Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 43

Jimenez





Inabala ko pa din ang sarili ko sa pagliligpit kahit ramdam ko ang kakaibang tingin ni Ericka sa akin.

"Ako na diyan!" biglang sigaw niya na ikinagulat ko ng subukan kong buhatin ang malaking karton.

"A-anong bang nangyayari sayo?" tanong ko sa kanya.

Hindi niya kaagad ako sinagot pero kinuha niya ang karton sa akin at siya na mismo ang nagdala non malapit sa pintuan.

"Masama ang pakiramdam mo kaya bawal ka magbuhat," sagot niya sa akin pero hindi naman siya makatingin ng maayos.

Tipid akong napangisi. "Sobrang gaan lang niyan," pagbi-bida ko pa sa kanya pero tiningnan niya lang ako at pinagtaasan pa ng kilay.

Tinulungan ako ni Ericka at hindi iniwan hanggang sa matapos ko ang mga dapat kong gawin.

"Pumunta na muna tayo sa may factory," yaya ko sa kanya pagkatapos namin kumain ng tanghalian.

Sa susunod na araw na ang alis ko. Dapat daw ay kahit papaano ay nakikita ako ng mga kapitbahay. Mas lalo kasing magtataka ang mga tao kung bigla ka na lang hindi nagpakita sa kanila. Alam kong wala naman silang pakialam sa amin bukod sa gusto lang nila ng bagong mapag-uusapan.

"Mas lalong lulungkot dito," sabi ni Ericka habang naghihintay siyang ma-isara ko ng maayos ang aming bahay.

Tipid akong ngumiti. Iyon din ang inaalala ko. Hindi din ako sanay na hindi dito umuwi pagkatapos ng buong araw na trabaho. Babalik din naman kami dito pag maayos na ang lahat. Kailangan lang muna talaga naming lumayo sa ngayon.

Habang naglalakad kami palabas sa may kanto para maka-sakay ng tricycle ay ramdam ko ang hawak ni Ericka sa akin at pag-iingat na para bang natatakot siyang matapilok ako o ano.

"Mag jeep na lang para mura," pang-aasar ko sa kanya. Kanina pa namin iyon pinag-aawayan.

"Tricycle na. Libre ko pamasahe," giit niya sa akin.

Hindi na ako nakipagtalo pa sa kanya at sinunod na lang ang kanyang gusto.

"Masama pa ba ang pakiramdam mo?" tanong niya sa akin habang naghihintay kami.

Marahan akong umiling. "Medyo mabigat lang ang ulo ko, pero kaya naman," sagot ko sa kanya.

Mas lalo kong naramdaman ang bigat pagkadating namin sa may factory. Isa ito sa sobrang mami-miss ko. Sanay ako na araw araw pumapasok dito para sa trabaho. Ngayon ay kailangan kong magpaalam sa kanilang lahat.

"A-anong meron dito?" gulat na tanong ko ng makita ko ang isang mahabang lamesa na puno ng pagkain.

Ngumiti si Eroz sa akin habang nasa kanyang tabi si Gertie na mahaba na ang nguso at para nanamang iiyak.

"Despedida party para sa pinaka-magaling naming accountant," sabi niya kaya naman kaagad na nanlabo ang aking mga mata.

Hindi ko na napigilan pang maging emosyonal ng makita ko din ang lungkot sa mukha ng aking mga ka-trabaho. Akala ko noon ay mayroong may ayaw sa akin dito dahil sa kasungitan ko.

Iyak tawa ang nagawa ko ng makita kong nagpapahatid ng luha si Junie.

"Ang panget mong umiyak!" pang-aasar ko sa kanya na mas lalo niyang ikina-iyak.

"Mas panget ka!" bato niya sa akin.

Kaagad ako naglahad ng kamay sa kanya para sa isang yakap. Kahit may sarili ng pamilya ay hindi nagbago si Junie, maloko siya pero pagkaibigan ka niya...sobrang swerte mo.

Lumapit siya sa akin ay kaagad na yumakap. Isa din siya sa sobrang mami-miss ko.

"Sayang yung black eye ko noon, mang-iiwan ka naman pala!" asik niya sa akin na ikinatawa ko.

Nakipag-away pa siya noon para lang ipagtanggol ako sa mga nang-aasar sa akin. Ginawa niya iyon ng walang takot kahit pa sobrang dehado niya dahil kaming dalawa lang ang magkasama laban sa tatlong malalaking lalaki.

"Babalik ako...hinding hindi ko iiwan ang Sta. Maria. Nandito kayo kaya hinding hindi ko iiwan ang lugar na to," paninigurado ko sa kanya.

Matapos si Junie ay yumakap din sa akin ang ibang trabahador. Sumunod si Gertie na naghihintay pa lang na mayakap ako ay umiiyak na.

Kaagad ko siyang inirapan. "Anong iniiyak-iyak mo diyan?" masungit na tanong ko sa kanya.

"I'm sobrang sad," sumbong niya sa akin.

Mabilis ko siyang hinila at inayakap din. Hindi ko mapigilang hindi ma-iyak dahil sa nabuo kong pagkakaibigan sa kanya at kay Vera.

"Nang-iwan ka din dati at bumalik na may Gianneri. Ngayon ako naman ang aalis pansamantala...pero wala akong utang sayo," pang-aasar ko sa kanya.

Natawa ito bago muling yumakap ng mahigpit sa akin.

"We will miss you so much, Alice."

Umakap si Eroz din si Eroz sa akin kaya naman tuloy tuloy pa din ang pagtulo ng aking mga luha.

"Pwede mong balikan ang trabaho mo dito anytime," sabi niya sa akin.

"Kumuha ka ng totoong accountant na," nakangising sabi ko sa kanya.

Marahan siyang umiling. "Sa kabilang factory siguro, pero dito...ikaw pa din ang accountant namin," sabi niya sa akin.

Kaagad ko siyang inirapan maging ang mga kasama. Natawa na lang sila at tinakot pa ako dahil daw inirapan ko ang boss ko.

Kumain ako kasama sila. Madami silang inihandang pagkain para daw sa despidida party ko. Ang ilan doon ay mga paborito ko pa talagang pagkain.

"B-bakit?" tanong ko kay Ericka ng mapansin ko ang panunuod niya sa akin.

Marahan siyang umiling. "Ang gana mong kumain ngayon," naka-ngiting puna niya. \

"Gutom pa din ako dahil sa uhm...pagod," sagot ko sa kanya.

Nagtaas siya ng kilay at nagkibit-balikat.

Umakyat din ako sa office para kuhanin ang mga gamit ko. Mabigat sa dibdib na umalis dito dahil bukod sa mahal ko ang trabaho ko ay mahal ko din ang mga taong kasama ko dito.

"Dadaan ako mamaya sa inyo. May aayusin lang ako sa bangko," sabi ko kay Gertie.

Pinilit kong ngitian ang lahat habang isa-isa silang nagpapaalam sa akin para umuwi na. Sobrang bilis talaga ng oras pag gusto mong maging mabagal ito sa tuwing nagsasaya ka.

Nag-presinta si Junie at Ericka na ihatid ang mga nakuha kong gamit pauwi sa bahay namin. Pupunta pa kasi ako ng bayan para kuhanin ang natitirang pera namin ni Nanay sa bangko. Kailangan namin iyon para sa pagsisimula namin.

Habang nasa byahe ay binusog ko ang mga mata ko sa lugar na kinalakihan ko. Hinding hindi ako mag-sasawa sa ganda ng Sta. Maria.

Ingat na ingat ako sa hawak kong pera matapos kong kuhanin iyon sa atm. Hindi na din muna ako pumunta pa sa ibang lugar at dumiretso na sa mga Montero.

Mahigpit na yumakap si Yaya Esme sa akin. "Lagi mong tatandaan na mana ka sa akin," sabi niya na ikinatawa ko.

"Syempre naman po," pag-sangayon ko na ikinatuwa niya.

Bumaba si Gertie karga si Gianneri kaya naman mabilis kong binitawan ang dala kong bag para kargahin siya.

"Sobrang ingay pa din," nakangising puna ko sa kanya.

Hindi kagaya dati na titingin muna siya sa akin bago sumama ay mabilis na siyang sumasama ngayon. Matapos yumakap sa akin ay nag-ingay na kaagad siya na para bang nagkwe-kwento nanaman.

"Hindi nauubusan ng kwento ang anak mo," sabi ko kay Gertie pero matamis siyang ngumiti sa akin na para bang proud pa siyang madaldal ang anak niya.

"Baka she wants to share sayo yung insight niya about sa telenovela na pinanuod nila kanina," sabi niya sa akin na ikina-irap ko.

Niyakap ko ng mahigpit si Gianneri at paulit-ulit na hinalikan sa ulo. Sobrang bango niya, kahit ilang beses kong singhutin ang bango niya ay hindi iyon maubos-ubos.

"Nasaan si Tita Vera?" tanong ko sa kanya.

Tiningnan niya ako at tumulis pa ang nguso bago siya gigil na yumakap sa akin at binasa pa ng laway ang pisngi ko.

"Galit pa din si Tita Vera?" tanong ko sa kanya.

Natawa ako ng hawakan ng maliit niyang kamay ang pisngi ko. Kung hindi ko lang siya masasaktan ay kanina ko pa kinagat ang maliliit niyang daliri. Sobrang cute at masarap pang-gigilan.

"Ayaw bumaba ni Senyorita Vera," sabi sa amin ni Yaya Esme ng umakyat siya para tawagin ito.

Malungkot na tumigin si Gertie sa akin kaya naman tipid ko siyang nginitian.

"Ayos lang. Babalik naman ako dito pag may pagkakataon," sabi ko sa kanya.

Kaibigan ko si Vera at importante siya sa akin kaya naman hindi ko siya basta basta susukuan. May kasalanan ako sa kanya at gagawin ko ang lahat para mapatawad niya ako at bumalik kami sa dati.

"Susubukan ko ulit siyang kausapin sa susunod na balik ko dito," sabi ko kay Gertie para naman mapanatag siya.

Tumango siya sa akin kahit ramdam ko pa din ang lungkot niya. Nalulungkot din naman ako na umalis na hindi kami nagkaka-ayos na dalawa. Naiintindihan ko din naman na hindi pa handa si Vera na kausapin ako sa ngayon.

Maging ang araw ay naging mabilis din. Nakatanggap ako ng message kay Hunter tungkol sa kaso ng lalaki, nakakulong na ito ngayon ay sinigurado niya sa aking pagbabayaran niya ang kasalanang ginawa niya.

Dumating si Kuya Santi sa araw ng pag-alis ko para sunduin ako at ihatid kung nasaan man sina Nanay at Tatay ngayon.

"Ito na ba ang lahat ng dadalhin?" tanong niya sa akin na kaagad kong tinanguan.

Isa isa niyang inilabas ang mga gamit at isinakay sa likod ng dala niyang pick up. Pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan ng bahay namin. Ngayon pa lang ay sobrang lungkot na. Patay ang lahat ng ilaw at nakakabingi ang katahimikan.

"Babalik kami ni Nanay..." sabi ko dito.

Bago pa man mas lalong bumigat ang dibdib ko ay lumabas na ako para ikandado ang pintuan. Tapos na ding maghakot ng mga gamit si Kuya.

"Wala ka na bang hihintaying mga kaibigan?" tanong niya sa akin.

Mabilis akong umiling. Sinabihan ko na sila na wag na akong ihatid paalis dahil ayokong mag-iyakan nanaman kami. Babalik naman ako dito, babalikan ko naman sila kaya hindi namin kailangang umiyak. Pansamantala lang ang lahat ng ito.

Pasakay na sana ako sa sasakyan nang mapahinto ako ng makita ko ang pagdating na pamilyar na sasakyan.

Hindi kaagad ako nakagalaw sa aking kinatatayuan hanggang sa makita ko ang pagbaba niya mula dito.

Itim na itim ang kanyang suot at may malaki pang itim ding sunglasses.

"Bakit ka nandito?" tanong ko sa kanya.

Humalukipkip siya sa aking harapan, sa likod ng suot na sunglasses at nasisigurado kong umirap pa ito.

"Bawal bang mag-goodbye sa mga enemy mo?" tanong niya sa akin.

Tipid akong ngumiti. "Aalis na ako, galit ka pa din sa akin?" tanong ko sa kanya.

Nakataas noo pa din siya at nakahalukipkip. "Tsaka na tayo magbabati pagbumalik ka. Galit pa din ako sayo dahil iiwan mo ako," sabi niya sa akin kaya naman nanlabo ang aking paningin.

"Ikaw lang ang qualified na maging kaibigan ko dito...then you'll leave pa," sabi niya sa akin.

"Marami kang pwedeng maging kaibigan dito..." sabi ko sa kanya.

Hindi siya nagsalita. "Maraming may gusto sayo dito, Vera."

"Walang may gusto sa akin dito...ikaw lang," masungit na sabi pa niya kaya naman natawa ako.

Hindi na ako muli pang nagsalita at kaagad ng lumapit sa kanya at niyakap siya.

"Sorry ulit sa nangyari. Hindi ko napigilan ang emosyon ko...mali ako kasi sinaktan kita," sabi ko sa kanya.

Hindi nagsalita si Vera pero alam kong umiiyak din siya. Natawa pa nga ako dahil ayaw niyang tanggaling ang malaking sunglasses, ayaw niyang makita ko siyang umiiyak.

"Ang hina mong sumampal," sabi niya sa akin.

Umayos siya ng tayo sa harapan ko. "Pag hindi mo ako binalikan dito...ikaw naman ang sasampalin ko pag nagkita ulit tayo," sabi niya sa akin.

"Babalik ako dito. Babalikan kita dito...bestfriends tayo," paninigurado ko sa kanya.

"If you need anything sabihin mo sa akin. Don't hesitate to ask for help."

"Salamat..."

Umayos siya ng tayo at nagtaas nanaman ng noo. "Umalis ka na sa harapan ko...Witch," sabi niya sa akin.

Pinagtaasan ko siya ng kilay. "Ikaw na muna ang maunang umalis. Ayokong isipin mong iiwan kita," sabi ko sa kanya kaya naman humaba nanaman ang nguso niya.

"Sinasabi ko talaga sayo, pag hindi ka bumalik dito!" banta niya sa akin na ikinatawa ko.

Halos magpapadyak siya ng talikuran ako at naglakad palayo sa akin. Hindi naman porket magkakalayo kami ay matitigil ang pagkakaibigan namin ni Vera. Kahit saan ako mapunta ay siya pa din ang bestfriend ko.

Pinili kong pumukit at pinilit na makatulog habang paalis kami ng Sta. Maria. Ayokong gising ako buong byahe paalis dito dahil mas mabigat iyon sa dibdib. Tulog tuloy ako buong byahe papuntang Hagonoy Bulacan.

Dulong bahagi na ng Bulacan ang Hagonoy kaya naman malayo ito sa Sta. Maria. Hindi ko din alam kay Tatay kung bakit hindi kami lumabas ng Bulacan pero may tiwala naman ako sa kanya at sa plano niya.

Lagpas isang oras ang naging byahe namin dahil na din sa traffic. Maaga kaming umalis ay pasado tanghali na ng dumating doon.

"Masyadong liblib dito. Mukhang napagplanuhan talaga ng Tatay mo," sabi ni Kuya sa akin.

Hindi na lang ako umimik pa. Alam ko namang kahit tinutulungan nila kami ay hindi pa din nawawala ang galit nila kay Tatay at naiintindihan ko iyon.

Huminto ang sasakyan sa isang bungalow na bahay.

"Kaninong bahay ito?" tanong ko kay Kuya.

"Sa inyo," tipid na sagot niya sa akin.

Halos nasa gitna na din ito ng liblib na lugar at masyadong tago sa bayan na nadaanan namin kanina. Mas lalo kong naramdaman na ligtas kami nina Nanay dito.

"Alihilani!" tawag ni Nanay sa akin. Mukhang kanina pa siya nakatayo sa labas at hinihintay ang pagdating namin.

Halos takbuhin ko ang pagitan namin ni Nanay, mahigpit ko siyang niyakap at muli pang naiyak.

"Nandito ka na..." sambit niya.

Sa paraan ng pagkakasabi niya non ay para bang ilang araw siyang hindi napakali hanggang sa makapunta ako dito.

Nag-angat ako ng tingin ng makita ko ang paglabas ni Tatay mula sa bahay. Ngumiti siya sa akin bago sila lumapit sa amin ni Nanay para yakapin kami.

Mas lalo akong naiyak nang mayakap ko silang pareho. Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito. Matagal kong pinangarap na magkasama-sama ulit kami.

Maging si Tatay ay naging emosyonal din. Nakita ko kung paano niya hinalikan sa ulo si Nanay para patahanin ito. Alam niya na marahil na hindi nakakabuti para dito ang matinding emosyon at pag-iyak.

"Nagluto ako para sayo, alam kong gutom kayo..." sabi ni Nanay sa akin at nilingon din si Kuya na nasa likuran ko.

Hindi pa ako masyadong makapagsalita habang hindi pa din makapaniwala na kasama ko na sina Nanay at Tatay. Buong akala ko noon ay napaka-imposible nang mangyari ito.

Umalis din si Kuya pagkatapos kumain at makapagpahinga. Sinabi naman niyang dadalaw dalaw siya sa amin sa tuwing wala siyang trabaho.

"Ang mga kaibigan mo?" tanong ni Nanay sa akin.

"Naka-usap ko na po sila, Nay."

Tumango siya sa akin at muli akong hinila para yakapin.

Maganda ang buong bahay at puno din ng bulaklak ang labas. May kalayuan din ang mismong gate at malaki ang bakuran.

"Kaninong bahay po ito?" tanong ko kay Tatay.

Tumingin siya kay Nanay at ngumiti dito bago ako sinagot.

"Sa atin," sagot niya.

"Talaga po?" hindi makapaniwala kong tanong.

Ngumiti si Tatay sa akin. Lumapit ako sa kanya para yumakap ulit, hindi talaga ako makapaniwala na kumpleto na ulit kami ngayon.

Nakapag-usap na sila ni Nanay. Kita ko naman iyon sa pakikitungo nila sa isa't isa. Tama lang din na nauna silang dalawa dito dahil may mga bagay silang kailangang pag-usapan na silang dalawa lang.

"Hindi ko anak si Ahtisia. Pero hindi ko ipinaalam kay Atheena na alam ko na ang totoo..." pag-uumpisa ni Tatay na ikinagulat ko.

Tahimik lang sa tabi namin si Nanay, mukhang nasabi na ni Tatay ang lahat sa kanya.

"Nasa trabaho ako noon ng maabutan kong gustong pagsamantalahan ng isang lalaki si Atheena. Sinubukan ko siyang iligtas...may baril yung lalaki kaya naman nakipag-agawan ako. Hanggang sa pumutok at tinamaan siya," pag-uumpisa niya.

"Para hindi ako makulong...ipinangako ng pamilya ni Atheena sa akin na pro-protektahan nila ako kung magpapakasal ako sa kanya."

"Pero Tay...akseidente po ang nangyari. Pinag-tanggol niyo lang po ang sarili niyo..." giit ko. Dahil kung hindi nakipag-agawan ng baril si Tatay ay baka siya pa ang napahamak.

"Galing sa malaking pamilya ang lalaking iyon. Handa silang maningil ng buhay din dahil sa pagkawala nito," sagot niya sa akin.

"Kailangan kong gawin iyon hindi para sa akin kundi para sa inyo. Kung nalaman ng pamilya iyon at nalamang may pamilya ako sa Sta. Maria...baka saktan nila kayo para makaganti sa akin," sabi niya pa.

Hindi ko na ulit nagawa pang magsalita. Ito yung matagal ko ng gustong malaman kay Tatay pero hindi ko naman kinakaya ng marinig ko na ang totoo.

"S-sino po ang totoong ama ni Ahtisia kung ganoon?" tanong ko sa kanya.

"Yung lalaking...nabaril ko," sagot niya sa akin kaya naman mas lalo akong napatakip ng aking bibig.

Mas lalo akong naliwanagan ng may ikinwento pa si Tatay sa akin.

Una niyang naging girlfriend noon si Atheena Escuel. Isa siya sa pinaka paboritong tauhan ng nakatatandang Escuel kaya naman pinag-aral pa siyang ng Engineering. Hindi lang nagustuhan nito ng malaman niyang may relasyon noon si Atheena at Tatay kaya naman pinaghiwalay niya ang dalawa at ipinadala si Atheena sa ibang bansa.

Umuwi si Tatay ng Sta. Maria at nabaling ang atensyon niya kay Nanay na kababata niya. Nakalimutan niya si Atheena at mas minahal si Nanay hanggang sa mabuo ako. Kinailangan ni Tatay na magtrabaho para bigyan kami ng magandang buhay.

Nalaman ng nakatatandang Escuel na may pamilya na si Tatay kaya naman muli niya itong tinanggap sa kanilang companya sa Manila hanggang sa mangyari ang lahat.

"Pumayag silang ipakasal ako kay Atheena kahit pa hindi naman talaga nila ako gusto noong una pa lang. Alam marahil ng mga magulang niya na buntis siya at walang tatayong ama para dito kaya pinilit nila ako..." kwento niya sa amin.

Kita ko din ang pagiging emosyonal ni Nanay kaya naman hinawakan ko siya sa braso. Tipid siyang ngumiti sa akin para ipakitang ayos lang siya.

Marami pa akong tanong kay Tatay pero itinigil ko muna dahil masyado na iyong madami para sa unang araw na magkakasama ulit kami.

Naging maayos ang mga sumunod na araw namin na magkakasama. Nag-umpisang magtanim ng mga gulay si Tatay sa malawak naming bakuran.

"Alihilani," tawag ni Nanay sa akin ng muli nanaman akong tumakbo patungo sa may lababo dahil sa pagkaduwal.

Pang-ilang araw na ito at ramdam ko na din ang kakaibang tingin nila sa akin.

"Ilang araw na iyan," puna ni Nanay.

Hindi ako naka-imik at marahang pinahiran ang aking bibig.

"May ipinabili ako sa Tatay mo sa bayan kahapon..." sabi niya sa akin.

Bumaba ang tingin ko sa hawak niyang pregnancy test kit.

"Nay..." natatakot na tawag ko sa kanya.

Marahan niyang hinaplos ang aking pisngi. "Kahit anong maging resulta...mahal na mahal ka namin ng Tatay mo," sabi niya sa akin kaya naman nanlabo ang aking paningin.

Ilang araw itong sumagi sa isip ko pero hindi ko binigyang pansin. Nag-uumpisa pa lang kami ng aming bagong buhay.

Ginawa ko ang sinabi ni Nanay sa akin. Naghintay lang ako ng ilang sandali hanggang sa mapapikit ako ng mariin at naiyak.

Umiiyak akong lumabas ng banyo at yumakap kay Nanay na katabi na si Tatay ngayon.

"Nay...sorry po!" umiiyak na sabi ko.

"Sorry po," paulit-ulit kong sinabi habang umiiyak.

"B-buntis ang anak natin," sabi ni Tatay ng siya ang kumuha sa kamay ko ng pregnancy test.

Mas lalong humigpit ang yakap ni Nanay sa akin.

"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Biyaya iyan, Alihilani..." sabi niya sa akin.

Mas lalo akong naiyak, hindi ako makapaniwala na may batang nabubuo sa sinapupunan ko.

"Si Engineer Jimenez?" tanong ni Tatay kahit alam kong alam niya na ang sagot.

Napayuko ako at hindi makatingin sa mga magulang ko.

"W-wala na po kami ni Hob. Hiwalay na po kami..."

Gumuhit ang sakit sa mukha ni Nanay hanggang sa marahan niyang hinawakan ang magkabilang pisngi ko. Mula sa gumuhit na sakit ay gumuhit ang tapang dito.

"Hindi bale. Kasama mo kami ng Tatay mo...kasama mo kami, Alihilani."

Hindi ako makapaniwala sa nalaman pero hindi naman naging mahirap sa aking tanggapin iyon sa tulong na din nina Nanay at Tatay.

"Ako ang gagawa ng kuna para sa apo natin," sabi niya kay Nanay isang umaga habang kumakain kami ng almusal.

Unti unti kaming nasasanay na isama sa plano para sa mga susunod pang araw ang baby na nasa sinapupunan ko. Mas lalo ko siyang nararamdaman sa tuwing hinahawakan ko ang tiyan ko.

May tatlong kwarto ang bahay namin. Isang masters bedroom para kina Nanay at Tatay. Kwarto ko at ang isa ay balak nilang gawing kwarto para sa baby ko.

"Mas mabuting walang nakaalama na Jimenez ang dinadala mo. Mas magiging delikado para sa apo ko kung malalaman ito ni Atheena," seryosong sabi ni Nanay.

Napahawak ako sa aking sinapupunan. Takot din ako para sa kaligtasan namin ng baby ko. Tama si Nanay, alam kong may karapatan si Hob na malaman ito pero mas makakabuting kami lang muna ang may alam.

Sa tuwing aalis si Tatay papunta sa bayan gamit ang pick up truck ay tinatanong niya ako kung ano ang gusto kong kainin. Binibili niya kung ano ang gusto ko.

Nang sumunod pang araw ay ako naman ang nagpaalam sa kanila na pupunta sa may bayan para bumili ng gamot ni Nanay at makita ko din kung anong meron sa bagong lugar namin ngayon.

Hindi pa nila ako pinayagan nung una. Hindi din naman ako pumayag na aalis kaming dalawa ni Tatay at maiiwan si Nanay sa bahay mag-isa.

"Gusto po ata ni Baby na mamasyal kami," nakangiting sabi ko kay Nanay para lang payagan niya akong umalis.

Kailangan ko ding maghanap ng clinic para makapag pa-check up na ako. Iniisip ko ding kailangan ko ng bagong trabaho para makapag-ipon para sa pagdating ng baby ko. Hindi din kasi ako sanay na walang ginagawa.

Hindi naman ako nahirapang pumunta sa may bayan dahil marami namang tricycle na nagsasakay sa may labasan.

Parang nasa Sta. Maria lang din ako, ang pinagkaiba lang ay ramdam kong dayo ako dito. Nandito ako pero ang puso ko ay nasa Sta. Maria pa din, sa lugar, sa mga taong naiwan ko doon.

Ang tanging dahilan lang kung bakit unti unti kong tinatanggap ang bagong buhay naming ito ay dahil kasama ko sina Nanay at Tatay pati na din ang Baby ko.

Pagkalabas ko ng Pharmacy ay napahinto ako ng maka-kita ako ng turon. May langka iyon kaya naman bumili ako ng tatlo. Napahinto ako sa isang bilihan ng mga gamit pangbata.

Hindi ko pa alam kung lalaki o babae siya pero gusto ko ng bumili kaagad ng mga gamit para sa kanya. Mas lalo kong gustong maghanap ng bagong trabaho para makapag-ipon na din ng gamit niya.

Nakangiti ako habang hawak ang maliit na medyas pang baby ng magulat ako ng may humaklit sa aking braso para harapin siya.

"A-anong ginagawa mo dito!?" gulat at kinakabahang tanong ko kay Hunter.

Imbes na sagutin ako ay nanatili ang tingin niya sa hawak ko.

"Buntis ka?" tanong niya sa akin.

Gusto kong sabihing hindi. Pero pakiramdam ko ay masasaktan ang baby ko kung itatanggi ko siya.

"Bitawan mo nga ako!" asik ko na lang sa kanya at pilit na kumawala sa kanya pero hindi niya ako binitawan.

"Buntis ka, Alihilani?" tanong niya sa akin mas malumanay na ngayon.

Bayolente akong napalunok. "Hindi kailangan malaman ng Kuya mo. Hindi din naman ako hihingi ng susteno sa pamilya niyo. Kaya kong buhayin mag-isa ang anak ko...kailangan ko siyang ilayo sa magulo niyong mundo," tuloy tuloy na sabi ko sa kanya.

Matalim akong tiningnan ni Hunter. "Jimenez ang dinadala mo, Alihilani. Hindi kung sinong bata lang..." mariing sabi niya sa akin.

"Pangalang pwedeng magpahamak sa kanya," giit ko.

Hindi siya nakapagsalita. "Gusto ko ng tahimik na buhay para sa amin ng baby ko. Mas gusto kong kaming dalawa lang ng baby ko..." hindi ko napigilang maging emosyonal.

Nanatili ang tingin ni Hunter sa akin. "Hindi namin guguluhin ang Kuya mo at ang pamilya niyo. Kayang kaya ni Hob na kalimutan ako...ganoon din ako sa kanya," giit ko kay Hunter.





(Maria_CarCat) 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro