Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/12/ The Backslider's Tale


Previously:

Theo fatefully encountered Molly at the shore, he shared the message that God wants him to deliver to her. Molly's surprised that Theo knew her name, she still appreciates his concern but her heart is still not open to accepting that she needs to surrender. When Molly walked away, Galilee, Theo's wife, called and frantically told him to go home and leave Damgo Island immediately.

*****

Believe in the Dream Giver
more than you believe in yourself

/12/ The Backslider's Tale

[GOLDA'S POV]

KAPAG pakiramdam kong wala na 'kong pananaw sa buhay, parang gusto ko na lang maging halaman sa gedli. 'Yung tipong ayoko na lang magkaroon ng pake at bahala na silang lahat sa buhay nila.

Pero weird enough dahil kahit gaano ako kapagod katulad na lang ngayon ay hindi ko pa rin magawang iwanan ang alam. Hindi ko rin alam kung bakit. Kahit na minsan napapaisip ako kung ano bang napapala ko rito sa ginagawa ko. Meron nga ba? Ano nga bang mapapala ko rito? May napapala ba 'ko rito?

Baseline naman hindi ba sa mga tao kung bakit sila kumikilos ay dahil may napapala sila? Katulad na lang kung bakit ba nagtatrabaho at nagpapakaalipin ang mga tao? Dahil sa pera.

Ako? Bakit mas pinili ko pa rin manatili rito kaysa sumama sa asawa ko na alam kong nangungulila rin katulad ko?

Punyeta, bakit ba ako nagpapakabayani rito? Hindi naman ako tatayuan ng rebulto rito kung mamatay ako.

Mamatay? Sa tuwing pumapasok sa isip ko ang salitang 'yan ay natatawa na lang ako. Parang kailan lang kasi ay hinarap ko ang katotohanang 'yan. Nagkaroon ako nang malubhang karamdaman noon, at ngayong gumaling na ako . . .

Para saan nga ba ulit ang buhay na 'to?

Bakit nga ba ulit ako nabuhay ng pangalawang beses?

Bakit ko nga ba pinagsumikapang humanap noon ng himala?

At bakit ako pinahintulutang magkaroon ng himala kung ganito lang din naman ang mangyayari sa buhay ko ngayon?

"Kapitanaaa! Kapitanaaaa!" Nasira ang pagmumunimuni ko nang biglang kumatok at tumawag si Mima sa pintuan.

Mga sampung segundo muna akong tumitig sa kisame bago ako sapilitang bumangon.

"Oh?"

"Nahanap na si Molly!" bulalas ni Mima at biglang nagising ang buong diwa ko.

Sabay kaming bumaba ni Mima at nadatnan namin sa sala si Molly at Blake.

"Saan ka ba nagsususuot?" hindi ko na mapigilan 'yung sarili ko na tarayan siya sa dami ng stress na nangyari ngayong araw. Tumingin sa'kin si Blake at para bang sinasabi ng mga mata niya na maghinay-hinay ako.

"Pasensiya na," sagot niya sabay yuko. "I-I just needed a space to breathe."

"Sa laki ng bakuran dito sa bahay ko wala kang space to breathe?" hindi ko pa ring mapigilang tumalak.

"Golda," saway ni Blake sa'kin pero 'di ko siya pinansin.

Napabuntong-hininga na lang ako. "Okay, alam kong palyado ang event natin ngayong araw—"

"C-can we just talk about it tomorrow? I'm just . . . tired," sabi niya. Sasagot pa sana ako pero hindi ko na tinuloy dahil parang nahawa rin ako sa katamlayan niya.

Nagkatinginan kami ni Blake at tumango siya sa'kin. Kaya pinadaan ko na lang si Molly at tinanaw namin siyang umakyat sa itaas.

"Be easy on her," sabi ni Blake pagkaraan. Makahulugan ko siyang tiningnan. "What?"

"Hala, bet mo ba siya, Papa Blake?" biglang sumabat si Mima na nasa gilid lang pala namin.

"I'm just concern," sagot nito. Sabay naman kaming tumango ni Mima, kunwa'y 'di naniniwala.

"So, paano 'yan, Kapitana? Ano nang gagawin natin? Mission abort na ba ang oplan pangarap para sa kabataan?" sunod-sunod na tanong ni Mima.

Napahilot ako ng sentido dahil pakiramdam ko'y parang pinupukpok ng martilyo 'yung ulo ko.

"Siguro nga bukas na lang talaga natin 'yan pag-usapan," gaya ko sa sinabi ni Molly kanina. "Matulog na tayo."

"Ha? Six pa lang ng gabi, Kapitana, kumain muna tayo—" hindi ko na pinansin si Mima at iniwanan ko na sila ni Blake.


*****


ALAS tres ng madaling araw nang maalimpungatan ako. Bumangon na ako dahil sapat naman na 'yung tinulog ko. Pagkalabas ko ng kwarto'y sumilip ako sa ibang silid. Si Mima humihilik pa, si Blake naman ay nakatalukbong pa at mukhang ginaw na ginaw. Pagsilip ko sa kwarto ni Molly ay wala siya roon.

Dali-dali akong bumaba at sumilip sa labas. Para naman akong nabunutan ng tinik nang makita ko siyang nakaupo sa may bakuran, nakatanaw sa malayo. Bukas lang 'yung isang lamparang nakasabit sa poste.

Naisipan kong magtimpla ng dalawang kape bago ako lumabas at lumapit sa kanya.

"Coffee?" medyo napapitlag siya sa pagsulpot ko.

"Thank you," mahinhin niyang sabi sabay kuha sa basong hawak ko.

Umupo ako kaharap niya at tumanaw din sa malayo.

"Kamusta ka na? Okay ka na? Nahimasmasan ka na ba?" 'di ko na naman mapreno 'yung bibig ko pero hinayaan ko na lang dahil mukhang mas maayos na 'yung itsura niya ngayon kaysa kanina.

"I'm not okay," pag-amin nito. "But I'm better compared to earlier."

"Mabuti naman kung gano'n." Pagkatapos ay namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Walang imik na humigop ako ng kape.

"So, anong pakiramdam nang magpanggap na high school student noon?" bigla ko tuloy nabuga 'yung iniinom ko. Maubo-ubo ako, anak ng tinapay.

"Saan mo naman nalaman ang balitang 'yan?" nanlalaking matang tanong ko nang mahimasmasan ako.

"Sorry, I didn't mean to hear your conversation with Blake," sagot niya at halos umikot ang mga mata ko.

"Grabe, ibang klase 'yang pagiging Marites mo, paano mo narinig 'yon?" tanong ko at nagulat ako nang matawa siya ng bahagya.

Nginuso niya 'yung itaas at nakita ko 'yung bintana ng CR sa second floor. Halos mapasampal ako sa noo. Well, ano pa ba ang magagawa ko? Nalaman na niya.

"I really can't believe it," aniya. "It's like a movie or a story plot."

Ngumisi ako. "Bakit? Isusulat mo ba ang kwento ng buhay ko?"

Nagkibit-balikat siya. "Why not?"

"Siyempre 'di ako papayag na walang bayad," biro ko. Natawa kami parehas. Sumeryoso ako pagkaraan nang maalala ko ang mga panahong 'yon. Pero 'di ko mapigilang matawa ulit kaya napakunot si Molly.

"Was it fun?" tanong niya. Halatang curious na curious siya kaya umayos ako ng pagkakaupo.

Tumitig ako sa kanya saglit bago ako magsalita. "Oo, masaya. Masayang gumawa ng kalokohan." Tumingin ulit ako sa malayo pagkatapos. "Aaminin ko na nakapasok ako sa eskwelahang 'yon sa hindi magandang paraan."

"How?"

"Sinuhulan ko 'yung principal ng pera." Nanlaki ang mga mata niya, 'di makapaniwala, natawa lang ako. "Malamang, iba ang nagagawa ng pera."

"It means you have that much money?"

"Hindi sa pagmamayabang pero oo, marami akong pera noon."

Nakita ko ulit na napakunot si Molly, parang may pinagtatagpi-tagpi sa kanyang isip.

"Pero alam mo 'yon, kahit na pala na sa'yo na 'yung tagumpay na gusto mo—'yung marami kang pera, may impluwensya ka—parang hindi pa rin pala sapat, parang may butas dito," tinuro ko 'yung dibdib ko, "hindi ko maipaliwanag pero gano'n 'yung pakiramdam. Kaya noong nalaman ko na lang isang araw na may isang taon na lang ako sa mundo, parang . . . parang doon ko naramdaman na walang saysay lahat ng nakamit ko. Ang weird, no? Nagpakahirap kang mabuhay para lang matupad ng pangarap mo tapos isang araw malalaman mo na lang na lahat ng 'yon hindi mo masasama sa kabilang hukay."

Walang ano-ano'y nakita kong may dumaloy na luha sa mga mata niya. Hindi ko na muna 'yon pinansin, at pasimple lang niyang pinahid ang kanyang pisngi.

Napahinga ako nang malalim bago ko ituloy 'yung pagkukwento.

"Kaya naisip ko noon na gawin 'yung bagay na hindi ko pa nararansanan, ang makapagtapos ng high school, gusto kong maranasang mag-aral sa eskwelahan ng yumao kong kuya."

"How come na naka-adapt ka sa school? Nobody noticed your disguise?" curious niya ulit na tanong.

Natawa ulit ako. "Of course, merong nakabuking sa'kin agad. Pero nagsabwatan kami noong una para sa mutual benefit ng isa't isa, pinakokopya niya ako at binibigay ko 'yung mga trip niyang gawin." Pahapyaw kong kinwento sa kanya 'yung tungkol sa paggawa namin ng Ikigai Club.

"Ikigai Club, that sounds fun," komento niya. "So, did you find the meaning of life?"

Napaisip ako saglit. Parang kanina lang ay minumukmok ko 'yan sa kwarto. Mukhang wala akong choice kundi harapin ang tanong na 'yon sa ikalawang buhay na binigay sa'kin.

"Ang totoo niyan, noong una, mababaw lang talaga ang tingin ko sa mga kabataan. Ang akala ko mga walang katuturan 'yung mga pinaggagawa nila sa buhay, pero nang makasama ko sila nang matagal, kahit na sabihin nating maraming pagkakataon na may kababawan 'yung mga pinoproblema nila—natutunan ko sa maikling panahon na kasama sila na . . ." parang biglang may bumara sa lalamunan ko.

Bigla kasing pumasok sa isip ko 'yung mga panahong 'yon. 'Yung mga panahong kasama ko sina Lulu, Kahel, Waldy, Jao, Paul, Ruffa, at Blake sa eskwelahan.

Nagulat na lang ako nang maramdaman kong basa 'yung isang pisngi ko. Shocks, bakit ako naiiyak.

"Basta, marami akong natutunan sa kanila, ako pa 'yung matanda sa kanila pero ako 'yung maraming narealize na mga bagay-bagay. Minsan mainam din 'yung maunawaan mo 'yung pinagdadaanan ng ibang mga tao para maramdaman mong hindi ka nag-iisa." Tumitig kami saglit sa isa't isa. Siguro iyon ang nararamdaman niya ngayon—o parehas kami—sa pag-uusap namin ngayong dalawa, kahit papaano naiibsan 'yung lungkot ng pag-iisa.

"Did you graduate together?" tanong niya pagkaraan.

Umiling ako. "Sa kasamaang palad hindi, may dumating kasi na kontrabida at huwag na nating pag-usapan pa 'yung animal na 'yon. Hindi ko man natupad 'yung main agenda ko na makapagtapos, kuntento na ako na nakasama at nakilala ko sila."

"You're still alive today."

"Hindi, multo na lang ako actually," biro ko nang hindi ngumingiti pero hindi mabenta sa kanya.

"How did you . . . How did you survive?" tanong niya naman.

Okay, alam kong papunta na talaga sa ganito ang usapan namin. Tumingala ako sa madilim na kalangitan. Talagang kailangan kong magpatotoo ngayon?

Muli akong tumingin kay Molly ng direkta sa mga mata niya.

"Pinagkalooban ako ng isang himala."

"H-himala?"

"Naghanap ako ng solusyon hanggang sa may nagturo sa'kin na pumunta sa isla na 'to dahil tinuro ako sa isang tao—isang mangangaral—isang lingkod ng Diyos."

"You mean, faith healed you?" parang 'di makapaniwalang tanong niya. Mula sa kuryosidad ay napalitan ng kung ano ang ekspresyon ng mukha niya, tila naging matigas, parang gusto niyang maging sarkastiko sa pagkakasabi niyang 'yon.

"Hindi ka naniniwala?"

Halos umiling ang ulo niya. "How come?"

"May tanong ako."

"Ano 'yon?"

"Naniniwala ka ba sa sarili mo?" Hindi siya nakasagot kaya iniba ko 'yung tanong. "Dumating ka na ba sa punto ng buhay mo na naniniwala ka sa sarili mo na makakamtan mo ang isang bagay? Pangarap?"

Sa pagkakataong 'yon ay tumango siya.

"I used to believe in myself," halos pabulong niyang sabi. "When I believed in myself, my dreams do come true."

"Totoo naman 'yon, actually. Kapag naniwala ka talaga na kaya mo, makakakaya mo," sabi ko. "Pero naisip mo ba na paano kung naniwala ka sa Kanya?" Nginuso ko 'yung langit.

"Paano kung maniwala sa kanya?"

"Sa Diyos."

Saglit siyang tumitig sa'kin. "Naniniwala ako sa Diyos."

"Lahat naman siguro halos tayo, kahit nga mga demonyo naniniwala sa Diyos, eh," halatang naguluhan lang siya sa sinabi ko. "Ang gusto ko lang iparating, kung ikaw nga na naniwala sa sarili mo na makuha 'yung gusto mo—nagawa mo—paano pa kaya kapag nagtiwala ka sa Kanya na siyang may likha ng lahat?"

Pero mukhang hindi pa rin siya kumbinsido.

"I just thought . . . hindi ba't mas mainam na lang na magtiwala ka sa sarili mo na kaya mo, hindi ka madidismaya—kaysa magtiwala masyado sa Kanya na parang hindi naman palaging nagbibigay ng sagot? Bakit relihiyoso na parang ang sama naman ng ugali? Bakit ang daming mga nagdadasal pero bakit ang hirap pa rin ng buhay nila?" Kulang na lang ay idagdag niya na ano pang point ng maniwala sa Kanya?

Hindi ko mapigilang mangiti. Ganyan din ang akala ko noon.

Napahinga ako nang malalim bago siya muling tingnan. "Alam mo kasi, Molly, una, hindi naman kasi lahat ng nagsisimba eh totoong mananampalataya. Pangalawa, hindi naman kasi parang genie ang Diyos na kapag humingi ka ng kahit anong gusto mo ay ibibigay niya."

"Exactly," segunda ba naman niya agad. "So, what's the point of praying kung tila pinapaasa lang tayo ng Diyos tapos hindi naman niya ibibigay yung mga pinapanalangin natin?"

In fairness sa akin dahil kung ako 'yung dating ako ay baka binatukan ko na siya. Patience is a virtue, Golda.

"Okay, ganito kasi 'yan, Molly," ini-imagine ko na lang siya na parang bata na kailangang turuan at paunawain ng dahan-dahan. "Ang Diyos kasi may pag-iisip at pamamaraan 'yan na hindi natin mauunawaan. Hello, Diyos kaya siya kaya malamang sobrang taas ng level niya para maintindihan natin. Gets? Kaya hindi porque hindi niya sinagot o hiniling 'yung binibigay mo, wala ng saysay ang maging mananampalataya."

Pero hindi pa rin natinag ang itsura niya.

"Kung pinagaling ka ng Diyos, bakit hindi niya pinagaling 'yung iba pang may mga sakit? Kung mahal niya lahat, bakit hindi niya pagalingin lahat lalo na 'yung mga batang may cancer?"

Okay, hindi ko sukat akalain na ganito siya katigas pagdating sa usapan na 'to. Sa unang dinig, may punto naman siya. Mag-iisip pa sana ako ng isasagot sa kanya pero ewan ko ba at gusto ko na lang itaas kunwari ang dalawang kamay ko bilang pagsuko. In the first place, bakit ba G na G ako magpaliwanag sa kanya? Kaloka.

"Alam mo, hindi ko rin talaga alam, sa totoo lang. Kasi nga hindi naman natin maiintindihan 'yung mga plano niyang higit na mas maganda kaysa sa mga plano natin." Huminga ulit ako nang malalim. "Pero ito lang ang masasabi ko sa'yo, ganyan din ang mga paniniwala ko noon. Kaya noong unang beses akong dumating dito, nahirapan akong maniwala agad na posible para sa katulad ko na gumaling."

Naalala ko pa rin ang araw na unang beses kong makausap noon si Manong Rufus, ang yumaong mangangaral na nagturo sa'kin na totoo ang kapangyarihan ng panalangin.

Kaya sa huli ay hindi ko na napigilang ikwento kay Molly ang mga nangyari.

"Dumating din ako sa punto na napagod akong maghintay ng himala sa pananalangin," sabi ko. "Kaya naisipan kong tapusin 'yung buhay ko isang araw kasi pagod na pagod na ako."

"W-what?"

"Oo, tumalon lang naman ako sa bangin at bumagsak sa dagat na may napakalakas na hampas ng alon. Pero guess what, I'm here, kausap mo."

"That's—"

"A miracle, himala, yes, oo, tama ka," putol ko sa kanya. "Nang matagpuan ulit akong buhay sa dalampasigan, simula noon ay sinubukan ko ulit maniwala—hindi sa sarili ko— kundi sa Kanya."

"At . . . gumaling ka?" Tumango ako.

Natahimik kami parehas ni Molly pagkatapos. Kita ko sa itsura niya na tila pinoproseso niya ang mga narinig mula sa akin. Nasa mukha pa rin niya hiwaga, pagtataka, at kaguluhan.

"So, ayan, ang kwento ng buhay ko, pwede mong isulat basta bayaran mo lang ang talent fee ko," biro ko na lang para hindi na siya mag-overthink.

"You don't seem to be a faithful person," bigla ba naman niyang komento.

"Alam mo, prangka ka rin pala magsalita," sagot ko. "Ang totoo niyan—" hindi ko alam kung sasabihin ko ba.

"What?" mukhang nabitin siya sa sasabihin ko.

"Basta, hindi kita pipilitin na maniwala pero shinare ko lang 'yung kwento ng buhay ko para naman maisanobela," biro ko ulit sa huli. "It's up to you, hindi ko ugaling mamilit kasi naniniwala ako na kanya-kanya tayo ng trip." Tumayo na ako.

Kita ko man sa itsura niya na parang may gusto pa siyang malaman pero dali-dali ko na siyang iniwanan.

Nang makapasok ako sa loob ng bahay ay napasapo ako sa noo. Parang bigla akong natauhan.

Golda, kung ano-anong pinagsasasabi mo sa kanya? Bakit nagkwento ka ng patotoo? Ang ipokrita mong magsalita ng mga gano'n, gayong naglaho ka sa kapatiran.

Walang kaalam-alam si Molly na backslider lang naman ang nakausap niya. 


-xxx-



A/N: Thank you for reading! God bless you all! See you next chapter!

Backslider - "to go back to doing something when you have been doing something good, to hard or to to do something that you had to do"

*sa mga church environment, a backslider is usually someone who stopped attending the church or serving the Lord to go back to their old life

"For my thoughts are not your thoughts, neither are your ways my ways, saith the LORD.  For as the heavens are higher than the earth, so are my ways higher than your ways, and my thoughts than your thoughts." -Isaiah 55:8-9 KJV

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro