbago? Dumating si Leon sa buhay niya? Sino ba kasi 'yon? Leon, Leon, Leon. Puro na lang Leon!
Umirap siya. "He's not desperate, Keith. He's also not irritating. Hindi kagaya mo. Kaya please, tigilan na natin ito. Hindi rin maganda sa'yo na manatili sa relasyong ito kasi ikaw na lang ang nagmamahal. Hm? Have some self-respect din." Those were her final words before she left me.
Relasyong ako na lang ang nagmamahal? Anong ibig mong sabihin, Aimee? Hindi mo na ako mahal?
Unti-unting bumuhos ang luha ko. May ilan pang nagtanong sa'kin kung ayos lang ako, nakita rin siguro ang eksena. Hindi. Hindi ako okay. Sino bang magiging okay pagkatapos no'n?
"Aimeeeee!!!!" hagulgol ko.
"Mommy! Nababaliw nanaman po si kuya," sumbong ng isang batang babae sa nanay habang nakaturo sa'kin. Hindi ko na lang pinansin dahil masisira ang pagd-drama ko.
"Cha!"
"Cha!"
"Chamuel Keith!"
Umangat ang tingin ko sa harap. Lumabo ang mata ko dahil sa luha kung kaya't hindi ko maaninag ang taong tumatawag sa'kin. Ngunit, sa tagal ng pinagsamahan namin, imposibleng hindi ko pa siya makilala. Kahit hibla lang ng buhok niya ang makita ko, malalaman ko agad na siya iyon.
Tumigil si Raphael sa harap ko, kunot ang noo at nakababa ang tingin sa'kin. "Hoy! Mukha kang baliw diyan!" Hinawakan niya ang braso ko at sinubukan akong paalisin sa swing. "H'wag ka rito magdrama. Nakakahiya sa mga tao rito," Hinatak niya ang braso ko, pero hindi ako nagpatinag.
Yinakap ko ang chain ng swing at sinamaan siya ng tingin. "Akin 'tong swing! Do'n ka sa kabila kung naiinggit ka!" Nginuso ko yung katabing swing na may batang gumagamit, mapanghusga ang tingin sa'min. Iba talaga mga bata ngayon, judgemental.
"Cha!" pinandilatan niya ako ng mata. Para siyang magulang na pinagsasabihan ang anak. Ito naman si Papa Raphael, pinapaalis pa ako sa swing.
"Raph. Hindi ba pwedeng magdrama rito? Porket masaya ka sa lovelife mo, e..." ngumuso ako.
Nakakainggit silang dalawa ni Orion. Saan ba ako makakaranas ng ganoong pagmamahal? Yung ako lang ang nasa puso niya at wala nang iba? Gano'n ako kay Aimee, pero iniwan niya pa rin ako. Baka hindi naman iyon ang sikreto.
Sumilip ako sa likod ni Raphael, maluhaluha pa rin. "Asan pala yung darling mo? Hindi mo kasama?" Lagi 'yon nakasunod sa kanya, e.
"Ayun, oh," lumingon siya at tinuro ang bench hindi kalayuan sa'min. Nadatnan ko roon si Orion, nakikipaghalubilo sa mga bata, tuwang-tuwa dahil pinapakitaan pa siya ng mga ito ng magic tricks. Mapapaisip ka na lang talaga kung sino talaga yung bata, e.
Ngumuso ako. "Hindi ba siya concerned sa'kin? Bakit andoon siya at wala rito? Hindi na rin ba ako worth ng time niya?"
Pare-parehas lang talaga ang mga tao sa paligid ko.
"Andoon siya kasi tinawag siya nung mga bata. Naging kaclose na niya mga 'yon dahil sa dalas naming tumambay dito. Kilala mo naman 'yan, hindi makatiis sa bata. Kaya tignan mo, nung nakita ka, tinigil agad kotse para mapuntahan ka," sabi niya. Tinanaw niya si Orion mula sa malayo, may ngiti sa labi habang pinapanood itong makipaglaro sa mga bata.
"Papuntahin mo na rito. Isusumbong kita kasi inaaway mo nanaman ako. Heartbroken na nga yung tao," Suminghot ako. Hanggang doon lang kaya kong gawin dahil wala akong panyo.
May kinuha si Raphael sa bulsa niya at linahad ito sa'kin. "Ano 'yan?"
"Panyo 'yan. Pinampupunas sa sipon," sarkastiko niyang sabi.
Ah, panyo. Kinuha ko ito at siningahan. "Labhan ko sa bahay ta's ibalik ko sa'yo."
Lumukot ang mukha niya. "Kahit 'wag na. Sa'yo na 'yan. Kakailanganin mo 'yan kasi alam kong ilang linggo ka ulit iiyak dahil sa break up niyo ni Aimee." Mabait talagang kaibigan itong si Raphael. Maasahan mo kapag may problema ka, o kapag may pinagdadaanan.
Ilang minuto kaming tahimik. Tanging ang naririnig lang ay ang mahihina kong hikbi at ang pagsinga ko paminsan-minsan. May interval, e. Every 30 seconds kailangan suminga.
"Ayos na kayo?" Naglalakad patungo sa'min si Orion, nakangiti kaya kita ang dimples niya. Lumiwanag lalo ang paligid nung dumating siya. Siya rin mismo ay lumiwanag, natatapatan ng palubog na araw ang mukha.
Sa itsura niya talaga nakuha si Raphael. Hindi man niya aminin, pansin ko na mahilig siya sa maamo ang itsura na maganda ang ngiti. Kaya nga niya ako nagustuhan. Kaso, mas maganda talaga ngiti ni Orion. Walang makakatalo. Nung dumating siya, parang nabura lahat ng kalungkutan ko dahil kay Aimee— Pucha! Naalala ko nanaman! Banned na dapat ang pangalan niya! Dapat nakacensored!
Agad namang pumunta sa harap ko si Orion, nakaluhod at nakaangat ang tingin sa'kin. Hawak niya rin ang magkabilang chain ng swing. "You want me to buy you ice cream?"
"Pft," nagpigil ng tawa si Raphael. "Hindi 'yan bata, Rye. Paalala lang, ah? Damulag nga lang," Humalgpak siya sa tawa sa gilid. Umiiyak na ang bestfriend, inaasar pa. Hindi siya ganyan sa'kin dati.
"Binibilhan din naman kita ng ice cream kapag sad ka. Does that mean na damulag ka rin?" mapang-asar na ngumiti si Orion. "Hmm? Damulag ko sounds better."
At talagang nagharutan pa sa harap ko. Hinayaan ko na lang. Linibre nila ako ng ice cream, e. Tig-isa sila kaya dalawa ang hawak ko ngayon. Tinawag pa nila akong anak nung binigay nila sa'kin ito. Inside joke nila 'yon na hindi ko alam kung paano nila nakuha. Siguro dahil ako ang bunso sa'ming magkakaibigan?
。✧:˚*:・。。・:*˚:✧。
"CHACHA Brokenhearted ulit?" tanong ni Ate Chichay pagkarating ko sa bahay. Siya ang panganay sa'ming tatlong magkakapatid. Kagaya sa circle of friends ko, ako rin ang bunso rito.
"Hindi na ako bata para tawagin mong Chacha. College na ako, ate. College!" giit ko, nanginginig pa ang boses dahil galing lang sa pag-iyak. Palibhasa, ayaw niyang siya lang ang pangit ang nickname. Charmaine ang pangalan, tapos ang nickname Chichay.
Malawak siyang ngumiti at linapitan ako, kinulong sa kaniyang bisig, nanggigigil. "Kahit 80 ka na, baby Chacha ka pa rin namin." Ginulo niya ang buhok ko. Sinubukan kong pumiglas pero mas hinigpitan niya lang ang pagkakayakap sa'kin. Hindi ako makahinga! Barado na nga ilong ko dahil sa sipon, tapos dumagdag pa siya.
"Masakit pa ba, baby Chacha?" Nagbaby talk pa talaga.
Hindi na ako nanlaban. Hinayaan ko na lang na yakapin niya ako, tinatapik-tapik ang likod ko. "Syempre, ate. Mahal na mahal ko 'yon, e."
Bumalik ulit mga luha ko. Akala ko tapos na. Mukhang tama si Raphael. Ilang linggo ko ulit siya iiyakan. Tambay din ako sa social media niya na puro shared post lang tungkol sa lovelife.
I want a man who can ... chuchu. Scinroll ko na paalis doon dahil hindi ko na gustong makita ang iba niya pang shinare. Karamihan doon ay parang pinaparinggan ako. Nagkulang ba talaga ako? Binigay ko iyan lahat sa kanya. Siguro nga hindi pa iyon sapat. Kung sapat na ako, hindi siya maghahanap ng iba, hindi niya ako ipagkukumpara.
Leon. Sino ba yung mokong na 'yon? Ayon sa mga kwento ni ano, angat siya sa'kin sa lahat ng aspeto. Siguro masaya na si ano dahil pwede na niyang habulin yung Leon na 'yon. Malaya na siya.
Hindi ko na natiis ang kuryosidad ko. Sinearch ko ang pangalan niya sa friend list ni ano. Kaso... wala. Puro sa Leo lang may lumalabas. Tanging pangalan lang niya ang alam ko, hindi ang apelyido.
Napabuntong-hininga ako at napahilamos ng mukha. Ano ba 'tong ginagawa ko? Mas mainam na sigurong hindi ko alam ang itsura niya. Baka maramdaman ko lang lalo kung gaano siya kaangat sa'kin... at kung gaano ako kawalang-kwenta sa kanya.
Umiling ako. Hindi ko na dapat muna 'yon isipin. Kailangan ko ng distraction. At hindi ako binigo ng universe. Tumambad sa akin ang chat ni Raguel sa group chat namin. Nag-aaya. Ito na siguro ang distraction na hinahanap ko. Kung ayaw kong mabroken-hearted lalo, kailangan kong ituon ang atensyon ko sa iba.
MAXX KENDI
aKu i2 si r4g1L:
Cno free sa sat?
Rye:
I'll make time. Hindi naman ako masyadong busy.
Banana Chacha:
Free na free ako mga brad 🤩🤩🤩
GABi ng lagim:
Single era na ni Chamuel kaya free na siya lagi 😂
Raphael reacted 🤣 to Gabriel's message
Banana Chacha:
🥲🥲🥲
Raph:
@Chamuel 'Wag kang iinom. Baka magdrunk text ka nanaman.
Banana Chacha:
Sige 'ma 🙂
aKu i2 si r4g1L:
Mkpnta kau?
Banana Chacha:
Free rin ba yung pagkain??
aKu i2 si r4g1L:
Uu
Michael:
Makakapunta ako
aKu i2 si r4g1L:
Ksma rin fam k
Banana Chacha:
Ano ba meron?? Hehehe
Rye:
Birthday niya 😅😅😅
Banana Chacha:
Ay advance happy birthday bro!! 🎉
GABi ng lagim:
Yan kasi puro gf nasa isip, nalilimutan na kami
Yung isa rin diyan puro bf inaatupag
Orion reacted 🤐 to Gabriel's message
Hinawi ko ang buhok ko patalikod, nakatitig sa mensahe ni Gabriel. Bumalik sa alaala ko ang mga nakaraang buwan. Ilang beses akong tumanggi sa mga gala kasama sila dahil inuuna ko lagi si Ai- she who must not be named. Imbis na piliing ilaan ang oras ko sa sarili kong mga kaibigan, mas ginusto kong makasama si ano sa mga gala niya at ng barkada niya. Naging parte na rin ako ng barkadang iyon, ngunit hindi ko naramdaman na buo ang pakikisama nila sa'kin. Parang napipilitan lang dahil kasintahan ako ni ano.
Bakit ko nga ba mas piniling sumama sa mga taong hindi totoo sa'kin, kaysa sa mga kaibigan kong tunay na nagmamahal sa'kin? Masyado nga ata akong nabulag sa pag-ibig. Sa sobrang pagkabulag, hindi ko namalayan na ako na lang pala ang nagmamahal. Awts. Sad boi nanaman.
。✧:˚*:・。。・:*˚:✧。
SUMAPIT ang Sabado. Ilang araw ko rin pinag-isipan ang ireregalo ko kay Raguel. Mayaman na kasi iyon kaya lahat ng gusto niya, paniguradong makukuha niya. Humingi ako ng tulong kay Orion dahil sila ang pinakamalapit ni Raguel. Iyon nga lang, sumama rin sa'min si Raphael kaya naging anak-anakan nanaman ako ng dalawa. Ayos na rin dahil alagang-alaga ako. At kahit papaano, nawawala sa isip ko si ano kapag andiyan sila.
"Ba't ganyan suot mo?" kunot-noong tanong sa akin ni Raphael at tinuro ang damit ko. Bumaba ang tingin ko sa suot. Ayos naman, a?
"Pogi ko ba?" Linagay ko ang kamay sa ilalim ng baba at nagpogi sign habang nakangisi. Inismiran niya ako. Ganoon din si Michael na naka-upo sa sofa namin habang umiinom ng orange juice na hinanda siguro ni mama.
Maayos ang porma nila. Naka-white sweater long sleeves at black slacks si Raphael, habang si Michael naman ay naka-navy blue na polo shorts at khaki na pants. Walang-wala ang porma nila sa'kin na naka-light gray na hoodie at maong na pants. Binili ko ito dahil may nakasulat pa sa likod na motivational quote: Don't trip over what's behind you.
Tumalikod din ako at ipinagmayabang ito. "Nakaka-inspire, 'di ba? Maiinspire rin si Raguel kapag nabasa niya 'to!"
Lumipat ang tingin ko sa pintuan nang pumasok doon si Orion. Parehas pa talaga ng suot. Hinalikan niya sa pisngi si Raphael bago kami binalingan ng tingin.
Napangiti si Orion at tinuro ang hoodie ko. Nakatalikod pa rin ako kaya nabasa niya ang nakasulat dito. Nagthumbs-up siya sa'kin. Kuhang-kuha talaga ni Orion ang mga trip ko sa buhay.
"Hindi ba dapat magpalit 'yan?" Tinuro ako ni Raphael. Para namang nagsusumbong sa asawa dahil hindi nagustuhan ang suot ng anak.
"That's okay. Wala naman dress code na sinabi si Raguel," nakangiting sabi ni Orion.
"Pero formal—"
"It's fine, hm? His parent's might even appreciate the thought behind his hoodie." Ginulo ni Orion ang buhok ni Raphael, malambot ang tingin sa kanya na kunot pa rin ang noo.
Ganyan din ako dati kay ano kapag nagtatampo siya sa'kin, e. Mas nagiging clingy din ako, kaso naiirita lang siya.
Sinubukan kong alisin sa isip ko ang mga alaala na bumabalik nanaman sa'kin habang nasa biyahe. Nasa likod kaming dalawa ni Michael, habang si Raphael ay nasa tabi ni Orion na nagd-drive. Isa sa mga reklamo ni ano sa'kin ay wala akong kotse. Si Leon? Meron. Lahat naman ng wala ako, meron 'yon.
Nabura ang mga alalahanin ko pagkarating sa malaking compound nila Raguel. Umawang ang labi ko sa pagkamangha. May monumento sa entrance na nakasulat ang 'Ricaforte Compound'. Katabi no'n ay isang maliit na guardhouse na mayroon din sa kabilang dulo. Pagkapasok, may madadaanan kang nakahilerang mga halaman sa dalawang gilid bago ka salubungin ng tanawin ng ilang mga mansyon. Parang isang subdivision na rin ang laki nito.
Dapat nga siguro mas inayos ko ang suot ko. Baka magmukha lang akong hampaslupa na pumunta para sa libreng pagkain. Talaga naman.
"Baka tumulo laway mo," monotonong sabi ni Michael habang nakatingin sa'kin. Sinarado ko ang bibig ko. Magmumukha akong isang mangmang kapag pagkababa ko sa kotse, nakaawang pa rin ang labi ko.
Tumigil ang kotse malapit sa isang mansion. Hindi kami makakapark sa tapat no'n dahil may ilan nang kotseng naroon. May mga bisita na rin doon, nagkkwentuhan sa malawak na hardin sa harap ng mismong mansion. Napansin ko na ang ilan doon ay casual lang ang suot kagaya ko. Ngunit, ang mga estado namin sa buhay ay paniguradong magkaiba. Nabili ko lang ang hoodie ko sa isang online shop, habang sila nakuha nila sa isang mamahaling brand. We're not the same.
Tumama ang tingin ko sa isang lalaking ilang metro ang layo sa'kin. Nakatayo siya sa may porch, nakasandal ang braso sa railings habang may hawak na glass na may laman na juice. May kasama pa siyang isang lalaki na kinakausap siya pero nanatili sa'kin ang mata niya.
Sobrang linis ng itsura niya, kahit kagaya ko lang siyang nakasuot ng gray na hoodie at maong pants. Gawa ito ng kanyang makinis na mistisong balat at buhok niyang nakasuklay patalikod. May katangkaran siya at paniguradong may bisig din ang katawan. Kahit sa malayo, ramdam ko ang mabigat na awra niya. Yung paraan ng pagtingin niya sa'kin, sobrang seryoso na nakasalubong na ang kilay niya. Parang may galit tuloy sa'kin. Sayang ang kagwapuhan niya kung laging seryoso. O baka gwapo lang kapag malayuan?
Hindi bale. Mamaya titignan ko siya ng malapitan para makumpirma kung gwapo nga. Sana hindi. Hindi ako makapapayag na mas gwapo siya sa'kin, lalo na't parehas pa kami ng suot at baka makumpara.
Binawi ko na ang tingin ko, pero ramdam ko na nasa akin pa rin ang tingin niya. Ano bang meron? Napansin niya rin siguro na parehas kami ng outfit. Ayaw niya ba kapag gano'n? Hindi naman kami babae para mabother doon.
"You're here," salubong sa amin ni Raguel at isa-isa kaming yinakap.
Linipat ng lalaking kaparehas ko ng suot ang tingin kay Raguel. Nagpaalam siya sa kausap niya bago umalis at naglakad patungo sa kinaroroonan namin. Nang mapansing nasa kanya ang tingin ko, kinunutan niya lang ako ng noo bago ibaling ang tingin kay Raguel.
"Aiden," tawag nito sa first name ni Raguel. Liningon siya ni Raguel na binati rin siya ng yakap. One-sided lang yung yakap dahil nanatili lang nakatayo yung lalaki roon na parang estatwa. Seryosong-seryoso pa rin ang itsura. Iyon lang ba ang alam niyang emosyon?
Kumalas sa yakap si Raguel at binalingan kami ng tingin. "Si Sirius nga pala, if you remember," pakilala ni Raguel.
Binati siya nina Orion na mukhang pamilyar na sa kaniya. Matagal na silang magkakaibigan, e. Hindi malabo na kilala na rin nila ang pinsan ng isa't isa. Kami lang naman nina Raphael at Michael ang bagong salta rito. Sayang din at hindi nakapunta yung isa sa'min. Panigurado, magugustuhan niyang makita ang gwapong mukha ng pinsan ni Raguel.
"Uy! Pareho kayo ng outfit! Couple outfit?!" Tinuro kaming dalawa ni Jeremiel, nakatakip ang bibig at nagpapanggap na gulat. Nahiya naman yung tunay na naka-couple outfit.
Umangat ang kilay ng pinsan ni Raguel. Pinasadahan niya ako ng tingin, mula ulo hanggang paa, bago mahinang suminghal.
Anong problema nito? Huwag mong sabihing nabother talaga siya na parehas kami ng outfit kaya ang sama ng tingin niya sa'kin? Mas gwapo na nga siyang tignan sa outfit na 'to! Ano pa bang gusto niya?!
"Don't mind him. He have some loose screws," sabi ni Raguel sa pinsan at tinuro ang sentinido niya. Ibang-iba ang ugali niya kapag kami ang kasama. Hindi siya inglishero kagaya ni Orion, pero ganoon din pala siya sa pamilya niya. "Anyway, you're probably familiar with them and their crazy antics," binalingan niya ng tingin sina Jeremiel.
"I am." Bumaba ang tingin ng pinsan niya sa'kin. Ilang sentimetro ang tangkad niya kumpara sa'kin kaya bahagya akong nakatingala. "...but who's this?" tukoy niya sa'kin. Paniguradong bago rin sa mata niya si Raphael at Michael dahil ngayon lang kami nakapunta rito, kaya bakit ako lang ang pinansin niya? Yung outfit siguro.
Ngumiti ako. "Keith."
"Keith...?" naningkit ang mata niya. May pagkasingkit na nga, lalo pang pinasingkit.
"Chamuel Keith. Pinakapoging kaibigan ng pinsan mo," pakilala ko ulit sabay pogi sign. Siniko ako ni Raphael na bahagyang nakatakip na ng mukha.
Napaubo si Gabriel. "Mahiya ka kay Rye." Sinang-ayunan iyon ng iba pa naming kaibigan. Paano ba iyan? Walang-hiya ako, e.
Seryoso ang tingin sa akin ni Sirius. Naawkwardan ako sa tingin niya kaya naisipan kong magbiro.
"Bagay sa'yo pangalan mo, bro. Sirius. Sobrang seryoso ng tingin mo sa'kin, e," natatawa kong sabi. Inasahan kong gagaan din kahit papaano ang loob niya, kaso mas nagsalubong ang kilay niya. Napakamot na lang ako ng batok. "Joke lang. Hirap mo naman pasayahin."
Inalis na niya ang mata sa'kin at binalingan si Raguel. "You have interesting friends," he murmured. Tinapik niya ang balikat ni Raguel at tinanguan ito bilang paalam. Bago tuluyang umalis, bahagya siyang lumingon sa'min, ang isang dulo ng labi ay nakaangat, at binalik ang tingin sa harap.
Anong nginingiti-ngiti ng seryosong lalaking 'yon?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro