Part 1: WHO KILLED MY PARENTS?
“Who killed my parents?” sigaw ni Nicky na nagpayanig sa apat na sulok ng kuwartong kinasasadlakan niya sa oras na iyon. Nanlilisik ang kaniyang mga mata at hinaluan pa na sa bawat nadadapuan niya ng tingin ay nanginginig sa takot.
Nilapitan niya ang mamang nakasuot ng kupas na maong, hinawakan niya ang kuwelyo nitong nangingitim dahil sa dumi. “Who killed my parents?” pag-ulit niya sa kaniyang tanong.
Wala siyang nakuhang sagot sa lalaki, marahil ay hindi nito naiintindihan ang pinagsasabi niya. “Sino ang pumatay sa mga magulang ko! Sino!” matigas na sabi niya pero umiling lang ito bilang tugon sa tanong niya.
“Punyeta!” sigaw niya at hinawakan ang leeg ng lalaki. Inipit niya ang leeg nito hanggang sa nahirapan itong huminga, naghihikahos ito at pilit kumawala sa pagkahawak niya.
“Kapag pinilit mong makawala sa aking mga kamay, tuluyang mapupugto ang iyong hininga. Ngayon, sagutin mo ang tanong ko. Sino ang pumatay sa aking Ina at Ama?” kalmado niyang wika sa kanilang alipin.
Hinawakan nito ang kaniyang daliri at pilit na inilalayo nito ang leeg. “Hindi ko po alam, senyori—.”
Hinigpitan niyang lalo ang paghawak sa lalaki. Bawat segundong lumilipas ay mas lalong humihigpit ang paghawak niya. Lumuwa ang mga ugat nito sa leeg at nagkulay ube ang balat nito sa mukha patungo sa parteng hawak niya.
Hinigop niya ang bawat hiningang meron ang lalaki. Lumabas sa bibig nito ang itim na hangin, simbolo ng kaluluwa ng mamang hawak niya sa leeg. Binuka ni Nicky ang kaniyang bibig at patuloy siya sa paghigop.
Binitawan niya ang lalaking wala ng hininga. Para itong papel na nahulog sa sahig at ilang segundo lang ay ang damit na lang ng lalaki ang natira.
Isa-isa niyang tiningnan ang lahat ng tauhan nila sa hacienda, wala siyang pinalampas. Nanginginig sa takot ang lahat ng mga tauhan nila.
Nawalan siya ng lakas, lumuhod siya sa sahig.
Paulit-ulit na nakikita niya sa kaniyang balintataw ang pigura ng kaniyang Ina at Ama na wala ng buhay.
“Halimaw ka—.”
Itinaas niya ang kaniyang kamay at tinuro ang lalaking nagbigkas na halimaw siya.
“Hindi ako halimaw! Kayo ang halimaw, pinatay niyo ang aking mga magulang. Dapat kayong mawala sa mundong ito!”
Wala na sa matinong pag-iisip si Nicky. Ang nais niya ay mabigyan ng hustisya ang pagkawala ng kaniyang mahal sa buhay.
“I will never forgive you!” sigaw niya gamit ang ibang lengguwahe.
“Halimaw si Senyorita Nicky, nagsasalita siya gamit ang ibang lengguwahe. Nasapian siya marahil ng masamang kaluluwa o hindi kaya ay isang engkanto. May mahika rin siya, ginamit niya sa pagpatay sa ating isang kasama,” wika ng isang tauhan nila.
‘Akala nila halimaw ako. Hindi ako ang halimaw dito. Ang pumatay sa mga magulang ko, iyon ang totoong halimaw!’ bulong niya sa sarili.
“Ina! Ama! Magbabayad ang taong pumatay sa inyo! Magbabayad sila!” muling sigaw ni Nicky na nagpayanig sa buong hacienda.
Lumakas ang ihip ng hangin, naputol ang mga puno. Nag-itim ang buong paligid kasabay ng pagkawala ng malay ng mga kasama niya sa apat na sulok ng kuwartong iyon.
*****
INILIBOT ni Nicky ang paningin sa buong paligid, sa buong hacienda kasabay ng pagtanong sa sarili. Paano niya kaya maipapatakbo ang malaking hacienda na ito? Paano niya maibabangon ang hacienda ng mga magulang niya? Paano siya makalilimot sa malaking bangungot na nangyari sa buhay niya?
‘Paano na ako ngayon?’ bulong niya sa sarili.
Isinasayaw ang kaniyang suot na damit dahil sa malakas na ihip ng hangin. Bawat ihip niyon ay sumusuot sa kaniyang maputing balat. Ang kaniyang mahabang ginto na buhok ay kasamang idinuduyan ng hangin.
Nagpakawala siya ng malakas na hininga upang pigilan ang kaniyang luha sa pagtulo. Ano ang gagawin niya ngayong sumakabilang-buhay na ang kaniyang mga magulang? Ano ang gagawin niya ngayong lubos na siyang ulila?
Itinaas niya ang kaniyang kamay. Bunga ng galit ay lumabas doon ang isang bola ng apoy. Apoy na simbolo ng galit niya sa mga taong walang awang kumitil sa buhay ng kaniyang Ina at Ama.
Sumigaw siya ng pagkalakas-lakas kasabay ng pagtapon niya sa apoy na ginawa niya. Tumilapon ang apoy sa gitna ng gubat na naging sanhi ng sunog. Sunog na siya mismo ang lumikha. Sunog na siyang naging saksi sa paghihinagpis na nararamdaman niya.
Galit na galit siyang tumingin sa gubat na tinutupok na ngayon ng apoy. Nagmistula iyong apoy na tinubuan ng gubat. Hindi siya nakaramdam ng awa, hindi siya nakaramdam ng takot. Bakit siya matatakot? Bakit siya maaaawa? Wala na siyang magulang, wala na siyang pamilya. Sino pa ang katatakutan niya?
Gaya ng apoy, nag-iinit ang pakiramdam ni Nicky. Gaya ng apoy, nais niyang tupukin ang lahat ng tao na kumitil sa buhay ng mga magulang niya. Nais niyang maghiganti. Nais niyang bigyan ng hustisya ang nangyari sa kaniyang Ina at Ama.
Hindi siya kakalma kung hindi magbabayad ang mga taong sumira sa buhay niya. Hindi siya titigil kung hindi matitikman ng mga taong iyon ang tindi at mapakla niyang paghihiganti. Hindi siya titigil kung hindi rin masisira ang buhay ng mga taong pumatay sa mga magulang niya.
Hinding-hindi siya titigil! Buhay ang inutang, buhay rin ang siyang kabayaran.
“Senyorita.”
Agad siyang lumingon.
“Prinsesa Tanya?”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro