Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 25

Girlfriend



Para akong nanigas sa aking kinatatayuan, gustuhin ko mang umiwas sa malalim na tingin ni Hob sa akin ay hindi ko din magawa. Masyado akong nabigla dahil sa kanyang sinabi sa akin.

"I mean it. Gusto kita, Miss."

Ramdam ko ang mas lalong pag-init ng aking mukha dahil sa kakaibang nararamdaman. Muntik na akong malunod dahil don hanggang sa maalala ko ang narinig ko mula sa paguusap nila ng mga pinsan niya.

"Kailangan ko ng umalis," sabi ko sa kanya at sinubukan pa sanang lagpasan siya ng humarang siya sa daraanan ko.

"Miss..." tawag niya sa akin.

Napabuntong hininga ako at kaagad na pinatapang ang aking mukha at hinarap siya.

"B-bakit?"

"Anong bakit?" naguguluhang tanong niya.

Inipon ko ang lahat ng lakas ko. Kung hahayaan ko lang palagi ang ganitong epekto ni Hob sa akin ay mukhang hindi makakabuti.

"Bakit mo ako gusto? Dahil hindi pwede ang kaibigan ko kaya...ako na lang?" tanong ko sa kanya. Gustuhin ko mang magtunog matapang ay ramdam kong may bahid ng sakit ang boses ko.

Unti unti kong tinanggap na baka nga tama sila, Pangalawa na lang kami para kay Tatay. Pero hindi ko din naman gusto na sa lahat ng aspeto ay palagi na lang kaming pipiliin pag wala ng mapili.

Bahagyang napaawang ang labi ni Hob. Hindi nagtagal ay mariin siyang napapikit.

"Gago ni Piero..." mariing sambit niya.

Hindi ko siya hinayaang makabawi at muli sana siyang lalagpasan ng humarang ulit siya. Masyado siyang matangkad at malaki ang katawan, kahit anong tulak ko sa kanya ay paniguradong hindi ako mananalo.

Unti unti akong kumalma at hinarap siya.

"Please, Alihilani...let me explain."

Mariin ko siyang tiningnan. "A-ako din, Hob...gusto kita," sabi ko sa kanya kaya naman nabigla siya.

Kita ko ang dahan dahang paglambot ng kanyang mukha. Ngi-ngiti na sana siya ng muli akong magsalita.

"Gusto kitang saktan! Tabi ka nga diyan!" asik ko sa kanya.

Dahil sa kanyang pagkawala sa sarili ay nagtagumpay ako na makaalis doon.

Nasa byahe pa lang ako pabalik ng factory ay nakatanggap na kaagad ako ng mensahe galing sa kanya.

Can we talk?  tanong niya sa akin na hindi ko na sinagot pa.

"Kanina ka pa tahimik," puna ni Ericka sa akin.

"May iniisip lang," sagot ko sa kanya at kaagad nag-iwas ng tingin sa kung saan na kanina ko pa ata tinititigan.

Tipid siyang tumango at ngumiti sa akin. Lumapit siya at hinawakan pa ang aking balikat.

"Minsan kailangan mo ding magdesisyon para sa sarili mo, Alice. Sobrang hinahangaan ka naming lahat dito dahil palagi mong inuuna si Tita Cleo. Pero sigurado ako na wala din namang ibang gusto si Tita kundi ang maging masaya ka," sabi ni Ericka sa akin kaya naman napabuntong hininga ako.

Imbes na ngitian siya ay inirapan ko pa kaya naman pabiro niya akong hinampas sa braso.

"Sungit!" asik niya sa akin.

Napaayos ako ng tayo ng marinig ko ang pagdating ni Junie kasama si Baby Jacobus. Mabilis itong sumama sa Mommy niya kaya naman lumapit ako kay Ericka at kaagad na humalik dito.

"Walang magbabantay?" tanong ko sa kanila. Marahil ay may pinuntahan si Tita.

"Umalis si Nanay, may pinuntahan sa kabilang bayan," sagot ni Junie sa akin.

Tumango ako at ngumiti kay Jacobus. Nakatingin siya sa akin at panay ang laro ng laway sa bibig niya.

"Pupunta kayong bayan? Ako na ang bahala sa kanya, daanan niyo na lang kami mamaya sa mga Montero," sabi ko sa kanilang dalawa.

Kaagad na napapalakpak si Junie. "Ayos!" sabi niya at hinawakan pa si Jacobus sa likuran.

"Galingan mo ang panliligaw, Anak!" sabi niya dito kaya naman mabilis ko siyang hinampas sa braso.

"Siraulo ka talaga!" asik ko sa kanya.

Ibinigay ni Ericka si Jacobus sa akin at ang maliit nitong baby bag na may ulo pa ng aso ang design. Hindi siya umiyak ng lumipat sa akin hanggang sa sumakay sa motor sina Junie at Ericka at umalis.

"Shh...hindi ka pwede sa motor," pagkausap ko sa kanya.

Sumakay kami ng tricycle papunta sa mga Montero. Bumaba kami sa malaking gate nila at nilakad ang papasok. Tumahan na si Jacabus kaya naman panay ang haplos ko sa kanyang likuran. Medyo bumibigat na din siya kaya naman dalawang kamay na ang pinambuhat ko sa kanya.

"May bisita nanaman ang Gianneri namin!" salubong ni Yaya Esme sa amin.

Dumiretso kami ng garden ng sabihin ni Yaya Esme na nanduon sina Vera at Gianneri. Mula sa hawak na libro ay nag-angat ng tingin si Vera sa amin.

"No baby boys allowed," masungit na sabi niya sa amin kaya naman inirapan ko siya at dumiretso pa din.

"Gianneri!" suway niya sa pamangkin ng tumili ito ng makita ang paglapit namin.

"Dala mo nanaman yang batang yan," masungit na sabi ni Vera sa akin at marahang pinisil ang pisngi ni Jacobus.

Tiningnan siya nito. Hindi sana iiyak ang bata kung hindi niya pinanlakihan ng mata.

"Takot sayo!" asik ko sa kanya kaya naman napahalakhak siya. Mabilis na yumakap si Jacobus sa akin habang umiiyak.

"Do I look like a monster ba?" tanong niya kay Jacobus na pilit na umiiwas ng tingin sa kanya.

Naglabas ng mirienda sina Yaya Esme kaya naman kumain kami. Panay ang ngiti ko kay Gianneri sa tuwing nag-iingay siya na para bang kinakausap niya ang tahimik na si Jacobus habang sinusubuan ko.

Nasa kalagitnaan kami ng pagkain nang sabihin ng isa sa mga kasambahay na may dumating na bisita.

"Oh? Dinadalaw ako ni Babe?" nakangising sabi ni Yaya Esme.

"Isusumbong talaga kita kay Mang Henry, Yaya. No honeymoon for you for the rest of your life!" pang-aasar sa kanya ni Vera kaya naman mabilis iyong kinontra ni Yaya.

Natigil ang tawa ko ng tuluyan kong makita ang pagdating ni Hob. Nasa akin kaagad ang tingin niya kaya naman nag-iwas ako at itinuon ang pansin ko kay Jacobus.

"Good afternoon," sabi niya sa amin.

Narinig ko ang ngisi ni Vera. "Good afternoon, Hobbes...."

Hindi siya nakasagot kaya naman mas lalo akong hindi nag-angat ng tingin.

"Teka, magpapadagdag ako ng plato. Nag-abala ka pa, Babe..." masayang bati ni Yaya Esme at tinanggap ang box na bitbit ni Hob.

"Upo ka," sabi ni Vera sa kanya kaya naman ramdam ko ang paggalaw nito at ang pag-upo sa pwesto ni Yaya Esme na sa katabi kong upuan.

"Ilang beses akong pumunta dito pero hindi ko naaabutan si Gianneri," sabi niya.

"Ok, here she is na," Sabi ni Vera at tumayo para iabot si Gianneri sa Ninong Hobbes niya.

Sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan naming tatlo ng kaagad na binasag iyon ni Vera. "I'm not asking for immediate forgiveness, I know na what I did is wrong...But I wish someday we can be friends," sabi niya dito.

Dahan dahan akong nag-angat ng tingin at nakitang nasa akin ang tingin ni Hob.

"Ofcourse, Vera...matagal na iyon at..."

"At hindi naman talaga tayo napunta sa ligawan stage. Nagandahan ka lang talaga sa akin," nakangising sabi nito.

Tumikhim si Hob, matapos iyon ay bumalik ang tingin niya sa akin.

"May nililigawan ka ba ngayon?" panguusisa ni Vera.

Namanhid ang batok ko pababa sa aking braso. Tiningala nga ako ni Jacobus ng hindi ko siya masubuan ng maayos dahil sa kaba sa hindi ko malamang dahilan.

"May liligawan..." sagot niya dito kaya naman halos gusto ko na lang magpakain sa lupa kahit wala naman siyang opisyal na sinabing ako iyon.

Dahan dahang pumalakpak si Vera. "That's good! Gusto ko siyang makilala...O baka kilala ko na?" ramdam ko ang ngisi niya na para bang may alam siya.

Hindi nakasagot si Hob pero ramdam ko ang tingin niya sa akin. "Sana sagutin ka!" sabi ni Vera bago siya napahalakhak.

"Sana..." si Hob.

"I bet that! I guess yung mga tinatanggap niya lang na manliligaw ay yung marunong lumipad. Marunong ka bang lumipad?" pang-aasar ni Vera sa kanya.

Narinig ko ang pagtikhim ni Hob kaya naman mas lalong natawa si Vera.

"She's worried about what happened to us," rinig kong sabi ni Hob.

Tuluyan na akong nag-angat ng tingin sa kanya. Sinalubong ko ang malalim niyang tingin sa akin.

"Us? There was never an us. Kung sabihin niyo sa aking magpapakasal kayo ngayon...baka ipasara ko pa buong Sta. Maria," si Vera.

Ramdam ko ang paglingon ni Vera sa akin pero wala akong lakas ng loob na lingonin siya pabalik.

"Don't hurt her, Hobbes. Isa ako sa mga makakalaban mo pag nagkataon," sabi pa ni Vera bago siya magpaalam sa amin na papasok na muna.

"Vera..." tawag ko sa kanya pero pinanlakihan niya ako ng mata at kaagad na nginuso si Hob.

Hindi na ako nakaimik pa at ibinalik na lang ang buong atensyon ko kay Jacobus.

"Hindi ka nagreply sa message ko," pagbasag niya sa katahimikan.

"W-wala akong load," palusot ko.

Imbes na sumagot ay nagulat ako ng tumayo siya at lumipat siya sa upuan na inalisan ni Vera. Maingat niyang inayos ang pagkakakarga kay Gianneri.

"Kaninong anak yan?" tanong niya sa akin.

"Uhm...kina Junie at Ericka."

Inilapit niya si Gianneri kay Jacobus kaya naman hinayaan ko siya dahil tuwang tuwa naman si Gianneri.

"Hindi naman kita minamadali, hihintayin kita hanggang sa payagan mo akong ligawan kita..." sabi niya sa akin na ikinagulat ko.

"A-ako? Liligawan mo?" gulat na tanong ko.

Nabigla ako ng sabihin niya sa akin kanina na gusto niya ako. Mas lalo akong nabigla ngayon nang sabihin niyang manliligaw siya.

"Pwede ka bang ligawan, Miss?" seryosong tanong niya sa akin.

Hindi ako nakasagot, humigpit ang hawak ko kay Jacobus.

"H-hindi..." hindi siguradong sambit ko.

Dahan dahan siyang tumango. "Magtatanong na lang ulit ako hanggang sa pumayag ka na," sabi niya sa akin kaya naman mas lalong kung may anong kumawala sa dibdib ko.

"Pasencya ka na..." sambit ko. Hindi naman sa nagmamaganda ako o nagpapakipot. Hindi ko lang kasi talaga maisip na ganito kabilis ang lahat. Parang noong isang araw lang ay si Vera pa ang gusto niya at bigla na lang naging ako.

"No...you don't need to be sorry about that. But rest assure na papatunayan ko sayong malinis ang intensyon ko. Gusto kita, Alihilani..." seryosong sabi niya sa akin. Ramdam ko naman ang sinseridad doon.

Humaba ang nguso ko. "Baka gusto mo lang ng libreng lunch," sabi ko. Gusto kong pagaanin ang sitwasyon hangga't maaari.

Ngumisi siya. "Gustong gusto ko ang mga luto mo...pero mas gusto kong maging boyfriend mo," sabi pa niya kaya naman muli ko nanamang naramdaman ang pag-init ng aking magkabilang pisngi.

Sinamaan ko siya ng tingin kaya naman ngumisi siya. "Gusto kong manligaw dahil iyon ang intensyon ko. Let's get straight to the point," sabi pa niya sa akin.

Tama nga naman, mas maguguluhan nga siguro lalo ako kung hindi niya sasabihin ng diretso sa akin kung ano ba talaga ang pakay niya.

Muli akong nathimik at marahang hinalikan ang tahimik na si Jacobus sa ulo. Unti unti ay napapansin kong nakikipaglaro na din siya kay Gianneri.

"Nangako kang isasama mo ako sa palengke sa linggo," paalala niya sa akin.

"Hindi mo magugustuhan don," sabi ko. Hindi ko naman kasi inakala na seryoso talaga siya.

Nagtaas siya ng kilay. "Bakit naman hindi?"

Hindi pa ako nakakasagot ng kaagad kaming magulat ng bigla na lang umiyak si Jacobus. Napaawang ang bibig ko ng itaas niya sa harapan ko ang kamay niya para ipakita ang marka ng ngipin duon.

Nilingon ko si Gianneri na unti unting sumisibi dahil sa iyak ni Jacobus. Imbes na iyak ni Jacobus lang ang marinig ko ay dumagdag pa ang halakhak ni Hob.

"Manang mana ka sa Daddy mo ha," pagkausap niya kay Gianneri dahilan kung bakit tuluyan na itong umiyak.

Hindi ko tuloy alam kung sino ang unang papatahanin ko sa kanilang dalawa. Nakita kong inaalo naman ni Hob si Gianneri kaya naman tumayo ako para libangin si Jacobus.

"Hindi ko naman alam na pinaglihi ni Gertie itong batang ito sa bampira," sabi ni Yaya Esme ng pumasok na kami sa loob.

Napangiti ako. Nang malaman ni Vera ang nangyari ay tuwang tuwa pa siya.

"Welcome to the club, Jacobus." sabi niya dito.

Nagpaalam na ako sa kanila ng sabihin ni Junie na dadaanan nila si Jacobus dahil pauwi na sila.

"Ihahatid kita pauwi," pigil ni Hob sa akin.

"Iaabot ko si Jacobus kina Junie sa may gate," sabi ko sa kanya.

"Sasamahan kita," sabi niya sa akin na kaagad kong pinigilan.

"H-hindi na...ako na."

Ayoko pa munang may makapansin na palagi siyang malapit sa akin. Lalo na si Junie na saksakan ng ingay. Baka sa isang iglap ay hindi lang buong Sta. Maria ang makaalam nito.

"Natupad ang pangarap mo, Junie. Ang kaso si Jacobus ang umuwing luhaan," nakangising sabi ko sa kanila.

Napangiti na lang si Ericka at kaagad na niyakap ng mahigpit si Jacobus.

"Ayos lang iyon, Gentleman naman ang baby ko at hindi naman sinasadya iyon ni Gianneri," pagkausap niya din dito na kaagad kong sinangayunan.

"Mana ka talaga sa akin, Anak. Ako din ang kinakagat ng Mommy mo eh," sabi ni Junie kaya naman kaagad ko siyang hinampas sa braso.

"Kapal mo!' asik ko sa kanya.

Hinatid ako pauwi ni Hob ng gabing iyon. Mukhang naman walang ibang nagbigay ng kahulugan duon bukod sa nakangising Vera.

Halos hindi ako makatulog, para pa din akong lumulutang sa ere at hindi pa din nagsi-sink in sa akin ang sinabi ni Hob. Gusto niya akong maging girlfriend niya? Parang hindi iyon ma-proseso ng utak ko.

Kahit late na akong nakatulog ay maaga pa din akong nagising kinaumagahan. Para bang ngayon ko lang ulit naramdaman ito. Na para bang excited ako sa isang bagay, na para bang sa isang buong araw ay may hinihintay ako.

"Dalhin mo na kaya iyang salamin," nakangiting biro ni Nanay sa akin.

Dahil sa pagpansin niyang iyon ay mabilis akong lumayo sa salamin. Nakailang beses akong napabalik balik duon para tingnan kung ayos lang ang itsura ko.

"May nagugustuhan ka na, Ano?" patuloy na pang-aasar ni Nanay sa akin.

"W-wala po, Nay..." sagot ko sa kanya habang hindi man lang ako makatingin ng maayos sa kanya.

Kunwari kong inayos ang kung ano sa lamesa kahit hindi naman kailangan. Lumapit si Nanay sa akin at ipinaharap ako sa kanya.

"Hayaan mong ligawan ka. Kilalanin mo siya, hayaan mong makilala ka din ng iba...kung sino ka ba talaga. Wag kang matakot, Anak."

Dahan dahang nawala ang excitement ko kanina at napalitan ng takot at kaba. Kung sakaling papayagan ko si Hob na man ligaw ay ito ang unang beses na magpapaligaw ako.

"Mayaman si Hob, Nay. Masyadong malayo ang estado ng buhay namin. Masyadong malaki ang mundong ginagalawan niya...natatakot po ako," pag-amin ko.

Marahan niyang hinaplos ang aking pisngi. "Hindi ba't dapat kang matakot kung pipigilan mo ang sarili mo sa bagay na alam mong magiging masaya ka?" tanong iya sa akin.

"Pero masaya naman po ako ngayon, Nay."

Marahan siyang ngumiti at umiling. "Gusto mo siya," sabi niya. Hindi isang tanong kundi sigurado siya.

Dahan dahan akong tumango. Wala namang rason para maglihim ako kay Nanay.

"Gusto ko po siya, Nay...gustong gusto po," pag-amin ko.

Napapikit ako ng hinila niya ako at malambing na hinalikan sa noo.

"Gusto ko ding makita na may nag-aalaga at nagmamahal sayo, Alihilani. Hindi habang buhay ay kasama mo ako..."

"Nay naman..." pigil ko sa kanya.

Tipid pa din siyang ngumiti at imbes na sumagot ay mahigpit na lang niya akong niyakap.

Magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ko habang naglalakad ako palabas sa aming kanto. Masaya ako na suportado ni Nanay ang pagkakaroon ko ng paghanga kay Hob. Pero inaalala ko pa din siya at ang kalusugan niya.

Nag-aabang na ako ng jeep ng makita ko ang pagdating ng kanyang itim na raptor. Sasakyan pa lang niya ang nakikita ko ay grabe na ang pagtatambol ng puso ko.

"Good morning, Miss!" nakangiting bati niya sa akin.

"A-anong ginagawa mo dito?" tanong ko sa kanya.

"Sinusundo ka," sagot niya sa akin kaya naman mas lalong napaawang ang bibig ko.

"Pero hob..."

Lumabas siya ng sasakyan at umikot para pagbuksan ako ng pinto.

"Mura lang singil ko," nakangising sabi niya sa akin.

Hindi ako nakagalaw at wala pang balak na sumakay.

"Magkano?" tanong ko. Minsan may joke siya na tinototoo niya. Baka presyong pang taxi ito lalo at maganda ang sasakyan niya.

"Tumatanggap ako ng halik," sagot niya sa akin at napahalakhak pa.

"Hob!" asik ko at hinapas ang braso niya.

"I'm just kidding, Ok...wag masyadong nerbyosa, Miss. I won't bite," pang-aasar pa niya sa akin kaya naman sinamaan ko siya ng tingin at inirapan pa.

Napakagat ako sa aking pang-ibabang labi ng maramdaman ko pa ang isang kamay niya sa bewang ko para suporta, at ang isa naman ay nasa bandang ulo ko para hindi ako mauntog.

Bago niya isara ang pintuan ay sandali pa siyang tumayo sa gilid at pinagmasdan ako habang nakaupo sa loob.

"B-bakit?" tanong ko.

Ngumiti siya at umiling. "Kulang lang ba ako sa tulog o talagang maganda ka ngayon?" nakangising sabi niya sa akin kaya naman pinanlakihan ko siya ng mata.

"Kulang ka sa tulog? Gusto mo sampalin kita para magising ka?" marahang tanong ko sa kanya pero may diin.

Napakagat siya sa kanyang pangibabang labi. "Biro lang, kumpleto ang tulog ko...talagang maganda ka ngayon," sabi niya sa akin bago niya isinara ang pintuan at parang sirang nakangiti habang umiikot papunta sa may driver seat.

"S-salamat ulit, pero hindi mo kailangang gawin ito, Hob..." sabi ko sa kanya ng huminto ang sasakyan sa labas ng factory.

"I want to do this," laban niya.

Hindi ako nakasagot dahil hindi ko din naman talaga alam kung anong gagawin ko. Masyado pang bago ang lahat ng ito para sa akin.

"See you later...pwede mo akong ligawan tuwing lunch break," sabi niya sa akin.

"Ang kapal mo," sambit ko at hindi na hinayaan pang bumaba siya at pagbuksan ako ng pinto.

Pinilit kong mag-focus sa trabaho ko kahit maya't maya akong tumitingin sa wall clock at hinihintay ang lunch break.

Ilang beses ko ding gustong sampalin ang sarili ko dahil sa ganitong klase ng nararamdaman. Delikado ka na talaga, Alihilani.

Nanlilit ang mga mata ni Junie pagkababa ko mula sa office. Kaagad ko siyang inirapan at sandaling pinasadahan ng daliri ang aking buhok.

"Parang may iba kay Alice ngayon ah," pagpaparinig niya sa akin.

"Manahimik ka diyan," suway ko sa kanya pero tinawanan niya ako.

"Nagdadalaga na si Alice namin!" pang-aasar niya.

Kung nasa mood lang ako ay lalapitan ko siya at kaagad na pipingutin ang tenga.

Panay ang paalala ko sa aking sarili na kailangan kong kumalma at wag ipakita kay Hob na masyado akong apektado sa presencya niya. Habang pinapaalalahanan ang sarili papasok sa may site at napatigil ako ng makita ko sa kabilang dulo si Tatay.

May kausap siyang mga trabahador, matapos ang ilang paguusap ay kaagad siyang iniwanan ng mga ito. Pagod siyang umupo sa may malaking bato at napayuko habang nakahawak sa kanyang noo, mukhang pagod na pagod siya.

Galit ako sa kanya, may tampo. Pero siya pa din ang Tatay ko. Dahan dahan akong lumapit papunta sa kanya at sandali pang lumingon para masiguradong wala si Tita Atheena sa paligid. Dahil sa aking paglapit ay dahan dahan siyang nag-angat ng tingin.

"Alihilani, Anak..." tawag niya sa akin.

"Ayos lang po ba kayo?" tanong ko sa kanya.

Tipid siyang ngumiti sa akin. "Medyo pagod lang sa trabaho, kinailangan kong ulitin ang plano sa mga poste dahil sa nangyaring aksidente," sagot niya sa akin.

Marahan akong tumango. "Kumain na po ba kayo?" tanong ko sa kanya.

Bumaba ang tingin niya sa mga dala kong pagkain, hindi ko alam kung tama ba yung nakita ko pero nakita kong gumuhit ang sakit sa mukha niya habang nakatingin sa akin.

"H-hindi pa," sagot niya sa akin. Naramdaman ko pa ang panginginig ng boses ni Tatay.

Inilapag ko ang dala kong bag at kaagad na kumuha ng pagkain para sa kanya.

"Kami po ng mga kaibigan ko ang nagluto niyan," sabi ko.

Mabilis niyang tinanggap iyon at binuksan. Kita ko ang pagkasabik niya sa pagkaing ibinigay ko.

"Talaga? Miss na miss ko na nga din ang luto ng Nanay mo..." sabi niya na sa huli ay pareho naming ikinagulat.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig ng marinig ko iyon mismo sa kanyang bibig. Hindi ko maiwasang hindi maluha ng marinig ko galing mismo sa kanya si Nanay. Naaalala pa pala niya si Nanay, buong akala ko ay kinalimutan na talaga niya kami.

"Umalis po kasi kayo eh," sabi ko sa kanya. Nabasag ang boses ko.

Kita kong natigilan siya. "Iniwan niyo po kasi kami eh," dugtong ko pa at hindi ko na napigilan dahil tumulo na ang masasaganang luha ko.

Mas lalo akong nasaktan ng makita kong namumula ang mata ni Tatay, unti unti ding tumulo ang luha sa kanyang mga mata.

"Iyon lang kasi ang alam kong paraan para protektahan kayo..." sabi niya sa akin na ikinagulat ako.

"Ano pong ibig niyong sabihin?"

Bago pa man siya makasagot ay kaagad na kaming nakarinig ng pagbusina mula sa kararating lang na sasakyan. Napatayo si Tatay ay hinawakan ang kamay ko para ilagay ako sa kanyang likuran na para bang ngayon ay handa na siyang protektahan ako.

"Sinasabi ko na nga bang hindi pa tumitigil ang walang hiyang yan!" sigaw ni Tita Atheena malayo pa lang.

Humigpit ang hawak ko kay Tatay. Matapang akong tao, pero ngayong nandito si Tatay ay naramdaman kong minsan kailangan ko din siya, kailangan ko din nangmagtatanggol sa akin.

"Nag-uusap lang kami ng anak ko, Atheena."

Hindi siya natinag at mas lalong lumaki ang kanyang bawat hakbang. Kaagad siyang hinarangan ni Tatay na makalapit sa akin pero hindi nito nahabol ang kamay ni Tita na mabilis na nahila ang buhok ko.

"Kaya kami minamalas dahil sa paglapit lapit mo!" asik niya sa akin.

Napadaing ako sa sakit dahil sa higpit ng hawak niya sa buhok ko. Pilit siyang inilalayo ni Tatay sa akin pero masyadong mahigpit ang hawak niya.

"Bitawan mo ako, Arnaldo! Ano ba!?" sigaw niya kay Tatay.

"Wag mong saktan ang anak ko, Atheena!" suway ni Tatay.

Dahil sa kaguluhan ay nagkagulo din sa paligid.

"Ang kapal ng mukha ng mga hampas lupang to!" sigaw na asik niya sa akin at pilit pa niya akong sinampal.

Panay ang sigaw niya at bato ng masasakit na salita sa akin at kay Nanay ng kaagad siyang matahimik ng may dumating.

"Anong nangyayari dito!?"

Dahan dahang binitawan ni Tita ang buhok ko kaya naman kaagad akong napaupo sa lupa dahil sa hilo. Basang basa ang mukha ko dahil sa luha at tumakip din ang magulo kong buhok.

"Sir Luke..." gulat na sambit ni Tita.

Ni hindi ko na magawa pang tumingla para makita sila. Nanatili akong nakaupo sa lupa habang nakayuko at umiiyak habang iniinda pa din ang sakit at pagkahilo.

"Alihilani!" rinig kong sigaw ni Hob at kaagad siyang lumuhod para pantayan ako.

Ramdam kong hindi niya alam kung anong gagawin niya, para bang takot siyang hawakan ako. Sa huli ay naramdaman kong hinila niya ang ulo ko palapit sa kanyang dibdib.

"Shh...tahan na. Tahan na..." marahang sabi niya.

"Pangalawang beses na ito," matigas na sabi ni Sir Luke sa kanila.

"Ang babaeng yan ang may kasalanan, lapit siya ng lapit sa asawa ko!" laban ni Tita Atheena.

Mukhang hindi siya pinansin ni Sir Luke dahil narinig ko ang boses niyang papalapit sa amin ni Hob.

"Kilala mo, Hobbes?" tanong niya dito.

Ramdam ko ang paghigpit ng yakap ni Hob sa akin, narinig ko din ang pagtikhim niya. 

"Girlfriend ko, Tito." sagot niya dito.

"Ano!? Impossible!" sigaw ni Tita Atheena.

"Impossible! Ang hampaslupang babaeng yan!?" patuloy na sigaw pa niya.

"Atheena!" suway ni Tatay.

Hindi siya pinansin ni Hob.  "Iaakyat kita sa office ko," marahang sabi niya sa akin at naramdaman ko ang dahan dahan kong pag-angat sa lupa ng buhatin niya ako.

"Impossible! bakit ang babaeng yan!?" si Tita Atheena pa din.

"Impossibleng ano?" matigas na tanong ni Hob kaya naman natahimik siya. 

Mas lalong humigpit ang hawak ko kay Hob, mas lalong bumuhos ang luha ko dahil sa presencya niya. Mabut na lang nandito siya, mabuti na lang nandito si Hob.

"Hindi na mauulit ito. Hindi ko na hahayaang maulit ito, Alihilani." paninigurado niya sa akin.



(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro