Chapter 44
Designer
Nakipagsukatan ng tingin si Hunter sa akin. Hindi ko din naman siya inurungan at nilabanan ko din. Tapos na akong matakot sa kanya, tapos na akong matakot para ipaglaban kung ano ang alam kong makakabuti sa akin, sa pamilya ko, at lalo na sa baby ko.
"May karapatan si Kuya at ang mga Jimenez sa bata, Alihilani."
Napatawa ako ng pagak dahil sa narinig mula sa kanya.
"Sa sobrang dami ng babae ng Kuya mo...kayang kaya niyang gumawa ng maraming anak. Anakan niya lahat wala akong pakialam!" asik ko kay Hunter.
Kita ko ang gulat sa kanyang mukha, kanina lang ay emosyonal ako, ngayon naman ay galit na. Hindi ko din mapigilan ang emosyon ko kaya naman siya ang kailangang mag-adjust sa tuwing guguluhin niya ako.
"Jimenez pa din ang dinadala mo. May karapatan ang mga magulang ko na makilala ang una nilang apo," laban pa din niya pero mas malumanay na ngayon.
"Ipakilala mo ang anak niyo ni Ahtisia. Wag niyo kaming guluhin ng baby ko," suwestyon ko pa sa kanya.
"Ilang beses kong sasabihin sayo na hindi ko anak ang anak ni Ahtisia?"
Hindi ko siya pinansin at nag-iwas pa ng tingin. Wala na din akong panahon na pakialaman pa ang mga issue nila sa buhay. Nasa bagong buhay kasama ang mga magulang ko at future namin ng baby ko ang focus ko ngayon.
"Iyang sayo ang totoong Jimenez," sabi pa niya sa akin bago ko napansin ang pagbaba ng tingin niya sa bandang tiyan ko kahit hindi pa naman iyon halata sa ngayon.
"Alam mo kung gaano kasama si Tita Atheena. Alam mo din kung anong kaya niyang gawin. Mas mabuting walang nakaka-alam ng tungkol sa baby ko, Hunter. Ayokong mapahamak siya dahil lang sa Jimenez siya..." mahabang paliwanag ko sa kanya.
Umigting ang kanyang panga. Sandali niya akong tinitigan bago siya mariing napapikit at marahang tumango.
"Naiintidihan ko. Hindi ko kayo papabayaan ng pamangkin ko...masisiguradon mong ligtas kayong ng pamilya niyo dito," sabi niya sa akin.
Napabuntong hininga ako dahil kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag dahil sa kanyang sinabi. Dito sa hagonoy napili ni Tatay na lumipat kami dahil alam niyang kung mawawala kami ay iisipin ng lahat na sa malayong lugar kami nagpunta.
Maayos na din dito dahil liblib naman ang lugar sa gawi namin kaya naman walang magdududa sa amin.
"Mag papadagdag ako ng mga bantay sa inyo. Mas kailangang mag-ingat lalo na sa kalagayan mo ngayon," sabi niya sa akin.
Hindi na lang ako nagsalita pa. Siya pa mismo ang humanap ng masasakyan ko pauwi sa amin. Nang makahanap ng tricycle ay kaagad niyang inilabas ang wallet sa bulsa at kumuha ng isang libo para ibigay sa driver.
"Dahan dahan lang po sa pagmamaneho," sabi niya sa driver.
"O-opo, Boss!" sabi ng driver na hanggang ngayon ay medyo lutang pa din dahil binigay na ni Hunter sa kanya ang buong isang libo.
Sinamaan ko siya ng tingin.
"Bakit?" tanong niya.
"Hindi tayo mapapansin sa ginagawa mo, pwede ba..." asik ko sa kanya.
Napakamot siya sa kanyang batok. "Wala akong barya, iyan lang ang meron ako..." paliwanag niya sa akin kaya naman muli ko siyang inirapan.
"Sakit talaga kayo sa ulo. Parehong pareho kayo ng Kuya mo," inis na sabi ko habang pasakay ako sa may tricycle.
Naramdaman ko pa ang kamay niya sa bandang ulo ko na para bang takot siyang mauntog pa ako.
Tahimik ako habang nasa byahe. Hindi ko tinanggal ang pagkakahawak ko sa aking sinapupunan. Alam kong naiintindihan ako ni Hunter dahil gusto ko lang namang protektahan ang baby ko. Pero hindi pa din natin masasabi kung anong pwedeng mangyari sa mga susunod na araw.
"Hindi tayo maghihiwalay. Gagawin ko ang lahat..." paninigurado ko sa kanya.
Kailangan kong magtrabaho at mag-ipon ng pera. Ayokong dumating ang araw na kwestyunin nila ang kakayahan kong palakihin ang anak ko dahil lang sa mas marami silang pera kesa sa amin.
Tawa ni Nanay ang sumalubong sa akin pagkauwi ko. Masaya akong makitang masaya si Nanay. Alam ko kung gaano siya kasabik na magkasama sama ulit kami.
"Masyadong mababa iyan, Arnaldo. Pakiramdam ko ay magiging malikot ang apo natin," sabi pa ni Nanay.
"Nandito na po ako," anunsyo ko sa kanila kaya naman kaagad nila akong nilingon na dalawa.
Yumakap ako kay Nanay. Hindi na nagpayakap pa si Tatay dahil basa siya ng pawis dahil inuumpisahan na niyang gawin ang kuna para sa baby ko. Ramdam ko ang excitement nilang dalawa para sa apo.
Masaya ako na kahit hiwalay na kami ni Hob ay hindi naman mararamdaman ng baby ko na walang nagmamahal sa kanya.
Tatlong turon ang binili ko para sa aming tatlo pero tinawanan ako nila Nanay ng ibigay nila sa akin ang sa kanila at walang pagaalinlangan kong naubos ang tatlong turon na hindi ko namamalayan.
"Igagawa kita bukas," sabi ni Nanay habang marahan niyang hinahaplos ang ulo ko.
"Y-yung marami pong langka," sabi ko sa kanya na ikina-ngisi niya.
Mas lalo kong napatunayan na hindi namin kailangan si Hob at ang pamilya niya. Lalaki ang baby ko na maraming nagmamahal sa kanya.
Pero kahit ganoon ay hindi ko naman maiwasang hindi maalala sina Mr. and Mrs. Jimenez. Alam kong gustong gusto na nilang magka-apo. Sigurado din akong pagnalaman nila ito ay magiging masaya sila.
Maiintindihan naman siguro nila kung kaligtasan ng baby ko ang uunahin ko ngayon.
Hindi na muna ako lumabas ng mga sumunod na araw. Hindi naman ako takot kay Hunter pero ayoko lang talagang makita ang pagmumukha niya. Bukod kasi sa naiinis ako sa kanya ay mas lalo ko lang naaalala si Hob dahil sa pagkakahawig nila.
"May nakita po akong clinic, Nay. Baka po sa susunod na araw ay pupuntahan ako," kwento ko sa kanya.
"At...may balak din po akong pag-aaplyan na patahian sa may bayan, naghahanap po kasi sila ng mananahi," sabi ko pa dito. Hindi pa ako kumporatbleng sabihin iyon sa kanya dahil pakiramdam ko ay hindi nila ako papayagan.
"Bukod sa pagtatanim ay hahanap din ako ng trabaho, hindi mo kailangang gawin iyon, Anak." si Tatay.
"Gusto ko po kasi talagang gawin ito. Hindi din naman po ako matatahimik dito sa bahay kung nakatunganga lang ako. Sanay po ako na may trabaho at may ginagawa," paliwanag ko sa kanila.
Kita ko sa mukha nila na hindi sila pabor na magtrabaho ako pero sa huli ay pinayagan din nila ako.
"Hindi naman pwedeng pigilan ka namin. Alam kong ginagawa mo ito para sa anak mo. Proud na proud si Nanay sayo, Alihilani."
Naging emosyonal ako dahil sa sinabi ni Nanay. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ko.
"Alam kong kayang kaya mo ito. Kahit wala si Hob...alam kong mapapalaki mo ng maayos ang anak niyo," sabi niya sa akin.
Matapos niyang sabihin iyon ay kaagad akong yumakap ng mahigpit sa kanya.
"Bakit hindi ako kasali sa yakap?" tanong ni Tatay kaya naman natawa kami ni Nanay at kaagad din kaming naglahad ng kamay para sa kanya.
Inayos ko kaagad ang mga kakailanganin ko sa pag-aapply ng trabaho sa may patahian. Una na akong tumawag sa kanila ng kuhanin ko ang number na nakalagay sa may tarpulin na nakapaskil.
"Magandang umaga po," bati ko sa mag-iinterview daw sa akin.
Hindi lang basta patahian ito ng mga tela at damit. Ang ilan sa mga damit na ginagawa nila ay para sa isang sikat na brand na makikita din sa mall. Hiwalay ang production para sa iba't ibang product na ginagawa nila.
"Mananahi ang hanap namin, hindi accountant," sabi niya sa akin habang binabasa niya ang resume ko. Marahil ay nakita niya ang trabaho ko noon sa factory ni Eroz.
"Opo, marunog din po akong manahi," sabi ko sa kanya.
Sandali pa niyang tiningnan ang resume ko bago niya iyon binitawan at tumingin sa akin.
"Ayoko ng mga nakikipag-relasyon sa ka-trabaho," sabi niya sa akin. Nagtaas pa siya ng kilay habang paulit ulit na nagtataas baba ang tingin niya sa mukha at katawan ko.
"Hindi po ako makikipagrelasyon. Wala po iyan sa isip ko," paninigurado ko sa kanya at muli siyang nagtaas ng kilay.
"Maganda ka at siguradong ligawin, baka madala ka ng pambobola ng mga tauhan ko. Hindi ko gusto na may nagkakaligawan dito...nakakasira iyon sa trabaho," sabi pa niya sa akin.
"Trabaho lang po ang gusto ko. Masisigurado ko po sa inyong wala sa isip ko ang mga ganyan," sabi ko pa kaya naman marahan siyang tumango.
"Ano pa ang mga kailangan kong malaman tungkol sayo?" tanong niya sa akin.
"Uhm...buntis po ako," pag-amin ko.
Ngumisi siya at mas lalong umiling. "Hindi ka namin pwedeng tanggapin. Masyadong mabigat ang trabaho dito, pasencya ka na..." sabi niya sa akin at ibinalik sa akin ang resume ko.
"Gagawin ko po ang lahat. Gagalingan ko po, masisigurado ko po sa inyong hindi magiging hadlang sa trabaho ko ang pagbubuntis ko," giit ko sa kanya.
Tiningnan niya lang ako.
"Bigyan niyo lang po ako ng pagkakataon, gagalingan ko po..." paninigurado ko ulit sa kanya.
Napabuntong hininga siya. "Pagbibigyan kita. Pero sa oras na may magawa kang mali ay tatanggalin kaagad kita sa trabaho," pagsuko niya kaya naman lumaki ang ngiti ko.
"Maraming salamat po," sabi ko sa kanya.
Pwede na akong magsimula ng trabaho bukas. Bago umuwi ay nagpunta na muna ako sa clinic para magpa-check up. Kailangan ko din ng vitamins para sa akin at kay Baby. Magiging abala na ako sa trabaho kaya naman kailangan ko na itong gawin ngayon.
Marami ding nakapila at naghihintay. Umupo ako sa dulong upuan para sumunod sa pila. Ang iba sa mga kasabay ko ay malalaki na ang tiyan kaya naman hindi ko maiwasang alisin ang tingin ko sa kanila. Ilang buwan lang ay magiging ganoon din ang sa akin.
Bukod sa malalaki na ang tiyan nila ay halos lahat ng kasabay kong nandoon ay kasama ang mga asawa nila. Napa-iwas na lang ako ng tingin ng mapansin kong sa lahat sa kanila ay ako lang itong mag-isa. Kami lang ng baby ko ang magkasama.
Naisip ko tuloy kung malaman ito ni Hob. Magiging masaya kaya siya na magkakaroon na kami ng Baby o baka itaboy niya din kagaya ng ginagawa niya sa akin.
Medyo nainip ako sa pila kaya naman sinubukan kong tumingin sa social media para makibalita sa mga kaibigan ko. Hindi ko din ma-iwasang hindi tingnan ang profile ni Hob. Wala siyang recent post bukod sa mga tagged post sa kanya.
Ang ganda ng mga building sa likuran nila. Group pictures halos lahat doon. Nakita kong kasama sa grupo nila si Ahtisia pero malayo siya kay Hob. Kahit hindi sila magkatabi sa litrato ay hindi pa din mababago ang katotohanang magkasama sila.
"Congratulations, Mommy."
Hindi ko maiwasang hindi nanaman maging emosyonal dahil sa sinabi ni Doc. Bukod sa pregnancy test ay iba pa din talaga kung ang Doctor na ang nagsabi na may nabubuong baby talaga sa sinapupunan ko.
Binili ko kaagad ang mga gamot na nireseta niya sa akin. Ang karamihan doon ay vitamins naming dalawa ni Baby.
"Ang ganda po, Nay..." puna ko sa lampin na tinatahi ni Nanay.
Masyado na silang excited ni Tatay para sa pagdating ng baby ko. Kung alam lang din nila kung gaano ko gustong makita na siya. Pero sa ngayon ay dadamhin ko muna ang pagkakataon na nasa loob siya ng aking sinapupunan, lumalaki at unti unting nagkakabuhay.
Maaga akong gumising kinaumagahan para maghanda sa unang araw ng aking trabaho. Wala na ding problema sa pagkain ko para sa tanghali dahil nagluto si Nanay para sa baon ko.
Simula ng bumalik si Tatay sa amin ay pansin ko ang unti unting pagbabalik ng sigala niya at nagiging malakas na din ang pangangatawan niya.
"Mag-ingat, Alihilani," paalala ni Nanay sa akin bago ako tuluyang umalis para pumasok.
Humalik din ako sa pisngi ni Tatay. Kumaway pa silang dalawa sa akin kaya naman malaki ang ngiti ko habang naglalakad ako palabas.
"Sakay po, Ma'm?" tanong ng tricycle driver sa akin.
Tumango ako at sinabi sa kanya kung saan ako magpapahatid. Pagkahinto sa may harapan ng factory ay hindi niya tinanggap ang bayad ko.
"Ako na din po ang susundo sa inyo mamaya. Bayad na po nung boyfriend niyo," sabi niya sa akin kaya naman kumunot ang noo ko.
"Wala po akong boyfriend," masungit na sabi ko sa kanya kaya naman napakamot sa batok si Kuya.
"Basta po, Ma'm...yung gwapo po, yung namimigay po ng isang libo," sabi niya pa sa akin.
Mariin akong napapikit ng mukhang alam ko na kung sino ang tinutukoy niya. Sigurado akong si Hunter iyon.
Hindi ko na lang pinansin at nagpatuloy na ako sa pagpasok sa factory. May naka-aasign na babae para I-tour ako at ipaliwanag ang trabaho ko at mga kailangan kong gawin. Mas maganda ang production na napuntahan ko dahil branded na mga damit ang tatahiin namin.
Naging madali para sa aking sundan ang ginagawa ng mga kasama ko. Bigla akong nag-enjoy sa pananahi kaya naman hindi ko na din halos naramdam ang oras.
Sumunod ako sa mga kasama ko sa may production papunta sa may canteen. Doon lang daw pwedeng kumain. Hawak ko ang lunchbox na ginawa ni Nanay para sa akin.
Umupo kaagad ako sa may bakanteng upuan at nagsimula ng kumain. Ramdam ko ang tingin ng iba sa akin kaya naman mas lalo ko silang hindi pinansin.
Nandito naman ako para magtrabaho at hindi makipagkaibigan. Kung mayroong magiging kaibigan ay ayos lang sa akin, kung wala naman ay wala din akong pakialam.
Nag-angat ako ng tingin ng may tatlong lalaking lumapit sa aking lamesa. Naka-ngiti kaagad sila sa aking gawi kaya naman kumunot ang noo ko.
"Alice ang pangalan mo, di ba?" tanong ng lalaking nasa gitna.
Pinagmasdan ko silang tatlo. Pare pareho naman silang may itsura pero yung itsura din nila ay yung mga mukhang hindi mapagkakatiwalaan.
Tumango ako sa kanila at tiningnan lang yung kamay na nilahad nila sa akin. Dahil sa paglapit nilang tatlo ay kita ko ang tingin ng mga ka-trabaho ko bago sila nag bulungan.
Tinawanan ng mga kasama ang lalaking nasa gitna. Hindi naman sa gusto kong ipahiya siya pero hindi ko din naman talaga gustong tanggapin ang pakikipag-kamay niya.
"Ceasar nga pala," pagpapakilala pa din niya.
Nagpakilala din ang dalawang kasama niya pero hindi ko naman naintindihan ang sinabi dahil puro naman silang tawa na dalawa.
"Lubayan mo yan, Ceasar! Lahat na lang ng bago pinupuntirya mo," kantyaw sa kanya ng ibang kasamahan.
Mas lalong nanatili ang tingin ko sa aking pagkain. Wala akong panahon sa mga ganito. At hindi rin talaga ako kumportable na inaasar ako sa mga lalaking hindi ko din naman gusto.
Nag-angat ulit ako ng tingin sa kabilang lamesa ng umupo ang grupo ng mga kasama ko sa production. Si Michelle ang leader ng grupo na iyon. Maganda din siya at makurba ang katawan. Ang rinig ko pa nga sa ibang ka-trabaho ay siya daw ang pinakamaganda dito sa factory at halos lahat ay may gusto sa kanya.
"Wag mo masyadong lapitan. Baka maging kamukha mo ang baby niyan," nakangising sabi ni Michelle dito.
Sumama ang tingin ko sa kanya. Hindi ko kailanman itatanggi ang baby ko pero wala siya sa lugar para isiwalat iyon sa lahat.
Kita ko ang gulat sa mukha ni Ceasar at sa mga kasama niya. Mas lalong nagkaroon ng bulungan sa buong canteen.
"Kung ano ano nanaman ang sinasabi nitong si Michelle porket hindi siya pinapansin ni Ceasar," sabi ng isa sa mga kaibigan nito.
Napa-irap na lang ako sa kawalan. Wala akong panahon para sa mga drama nila sa buhay dahil alam ko kung saan ako dapat mag-focus.
"Di ba, Alice...buntis ka?" tanong pa ni Michelle sa akin. Wala ata siyang planong tumigil hangga't hindi ako napapahiya o ano.
"Oo...buntis ako," diretsahang sabi ko.
Sa tingin ko naman ay hindi iyon nakakahiya. Mahal ko ang baby ko at hindi ko siya kailanman ikakahiya kahit hindi namin kasama si Hob.
Tumawa si Michelle na para bang nanalo siya sa kung saan. Hindi ko din maintindihan kung anong gusto niyang mangyari. Hindi ko naman na problema kung hindi daw siya pinapansin ni Ceasar. Isaksak niya pa sa baga niya!.
Bumalik na ako sa production pagkatapos kumain. Ang iba sa mga ka-trabaho ko ay nanatili pa sa may canteen kahit tapos ng kumain para lang mag-chismisan. Hindi na din ako magtataka kung isa ako sa pinag-uusapan nila ngayon dahil sa nangyari kanina.
Inabala ko ang sarili ko buong maghapon para magpatuloy sa ginagawa. Wala din namang kumakausap sa akin hanggang sa sumunod na araw. Hindi na din ako nilapitan ng grupo nina Ceasar at nagpapasalamat ako para doon.
Nasa kalagitnaan ako ng pananahi ng biglang umikot ang sikmura ko dahilan para takbuhin ko ang papunta sa may banyo.
May tatlong cubicle sa loob kaya naman tumakbo ako sa pinakadulo. May nadaanan pa akong babae na nakatayo sa harapan ng salamin pero hindi ko na binigyan pa ng pansin.
Naiyak na lang ako sa ilang beses na pagkaduwal pero wala namang lumabas na kahit ano. Matapos iyon ay lumabas ako para maghilamos. Pagod kong tiningnan ang sarili ko sa may salamin, parang nanghina ako dahil doon.
"Alihilani!?"
Mabilis kong nilingon ang nagsalita at nagulat ng makita kong si Chelsea iyon.
Napaayos ako ng tayo at hinarap siya. Kita ko pa din ang gulat sa kanyang mukha. Hindi niya rin siguro inaasahan na magkikita ulit kami at dito pa.
Nang makabawi sa gulat ay ngumiti siya sa akin at lumapit para yumakap.
"Kamusta ka na? Nasabi ni Thomas sa akin na wala na kayo ni Hob?" paninigurado niya.
Yumuko ako at marahang tumango.
"Ang kapal naman ng mukha ng Jimenez na yon para pakawalan ka pa...siraulo," inis na sambit pa niya.
"Ano nga palang ginagawa mo dito?" tanong ko sa kanya.
Ngumiti siya sa akin at hinawakan ang aking kamay para hilahin sa kung saan.
"Kami ni Angelina ang nagpapatakbo ng factory na to, hindi ko nga pala nasabi sayo..." sabi niya sa akin kaya naman nanlaki ang mata ko.
"Ikaw ang may ari nito? Ikaw ang boss ko?" tanong ko sa kanya.
Pabiro niya akong hinampas sa braso. "May iba pa kaming business partner. Pero kami ni Angelina ang hands on dito," sabi pa niya sa akin bago niya ako hinila sa mukhang office niya.
"At hindi mo naman ako boss dahil magkaibigan tayo," sabi pa niya sa akin.
Hindi ako nakapagsalita. Pinanuod ko lang ang mga ginagawa ni Chelsea. Marami ding branch ang factory na ito sa iba't ibang lugar kaya naman sigurado akong bihira lang siya dito.
"Ang akala ko nasa Sta. Maria ka?" tanong niya sa akin.
Napabuntong hininga ako. Gusto kong umiwas sa lahat pero masyado talagang maliit ang mundo.
"Lumipat na kami dito..." marahang sagot ko sa kanya.
Sandali siyang tumingin sa akin habang ginagalaw galaw niya ang inuupuang swivel chair. Hindi ko kinaya ang tingin niya sa akin kaya naman napayuko na lang ako.
"Are you pregnant?" tanong niya sa akin.
"Uhm..."
"Hindi ko sasabihin kay Hob kung totoo..." sabi pa niya sa akin.
Alam kaagad nila na si Hob ang ama ng baby ko kahit hindi ko sabihin. Hindi pa din ako nakasagot kaya naman napanguso si Chelsea.
"Naiintindihan ko, Alihilani. Pero may gusto akong I-offer sayo," sabi niya kaya naman nag-angat ako ng tingin.
"Modelling sana...kaso pregnant ka kaya naman, Fashion designing kung gusto mo," sabi niya na ikinalaki ng mata ko.
"Pero hindi naman ako nag-aral para doon..." sabi ko sa kanya.
Nagkibit balikat siya. "Gusto ko ang mga deisign mo," sabi niya sa akin.
Napaawang ang bibig ko. Parang wala naman akong maalala na may ipinasa akong portfolio sa kanya.
"Kung papayag ka sa offer ko...dadalhin kita sa maynila kung nasaan ang main company namin, doon ka magta-trabaho," sabi niya sa akin kaya naman mas lalo akong hindi nakapagsalita dahil sa gulat.
"P-pero..."
Tipid siyang ngumiti sa akin. "Pag-isipan mong mabuti. Kung ang iniisip mo ay ang matitirhan habang nasa Manila...pwede ka sa condo ko, wala akong kasama doon kaya naman pwedeng pwede ka," sabi pa niya sa akin.
Hindi pa din ako naka-imik. Masyado pa din akong nalulula sa offer niya sa akin. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Gusto ko sana pero marami akong kailangang I-consider kung sakaling tanggapin ko.
"Para sa baby mo..." sabi pa niya sa akin kaya naman napabuntong hininga ako.
Bumalik na ako sa production pagkatapos ng pag-uusap namin ni Chelsea. Bukod sa gulat pa din ako ng malaman kong sa kanya ang factory na ito ay para pa din akong nakalutang sa ere dahil sa offer na ibinigay niya sa akin.
Iniisip ko sina Nanay at Tatay sa oras na tanggapin ko iyon. Alam kong mas malaki ang kikitain ko sa oras na tanggapin ko ang trabaho, gusto ko talagang mag-ipon para sa amin ni Baby at para na din sa mga magulang ko.
Nasa labas na ulit ang tricycle driver pagkalabas ko ng factory. Hindi na ako nagreklamo pa at sumakay na lang din. Hindi pa din kasi mawala sa isip ko ang tungkol sa offer ni Chelsea sa akin na magtrabaho sa Manila.
"Ano pong nangyayari?" tanong ko kina Nanay at Tatay ng maabuan ko silang dalawa na tahimik at mukhang may malalim na iniisip.
"Yung pagkaka-utang ko sa casino...ipapakulong nila ako sa oras na hindi ako makapagbayad," sabi ni Tatay kaya naman pagod din akong napaupo sa may sofa.
Malaking halaga iyon kaya naman proproblemahin talaga namin. Hindi naman pwedeng hayaan lang namin si Tatay sa problemang ito. Pamilya kami dito kaya naman kailangan naming magtulungan.
"Gagawa po tayo ng paraan," sabi ko sa kanya.
Hindi ito ang tamang oras para magsisihan pa o ano. Gagawa din ako ng paraan para makatulong kay Tatay.
Lunch break ng sumunod na araw ng makatanggap ako ng tawag mula sa hindi kilalang number. Natakot pa ako nung una na sagutin hanggang sa sinagot ko iyon at naikuyom ko ang kamao ko ng marinig ko kung sino.
"Sulitin mo at ng pamilya mo ang araw na magkakasama kayo. Mahahanap ko ding kayo..." sabi ni Atheena. Nawala na ang lahat ng respeto ko sa katawan para sa kanya.
"Tigilan mo na kami!" giit ko sa kanya.
Tumawa siya ng pagak. "Kabit ang Nanay mo. Habang buhay siyang magiging kabit dahil kahit anong mangyari ay hindi ako makikipaghiwalay kay Arnaldo! Habang buhay kang magiging anak sa labas!" galit na asik niya sa akin.
Mabibigat din ang bawat pagbuga niya ng hininga. "Hindi ko alam kung sino ang nagpo-protekta sa inyo pero mahahanap ko din kayo! Papatayin ko kayo ng Nanay mo!" gigil na sabi niya sa akin.
"Hindi mo na kami masasaktan!" laban ko sa kanya na mas lalo niyang ikinagalit.
"Makikita mo! Hinding hindi mo na kami masasaktan."
Naiyak ako matapos ang tawag hindi dahil sa takot kundi dahil na din sa inis at galit na inipon ko ng matagal na panahon. Kinakaya kaya niya kami dahil marami siyang pera at kami wala. Sa tingin niya ay kayang kaya niya kaming apakan dahil maliit ang tingin niya sa amin.
Pagkatapos ng lunch break ay dumiretso ako sa office ni Chelsea.
"Pasok."
Napatayo siya ng makita niya ang pagpasok ko. Kaagad niya akong pinaupo sa upuan sa harapan ng kanyang office table.
"Tinatanggap ko na ang offer mo. Gusto kong magtrabaho sa Manila..." diretsahang sabi ko kay Chelsea.
Nagulat pa siya nung una hanggang sa makabawi din. Ngumiti siya sa akin.
"You will never regret this, Alihilani..." paninigurado niya sa akin.
"You are going to be one of our best designers...makikilala ka, you're going to be big!" paninigurado ni Chelsea sa akin.
Napakagat ako sa aking pang-ibabang labi. Makikita ni Atheena...darating ang araw na hinding hindi niya na kami matatakot sa mga banta niya sa amin.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro