Part 2: WKMP
INAYOS niya ang kaniyang mahabang saya bago siya umupo sa pang-isang upuan sa tapat ng kaniyang pinsan. Kahit puno ng pagtataka ang kaniyang isip ay hindi niya nagawang magtanong kung bakit narito ang pinsan niyang nangangasiwa sa kanilang palasyo at personal siya nitong dinalaw.
Isa lang ang naiisip na rason ni Nicky. Marahil ay batid na nito ang sinapit ng kaniyang pamilya.
Hindi niya kayang tumingin sa kaniyang pinsan. Hindi niya alam kung bakit siya nahihiya rito, dati naman ay hindi siya ganito.
“Ano itong nabalitaan kong ginawa mo, Senyorita?”
Pananalita pa lang nito ay takot na siya. May bahid iyong pormalidad na minsan lang niya nakikita sa kaniyang pinsan. Hindi naman malamig ang pakikitungo nito ngayon pero nakararamdam siya ng takot.
Hindi muna siya sumagot. Wala naman siyang ginawa ah? Ano bang kasalanan niya?
Nakita niya itong tumayo at naglakad sa loob ng kuwarto. Nilibot nito ng tingin ang bawat sulok bago siya muling sinulyapan.
“Hindi ka aamin?”
“Anong aaminin ko? Wala akong ginawang masama, Prinsesa Tanya.”
Itinaas nito ang hawak na puting tungkod at itinutok sa kaniya. Ang ipinagtataka niya ay nagkulay dugo iyon, senyales na may kasalanan ang taong tinutukan nito.
“Sinungaling!” sigaw ng pinsan niya. “Paano mo ipapaliwanag ang gulong ginawa mo sa hacienda ng iyong Ama? Paano mo ipapaliwanag ang sunog na naganap sa gubat? Paano mo ipapaliwanag ang dugong nagkalat dito sa iyong kuwarto? Ha? Nicky?”
Muling lumapit ng dahan-dahan ang pinsan niya habang nakatutok pa rin sa kaniya ang hawak nitong tungkod. Dahan-dahan itong naglakad palapit sa kaniya. Bawat hakbang nito ay dumadagdag ng kaba sa kaniya.
Bakit ba siya kinakabahan? Wala naman siyang ginawang masama ah?
“Bakit mo ba itinututok sa akin iyang tungkod mo, Tanya? Naiirita na ako ah!” reklamo niya.
“Prinsesa itong kausap mo, ayusin mo iyang pananalita mo. Hindi ba dapat ako ang nagtatanong dito?”
“Ano bang ibig mong palabasin? Na ako ang punoʼt dulo ng lahat?” naiirita niyang tanong sa pinsan.
Ang tungkod na kulay dugo ay nagpalabas ng apoy na umikot sa buo niyang katawan. Napasigaw siya ng pagkalakas-lakas.
“Tanya! Hindi ako ang kalaban dito! Ano ba! Itigil mo nga ito,” muli niyang reklamo. “Hindi kita maintindihan. Hindi ba dapat tulungan mo ako? Pinsan mo ako, Tanya!”
“Wala akong pinsan na mamamatay tao. Hindi ko alam kung pamilya ba talaga kita o pamilya ka ng demonyo.”
“Tanya, tumigil ka. Hindi na ako natutuwa!”
“Akala mo rin ba natutuwa ako sa mga pinagagawa mo rito?”
Itinaas niya ang kaniyang kamay upang magpakalawa ng tubig, pero laking pagtataka niya dahil ni isang tulo ay walang lumabas doon.
“Hindi tatalab sa akin ang kapangyarihan mo,” tumatawang saad ng kaniyang pinsan.
“Nanalo ka na, ibaba mo ang tungkod,” walang gana niyang sagot dito. Bakit nga ba siya nakikipagtalo sa prinsesa?
“Bakit ako makikinig sa traydor na katulad mo!”
*****
Gulat siyang napatingin dito. Nanlaki ang kaniyang mga mata at nagsalubong ang kaniyang mga kilay.
“Anong pinagsasabi mo? Bakit mo nasabing ako ay traydor? Kailan man ay hindi ako nagtaksil sa kaharian, Tanya. Magpalabas ka ng patunay, bago ka magsabi ng kung ano-ano.”
Hindi niya maintindihan ang pinagsasabi ng pinsan niya. Hindi niya alam kung bakit nito nasabi na traydor siya. Napailing siya, pagkatapos ay sarkastikong ngumiti.
“Ako na nga ang nawalan, ako pa ang pagsasabihan mo ng traydor. Kaya ba ganito ka kung makipag-usap sa akin? Kaya ba pinalilibutan mo ako ng apoy? Iyan ba ang pagkakikilala mo sa akin, Tanya? Isang taksil?”
“Bakit? Hindi ba?”
Napailing siya at muling itinaas ang kamay pero bago pa niya maipalabas ang kapangyarihan ay nahawakan ng isang bakal na yari sa apoy ang kaniyang bisig. Napasigaw siya sa sakit.
“Tanya, ano ba! Itigil mo ito! Hindi ko alam iyang pinagsasabi mo! Hindi kita maintindihan. Itigil mo ito.”
“Bago kita pakawalan, ipaliwanag mo sa akin ang lahat. Bakit ka pumatay? Nakalimutan mo yatang isang malaking kasalanan iyon, Nicky.”
“Pinatay ko siya kasi kailangan. Kailangan kong pumatay upang malaman ang sagot, Tanya. Upang matunton ko kung sinong pumaslang sa aking Ina at Ama.” sagot niya sa tanong dito. “Ngayon, pakawalan mo na ako.”
Sa halip na sumunod sa usapan ang prinsesa ay tumawa ito.
“Akala mo ba ay maniniwala ako? Hindi mo ako maloloko, Nicky.”
Lumapit ito sa kaniya at hinawakan ang kaniyang baba. “Ano ang iyong totoong rason kung bakit ka pumatay?”
Nais niyang hawakan ang kamay ng pinsan upang alisin ang pagkakahawak nito sa kaniyang baba pero hindi niya magawa dahil dalawang braso na niya ang iginapos nito sa apoy.
“Wala akong ibang rason, ano ba! Hindi ko alam iyang pinagsasabi mo.”
“Ibahin natin ang tanong. Bakit mo sinunog ang gubat? Anong balak mo?”
Muli siyang napasigaw ng hinigpitan nito ang pagkakagapos niya. Ramdam na ramdam niya ang init na nagmumula sa apoy nito. Nagliliyab ang mga bakal na nakagapos sa kaniyang mga kamay upang hindi siya makagalaw.
Bawat pilit niyang makawala ay mas lalong humihigpit iyon at mas lalong umiinit.
“Wala akong balak sa pagsunog doon. Hindi ko iyon sinasadya. Itigil mo na ito, Tanya. Nasasaktan na ko, parang-awa mo na.”
“Walang balak? Alam mong maraming nagtatrabaho roon. Alam mong maraming tao na naninirahan sa gubat na iyon. Bakit mo sinunog?” sigaw nito sa kaniya. “Nicky, nag-iiisip ka ba?”
“Hindi ko iyon sinasadya.”
“Hindi mo sinasadya? Ang pagpatay mo sa iyong Ina at Ama, hindi mo rin ba sinasadya?”
Pakiramdam niyaʼy tumigil sa pagpitik ang kaniyang pulso. Pakiramdam niyaʼy nawala ang init na kanina ay tumutupok sa kaniyang katawan. Muli siyang sumigaw, hindi niya alam kung bakit siya sumisigaw. Pakiramdam niya ay kailangan niyang gawin iyon.
Itinaas niyang muli ang kaniyang kamay. Bakit niya nagawang itaas iyon? Kailan pa naputol ang bakal na kanina lang ay nakagapos sa kaniya?
Nagtataka siya kung bakit niya itinutok sa kaniyang pinsan ang naglalagablab na apoy na nasa kaniyang kamay. May balak ba siyang patayin ang kaniyang pinsan?
“Hindi!” sigaw niyang muli. Ano ba itong ginagawa niya? Hindi niya maintindihan ang kaniyang sarili.
“Labanan mo, Nicky. Labanan mo!”
Labanan? Anong lalabanan niya?
Hindi niya kayang kontrolin ang kaniyang kamay. Hindi niya kayang ibaba iyon upang hindi mailabas ang apoy na nagmumula sa kaniyang palad. Bakit? Bakit ganito? Bakit parang iba ang nagkokontrol sa kaniyang sarili? Ano itong nangyayari?
“Labanan mo, Nicky. Labanan mo ang demonyong nasa loob ng katawan mo. Iyan ang pumatay sa sarili mong mga magulang. Hindi iba ang kaaway mo rito. Kung hindi ang sarili mo mismo.”
Umikot ang kaniyang paningin nang marinig ang mga salitang namutawi sa bibig ng kaniyang pinsan. Totoo ba? Totoo bang siya mismo ang pumatay sa sarili niyang Ina at Ama? Siya ba?
Siya ba mismo ang kumitil sa mga magulang niya? Siya mismo ang pumatay sa sarili niyang pamilya? Siya ang kumitil sa mga tauhan nila? Siya mismo ang sumira sa kanilang hacienda? Bakit niya iyon nagawa?
Bago pa magkaroon ng sagot sa mga tanong niya ay muling umitim ay kaniyang paningin at wala na siyang makita.
Wakas
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro