Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 21

Call



Halos hindi ako makatingin sa kanya matapos niyang sabihin iyon sa akin. Inabala ko na lamang ang aking sarili sa kunwaring pakikinig sa mga pinaguusapan ng grupo nila mang roger kahit ang totoo ay wala naman akong naiintindihan doon.

Ramdam ko din ang ilang beses na pagsulyap ni Hob sa akin pero hindi ko na lang pinapansin. Sa tuwing gusto kong maging masaya, pakiramdam ko ay wala akong karapatan. Na kung magiging masaya ako ay baka lungkot naman ang sunod na ibigay sa akin.

Kung hindi nakikinig sa paguusap ay inaabala ko na lang ang aking sarili sa cellphone kong ibinigay ni Vera sa akin. Nang minsang sabihin ko sa kanyang ibabalik ko na iyon ay sinabi niyang hindi na ulit niya tatanggap dahil bigay na daw niya iyon.

Paulit ulit kong binabalikan ang mga litrato naming dalawa ni Nanay. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan naming dalawa ay nakaya pa din naming lagpasan iyon. Mas lalo tuloy ipinapamukha sa akin na hindi namin kailangan si Tatay. Kung ayaw niya sa amin ay ayos lang, ang mahalaga ay magkasama kami ni Nanay.

"Magbabayad na ako," si Hob.

Mabilis kong pinatay ang phone ko para harapin siya. Nagtaas ako ng kilay nang makita kong sa binitawan kong cellphone siya nakatingin.

Kaagad akong naglahad ng kamay para hingin na ang bayad. Matapos sa kanya ay kaagad na bumaba ang tingin ko sa kanyang magkabilang bulsa para siguraduhing nanduon na ang bayad niya at hindi na niya ako papa-akyatin pa.

Tumikhim ito dahil sa aking ginawa. "Nagmamadali ka?" tanong niya sa akin na hindi ko na lang pinansin pa.

Parang tamad na tamad pa siya ng dumukot siya ng pera sa kanyang bulsa para magbayad sa akin.

"Wala kayong delivery?" tanong niya kaya naman napaawang ang bibig ko.

"Anong akala mo sa amin? Jollibee?" masungit na tanong ko sa kanya at kaagad pa siyang inirapan nang makuha ko na ang bayad.

"Really?" sambit niya na para bang hindi siya makapaniwala. "Ganyan ka ba talaga kasungit sa mga customer mo?" tanong niya sa akin.

Marahan akong umiling. "Pasencya na...Sir," sabi ko sa kanya. Hindi lang din talaga ako sanay na makipagusap ng matagal sa ibang tao. Lalo na sa kanya na hanggang ngayon ay hindi ko pa din kinakaya ang presencya.

"Don't call me that," masungit na suway niya sa akin.

Napakagat na lamang ako sa aking pang-ibabang labi. Paano ko naman kasi sasabihin sa kanya na hindi ko naman talaga intensyon na sungitan siya. Iyon lang din kasi ang nakikita kong paraan para naman hindi niya mahalata na kabado ako sa tuwing kausap ko siya o kahit nga malapit lang siya.

"Uhm...pwede naman kung may request kayong ipaluto o kaya naman ay..." hindi ko pa man natatapos ang aking sinasabi ay kaagad na akong nagulat nang ilabas niya ang kanyang mamahaling cellphone sa bulsa at inilahad iyon sa akin.

Sandaling nagtagal ang tingin ko sa kanyang cellphone na nakalahad sa aking harapan bago ko siya tiningala.

"Can I have your number? Miss masungit na tindera," nakangising sabi niya sa akin.

Marahan kong tinabig iyon. "Ano bang request mo? Isusulat ko na lang," sabi ko sa kanya at kaagad na kinuha ang ballpen at papel ko.

"Hindi ko pa alam. Mamaya ko pa iisipin," laban niya sa akin kaya naman dahan dahang humaba ang nguso ko para maghanda na awayin siya.

Para matagil na at umalis na siya sa aking harapan ay kaagad kong kinuha ang mamahalin niyang phone. Halos manliit ang kamay ko nang hawakan ko iyon. Medyo kinabahan pa nga akong mahulog ko iyon dahil wala naman akong ma-ipampapayad sa kanya kung masira.

"Hindi mo kabisado ang number mo?" gulat na tanong niya sa akin nang makita niyang hinanap ko pa iyon sa cellphone ko.

Marahan akong umiling habang nagtitipa ng number sa kanyang cellphone.

"That's better though, hindi ka kaagad makakapagbigay ng number sa iba," sabi niya na halos maging bulong na ang dulo ng mga salita.

"Ha?" tanong ko.

Nang tingalain ko ay inirapan pa ako. "Walang dessert," sabi niya na para bang kasalanan ko pang nabitin siya.

"Ang takaw mo," sabi ko at muling ipinagpatuloy ang paglalagay ng number ko sa cellphone niya.

"Ito na. Itext mo na lang kung may request kang ipaluto o kung kailangang maaga dalhin yung pagkain kung sakali," sabi ko sa kanya.

Sandali niyang tinitigan ang phone niya bago siya may tinipa duon at kaagad na itinago sa bulsa.

"Alice, aalis ka na ba? Umalis ka na at baka abutan ka pa ng ulan," sabi ng grupo nina Mang roger sa akin kaya naman kaagad akong napatingin sa itaas at nakitang padilim na nga.

Kanina lang ay mataas pa ang sikat ng araw, ngayon ay ramdam at kita na ang malapit nang pagbagsak ng ulan.

"Oo nga po. Maraming salamat po," sabi ko sa kanila at kaagad na inayos ang aking mga dala.

"Syempre naman, kung magkakasakit ka ay sino na lang ang magdadala ng pagkain namin? Magugutom kami," sabi pa nila kaya naman inirapan ko silang lahat.

"Syempre naman po...kung magkakasakit ako ay sino ang maniningil sa inyo bukas," nakangising paalala ko sa kanila dahil araw na ng biyernes bukas.

Kaagad silang nagtawanan kaya naman ngumisi na lang ako at napailing. Kulang man ako sa aruga galing kay Tatay ay nagpapasalamat pa din ako dahil may mga tao sa paligid ko na ipinaparamdam sa aking kung ano ang pakiramdam na mayroong ama. Kahit sa mga ganitong simpleng bagay ay natutuwa na ako.

"Mauuna na ako," marahang sabi ko kay Hob na kanina pa tahimik.

"Sa factory ka ba?" tanong niya na kaagad kong tinanguan.

"Sumabay ka na sa akin...duon din ang punta ko," sabi niya at kaagad na nag-iwas ng tingin.

Nagtaas ako ng kilay. "B-bakit ka pupunta don?"

"Pupuntahan ko si Eroz. Bakit masama bang dalawin ang pinsan ko?" masungit na tanong niya sa akin.

Sandali akong napatitig sa kanya at kaagad na pinigilan ang pagtawa.

"Ah talaga ba? Eroplano ba yang sasakyan mo?" tanong ko sa kanya at kaagad na napanguso para pigilan ang ngisi.

Napaawang ang bibig niya at mariin pang napapikit. Imbes na amining nagkamali siya ay sumimangot pa ito sa kung saan.

"Aalis na ako," pinal na sabi ko bago ko siya tinalikuran.

"Sumakay ka na ng tricycle, Alice" sina Mang Roger.

"May bibilhin pa po ako sa labas. Salamat po ulit," paalam ko sa kanila at tuluyan nang naglakad palayo.

Habang nilalakaran ko ang daan kung saan kami nagkasalubong ni Tatay kanina ay muli nanamang bumalik sa akin ang sakit. Muli nanamang bumigat ang dibdib ko dahil sa lungkot. May mga pagkakataon na kahit ang mga masayang alaala ay nagiging dahilan din ng ating kalungkutan.

"Mauna na po ako," paalam ko kay Manong guard at kaagad na ibinalik sa kanya ang hardhat na palagi niyang ipinapasuot sa akin sa tuwing papasok ako ng site.

May malaking truck na nakahanrang sa daanan kaya naman lumabas na kaagad ako at dumiretso sa katabing tindahan.

Mahaba ang nakahilerang tindahan ng pagkain sa labas. Nakita ko rin ang paglalakad pabalik ng ibang mga trabahador na kakatapos lang din kumain.

Sinabi ko na kaagad ang order ko kaya naman mabilis iyong isinalang sa ihawan. Maaga pa kaya naman mukhang medyo matatagalan iyon. Habang naghihintay ay bumili na din muna ako ng buko juice dahil kahit naman madilim ang kalangitan ay mainit pa din.

"Anong ginagawa mo dito?" gulat na tanong ko kay Hob.

Sa mga pagkain sa ihawan siya nakatingin bago niya ako tiningnan nang tuluyang makalapit.

"I'm just checking something..." sabi niya at itinuro ang malaking truck na nakaharang sa daanan.

Marahan na lang akong tumango at hinayaan siya. Hindi ko naman alam na ganito pala siya ka hands on sa trabaho na maging ang pagbabagsak ng buhangin ay tinitingnan din niya.

"Gusto mo ba?" tanong ko ng makita kong nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa order kong niluluto pa ni Ate.

"I think...I can try," sabi niya sa akin.

"Edi bumili ka," sabi ko bago ako sumimsim sa aking buko juice.

Mula sa mga pagkain ay kaagad niya akong nilingon at sinamaan ng tingin.

"Wala akong dalang pera. Nasa office," sabi niya sa akin na para bang dapat ko pa iyong problemahin.

Kita kong bumaba ang tingin niya sa aking mga mata pababa sa iniinom kong buko juice.

"Sige, umorder ka at ako ang magbabayad," sabi ko sa kanya.

Tumaas ang sulok ng labi nito. "Tsaka buko juice din," sabi pa niya sa akin na ikinagulat ko.

Hindi man lang tumanggi o nahiya. Ang takaw din talaga ng isang ito.

Dahil sa pagiging epal ni Hob ay mas lalong tumagal ang paghihintay ko dahil siya ang kumain ng mga naunang naluto.

"Anong paborito mo dito?" tanong niya sa akin.

"Wala," sagot ko.

Mayroon pero hindi ko sasabihin sa kanya. Pakiramdam ko kasi ay masyado na siyang maraming alam tungkol sa akin.

Nagtaas siya ng kilay. "Eh bakit ka bumibili?"

"Nagpapabili si Ericka, pakiramdam ko ay naglilihi siya...ang Junie na yon," sambit ko habang iniisip kung paano titirisin si Junie.

"Is that safe to eat? Di ba ay ano yan..." hindi niya matuloy ang gustong sabihin pero mukhang alam ko na.

"Nalinis naman yan ng mabuti."

"Still..." sambit niya kaya naman inirapan ko siya.

"Kayo nga kumakain ng hilaw eh," laban ko.

Nagulat ako ng marinig ko ang paghalakhak niya. Maging si Ate na tindera ay napatingin din kay Hob. Pati pagtawa ay gwapo, kahit hindi mo na tingnan, kahit hindi mo na lingonin.

Napabuntong hininga na lang ako at muling inisip ang aking mga kaibigan.

Kung totoo mang buntis ulit ang aking kaibigan ay isa ako sa magiging masaya para sa kanilang dalawa. Pero sa tuwing naaalala ko yung mga panahong manganganak na si Ericka at halos sabayan ko si Junie ng kaba habang naghihintay ay parang hindi ko na kaya. Lalo pa at nilakasan ko lang noon ang loob kong magpabalik balik sa hospital dahil ayoko sa lugar na iyon, madaming hindi magandang karanasan.

"Kakatapos lang nilang mag-away at ngayon..." hindi ko pa man natatapos ang sasabihin ko ay kaagad nang napangisi si Hob na para bang may alam siya.

"Make up sex," sambit niya na ikinagulat ko.

Kaagad ko siyang tinampal sa braso na ikinabigla din niya.

"Ang bastos ng bunganga mo, Hob." masungit na sabi ko.

"What? For sure that's what happend," giit niya sa akin kaya naman sinamaan ko siya ng tingin.

"Ayokong pagusapan yan. Para lang iyon sa kanilang mag-asawa," suway ko sa kanya.

Narinig ko nanaman ang pag-ngisi niya. At muli nanamang uminit ang pisngi ko sa hindi malamang dahilan dahil sa sumunod niyang sinabi.

"Pwede din iyon sa magboyfriend-girlfriend," nakangising sabi niya kaya naman kaagad ko siyang sinamaan ng tingin at inirapan.

Nanatili ang tingin ko sa mga pagkain, kung nakakapaso lang ang talim ng tingin ko duon ay baka naging uling na iyon.

Hindi ko tuloy maiwasang isipin kung paano siya sa mga naging girlfriend niya. Halatang sanay sa mga ganuon paguusap. Hindi naman na nakakagulat pa, siguradong nagawa na iyon ni Hob kasama ang mga naging nobya niya.

"I'm sorry for making you uncomfortable," sabi niya sa akin nang mapansin niya ang pananahimik ko.

Sandali ko lang siyang sinulyapan at tinanguan. Hindi naman kasalanan ni Hob na hindi ako kagaya niyang mulat sa mga ganuong klaseng bagay.

Nagpaalam na ako sa kanya ng makuha ko na ang order ko.

"Ihahatid na kita," sabi niya na kaagad kong tinanggihan.

"To repay you. Nilibre mo ako," giit pa din niya bago siya sumimsim sa hawak na buko juice na mukhang nagustuhan naman niya.

"Kaya nga libre eh, hindi naman kita nilibre para maghintay ako ng kapalit," masungit pang sabi ko sa kanya bago ulit siya inirapan.

Napaawang ang bibig niya at natahimik na lang. Nanatili ang tingin niya sa akin hanggang sa muli na akong nagpaalam ng makapara na ako ng tricycle. Kumunot pa ang noo ko ng mapansin kong halos matulala si Hob.

Bahala siya, dahil yan sa katakawan niya. Hindi kaya nae-empatsyo ang isang iyon?

Nag-alala ako ng umuwi kinagabihan ng marinig ko ang sunod sunod na pag-ubo ni Nanay. Ilang beses ko din siyang narinig na dumadaing dahil sa pananakit ng mga tuhod niya. Alam kong hindi lang iyon ang masakit sa kanya, alam kong may iba pa at hindi lang niya sinasabi sa akin.

Kaagad ko siyang pinainom ng gamot para maagapan ang ubo niya. Hindi pa nga ako nakatulog ng maayos dahil maya't maya ko tinitingnan si Nanay. Masyadong maselan ang katawan niya. Kung minsan ay dahil sa simpleng ubo ay lalagnatin kaagad siya.

"Pasencya na at hindi ka nanaman nakatulog ng maayos kagabi," sabi ni Nanay sa akin kinaumagahan.

"Ayos lang po, Nay. Ang mahalaga po ay ayos na ang pakiramdam niyo ngayon," sabi ko sa kanya.

Abala kami sa pagluluto dahil bibisita sina Vera at Gianneri sa amin ngayong araw. Hindi ako pumasok sa factory dahil tapos ko naman na ang trabaho ko. Pero aalis ako mamayang tanghali para maghatid ng pagkain sa site at babalik naman sa hapon para maningil dahil sa hapon pa ang sahod ng mga trabahador.

"Kumakain ba si Vera nito?" tanong ni Nanay.

Naghanda kami ng isang klase ng kakanin, pancit at isang klase ng ulam para kay Vera. Ang lahat ng iyon ay specialty ni Nanay. Mukhang excited siya na may pupunta sa amin, naiintindihan ko naman dahil palaging kaming dalawa lang ang nandito. Sabik din siguro siyang makakita ng ibang tao.

"Nandito na po sila, Nay!" sabi ko sa kanya.

Sabay kaming lumabas para salubungin sina Vera. Matapos bumaba sa may driver seat ay sandali siyang kumaway sa amin para kuhanin si Gianneri sa back seat kung saan nakalagay ang baby seat nito.

"Ang gandang bata," sambit ni Nanay. Ramdam ko ang pagkagigil niya nang makita si Gianneri, hindi ko naman siya masisisi dahil ganoon din ako sa tuwing nakikita ito.

"Good morning, Witch and family," nakangising sabi ni Vera kaya naman kaagad ko siyang inirapan at natawa pagkatapos.

Masyadong namamangha si Nanay kay Gianneri kaya naman hindi na niya napansin pa iyon.

"Ok, you make mano kay Tita Cleo," utos ni Vera kay Gianneri.

Mas natuwa si Nanay ng mag-ingay si Gianneri. Sandali niya kaming tiningnan isa isa bago niya kami pinagalitan at kinausap na hindi naman namin naiintindihan.

"Hindi pa daw siya marunong mag mano, Tita Vera." sabi ni Nanay na para bang siya na ang nagtranslate ng sinasabi nito para sa amin.

Natahimik si Gianneri nung una ng kargahin siya ni Nanay pero naging kumportable din naman ng maglaon.

"Ang gandang bata, parang manika..." puna ni Nanay dito.

"Ofcourse Tita, sa akin nagmana iyan because isa ako sa mga nag-alaga kay Gertie nung nasa states siya," pagbibida ni Vera.

Nagtaas siya ng kilay sa akin ng magtagal ang tingin ko sa kanya.

Inaya na namin siyang pumunta sa hapagkainan at kumain. Halos parang late na almusal at maagang tanghalian na ito sa amin. Kita naming sanay na sanay si Nanay sa paghawak kay Gianneri kahit pa kumakain na kami.

"Sana ay magustuhan mo," sabi ni Nanay kay Vera.

"Thank you for this, Tita. You prepare pa talaga for us," sabi ni Vera.

Habang kumakain ay panay ang tanong ni Nanay tungkol kay Gianneri.

"I think you are ready na po for a grandchild galing kay Alice," nakangising sabi ni Vera at nang makita ang reaksyon ko ay kaagad na tumawa.

"Wala pa ngang nobyong ipinapakilala," si Nanay.

"Meron na yan, Tita."

"Wala pa! At hindi magkakaroon, wala iyan sa isip ko." laban ko sa kanilang dalawa.

"Tss. Hindi talaga ako naniniwala," laban niya bago nagpatuloy sa pagkain.

Hindi din naman nagtagal sina Vera at Gianneri dahil didiretso pa ito sa kanilang plantation para magtrabaho.

"Babalik po kami sa weekend para buong araw kaming nandito," palaam ni Vera kay Nanay.

Kahit sa ilang oras na pamamalagi nila ay kita ko naman ang saya sa mukha ni Nanay. Isinabay na din ako ni Vera at ibinaba sa may factory dahil magtatanghali na.

"Nakakapagtrabaho ka kahit nagbabantay kay Gianneri?" tanong ko.

Tumango siya. "Pinagawan ko siya ng nursery sa loob ng office ko," pagbibida niya sa akin kaya naman natawa ako.

Kahit nasa likuran ay rinig pa din namin ang pagiingay nito. Medyo naglalaway na din siya kaya naman nakasuot na ng baby bim. Ang sabi ni Nanay ay mukhang mag ngingipin na ito.

Humalik pa muna ako kay Gianneri bago ako tuluyang bumaba sa may factory. Pagkapasok ay kaagad kong inayos ang mga dadalhin kong pagkain at ang listahan na din ng mga sisingilin kong utang.

"Aawayin ko pag hindi nagbayad," sabi ko kay Ericka kaya naman tawang tawa siya.

Friday kaya naman kita ang pagiging abala ng buong Sta. Clara. Minsan kahit sa pakiramdam ay alam mo kaagad kung anong araw ngayon. Kita kasi minsan sa galaw ng mga tao o kaya naman sa paligid.

Kahit pagkadating sa may site ay mas ma-ingay din at mas maraming tao. Nakita ko din ang ilang Engineer at maging si Julio nga ay nanduon din. Hinayaan ko na lang at kaagad na akong dumiretso sa may lumang building para maghintay sa kanila.

"You're here again?"

Nilingon ko ang babaeng nagsalita at nakitang si Engineer Crystal iyon. Humalukipkip ito bago bumaba ang tingin sa mga dala kong pagkain.

"What's with your cheap food at natitiis ni Engr. Jimenez na kumain niyan?" sabi niya at kitang kita ang pandidiri sa kanyang mukha na para bang kung anong may masama sa aming pagkain.

"Hindi ko naman iyan dinala para sa inyo, Engr. Dinala ko yan para sa mga customer ko," sabi ko sa kanya at hindi ko na napigilan pa ang pagiging masungit.

Kita ko ang inis sa kanyang mukha. May sasabihin pa sana siya sa akin ng pareho kaming magulat ng makarinig na malakas na tunog at sigaw ng mga tao.

Gusto ko rin sanang tumakbo at tumingin duon pero kaagad niya akong hinarang.

"Stay here. Nandito ka para magtinda ng pagkain. Stop mendling with something that is not your business to begin with...Tindera ka lang," sabi niya sa akin bago niya ako tinalikuran.

Gusto ko siyang hilahin pabalik at sampalin. Wala siyang karapatang maliitin ang mga tindera na kagaya ko dahil marangal ang trabahong ito. Gusto kong hilahin ang buhok niya at sabihin hindi ako basta tindera lang dahil nananampal talaga ako lalo na kung bastos ka sa akin.

Pinigilan ko na lang ang aking sarili at naghintay duon kahit ang totoo ay may nararamdaman din akong kaba. Sa gawi kung saan madaming tao may nagkagulo, nakita ko duon ang kaibigan kong si Julio. Natatakot ako para sa mga ito kaya naman sana ay walang nasaktan.

Napatayo ako ng makita kong nagkagulo sila. Mas lalong nanlaki ang mata ko ng makita kong akay ng ibang Engr. Si Hob paakyat sa second floor, kita ko sa kanyang mukha ang iniidang sakit, maging ang galit ay halata din sa kanyang mukha.

"Alihilani!" tawag ni Julio sa akin.

"Anong nangyari?" tanong ko kaagad.

"Bumigay yung mga bakal na nakatayo sa gagawing mga haligi. Magbubuhos na sana ngayon," kwento niya sa akin.

"B-bakit? May nasaktan ba?" tanong ko sa kanya kahit kita naman na mukhang nasaktan si Hob.

"May dalawang trabahador na tinamaan, pati si Engr. Jimenez," kwento niya sa akin kaya naman mas lalong bumigat ang dibdib ko sa hindi malamang dahilan. Sa pagaalala?

"Ang tatay mo ang nagplano nito, hindi nila sinunod ang naunang plano ni Engr. Jimenez," sabi ni Julio sa akin kaya naman mas lalo akong nanlumo.

"S-si Tatay kamusta?" tanong ko sa kanya.

"Maayos siya, wag kang mag-alala." sabi niya sa akin.

Sandaling nagpaalam si Julio sa akin para tingnan ang mga nangyayari sa itaas.

"Mabuti na lang at hinila siya ni Engr. Jimenez, kung hindi..." rinig kong pag-uusap nina Mang roger.

Kita din ang pagod sa kanilang mukha at panghihina dahil na din sa mga nasaktan na kasama. May mga naka-stand by na medic din naman kung sakali at may nakita na akong umakyat para siguro kay Hob.

"Si Engr. Salvador sana ang matatamaan, sinalo lang ni Engr. Jimenez."

Habang naririnig ang mga iyon ay mas lalo akong nag-aalala. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko dahil pareho silang importante sa akin. Kahit pa sabihing palagi kaming nag-aaway ni Hob ay hindi naman na siya iba.

"Mamayang hapon pa ang sahod, Alice."

"Ayos lang po, babalik na lang ako para maningil," sabi ko sa kanila.

Natapos ang lunch break ng hindi man lang bumaba si Hob. Gusto ko din sanang makibalita tungkol sa kanya pero kagaya nga ng sabi ni Engr. Crystal ang pagtitinda ng pagkain ang pinunta ko dito kaya naman ang problema nila sa itaas ay hindi ko problema.

Bago pa man ako tuluyang maka-alis ay nagulat ako ng tumunog ang cellphone ko para sa isang tawag. Number lang iyon kaya naman nag-alangan pa muna ako kung sasagutin ko.

"Hello..." bati ko.

"Hi Miss, it's Hobbes!" sabi niya sa kabilang linya.

Hindi ko alam kung bakit biglang naginit ang magkabilang gilid ng mata ko. Hindi ko man maamin ay kanina pa ako nag-aalala para sa kanya pero heto siya at mukhang nakangisi pa habang tumatawag.

"Anong kailangan mo?" masungit na tanong ko para itago nanaman ang tunay na nararamdaman.

"Ikaw..." sambit niya na ikinagulat ko.

"A-ano?" marahang sambit ko.

"Ikaw...kasi nasa iyo ang pagkain. Gutom na ako, paki-akyat sa office ang lunch ko," sabi niya sa akin at nuon lang ulit ako nakahinga ng maluwag.

"S-sige," sambit ko at hindi na nagawa pang awayin siya.

"Pakidalian...ang tagal ko nang naghihintay," sabi pa niya. Ang matakaw na to!



(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro