Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 23

Pan de coco



Bago ako tuluyang lumabas ay hinanap ko pa muna ang isa sa mga kasambahay para ibilin si Hob.

"Akala ko ay dito ka na matutulog," nakangiting sabi niya sa akin.

"Ah hindi po, nagdala lang talaga ako ng pagkain," sagot ko sa kanya at kaagad na nag-iwas ng tingin ng makita kong may laman ang tingin niya sa akin.

"Hindi ka ba nobya ni Senyorito Hobbes?" tanong niya sa akin kaya naman nanlaki ang aking mga mata.

"H-hindi po! Kaibigan lang. Ano...kakilala," magulong sagot ko sa kanya kaya naman mas lalong lumaki ang ngisi niya.

Imbes na awayin si Ate dahil sa kakaibang tingin niya sa akin ay nagpaalam na ako at umalis na doon.

Sumakay ako ng jeep pauwi at bumaba sa kanto papasok sa amin. Madilim na ang paligid pero hindi naman ako nabahala dahil sanay na akong umuwi ng ganito. Kabababa ko pa lang ng jeep ay narinig ko na kaagad ang tunog ng cellphone ko.

Binasa ko ang dumating na mensahe galing kay Hob. Nagtatanong siya kung nasaan na ako o nakauwi na ba. Imbes na sagutin ay hinayaan ko na lang. Hindi naman kasi importante na malaman niya pa.

Pinagpatuloy ko ang paglalakad at hindi na pinansin pa ang mensahe sa pagaakalang hindi na siya mangngulit pa, pero nagkamali ako dahil ang sumunod na pagtunog ng cellphone ay dahil sa tawag.

"Snobber..." sambit niya sa kabilang linya at ramdam ko na kaagad na nakangisi siya.

"B-bakit ka tumawag? Hindi ba't sinabi kong matulog ka na at magpahinga?" masungit na tanong ko sa kanya.

Narinig ko ang mabibigat na paghinga niya sa kabilang linya. Halatang may sakit nga talaga siya at kita ko din naman iyon sa kalagayan niya kanina.

"Nasaan ka na?" tanong niya.

"Naglalakad," maikling sagot ko.

"Saan?"

"Sa kalsada. Magulat ka kung naglalakad ako sa tubig," sagot ko pa.

Dahil duon ay narinig ko ang mahina niyang pagtawa. Kahit sa simpleng bagay na iyon ay ramdam ko pa din ang panghihina niya.

Nagpatuloy ako sa paglalakad habang kausap si Hob. Kaagad kong natanaw ang ilaw mula sa aming bahay.

"Pilosopo," sambit niya.

"Ano pa bang kailangan mo? Nasa bahay na ako," sabi ko sa kanya.

"Sinungaling, naglalakad ka pa."

Kumunot ang noo ko at napatingin sa paligid, tama naman siya pero ilang hakbang na lang naman iyon mula sa bahay namin.

"Hanggang sa makapasok ka, Alihilani," sabi niya sa akin kaya naman hindi na ako nakasagot pa at hindi na din pinatay ang tawag.

Iyon na ata ang pinakamatagal na paglakad na nagawa ko, habang nakatapat ang cellphone sa tenga ko ay rinig ko ang bawat paghinga niya, tinutuo niyang hindi siya matutulog hangga't hindi niya nasisigurado na nakauwi na ako.

"Nandito na," sabi ko sa kanya ng makapasok na ako sa aming bakuran at inayos ko na ang pagkakasara ng gate namin.

Narinig ko ang mahinang pagdaing niya mula sa kabilang linya na para bang nasaktan siya dahil sa paggalaw.

"Ibababa ko na ang tawag para makapagpahinga ka na," sabi ko sa kanya.

"Thank you ulit," sabi niya.

Aba't mukhang bumabait pag may sakit ang isang ito.

"W-wala iyon," sambit ko.

Sandali pang tumahimik ang kabilang linya kaya naman napatingin ako sa buwan habang hinihintay siya. Napangiti ako ng makita kong maliwanag iyon at bilog na bilog, para bang sa tuwing nakikita ko iyon ay halo halo ang mga ala-ala. May masaya at masakit, hindi ako pwedeng pumili dahil sila ang kusang bumabalik sa akin.

Unti unting uminit ang pisngi ko sa sumunod na sinabi ni Hob.

"Good night, Alihilani"

Napaawang ang aking labi, hindi kaagad ako nakasagot sa kanya. O dapat ko pa bang sagutin iyon?

"Hindi pa ako matutulog!" sabi ko kaya naman narinig ko ang mahina niyang pagmura at pagtawa.

Tsaka lang ako nakahinga ng maluwag ng ibaba ko na ang tawag. Hindi ko na din napigilan ang ngiti habang papasok ako sa aming bahay kaya naman nagulat ako ng makitang nakatayo si Nanay sa may pintuan at nakataas ang isang kilay na nakatingin sa akin.

"Anong meron?" nakangising tanong ni Nanay sa akin.

"Po? Wala po, Nay. Pumasok na po tayo sa loob, bawal po kayong mahamugan," sita ko sa kanya at kaagad siyang niyaya papasok sa aming bahay.

"May nagugustuhan ka na, Ano?" tanong pa din niya sa akin kaya naman mas lalo kong naramdaman ang pamamanhid ng batok ko pababa sa aking braso.

"W-wala po, Nay. Wala pa po iyon sa isip ko," sagot ko sa kanya.

"Alihilani, nasa tamang edad ka na. Gusto ko ding makita kang sumaya, wag mong pigilan ang sarili mong magmahal..." paguumpisa ni Nanay.

Hindi ako nakaimik, hindi din ako makatingin sa kanya ng maayos. Naramdaman ko ang marahan na paghawak niya sa aking braso.

"Hindi naman porket ganito ang nangyari sa amin ng Tatay mo ay mangyayari din sayo..." dugtong niya.

Napakagat ako sa aking pangibabang labi. Hindi ko sinabi iyon kay Nanay, wala akong pinagsabihan sa katotohanang tama siya. Takot din akong tumanggap ng manliligaw dahil sa takot na ganito din ang kahinatnan namin.

Bata pa lang ay nakita ko na kung paano nasaktan si Nanay dahil sa pag-iwan sa amin ni Tatay. Sila ang tinitingnan ko noon, sinabi ko pa nga na kung dumating ang araw ay gusto kong maging katulad nila. Hindi ko naman akalain na ganito ang mangyayari dahil masaya naman sila noon, kita ko naman na mahal nila ang isa't isa.

Lumipat ang kamay ni Nanay sa ulo ko at marahan niyang hinaplos ang aking buhok.

"Gusto kong makita kang ikasal. Naka suot ng magandang traje de boda..." sabi pa ni Nanay kaya naman tipid akong ngumiti at hinarap siya.

"Aalagaan ko pa ang mga anak mo. Bigyan mo ako ng madaming apo," pangaasar niya sa akin kaya naman humaba ang nguso ko.

"Nay naman..." suway ko sa kanya pero tinawanan niya lang ako.

Nawala ang ngiti ko at napalitan ng lungkot sa sumunod niyang sinabi sa akin. Matapos ang saya ay lungkot naman ang kapalit. Pakiramdam ko tuloy ay hindi ako hahayaan ng buhay na sumaya ng matagal. Para bang ang lahat ng saya ay magkapalit na lungkot.

"Gusto kong makita ang lahat ng iyon..." sabi niya sa akin kaya naman bumigat ang dibdib ko.

"Oo naman po, Nay. Makikita niyo ang lahat ng iyon. Kailangan niyong magpalakas dahil siguradong madami din kayong magiging apo kina Kuya," nakangiting sabi ko sa kanya kahit ang totoo ay gusto kong umiyak.

Maaga akong gumising kinaumagahan para maghanda. Nagluto din ako ng sopas para kay Hob at ganuon din kay Nanay para sa almusal. Sinigurado kong malinis na ang bahay at may pagkain na din si Nanay hanggang sa tanghali.

"Iniimbitahan tayo ng kuya mo na pumasyal sa kanila. Kailan ka ba pwede?" tanong niya sa akin bago ako umalis.

"Depende po sa inyo, Nay. Pwede naman po akong magpaalam sa trabaho," sagot ko sa kanya habang inihahanda ang lunchbox na may lamang sopas.

Napaayos ako ng tayo ng makita kong nakatingin si Nanay sa dala kong lunchbox. Ngumiti siya sa akin at humalik sa aking pisngi. Bigla tuloy akong nakaramdam ng hiya ng maisip kong baka may alam o nahahalata si Nanay pero hindi na lang siya nagsalita.

"Paabot na lang po," sabi ko sa guard.

"Hindi ka na ba papasok?" tanong niya sa akin.

"Hindi na po," sabi ko sa kanya.

Idinaan ko na lang ang sopas na niluto ko, mabuti iyon para naman mainitan din ang sikmura niya. Wala din naman akong lakas ng loob na harapin siya matapos ang kagabi. Bahala na kung magkita kami mamaya sa site na sigurado namang hindi maiiwasan dahil nanduon ang trabaho niya.

"Ang laki ng kita natin. Sa susunod pwede na tayong magtayo ng kainan...tapos restaurant," sabi ni Ericka sa akin ng iabot ko sa kanya ang mga nasingil ko kahapon.

Nginitian ko siya. Pangarap ko din iyon, ang magkaroon ng sarili naming negosyo. Pwedeng kainan, tahian, o kahit nga coffee shop. Marami akong gustong gawin, mga bagay na hindi lang para sa akin kundi para na din sa aking pamilya. Marami akong pangarap...libre lang naman iyon kaya naman dinamihan ko na dahil malay ko naman kung isa sa mga iyon ay matupad. Hindi natin masasabi.

"At kumpleto...bayad lahat," puna pa niya.

Ako na muna ang nagpaluwal ng kulang. Hindi ko na din sinabi ang utang ni Tonyo dahil wala na din naman akong balak na singilin pa siya. Basta ay pag magaling na ang anak niya ay magbabayad na siya.

Ang mga sales sa kabilang factory ang inayos ko para sa araw na ito. Hindi naman ako nahirapan dahil halos gamay ko na ang mga kailangang gawin.

Ilang minuto bago magtanghalian ay bumaba na ako sa may pantry para tingnan kung ayos na ang mga pagkaing dadalhin sa site. Naabutan kong abala si Ericka sa ginagawa habang nangungulit si Junie.

"Ang sakit niyo naman sa mata," sita ko sa kanilang dalawa.

Ngumisi si Junie na akala mo ay artista siya. "Inggit ka lang," pangaasar niya sa akin kaya naman sinamaan ko siya ng tingin.

Habang hinihintay na maayos ni Ericka ang lahat ay naikwento ko ang tungkol kay Gianneri.

"Tamang tama, pwede na silang magkagatan ni Jacobus," nakangising sabi ni Junie kaya naman kaagad ko siyang inabot para batukan.

"Wag mong idamay ang mga bata sa gawain mo!" asik ko sa kanya.

Imbes na si Junie ang mahiya ay si Ericka pa ngayon ang hindi makatingin sa akin. Mas lalo akong napairap ng asarin ni Junie ang asawa niya sa harapan ko.

"Kailangan na ng lovelife ni Alice para bumait," pagpaparinig pa ni Junie.

Inirapan ko na lang siya at hindi na pinansin pa. Kung sasagutin ko siya ay baka mirienda pa makakain sina Mang Roger.

Binati ako ng guard sa site at inabutan ng hard hat. Nabigla pa ako ng makita ko ang itim na raptor ni Hob sa pwesto nito. Mukhang magaling na siya kaya naman pumasok na.

"Nasa kay sir Luke ang desisyon. May meeting pa daw ata," rinig kong sabi nina Mang Roger. Nakakumpol na sila at may kung anong pinaguusapan.

"Ang aga niyo po," sabi ko sa kanila.

Kaagad silang kumalas sa pagkukumpulan at tumayo para salubungin ako.

"Nagbuhos kami ng mga poste...naghihintay pa," sagot nila sa akin kaya naman tumango ako.

Hinayaan ko silang kumuha ng pagkain. Habang pinapanuod sila ay hindi ko maiwasang tumingin sa may hagdanan paakyat sa may second floor.

Nasa kalagitnaan ng paghihintay sa kanila ng makatanggap ako ng message mula kay Hob. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at mabilis pang napatayo. Maging sina Mang Roger tuloy ay nagulat.

"Uhm...maghahatid lang po ako ng pagkain sa itaas," paalam ko sa kanila.

Kinuha ko ang lunchbox para kay Hob at kay Julio. Pwede ko naman sigurong idaan na lang iyon sa kanya dahil mukhang abala din ang isang iyon.

Tatlong katok ang ginawa ko bago ko tuluyang binuksan ang pintuan sa kanyang opisina. Naabutan ko siyang nakangiti habang nakatingin sa kisame at prenteng nakaupo sa kanyang swivel chair. Parang siraulo.

Tumaas din ang kilay ko ng makita kong may arm sling na ang kanyang kaliwang braso. Umayos siya ng upo at kaagad na tumingin sa hawak kong lunchbox.

"Bibigyan mo nanaman ako ng hindi para sa akin..." pagsusungit niya kaya naman sinungitan ko din siya.

"Para ito sayo...iniba ko lang ng lalagyan."

Kita ko ang pagliwanag ng kanyang mukha.

"Libre?" excited na tanong niya kaya naman nalaglag ang panga ko.

"Ang kapal mo! May bayad ito," sabi ko pa kaya naman muli siyang bumusangot.

Inilapag ko ang isang lunchbox sa harapan niya pero ang tingin niya ay nasa isa pang lunch box na hawak ko.

"Para ito kay Julio," sabi ko.

Sumama ang tingin niya don at inirapan pa ang walang kamuang muang na lunch box.

"Babalikan ko na lang yung lalagyan at yung bayad mo," paalam ko sa kanya.

Bago pa man ako makalayo ay nagulat na ako sa biglaang pagtayo nito.

"Ako na," sabi niya na ikinagulat ko.

Hindi ako nakagalaw ng kuhanin niya ang lunch box sa kamay ko at kaagad na binuksan ang pinto. Narinig kong may tinawag siya sa kung saan.

"Ano po iyon Engr. Jimenez?" tanong sa kanya nito.

"Bago ka dito? Kilala mo si Architect Escuel?" tanong niya dito.

Medyo hindi pa sila nagkaintindihan na dalawa hanggang sa mas lalong malaglag ang panga ko ng marinig ko ang sumunod niyang sinabi dito.

"Matangkad na medyo hindi ka-gwapuhan," sabi niya dito bago siya nagpasalamat sa kausap at isinara ang pinto.

Nagtaas siya ng kilay ng harapin niya ako. "What?" tanong niya na para bang wala siyang ginawang masama.

Dumiretso siya sa kanyang lamesa at nagsimula ng kumain.

"Lalabas na ako," paalam ko sa kanya.

"Dito ka muna, mainit sa labas."

Nilingon ko siya, dahil sa aking paglingon ay nagiwas siya ng tingin at tinuon ang atensyon sa pagkain.

Napabuntong hininga na lang ako. Imbes na umupo ay naglakad ako papunta sa drafting table niya para silipin ang blueprint na nakalagay duon. Sa tuwing nakakakita ako ng mga gamit na kagaya nito ay muling nabubuhay sa akin ang isa ko pang pangarap na pilit kong ibinabaon sa limot. Ang maging engineer kagaya ni Tatay.

"I heard na gusto mo ding maging Engineer," pagbasag niya sa katahimikan.

Kumunot ang noo ko. "Sinong nagsabi?"

Nagkibit balikat siya kaya naman inirapan ko siya. "Chismoso," sambit ko.

"May scholarship program si Tito luke, kung gusto mo pwede naman..." seryosong sabi niya sa akin.

Nagiwas ako ng tingin at lumapit naman sa bookshelf. "Hindi na."

"You should pursue your dream, Miss."

Mas lalo akong umiwas ng tingin sa kanya. "Hindi na," paguulit ko pa.

Narinig ko ang pagubo niya kaya naman nilingon ko siya. Umayos siya ng upo.

"Kung gusto mong maging Engineer...I'll help you," sabi pa niya sa akin kaya naman ngumisi ako.

Narinig ko na din iyon kay Tatay dati. Pero hindi naman natupad. Hindi nga ako natulungan ng sarili kong ama...ibang tao pa kaya?

"Pag-aaralin kita," sabi niya na ikinagulat ko.

Matapos ang sandaling pananahimik ay pagak akong tumawa. "Magbayad ka muna ng kinain mo," sabi ko at inirapan siya.

Muli siyang napaubo at nagiwas ng tingin. Halos maubusan ako ng hangin dahil sa sinabi ni Hob. Alam ko yung mga ganitong galaw, narinig ko na ito kay Ericka noon.

Kumunot pa ang noo ko habang inaalala ang tamang salita na nasa dulo na ng dila ko. Nang maalala ko na ay dahan dahan kong nilingon si Hob na mukhang kanina pa din nakatingin sa akin. Pinaningkitan ko siya ng mata kaya naman kita ko ang bayolenteng pagtaas baba ng kanyang adams apple.

"Sugar daddy ka pala ah," pangaasar ko sa kanya kaya naman narinig ko ang pagmumura niya.

Mariin siyang napapikit kaya naman mas lalo akong ngumisi. Nang makita kong wala ng laman ang lunchbox niya ay kaagad akong tumayo para kuhanin na iyon at makaalis na.

"Magbabayad ka o uutangin mo ito?" tanong ko sa kanya kaya naman mabilis siyang dumilat mula sa pagkakapikit.

Duon ko lang din nakita na namumula ang tenga ni Hob.

"I'll pay for it," seryosong sagot niya sa akin kaya naman bahagyang humaba ang nguso ko.

Matapos iabot ang bayad ay nanatili ang tingin niya sa akin.

"I'm serious about my offer...at hindi ako sugar daddy," seryosong sabi niya sa akin.

Tipid akong tumango sa kanya. "Salamat, pero ayos na ako dito."

Inirapan niya ako kaya naman pinanlakihan ko siya ng mata.

Bago pa man ako tuluyang makaalis ay napabuntong hininga na siya.

"Na-ikwento ko kay Mommy yung tungkol sa pan de coco. Magpapagawa sana ako para ipatikim sa kanya," sabi niya sa akin.

"Talaga?" excited na tanong ko.

Malaki ang utang na loob ko kay Mrs. Jimenez lalo na din sa kabaitang ipinakita niya sa akin.

Tumaas ang kilay ni Hob na para bang nagulat siya sa naging reaksyon ko.

Umayos ako ng tayo at pinilit ang sarili na kumalma. "Kung para kay Mrs. Jimenez...ikaw na ang bahala sa mga ingredients, igagawa ko siya..." sabi ko pa.

"At kung hindi para kay Mommy?"

"Edi magbabayad ka," sagot ko sa kanya kaya naman nagtangis ang bagang niya.

Hindi ko siya pinansin at kaagad na nagisip kung papayagan ulit ako sa mga montero na makigamit ng oven. Hindi naman sila madamot at hinahayaan ako, pero kahit naman close ako sa kanila ay medyo nakakahiya pa din.

Nawala ang pamomorblema ko tungkol sa oven ng sabihin sa akin ni Hob na kumpleto ang gamit sa resthouse ng mga Herrer at may inutusan na din siya na bibili ng mga kakailanganin.

Biyernes ng hapon ng pumunta ako duon para gawin ang special na pan de coco para kay Mrs. Jimenez.

Habang naglalakad papasok sa resthouse ay hindi ko naiwasang maalala si Tatay. Paborito naming dalawa iyon.

(Flashback)

Kumalat ang balita na nakauwi na si Tatay at may iba ng pamilya. Ilang araw ko na ding nakikitang umiiyak si Nanay kaya naman kahit nasasaktan ako sa mga naiisip ay pinili kong hintayin ang paliwanag ni Tatay. Siya ang paniniwalaan ko kesa ang ibang tao.

"Kamusta na po si Nanay?" tanong ko kay Kuya ng binalak kong pumasok sa kwarto niya.

Marahang isinara ni Kuya ang pintuan. Kita ko ang galit sa mukha niya.

"Wag mo na munang istorbohin si Nanay, natutulog siya," sabi niya sa akin kaya naman tumango ako.

Kakauwi ko lang galing sa eskwela, gusto ko lang sanang kamustahin si Nanay bago ako umalis para maglako ng mga basahan.

"Galit ka ba sa akin, Kuya?" tanong ko sa kanya.

Pakiramdam ko kasi ay galit sila sa akin dahil sa ginawa ni Tatay. Pakiramdam ko ay sa tuwing nakikita nila ako ay nakikita nila si Tatay.

"Hindi, Alihilani." sagot niya sa akin pero iba naman ang nararamdaman ko.

Ang sabi ay nandito si Tatay sa Sta. Maria. Halos araw araw naman akong nasa kalsada pero hindi ko naman siya nakikita. Mas lalo ko tuloy napatunayan na tama nga ang kumakalat na balita. Ayokong maniwala...mas lalo lang akong masasaktan.

Matapos ang ilang araw ay lumabas na si Nanay sa kwarto. Hindi na kagaya ng dati na palagi siyang nakakulong. Pero may nagiba sa kanya, nagiba si Nanay.

"Ginabi ka nanaman sa kalsada, Alihilani!" sigaw niya sa akin.

Sinalubong niya ako ng palo. Kaagad akong naiyak ng haklitin niya ang braso ko papasok sa aming bahay.

"Nay, tama na po...Nay," umiiyak na tawag ko sa kanya pero nagpatuloy siya sa ginagawa.

"Sobrang tigas ng ulo mo! Ang tigas tigas ng ulo mo!" sigaw niya sa akin.

Matagal na niyang sinabi sa akin na wag na akong maglako ng basahan. Pero hindi naman lingid sa kaalaman ko ang estado ng buhay namin ngayon. Halos araw araw ngang may umaaway sa kanya para maningil.

Umiyak ako ng umiyak hanggang sa maging si Nanay ay mapagod din.

"Gusto ko pong mag-ipon, Nay...para hindi po kayo sinisigawan ng mga inutangan natin. Para hindi po kayo awayin..." sabi ko sa kanya.

Kita ko ang kanyang pagiyak pero hindi siya nagsalita. Matigas nga sigurado talaga ang ulo ko dahil ipinagpatuloy ko pa din ang pagtitinda. Hindi bale nang mapagalitan, gusto ko lang talagang tumulong.

"Bibili po kayo ng basahan?" tanong ko sa tindera sa bakery na nadaanan ko.

Bigo ako ng sabihin nilang hindi. Lumipat ang tingin ko sa bakanteng lupa sa tapat nuon, ang balita ay may itatayong establishimento doon. Nagtagal pa ang tingin ko, magpapahinga muna dahil sa hinaba ng nilakad ko at sa bigat na din ng bitbit ko.

"Tingnan mo yung bata..." rinig kong bulungan ng mga batang babaeng ilang taon lang siguro ang tanda sa akin.

Hindi ko sila pinansin at nag-iwas na lang ng tingin. Noong una ay naghiya din akong gawin ito. Pero naisip kong hindi naman ang sasabihin at iisipin ng ibang tao ang makakatulong sa amin nila Nanay.

Muli silang umingay ng may dumating na magarang sasakyan. Maging ako din tuloy ay hindi nawala ang tingin duon.

Masarap sigurong sumakay sa sasakyan na kasing ganda nuon. Sandali pang nagtagal ang tingin ko hanggang sa napagpasyahan kong umalis na. Hindi pa man ako nakakahakbang palayo ay kaagad ng bumuhos ang luha ko ng makita ko kung sino ang bumaba mula duon.

"Tay! Tatay!" sigaw ko at tumakbo palapit sa kanya.

Nakita ko kung paano siya nagulat at nabato dahil sa aking ginawang pagyakap sa kanya. Mahigpit ko siyang niyakap, gusto kong maramdaman niya kung gaano ko siya ka-miss.

"Miss na miss ka na namin ni Nanay, Tay!" umiiyak na sabi ko sa kanya.

"Alihilani..." tawag niya sa akin.

Muling tumunog ang pintuan ng sasakyan nag-angat ako ng tingin ng makita kong lumabas mula duon ang isang magandang babae, halatang mayaman.

"Arnaldo! Nakakahiya..." madiing sabi niya kay Tatay.

Kumunot ang noo ko at nilingon si Tatay.

"Ang anak ko...si Alihilani," sabi ni Tatay sa kanya.

Pinanakihan siya ng mata nito. "Wala akong pakialam. Paalisin mo yan," utos niya kay tatay bago bumaba ang tingin niya sa akin na para bang nandidiri siya.

"Paalisin mo yan at baka makita ka ni Ahtisia!" sabi pa ng babae.

"Sandali lang...gusto kong makausap ang anak ko," sabi ni Tatay sa kanya.

Hindi na niya hinintay pang makapagsalita ang babae. Hinila niya ako pabalik sa tapat ng bakery. Duon ay lumuhod siya at ginantihan ang yakap ko. Mas lalo akong naiayak dahil nandito na siya ngayon sa aking harapan.

"Umuwi na po tayo, Tay! Umuwi na po tayo..."

Hindi siya nagsalita pero ramdam ko ang higpit ng yakap niya sa akin.

"Kung pwede lang sana...kung pwede pa sana, Anak."

"Tay..." tawag ko sa kanya.

Pinahiran niya ang luha sa kanyang mga mata. "Kumain ka na ba? Anong ginagawa mo dito sa kalsada?" tanong niya sa akin.

Kumunot ang noo niya ng makita niya ang dala kong mga basahan.

"Tay, mayaman na po ba tayo? Sa inyo po ang sasakyan na iyon?" tanong ko sa kanya.

Hindi nawala ang titig niya sa dala ko, matapos iyon ay bumaba ang tingin niya sa kabuuan ko.

"Nagpapadala ako ng pera. Hindi ba dapat ay maginhawa ang buhay niyo ngayon? May mga bago ka bang sapatos? Mga bagong damit?" tanong niya sa akin na para bang naguguluhan din siya.

Marahan akong umiling. "Palagi pong inaaway si Nanay ng mga inuutungan namin. Umuwi ka na Tay," sabi ko sa kanya.

Mariin siyang napapikit at galit na tiningnan ang babae kanina.

"Gagawa si Tatay ng paraan. Bumili ka ng madaming sapatos at damit...kumain ka ng maayos, yung masasarap..." sabi niya sa akin kaya naman mas lalo akong umiyak.

Tumingin si Tatay sa estante ng mga tinapay. Hinila niya ako duon at pinapili.

"Itong pan de coco, Tay. Di ba po paborito natin ito?" tanong ko sa kanya.

Tumango siya at sinabi sa tindera ang bibilhin. Bumaba ang tingin ko sa hawak niyang pitaka. Mas lalo akong nalula ng makita kong dumukot siya ng maraming pera duon at iniabot sa akin kasama ang plastick na may lamang pan de coco.

"Sorry anak...Sorry," sabi niya kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha.

"B-bakit po?"

"Hindi na makakauwi si Tatay..." sabi niya sa akin.

(End of flashback)

Nagtubig ang aking mga mata habang inaalala ang pangyayaring iyon. Marahan kong pinahiran ang namuong luha sa aking mga mata.

"Bakit? Anong problema?" tanong ni Hob ng pagbuksan niya ako ng pintuan.

"Huh?"

Kumunot ang noo niya habang nakatingin pa din sa akin. Sa huli ay natahimik na lang siya at pinapasok ako papunta sa may kusina.

"Matagal pa iyan, dito ka na kumain ng dinner...oorder na lang ako," sabi niya sa akin.

Hindi ako nakapagsalita at kaagad ng inumpisan ang paggawa ng tinapay. Hindi ko na sana papansin pa si Hob ng magulat ako ng maramdaman ko siya sa aking likuran.

"How can I make you feel better?" tanong niya sa akin.

"Ayos lang ako," giit ko.

Nagtaas siya ng kilay. "Hindi ako naniniwala," sabi niya sa akin.

Sinamaan ko siya ng tingin at itutulak sana palayo sa akin ng kaagad niyang hinawakan ang braso ko para palapitin sa kanya.

"Hob, a-ano bang..."

Naramdaman ko ang pag-amoy niya sa bandang ulo ko kaya naman namanhid ako.

"You smell like vanilla," puna niya.

"Vanilla lace ang pabango ko," sagot ko sa kanya.

Mas lalo akong nagulat ng bitawan niya ang braso ko. Ang dalawang kamay niya ay nakatukod na ngayon sa may kitchen counter kaya naman nakakulong na ako.

"And that's your favorite?" panguusisa niya.

Marahan akong tumango. Bumaba ang tingin ko sa dibdib niya dahil sa klase ng tingin niya sa akin.

"That's my favorite too..." sabi niya kaya naman bahagyang humaba ang nguso ko.

"Pang babaeng amoy ito," laban ko sa kanya. Babaero talaga!

Tumaas ang isang sulok ng labi niya. "May gagawin ka sa linggo?" tanong niya.

Napaawang ang labi ko. "Mag...mag sisimba kami ni Nanay sa umaga," sagot ko.

Kumunot ang noo ko habang nakatingin sa kanya. Anong problema ng isang ito?

"Sa akin ka sa hapon kung ganoon..." nakangising sabi niya na ikinagulat ko.

"At sino ka naman para..." masungit na sabi ko, hindi na natuloy ng makita kong malaki na ang ngisi niya.

"There you go...masungit ka na ulit, Miss" nakangiting sabi pa niya.



(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro