Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 30

Real



Hindi kaagad ako nakagalaw o nakapagsalita pagkatapos kong marinig iyon mula kay Tatay. Pero mas lalong nangibabaw sa akin ang sakit ng makita ng dalawang mata ko, dito mismo sa aking harapan kung paano siya umiyak. Ramdam at kitang kita ko na nahihirapan na din siya, na hindi niya din gusto ang mga nangyayaring ito.

"Tutulungan kita, Tay..." sambit ko kahit ang totoo hindi ko din alam kung sa paanong paraan ako makakatulong sa kanya.

Marahan siyang umiling habang umiiyak kaya naman mabilis na tumulo ang masasaganang luha mula sa aking mga mata.

"Ayokong madamay ka...kayo ng Nanay mo," sambit niya kaya naman napasinghap ako.

"Tay, pamilya po tayo dito," sambit ko at pumiyok pa.

Pamilya kami dito, kahit pa sabihing matagal kaming tinalikuran ni Tatay ay pamilya pa din kami. Gagawin pa din naman ang lahat ng tulong kung kailangan niya. Kahit sa paanong paraan.

"Mahal na mahal ko kayo ng Nanay mo, Alihilani. Hindi ko kayo nakalimutan, hindi ko kayo nakalimutan...Mahal na mahal ko si Cleo," sabi pa niya kaya naman mas lalong sumikip ang dibdib ko.

Masakit ang tagpong ito pero mas masakit pa dahil sa loob ng mahabang panahon, inakala namin ni Nanay na kinalimutan na niya kami. Kung nandito lang sana si Nanay, kung naririnig lang sana niya ito.

"Hihingi po tayo ng tulong, Tay."

Marahan niyang pinahiran ang luha sa kanyang mga mata. "Ligtas tayong lahat kung mananatili ako sa poder ng pamilya ni Atheena. Ganoon din kayo...kaya naman kahit malayo ako sa inyo hanggang ligtas kayo ng Nanay mo...kaya kong tiisin," sabi pa niya kaya naman mas lalo akong napahikbi ng mas lalo akong maliwanagan.

Hindi na ako nakapagsalita pa at umiyak na lang kaya naman kaagad kong naramdaman ang paghila sa akin ni Tatay para yakapin ako ng mahigpit.

"Hindi ako naging mabuting ama sayo, Alihilani. Pero hindi nawala ang respeto at pagmamahal mo sa akin, mas lalo kong minahal ang Nanay mo dahil napalaki ka niya ng maayos kahit iniwan ko kayo..." sabi niya kaya naman mas lalong humigpit ang yakap ko kay Tatay.

Mahigpit na mahigpit dahil ngayon, hindi na bawal. Ngayon niyayakap na din niya ako pabalik. Ito ang bagay na matagal ko ng gustong gawin, ang bumalik si Tatay at mayakap ko siya ng malaya.

"Hindi niyo po gusto na iwanan kami, Tay." laban ko. Mas alam ko na ngayon.

Humikbi siya bago ko naramdaman ang paghalik niya sa aking ulo. Nagtagal iyon bago naramdaman ang marahan niyang paghaplos sa aking likod.

"Mas mabuting wala na kayong alam sa nangyari. Mas magiging delikado lang iyon para sa inyo," sabi pa niya sa akin ng medyo kumalma na kaming pareho.

Gusto kong magtanong. Gusto kong malaman ang lahat pero sa ngayon, gusto kong bigyan ng pagkakataon si Tatay na itama ang lahat ng kasalanan niya. Ito ang isa sa mga paraan niya at nirerespeto ko iyon.

Tipid siyang ngumiti matapos niyang haplusin ang aking pisngi. "Dalaga ka na talaga," sambit niya habang pinagmamasdan ako.

Tipid lang din akong ngumiti bago bumagsak ang tingin ko sa aking mga daliri.

"Kayo ni Engr. Jimenez?" tanong niya sa akin kaya naman biglang uminit ang aking magkabilang pisngi.

Nahihiya ako minsan na magsabi kay Nanay tungkol kay Hob, pero mas nakakailang pa lang kung kay Tatay iyon manggagaling.

"Hindi pa po, Tay. Nanliligaw pa lang po siya..." sagot ko sa kanya kaya naman ngumiti siya.

"Sagutin mo na," pang-aasar niya sa akin. Kahit galing kami sa iyak ay pilit na pinapagaan ni Tatay ang sitwasyon.

"Masyado pong mabilis kung sasagutin ko na kaagad si Hob, Tay."

Tumawa siya ay muling hinaplos ang ulo ko. "Wala naman iyon sa tagal. Kung ramdam mo at alam mong totoo...hindi basehan ang haba ng panahon," sabi niya sa akin kaya naman marahan akong tumango.

"Gusto ko si Engr. Jimenez para sayo, Alihilani. Alam kong mamahalin at mapro-protektahan ka niya," sabi pa niya.

Napabuntong hininga ako. Kahit gusto ni Tatay na pag-usapan namin ang bagay na iyon ay hindi pa din maalis sa isip ko ang inamin niya sa aking dahilan kung bakit hindi siya makabalik sa amin ni Nanay.

"Habang pinapakilala ka niya sa pamilya niya...grabe yung saya sa puso ko. Gusto kong sabihin sa lahat na anak ko yan. Anak ko yan," sabi pa niya kaya naman muling namuo ang luha sa aking mga mata.

"Pero hindi na po ako ang nag-iisang prinsesa niyo, Tay." sabi ko at hindi ko na napigilan pa ang tono ng pagtatampo doon.

Tiningnan niya ako, hinila para halikan sa ulo. "Ikaw pa din. Si Alihilani pa din ang nag-iisang prinsesa ni Tatay," paninigurado niya sa akin.

Madilim na ng pag-paalam ako kay Tatay. Kailangan na din niyang umalis dahil marami pa siyang kailangang ayusin.

"Ilang linggo akong mawawala. May project ako sa Bicol kaya naman doon muna ako," sabi niya sa akin kaya naman kumirot ang dibdib ko.

Natawa siya ng makita niya ang lungkot sa aking mga mata. "Mas mabuting malayo kayo sa akin. Mas mabuting nasa malayo muna ako, mag-iingat kayo ng Nanay mo dito."

Ibinigay ni Tatay sa akin ang phone number niya kung sakaling may kailangan kami o tatawag siya sa amin.

Napagdesisyunan naming wag na din muna itong sabihin kay Nanay dahil baka hindi niya kayanin at dahil na din sa sakit niya.

"Tay..." sambit ko ng abutan niya ako ng makapal na pera.

"Para iyan sa iyon ng Nanay mo, kulang pa nga iyan sa lahat ng taong hindi ako nagpakita at nagparamdaman."

"Tay, hindi naman po pera ang importante..."

"Para sa gamot ng Nanay mo, para sayo na din...hindi ganitong buhay ang pinangarap ko para sa atin noon. Dapat ay maginhawa, dapat ay nabibili at nagagawa mo ang mga bagay na gusto mo," sabi pa niya sa akin.

Isang mahigpit na yakap at halik sa ulo ang iniwan sa akin ni Tatay bago siya tuluyang nagpaalam sa akin.

"Iyakap mo na lang ako sa Nanay mo," sabi niya. Ramdam ko ang sakit at lungkot sa kanyang boses. Ramdam ko na totoo ang sinabi niyang miss na miss na din niya si Nanay.

Mabilis ang lakad ko pauwi sa aming bahay. Pagkapasok ko pa lang sa pintuan ay nakasalubong na kaagad sa akin si Nanay kaya naman mabilis ko siyang niyakap para ibigay ang yakap na galing kay Tatay. Hindi ko napigilang maging emosyonal kaya naman ramdam ko ang pag-aalala sa kanya.

"Sino nanaman ang nang-away sayo?" tanong niya sa akin. Ganoon ang tanong niya sa akin palagi noon sa tuwing umuuwi akong umiiyak dahil sa mga pang-aasar na natatanggap ko mula sa ibang tao.

"Wala po, Nay."

Mas lalo kong hinigpitan ang yakap kay Nanay kaya naman ganoon din ang ginawa niya sa akin.

"Tamang tama at ipinagluto kita ng hapunan," sabi niya sa akin kaya naman napabitaw ako ng yakap sa kanya.

"Nay, dapat po ay nagpapahinga lang kayo," suway ko sa kanya kaya naman sinimangutan niya ako.

"Buong araw akong nagpapahinga dito, Alihilani. Kumain na tayo ng hapunan. Humigop ka ng mainit na sabaw para gumaan ang pakiramdam mo," yaya niya sa akin.

Pinaupo ako ni Nanay sa aming lamesa. Siya ang nag-asikaso sa akin kaya naman ng ilang beses ko siyang sinuway na ako na lang ang gagawa ay pinagalitan nanaman niya ako.

Magaan na ang pakiramdam ko ng sumunod na araw dahil sa sandali naming pag-uusap ni Tatay ay nagkaroon ako ng pag-asa na pwede pa ulit kaming mabuo ulit.

Maingay kaagad si Junie pagkapasok ko ng factory. Napag-usapan na din namin ni Hob na tigil tigilan na muna niya ang paghatid sundo sa akin dahil mas malaki ang chance na malaman na ng iba iyon.

"Bagay na bagay sa kamay ko," pagbibida niya sa uwing relo ni Eroz para sa kanya.

Nasa gitna nanaman siya at nag-iingay na akala mo ay bumubuo nanaman ng pag-aaklas. Napatingin siya sa akin ng dumating ako kaya naman kaagad ko siyang inirapan.

"Alice!" tawag niya sa akin at lumapit pa.

"Bagay ba sa akin? Bagay ba sa muscles ko?" tanong niya at ibinida sa harapan ko ang suot na mamahaling relo.

"Ang gwapo nung relo...bagay sa kamay mo. Pero sa mukha? Ayokong magkasala...umagang umaga," pang-aasar ko sa kanya kaya naman natawa din siya.

"Grabe ka naman sa akin porket may manliligaw ka na! Isusumbong kita kay Boss Eroz, bawala pagpaligaw dito sa trabaho," pananakot niya sa akin.

Kaagad kong inabot ang tenga niya para pingutin iyon. Napadaing si Junie kaya naman mas lalo kong inigihan.

"Subukan mong magsumbong!" banta ko sa kanya.

Nakanguso ito habang hawak ang tenga niya at nakatingin sa akin na akala mo naman aping-api siya.

"Alam ba ng manliligaw mo na mapanakit ka?" tanong niya sa akin kaya naman sinamaan ko siya ng tingin.

"Pag-untugin ko pa kayo," laban ko sa kanya kaya naman naningkit ang kanyang mga mata.

"Kilala ba namin yan, Alice?" tanong niya sa akin kaya naman napaayos ako ng tayo.

"Hindi!" giit ko kaya naman mas lalo siyang ngumisi.

Imbes na makipagtalo kay Junie at madulas pa ako sa kanyang harapan ay kaagad ko siyang iniwan doon at dumiretso na sa office.

Inabala ko ang sarili ko sa trabaho dahil ngayon ko din kailangang ibigay kay Eroz ang report para sa ngayong buwan. Hindi naman naging mahirap iyon para sa akin dahil palagi ko naman iyong ina-update.

Sandali akong nag-unat sa kalagitnaan ng pagtratrabaho at uminom ng tubig ng makita ko ang pagdating ng message sa aking phone. Galing iyon kay Hob.

From: Hob

Ikaw ang magdala ng lunch ko.

Napa-irap ako sa kawalan. Aba't kung maka-utos itong siraulong to!.

Pinagpatuloy ko ang aking ginagawa hanggang sa bumaba na ako sa may kitchen bago magtanghali para I-check ang lunch na dadalhin ko sa site ngayong araw.

"Ito? Para daw kanino?" tanong ni Eroz ng maabutan ko siyang nasa may pantry at kausap sina Ericka.

"Ito kay Julio ito...si Ma'm Vera ang nagbabayad niya. Itong isa galing kay Alice..." si Ericka.

Nagpamewang si Eroz na para bang sobrang interisado siyang malaman iyon.

"Para daw kanino?" seryosong tanong niya.

Papasok na sana ako para pigilang sumagot si Ericka ng hindi ko na iyon naabutan.

"Sa pinsan mo. Kay Sir Hobbes," sagot niya dito kaya naman mariin akong napapikit at napasapo sa aking noo.

"Oh ayan na pala si Alice," turo sa akin ni Ericka kaya naman mabilis akong nilingon ni Eroz.

"Uhm...pag balik ko pwede ko ng I-pasa yung report," sabi ko sa kanya. Hindi ko alam ang sasabihin ko kaya naman iyon na lang ang lumabas sa bibig ko.

Tipid siyang tumango sa akin. "Punta ka muna sa office, bago ka umalis." sabi niya sa akin bago niya ako tinalikuran.

Tipis akong tumango sa kanya at napayuko. Mabait si Eroz sa amin, hindi niya kami tinuring na iba sa kanya. Pero hindi ko lang alam kung anong magiging reaksyon niya pag nalaman niyang nililigawan ako ng pinsan niya.

Kilala ko si Eroz, kagaya ng mga Montero ay hindi siya tumitingin sa estado ng buhay ng mga kasama niya. Pero kung hindi siya sang-ayon sa amin ni Hob, maiintindihan ko naman.

"Pupunta muna ako kay Eroz," paalam ko kay Ericka.

Diretso ang lakad ko papunta sa office. Tatlong katok ang ginawa ko bago ko narinig ang sinabi niyang pumasok na ako. Abala siya sa tapat ng kanyang laptop, mukhang marami ding ginagawa dahil sa mga nagkalat na folder sa itaas ng kanyang lamesa.

"Upo ka, Alice..." turo niya sa akin sa upuan sa harapan niya.

Tahimik ko siyang sinunod. Sandali pa siyang may tinipa sa laptop niya bago niya marahang isinara iyon, umayos ng upo at hinirap ako.

"Ginugulo ka ba ng pinsan ko?" tanong niya kaagad sa akin.

Marahan akong umiling.

"So kayo ni Hob?" tanong niya sa akin, seryoso pa din.

"H-hindi pa...nanliligaw pa lang siya," marahang sagot ko kay Eroz.

Ramdam ko ang pananatili ng tingin niya sa akin na para bang malalim ang iniisip niya.

"Gusto mo ba siya?" tanong niya sa akin kaya naman napanguso ako.

"Sisisantehin mo ba ako?" tanong ko.

Kita kong napaayos siya ng upo kaya naman napairap ako sa kawalan. Tumaas ang isang sulok ng labi ni Eroz.

"Hindi, Alice. Gusto ko lang malaman. Ikaw ang inaalala ko dito," sabi niya sa akin kaya naman napabuntong hininga ako.

"G-gusto ko ang pinsan mo, Eroz" pag-amin ko kaya naman nagtaas ng kilay si Eroz sa akin. Ramdam ko ang pamamanhid ng buong mukha ko.

Natawa ito. "Wag mo munang sagutin, pahirapan mo..." nakangising sabi niya sa akin na ikinagulat ko.

"H-hindi ka kontra?" tanong ko.

Nagkibit balikat siya. "At bakit naman ako ko-kontra?" balik na tanong niya sa akin.

Hindi mawala ang ngiti sa labi niya. Hindi ako naka-imik ng kuhanin niya ang phone niya at may tinawagan. Ngiting ngiti siya na para bang may kalokohang iniisip.

"Piero..." tawag niya sa kausap.

Napa-ayos ako ng upo dahil mukhang ipamamalita na niya iyon. Gusto ko siyang pigilan pero masyadong masaya si Eroz. Ang mga siraulong to! Magpipinsan nga talaga sila!.

"Binata na ang pinsan mo," nakangising sabi niya kay Piero kaya naman mariin na lang ako napapikit.

Sandaling nagpaalam si Eroz kay Piero para sabihin sa aking pwede na akong umalis. Matalim ko siyang tingnan pero panay pa din ang ngisi niya.

"Pahirapan mo," paalala pa niya sa akin bago siya bumalik sa pakikipag-usap kay Piero Herrer.

Dala ang mga pagkain ay dumiretso na ako sa may site. Malaki ang ngiti nina Mang Roger sa akin ng makita nila ako.

"Bumalik na si Alice," sabi nila kaya naman inirapan ko silang lahat. Parang isang araw lang akong hindi nagpakita sa kanila ay akala mo naman taon na.

Tinanong pa nila ako kung bakit hindi ako ang nagdala ng pagkain kahapon. Kahit hindi ako obligado na sumagot ay sinagot ko pa din dahil ramdam ko naman na hindi na din iba ang turing nila sa akin.

"Medyo masama lang po ang pakiramdam ko," sagot ko sa kanila habang hinahayaan silang pumili ng pagkain nila.

"Baka buntis ka, Alice!" sabi ng isa kaya naman kaagad siyang hinampas sa braso ni Mang Roger.

"Paanong mabubuntis eh wala ngang nobyo!" laban niya dito kaya naman natahimik na lang ako.

Napakamot sa ulo ang lalaking nagsabi non. "Bali-balita kasi..." hindi natuloy ang sasabihin niya ng kaagad siyang pinigilan ni Mang Roger.

"Nagpapaniwala kasi kayo sa bali-balita! Kilala natin itong si Alice. Maraming inggit sa kanya dahil bukod sa maganda na, mabait pa! Talagang maraming gustong gumawa ng kwento kwento para mapasama siya," mahabang paliwanag ni Mang Roger kaya naman tipid akong ngumiti at tumingin na lang sa hawak kong listahan.

"Tama, hindi ganoon si Alice," giit din ni Tonyo kaya naman napanguso ako para itago ang pag-ngiti.

Nakakatuwa lang na kahit madaming naniniwala sa mga sabi-sabi ay may ilan pa din talagang naniniwala na hindi ako ganoon.

"Ihahatid ko lang po kay Engr. Jimenez yung sa kanya," paalam ko sa mga ito. Hindi naman maganda na makita nilang basta basta lang akong umaakyat sa office sa second floor na parang kung sino ako.

Nasa hagdanan pa lang ako paakyat ay mabilis na akong napahinto ng makita ko si Hunter. Matalim kaagad ang tingin niya sa akin kaya naman halos dumikit na ako sa pader.

May hawak siyang ilang folder, isang nakarolyong blurprint habang may itim at malaking backpack na nakasukbit sa kanyang likuran.

Mula sa akin ay bumaba ang tingin niya sa hawak kong lunchbox. Hindi ak nakagalaw kaya naman siya ang dahan dahang humakbang pababa para magkapantay kami.

"Dinadaan daan mo sa ganyan ang Kuya ko?" nakangising tanong niya.

Nilabanan ko ang tingin niya sa akin. "Binabayaran ito ni Hob dahil binibenta ko ito," giit ko sa kanya kaya naman mas lalo siyang napangisi na nakaka-insulto.

"Hob?" nakangising tanong niya sa akin na para bang wala akong karapatang tawagin si Hob ng ganoon.

Pinantayan niya ako lalo at mariing tinitigan. "Libre ka mamaya?" tanong niya sa akin kaya naman napa-awang ang labi ko.

"Seryoso ka ba?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya. Kung malandi si Hob, mukhang mas malandi ang kapatid niyasng ito.

Ngumisi siya kaya naman muli kong nakita ang paglabas ng dimples niya. Binalak pa niyang hawakan ako sa pisngi kaya naman kaagad kong tinabig ang kamay niya.

"Tigilan mo ako, hindi ko alam kung anong gusto mo sa akin...tigilan mo ako," madiing sabi ko sa kanya kaya naman mas lalo siyang ngumisi.

"I want your loyalty, gusto ko yung ganyan...yung pakipot," sabi niya kaya naman kaagad ko siyang sinampal.

Kahit sinampal ko na ay nakangisi pa din.

"Hindi ako nagpapakipot sayo. Hindi lang talaga kita gusto!" asik ko sa kanya.

Tatalikuran ko na sana siya ng muli nanaman siyang humarang sa daraanan ko.

"How about...you give me a chance too?" seryosong tanong niya sa akin.

Kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin?" mariing tanong ko.

Nagtaas siya ng kilay. Sandali niya akong pinagmasdan hanggang sa nakita ko kung paano bumaba ang tingin niya sa aking mga labi.

"Manliligaw din ako," seryosong sabi niya sa akin kaya naman kaagad ko siyang tinulak palayo sa akin.

"Nasisiraan ka na ng ulo!" asik ko sa kanya.

Mabilis akong umakyat para makalayo na sa kanya ng may inihabol pa siya sa akin.

"Para ka sa akin," sabi niya kaya naman naikuyom ko ang aking kamao.

Imbes na sagutin pa siya ay hindi ko na lang pinansin. May topak si Hob pero mas mukhang malala ang kapatid niya. Pakiramdam ko tuloy ay may tinatango siyang inggit sa Kuya niya kaya naman nagawa niya ang mga bagay na iyon dati.

Inayos ko muna at pinakalma ang aking sarili bago ako kumatok sa pintuan ng office ni Hob.

"Come in," seryosong sabi niya.

Pagbukas ko ng pinto ay naabutan kong seryoso siya at nakatutok sa blueprint na nasa drafting table niya.

Hindi kaagad ako nagsalita, kahit abala ay sandali niya akong nilingon at kita ko ang gulat sa kanyang mukha bago siya napatingin sa suot na relo.

"Damn," sambit niya bago niya binitawan ang lahat ng ginagawa para salubungin ako.

"Marami kang trabaho?" tanong ko.

"May tinatapos lang," sagot niya sa akin bago siya tuluyang makalapit at hinalikan ako sa pisngi.

"Akala ko magugutom ulit ako ngayong araw," sabi niya sa akin kaya naman inirapan ko siya.

Dumiretso ako sa table niya para ihanda at ayusin ang lunchbox niya. Nakangiti siyang umupo doon na para bang excited nanaman siyang kumain.

"May meeting kami mamaya. Umalis na nga pala sa project ang Tatay mo," kwento niya sa akin kaya naman tipid akong tumango.

"Alam ko, sinabi niya sa akin..." sabi ko sa kanya.

Nagtaas siya ng kilay na para bang nagulat siya. "Nag-usap kayo?" tanong niya sa akin.

Tipid akong tumango at umupo sa kaharap niyang upuan. "Kinausap niya ako," nakangiting sabi ko.

Tipid na ngumiti si Hob sa akin. "I'm happy for you."

Nag-iwas ako ng tingin ng maramdaman ko nanaman ang pag-init ng magkabilang pisngi ko dahil sa tingin niya sa akin.

Tahimik ako habang kumakain si Hob. Tumayo lang ako ng maisipan kong tingnan ang ginagawa niya sa drafting table niya.

"Pag-aaralin kita ng Engineering," sabi niya sa akin kaya naman napangisi ako.

"Sugar daddy," pang-aasar ko kaya naman sumimangot si Hob.

"Boyfriend mo ako. Hindi sugar daddy yon," laban niya kaya naman humalukipkip ako at pinagtaasan siya ng kilay.

"Kailan pa?" tanong ko sa kanya. Masyadong pala-desisyon ang isang ito.

Natigilan siya sa pag-nguya kaya naman mas lalo akong napangisi.

"Feelingero," pang-aasar ko sa kanya kaya naman nakita ko nanaman ang pamumula ng tenga niya.

Natahimik na lang tuloy siya hanggang sa matapos siyang kumain. Nang makita kong tapos na siya ay lumapit na ako para iligpit iyon. Nakatingin lang sa akin si Hob hanggang umiinom siya ng tubig.

Dudukot na sana siya ng pera sa bulsa niya ng kaagad ko siyang pigilan.

"Wag mo ng bayaran," sabi ko.

Sandali siyang natigilan pero ramdam kong nagulat siya.

"Libre?" tanong niya kaya naman napanguso ako. Tuwang tuwa talaga ang isang ito pag nakalibre siya eh.

"Hindi ka na magbabayad," sabi ko ulit sa kanya hanggang sa manlaki ang mata niya at napatayo pa.

"Sabi mo pag tayo na...libre na ang lunch ko," paalala niya sa akin.

Nanatili ang tingin ko sa inaayos kong lunch box dahil sa mabilis na pagtatambol ng aking dibdib.

"Ibig sabihin..." sambit niya kaya naman napakagat ako sa aking pang-ibabang labi.

Marahil nga tama si Nanay at Tatay. Hindi naman iyon nasusukat sa kung gaano katagal akong niligawan ni Hob. Ang mahalaga ramdam ko na kung ano man ang meron sa aming dalawa ay totoo iyon.

Marahan akong tumango kaya naman mas lalong lumaki ang mata niya. Mabilis kinain ng malalaking hakbang niya ang pagitan naming dalawa kaya naman sa isang iglap lang ay nasa harapan ko na siya.

"Girlfriend na kita!" sabi niya, hindi na iyon tanong.

Naramdaman ko ang magkabilang kamay ni Hob sa bewang ko kaya naman dahan dahan kong itinaas ang magkabilang kamay ko papunta sa balikat niya para kumuha ng supporta bago ako tumingkayad at sandali siyang hinalikan sa labi.

"T-tayo na, Hob." sabi ko sa kanya.

Gusto kong matawa dahil sa pagkabato niya. Napakapit na lang ako ng mahigpit sa balikat niya ng muli nanaman niya akong siilin ng malalim na halik.

Bahala na ang sasabihin ng iba. Simula ngayon, pipiliin ko na ang mga bagay na magpapasaya sa akin ng hindi iniintindi kung ano ang iisipi ng ibang tao tungkol sa akin.

"So pwede ng malaman ng iba?" tanong niya sa akin habang pababa na kami dahil pinilit niya na ihatid ako pabalik sa factory.

"Sasabihin din natin...pero wag muna ngayon," sabi ko sa kanya.

Tumango siya na para bang kahit gustong gusto na niyang sabihin ay nirerespeto niya ang desisyon ko.

Binati kami ng grupo nina Mang Roger bago sila nagpaalam na babalik na sa trabaho. Tinulungan pa ako ni Hob na ayusin ang mga dala ko kaya naman inirapan ko siya.

"Boyfriend mo na ako," nakangising sambit niya na para bang hindi pa din siya makapaniwala.

"Parang ngayon ka lang nagka-girlfriend..." sita ko sa kanya. Dapat nga ako pa ang lutang hanggang ngayon dahil siya ang first boyfriend ko.

Ngumisi si Hob at lumapit sa akin. Muli siyang humawak sa bewang ko para ilapit ako sa kanya at bumulong.

"Last girlfriend tapos asawa na," bulong niya sa akin kaya naman siniko ko siya.

Natigilan kami ng makita namin ang paglapit ni Tita Atheena sa amin.

"Good afternoon, Engr. Jimenez..." bati niya dito kaya naman nag-iwas ako ng tingin.

Mas lalo akong nagulat ng lapitan niya ako at makipag-beso pa.

"Alihilani....Hija," sabi niya sa akin at ngumiti pa.

"I hope maging maayos na ang lahat sa atin, kung ano man ang mga nangyari noon...sinisigurado kong hindi na mauulit," marahang sabi niya sa amin pero nasa kay Hob ang tingin niya.

"That's better, Mrs. Salvador. Dahil hindi ako pumapayag na sinasaktan ang girlfriend ko. Ako ang makakalaban..." seryosong sabi ni Hob sa kanya.

Hindi din nagtagal si Tita Atheena sa harapan namin at nagpaalam din kaagad. Nasabi ni Hob sa akin na si Tatay lang ang pumayag na umalis sa project pero inilaban ni Tita Atheena ang sarili niya at nangakong may ipapalpit kay Tatay na mas magaling daw na Engineer.

"I want to date you later..." sabi ni Hob sa akin ng huminto ang sasakyan niya malapit sa tapat ng factory.

"Wag na muna. Tapusin mo muna yung trabaho mo," suway ko sa kanya kaya naman tipid siyang ngumiti sa akin.

Pumungay ang kanyang mga mata at humilig para halikan ako.

"Girlfriend na kita," sabi ulit niya na para bang gusto niya iyong ipaalala sa akin sa takot na bawiin ko.

"Ang kulit mo, Hob!"

Ngumisi siya sa akin bago ako nagpaalam na aalis na. Dahan dahang nag-sink in sa akin ang katotohanan na kami na talaga ni Hob at boyfriend ko na siya. Parang dati lang ay nakatingin lang ako sa kanya sa malayo. Sobrang hindi ko inaasahan ang lahat ng ito, hindi ko inakala na possible ito.

"Mukhang excited ka ah," sita sa akin ni Ericka kinabukasan.

"Maaga kasi ang lunch break nila ngayon," sagot ko pero pinanlakihan niya ako ng mata at nginisian pa.

Nagtatawanan sina Mang Roger ng maabutan ko sila. Nakita ko din ang iba't ibang uri ng magagarang sasakyan, mukhang may meeting nanaman sa itaas na kaagad kinumpirma ni Mang Roger.

"Patapos na din siguro iyon. Kaninang umaga pa iyon..." sabi nila sa akin kaya naman ng makakuha na silang lahat ng pagkain ay nagpaalam na ako na aakyat na.

Kinabahan pa ako na magkita ulit kami ni Hunter. Nakahinga lang ako ng maluwag ng makarating ako sa tapat ng pintuan ni Hob na hindi siya nakikita.

"Come in," sabi niya matapos kong kumatok.

Nagulat ako at halos mabitawan ko ang dala kong lunchbox ng makita ko kung sino ang kausap niya sa loob ng office niya.

Tumayo kaagad si Hob para salubungin ako samantalang malaki ang ngiti ng kanyang bisita.

"Hi," malambing na sabi niya sa akin bago niya ako hinalikan sa labi.

"Ate Alihilani," tawag ni Ahtisia sa akin.

Hindi ako nakagalaw ng tumayo siya, lumapit sa akin at bumeso pa.

Parang bigla akong nanliit ng makita ko ang itsura niya ngayon. Mas lalo siyang gumanda at para bang walang kahit anong bakas na nagbuntis siya. Maganda din ang kanyang suot at mataas pa ang suot na pumps.

Mahaba ang itim niyang buhok na kulot ang dulo. May light make up din siya na mas lalong nagpaganda sa kanya.

"Ako ang pumalit kay Daddy sa project. Nag-uusap lang kami ni Engr. Jimenez," sabi niya sa akin.

Naramdaman ko ang kamay ni Hob na pumulupot sa aking bewang.

"You can call me Hobbes. Kapatid ka naman girlfriend ko," sabi niya.

Napangisi si Ahtisia. "Ayoko sa pangalan mo," sabi niya dito.

"And why is that?" si Hob.

Napakagat muna sa pang-ibabang labi niya si Ahtisia bago siya muling sumagot.

"Tunog diapers."



(Maria_CarCat) 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro