Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 3

Kyro's POV

Wala pang isang segundo pagkatapos sumigaw ang lalaki, agad ko siyang hinila mula sa pagkakahawak ni Draven at agad na niyakap ang babaeng dahilan kung bakit na-triggered ang lahat ng bisita. Lahat sila ay naging alerto. Alam ko kung paano mauhaw ang mga nakakasalamuha namin ngayon at alam ko rin ang kaya nilang gawin upang ma-satisfy ang kanilang pagkasabik sa naamoy. Ngayon na lamang ulit sila makaamoy ng sariwang dugo kaya hindi ko rin maaalis sa kanila na matakam.

Idiniin ko ang mukha ng babae sa aking dibdib upang hindi niya makita ang biglaang pag-teleport naming dalawa. Wala na akong ibang maisip na paraan para makalayo agad at maitakas siya mula sa mga matutulis na pangil na hindi magdadalawang-isip na ibaon ang mga ito sa saan mang parte ng kaniyang katawan. Kaya bago pa mangyari 'yon, inunahan ko na itong itakas sa kanilang lahat, lalong-lalo na kay Draven.

Kanina ko pa siya pinagmamasdan.

Malakas ang loob kong wala siyang kaalam-alam kung anong klaseng lugar ang napuntahan niya, hindi niya alam kung gaano kabangis ang mga nilalang na nakapalibot sa kaniya. Malamang sa malamang, hindi naman siguro niya nanaisin na ilagay sa panganib ang kaniyang buhay?

Madali ko lang siyang nakilatis dahil naamoy ko na agad ang kaniyang amoy pagkatapak niya palang sa mansyon. Ito ang isa sa kakayahan na ipinama sa akin, mas malakas ang aking pang-amoy kaysa sa ibang mga dugong-bughaw kagaya ni Draven. Isa pang mapupuna sa kaniya upang masabing hindi siya nabibilang sa amin ay dahil sa kaniyang kakaibang pananamit. Hindi siya nakaporma ng pangkaraniwang suotan namin. Hindi ko alam kung anong klase fashion style ang mayroon siya. Sobrang luwang ng kaniyang suot. Oversized shirt yata ang tawag doon. Narinig kong binanggit iyon ni Cassy sa akin, noong nagku-kuwento siya tungkol sa kaniyang nalaman tungkol sa pananamit ng mga ordinaryong tao.

Kahit pa may ideya na ako sa pagkatao niya, hindi pa rin mawala sa akin ang pagdududa kung sino ba talaga ang babaeng ito at paano siya nakarating dito sa aming Kaharian na lingid sa aming kaalaman? Hindi maaaring may makapasok sa lagusan na hindi namin kauri at lalong-lalo na kung ito'y isang tao. Mahigpit ang proteksyon na inilagay sa lagusang upang hindi kami lusubin ng kahit na anong klaseng nilalang, lalo na ang mga may lahing lobo. Kaya imposibleng makapasok siya rito lalo pa't walang pahintulot ng Hari.

Naging mabilis ang mga pangyayari.

Sa isang iglap, nawala kami sa hardin. Walang kahirap-hirap na nakarating ako sa aking silid kasama ang babae. Mabuti na lamang at naging mabilis ako sa paglaho bago pa malaman ng iba kung kanino nanggagaling ang malakas na amoy ng isang tao. Hindi rin nila pwedeng malaman na ako ang nagprotekta sa kaniya dahil baka kung ano pa ang isipin nila. Natatakot din akong makarating ito sa aming Amang Hari kaya kinakailangan ko ring bumalik sa piging para masiguradong mawala sa kanilang isipan ang kanilang naamoy.

Kailangan ko ring takasan ang pagdududa ni Draven.

Alam kong nakita niya na ako ang umagaw sa babaeng kanina ay hawak niya lamang. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin matapos ang pangyayari.

Naramdaman ko na ang pag-apak ng mga paa ko sa sahig. Sinadya kong maghinay-hinay lamang upang hindi siya magulat sa aming pagdampa. Narito na kaming dalawa sa loob ng aking silid. Wala na akong pwedeng puntahan maliban dito. Isa ito sa ligtas na lugar na maaari siyang itago dahil ako lamang ang may kakayahang makapasok dito. Walang sino man ang mag-aatubuling subukan na pumasok dito na wala akong permiso dahil maaaring ang kanilang buhay ang magiging kapalit ng pangingialam nila ng aking teritoryo.

Ilang segundo na ngunit nanatiling nakahilig pa rin ang ulo ng babae sa aking dibdib hanggang sa napagtanto niya ang nangyari.

Agad niya akong tinulak ngunit hindi ko pa rin inaalis ang pagkakahawak ko sa kaniyang braso. "B-Bitawan mo nga ako!"

Doon lang ako natauhan. Hindi ko pa pala siya binibitawan.

Dahan-dahan ko naman siyang binitawan. Muntikan na siyang matumba, mabuti na lang dahil nabalanse pa rin niya ang kaniyang tindig. Humakbang ito ng limang hakbang palayo sa akin.

Imbes na ipagpatuloy ko ang pagkilatis sa babae, mas inuna kong pumunta sa bintana ng veranda ng kwarto at palihim na bumulong sa hangin. Natanaw ko mula rito ang hardin kung saan dinaos ang kaarawan ni Draven. Para sa ikatatahimik ng lahat, kailangan kong mag-isip ng dahilan upang pagtakpan ang tungkol sa kanilang naamoy na sariwang dugo. Ipinadala ko ang mensahe sa emcee na ipagpatuloy ang kasiyahan at sinabing ang sariwang amoy ng dugo na kanilang naamoy kanina ay pawang mga handa lamang para sa piging. Inutusan ko ang isang tagapag-silbi na basagin ang mga bote ng red blood wine sa kusina upang palabasin na iyon nga ang kanilang naamoy at parte lamang 'yon ng surpresa na inihanda ngayong gabi.

Bumalik na ang malakas na tugtog ng musika. Pero may iba pa ring bisita na hindi pa rin mapakali at pilit na inaamoy ang nakakahalinang amoy ng sariwang dugo.

"Saan mo ako dinala? At teka nga, paano ako nakarating dito na hindi naglalakad?" Nagsimula nang magtanong ang babae.

Hindi ko agad sinagot ang mga tanong nito. Naglakad ako papunta sa lagayan ng aking mga damit at kinuha mula roon ang isang manipis na tela. Siniguro ko ring malambot ang klase ng tela na ito.

Bumalik ako sa harap ng babae, inabot ko sa kaniya ang tela na kulay itim.


"Ilagay mo ito sa iyong sugat," mariin kong utos.

Nagtataka man ay sinunod niya pa rin ang aking sinabi. Napansin niya rin kasing dumugo na ito at kailangan niyang pigilan. Inikot niya ang tela upang matakpan ang nagdurugo nitong sugat sa siko at braso. Pinunit niya ang sobrang tela upang may mailagay rin sa kaniyang binti.

Hindi niya alam na ang mga sugat na iyon ang magdadala sa kaniya sa panganib.

Nang matapos niyang ilagay ang tela, bumalik siya sa pagkakatitig sa akin.

Walang sino man ang nakakagawa nu'n sa akin. Walang sino man ang nakikipaglaban sa mga matatalim kong titig. Walang sino man ang sumubok na titigan ako nang ganoong katagal. Ang lakas ng loob niyang gawin ito sa akin. Paano niya maatim na makipagtitigan sa akin?

Hindi ko mawari kung bakit hindi ko siya kayang titigan nang matagal.

Napalunok ako.

Sino siya para makaramdam ako ng ganitong klase ng kahinaan?

Isa lamang siyang 'di hamak na babae na walang kamuwang-muwang kung anong klaseng nilalang ang kasalukuyang nasa harapan niya.

Naglakad ako papunta sa upuan upang maiwasan ang kaniyang mga titig. Bakit ako nagkakaganito? Bakit tila natitiklop ako sa mga binibigay niyang tingin?

Anong mayroon sa kaniya na hindi ko magawang saktan siya?

Sa paglabas ko palang sa malaking pintuan ng mansyon, alam kong may ibang nilalang na kaming kasama sa hardin. Naamoy ko agad ang kaniyang nakakahalinang amoy. Hindi siya puwedeng makatakas sa aking pang-amoy sapagkat kaming may dugong bughaw na bampira lamang ang may kakayahan na makatukoy kung may kakaibang nilalang kaming nakakahalubilo sa Kaharian.

Kaya naman nang makarating ako sa gazebo sa gitna ng hardin, agad kong hinanap kung kanino nagmumula ang amoy. Hindi nga ako nabigo nang makita ang babaeng nasa harapan ko ngayon. Sa una ay wala akong pakialam kung maamoy rin siya ni Draven, alam kong sa oras na malaman niya na hindi namin ito kauri, hindi siya magdadalawang-isip na paslangin ang babae sa harap ng mga bisita at gawing handa sa kaniyang kaarawan.

Ngunit nang mahanap ko siya at makita ang kaniyang maamong mukha na tila walang kaalam-alam, nagkaroon ako ng interes na ilayo ito sa naghihintay na panganib sa kaniya.

Hindi ko siya kayang patayin kahit pa alam kong siya'y hindi ordinaryong bampira. Nananalaytay sa kaniyang katawan ang dugo ng isang tao. Sa kaniya nanggaling ang kaninang sariwang dugo ng tao dahil sa kaniyang sugat na nahawakan ni Draven at hindi sinasadyang idiin ang kaniyang mga matutulis na mga kuko. Hindi ko maatim na kumitil ng buhay ng isang mortal na walang kaalam-alam sa mga nangyayari. Kung tutuusin, siya'y isang biktima lamang.

"Hello? Hindi mo ba ako sasagutin?" Lumapit siya at tumayo sa aking harap. "Kanina ko pa ho tinatanong kung nasaan ako?"

Umakto ako na hindi ako apektado sa kaniyang presensiya. Imbes na sa mata ko siya titigan, sa kaniyang noo natuon ang aking paningin upang hindi ako mawala sa pokus.

"Ikaw ay nasa aking silid," simpleng wika ko. Hindi ba halata sa paligid na nasa isang kwarto siya? Malaki naman ang kama ko para makita niya.

Nanlaki ang kaniyang mga mata at napaawang ang kaniyang bibig. "Ano? Nasa kwarto mo ako at kasama kita? Dadalawa lang tayong nandito?" Sa kaniyang tono, bakas na may halong malisya ang kaniyang iniisip. Napayakap pa siya sa kaniyang katawan, animo'y may gagawin akong masama sa kaniya. Kung mayroon man, hindi katulad ng kaniyang iniisip ngayon. Hindi ko siya hahalayin sapagkat mas padadaliin ko ang pagkawala ng kaniyang buhay.

"Ikaw na nga ang aking tinulungan, ikaw pa itong malakas ang loob na pagbintangan ako nang masama. Kung tutuusin, iniligtas ko ang iyong buhay."

Nagtaas siya ng kaliwang kilay. "A-Ano ang ibig mong sabihin?"

Ngumisi ako.

Naging mabilis para sa kaniya ang sumunod na nangyari.

Sa isang pagkurap niya ay nasa tabi na ako nito. Inilipat ko sa kaniyang tainga ang aking mukha. Naglabas ako ng mahinang pagtawa na nagbigay sa kaniya ng takot at matinding kaba. "Hindi mo nanaisin na malaman ang sagot sa iyong katanungan," mapanakot kong sagot.

Naglakad ako sa kaniyang likod at nang kumurap ulit siya, nakaupo na ako sa sofa na nasa harapan niya.

"Isa kang engkanto!" sigaw niya.

Napakunot ako ng noo sa salitang ginamit niya. At ano naman ang ibig sabihin ng engkanto? Anong klaseng salita ang ginamit niya? Hindi kaya't salita nilang mga tao na sila lamang ang nakakaintindi?

Tama nga ang hinala ko. Wala siyang kaalam-alam kung anong klase ng nilalang ang mga nakasalamuha niya kanina. Hindi niya rin alam kung ano ang puwede naming gawin sa kaniya. Wala siyang ideya kung sinu-sino ang mga nakatira sa Kahariang ito at kung ano ang kaniyang mapapala kapag nagkataon na malaman ng lahat na siya'y naiiba sa amin.

"Ikaw ay isang tao, tama?"

Lumayo siya mula sa akin. Ang kaninang tapang niya ay umatras. Natatakot man ay hindi niya pa rin pinapahalata. Nanatili siyang nakikipagpalitan ng matatalim na mga titig.

"Ano naman kung tao ako? Anong gagawin mo sa akin?"

Tumayo ako at naglakad palapit sa kaniya. Sa bawat hakbang ko papalapit sa kinaroroonan niya ang siya ring paghakbang niya paurong hanggang sa wala na siyang maihakbang pa sapagkat napasandal na siya sa pader. Nasa tapat na niya ako at wala na siyang magawa kung 'di harapin niya ako. Isinandal ko ang dalawang kamay ko sa pader. Na-corner ko na siya. "Alam mo bang mali ang desisyon mong pumunta sa aming lugar? Hindi ka dapat nagpunta rito. Ipinahamak mo lang ang iyong sarili. Dapat ay nanatili ka na lamang sa inyong mundo."

Napalunok ito. Siya naman ngayon ang hindi makatingin nang diretso sa aking mga mata. Kung saan-saan dumadako ang kaniyang paningin. Hindi siya mapakali na nasa harapan niya ako ngayon.

"Hindi ko ginustong makarating sa lugar na ito! Actually, nagulat na nga lang ako kanina na pagkabangon ko, nasa ibang lugar na ako. Hindi ko alam kung paano ako nakarating dito. Hindi ko alam kung paanong nawala ako sa Mount Puhon at sa isang iglap, nasa kakaibang mundo na ako."

"Mount Puhon?"

Tumango siya. "Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa akin, sana hindi na lang ako sumama sa mga pinsan ko sa pag-akyat sa bundok. Sana nasa bahay ako ngayon, nag-a-advance reading ng mga topics namin para sa Lunes. Kahit kulitin pa ako nila Chandria at Keith ay okay lang kaysa naman narito ako sa lugar na hindi ko alam at kaharap ang engkanto na gaya mo!"

Kung gayon, paano nga ba talaga siya nakarating sa aming Kaharian?

Matagal nang sarado ang lagusan patungo sa aming mundo. Kailan man ay walang ordinaryong tao ang nakapasok sa aming Kaharian. Ang lagusan ay hindi basta-basta nagpapapasok ng kahit sino, maliban na lamang kung ikaw ay may dugong bampira.

I shrugged my head. "Hindi, imposible!"

Inalis ko ang kamay kong nakasandal sa pader. Tinalikuran ko siya. Naglakad ako patungo sa pinto.

Napatigil ako nang maalala kung paano ko makukuha ang mga kasagutan kung hanggang ngayon ay hindi ko pa nalalaman ang kaniyang pangalan.

Humarap ako sa kaniya. Nanatili siyang nakatayo sa kinaroroonan niya kanina.

"Ano ang iyong ngalan?"

Nag-isip pa siya kung dapat ba niyang sabihin ang kaniyang tunay na pangalan ngunit kalaunan ay sinabi pa rin niya. "A-Amara."

Amara.

Hindi ko alam kung bakit pamilyar sa akin ang pangalan niya. Hindi ko maalala kung saan ko ito narinig.

Ipinagsawalang bahala ko na lamang. Nagpatuloy ako sa paglalakad papunta sa pinto. Isang tao lang ang naisip kong puwedeng makatulong sa sitwasyong ito. Siya ang kailangan kong lapitan.

"Wait, saan ka pupunta?" tanong niya.

"Huwag na huwag kang lalabas sa silid na ito kung ayaw mong mapaslang sa labas." Seryoso akong tumingin sa kaniya. "Aalamin ko kung paano kita maibabalik sa inyong mundo na hindi nalalaman ni Draven."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro