Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 20

Mata



Ramdam ko ang sandalling pamamanhid ng aking buong katawan dahil sa itinawag niya sa akin. Iyon ang unang beses na tinawag niya ako sa aking buong pangalan. Naririnig ko naman iyon kay Nanay, O kahit kay Julio. Pero iba ang pakiramdam nang marinig iyon galling kay Hob.

Kahit hindi ko siya tingnan ay ramdam ko pa din ang tingin niya sa akin kaya naman kaagad ko siyang sinimangutan para itago ang aking tunay na nararamdaman.

"B-bakit mo ako tinawag ng ganyan?" masungit na tanong ko sa kanya.

"Bakit?" tanong niya na para bang wala siyang ginawang kung ano.

"Hindi tayo close para tawagin mo ako ng ganyan," sabi ko at kaagad na nag-iwas ng tingin.

Napakagat ako sa aking pang-ibabang labi dahil sa kung anong nararamdaman, Lalo na nang sandaling manahimik si Hob.

"Bakit? Hinahayaan nga din kitang tawagin akong Hob," laban pa din niya sa akin pagkatapos ay kaagad na sumubo ng kinakain niya na para bang hindi naman siya apektado sa pinaguusapan namin.

Napabuntong hininga ako at napapikit ng mariin, minsan nga lang akong magsalita at makipag-usap sa kanya ay napapahamak pa ako.

"Hindi ko matatanggap ang dress na ito. Masyadong mahal...at hindi ko naman magagamit," mahabang litanya ko para baguhin ang topic.

Ramdam ko ang tingin ni Hob sa akin na para bang gusto niyang tumingin ako pabalik sa kanya pero hindi ko kaya. Naisip ko na din dati kung ano kaya ang pakiramdam na makausap siya ng ganito, yung mag-uusap lang kami at hindi mag-aaway. 

Siya lang naman itong mang-aaway.

"Keep it. Malay mo naman you will need it soon, special occasion?" suwestyon pa niya sa akin.

Mas lalo akong napatitig sa dress na hawak ko. Unang tingin pa lang alam mong hindi na basta basta, lalo kong napatunayan na mahal ng mahawakan ko ang tela. Maging si Nanay nang makita niya ito ay alam na kaagad na hindi lamang ito ordinaryong dress.

"Alam ba ng Mommy mo na ipinamimigay mo ang damit niya?" tanong ko sa kanya. Desisyon din kasi minsan ang isang ito.

Ngumisi siya at nagkibit balikat. "Sa dami ng dress niya? Hindi pa nga niya nasusuot yan, it's just a spare dress in her car." Sabi niya sa akin kaya naman mas lalong napaawang ang bibig ko.

Mula sa pagkamangha ay unti unti kong naramdaman na masyado talagang malayo ang agwat ng estado ng buhay naming ni Hob. Mula sa dress ay nag-angat ako ng tingin sa kanya. Abala siya ngayon sa pagkain ng dala ko at kung minsan ay napapatingin pa sa kung saan na para bang wala siyang problema sa mundo.

Sila siguro yung mga klase ng tao ng hindi man lang naranasan na magutom. Hindi man lang nagkaroon ng problema sa pera. Lahat ng gustuhin ay nakukuha nila.

Nagtagal ang tingin ko sa kanya hanggang sa lumingon siya sa akin.

"What? Hindi kita tatakasan. I'll pay for this," nakangising sabi niya sa akin kaya naman nag-iwas na kaagad ako ng tingin.

Inabala ko na lamang ang sarili ko ng dumating na ang grupo nina Mang Roger. Kahit tapos nang kumain ay nanatili pa din si Hob doon at nagawa pang makipagkwentuhan sa mga ito. Tipid akong napangiti ng makita kong nakikipagtawanan siya kina Mang Roger at mukhang kumportable na din sila sa presencya nito.

"Yung bilin ko. Kakausapin ko si Engr. Salvador tungkol dito, masyadong delikado kung iyon ang susundin...baka may mapahamak pa," rinig kong paalala niya sa mga ito.

Matapos kina Mang Roger ay nakita ko ang unti unti niyang paglingon sa akin. Alam ko naming alam na niya ang tungkol sa relasyon naming ni Tatay. Halos buong Sta. Maria na ata ang may alam na anak ako sa labas kagaya ng pinagsasabi ni Tita Atheena. Hindi naman ata napapagod ang isang iyon na ipamukha sa akin na ganon nga ang tingin niya sa akin kahit alam kong hindi, dahil kami naman talaga ang unang pamilya ni Tatay.

"Isa pang extra rice, Alice!" sabi ni Mang Roger at kaagad na lumapit sa akin para kumuha.

Nginitian ko siya at kaagad na inabutan ng isa pa.

"Ang galing niyo talagang magluto. Kaya naman hindi na ako nagtataka kung bakit karamihan sa mga binata dito sa atin ay may gusto sayo," sabi niya kaya naman bahagyang humaba ang nguso ko kahit gustong gusto kong irapan si Mang Roger.

Hindi pa man ako tuluyang nakakasagot ay sumunod na kaagad ang isa pa.

"May kilala din akong may gusto kay Alice. Natotorpe at takot dahil ang sungit mo daw," sabi nito bago sila nagtawanan.

Hindi ako sumagot at ngumiti na lang sa mga pinagsasabi nila. Kung magbibigay kasi ako ng opinion o kahit makipagbiruan sa kanila tungkol sa mga ito ay baka akalain nilang interisado ako. Wala pa iyon sa isip ko ngayon.

Napahinto ang pagtatawanan ng mga ito ng sinadyang umubo ni Hob para kuhanin ang atensyon naming. Papansin din talaga ang isang ito.

"Mauuna na ako. Tama na ang kwentuhan at baka mabulunan pa kayo..." masungit na sabi niya sa mga trabahador.

Imbes na matakot kay Hob ang grupo nina Mang Roger ay tumawa pa ang mga ito kahit mukhang tinotopak nanaman ang isang iyon.

"Yung bayad ko kunin mo na lang ulit sa itaas," sabi niya sa akin ng lingonin niya ako.

"S-sige pag katapos,"

Mas lalo siyang sumimangot. "Ngayon na," pinal na sabi niya bago niya ako inirapan at kaagad na tumalikod.

Nalaglag ang panga ko ng makita ko ang ginawa niya. Anong problema ng isang ito?

Nagpaalam ako kina Mang Roger na aakyat sandal sa office ni Hob para kuhanin ang bayad niya. Nagulat pa ako ng makita kong nakatayo ito sa may dulo ng hagdan sa may second floor. Nakapasok ang magkabilang kamay sa bulsan ng kanyang pantalon.

"Dapat ay dala mo na ang bayad kung bibili ka," sabi ko.

Kita ko ang gulat sa kanyang mukha dahil sa aking sinabi.

"Sa lahat ng tindera ikaw yung pinakamasungit," sabi niya sa akin bago siya tumalikod at naglakad papunta sa office niya.

Hindi na lang ako nagsalita at sumunod na lang sa kanya. Dumiretso siya sa kanyang office table at umupo sa kanyang swivel chair.

Mas lalong nanlaki ang mata ko ng makita kong mula sa bulsa ng pantalon niya kinuha ang pera na ipambabayad niya sa akin. Kung ganoon!? Ang gagong ito!

Padabog kong kinuha ang pera sa kamay niya kahit gusto ko siyang sitahin sa napansin ko. Pinagtaasan niya ako ng kilay ng mapansin niyang inis talaga ako. Tama lang iyon dahil nakakainis naman talaga!

"Mauuna na ako. S-salamat ulit sa damit," sabi ko sa kanya at kaagad siyang tinalikuran.

Tsaka lang ako nakahinga ng maayos ng makalayo na ako kay Hob. May pagkakataon talaga na gusto mong makausap o makasama yung isang tao, pero pag nandon ka na sa sitwasyong iyon ay parang hindi mo naman kaya dahil masyadong siyang nakaka-intimidate. Kahit sa simpleng tingin ay halos manginig na minsan ang tuhod ko kaya naman pinapangunahan ko na lang ng pagsusungit.

Tuwang tuwa sina Ericka at Ate Lydia sa tuwing bumabalik ako sa factory at ubos palagi ang dala kong mga pagkain. Dahil maaga pa ay unti unti ko ng sinimulan ang financial report na meron ako para naman hindi ako magahol sa oras.

Pagkatapo non ay nagpaalam na din ako sa kanila para dumaan sa mga Montero. Halos masanay na ako sa araw araw na ganuon, pamilya na din ang turing ko sa mga ito kaya nama hindi rin minsan kumpleto ang araw ko kung hindi ako makakadaan man lang sa kanila.

"Himala at nandito ka," malambing na sabi ko kay Gianneri ng maabutan ko sila ni Yaya Esme sa may kusina at nanunuod ng kung anong telenovela sa tv.

Nagingay kaagad si Gianneri ng makita ako kaya naman mabilis ko siyang kinuha kay Yaya Esme na medyo emosyonal ngayon dahil daw nakakaiyak yung pinapanuod niya.

Gigil na yumakap si Gianneri sa akin kaya naman natawa ako. Naramdaman ko kaagad ang basa sa aking pisngi ng humalik ito sa akin bago siya nag-ingay.

"Ang ingay ingay mo," nakangiting pagkausap ko sa kanya.

Hinarap niya ako at kinausap din na para bang may ikinikwento siya sa akin kahit hindi ko naman iyon maintindihan.

Dahil tapos na ang pinapanuod na drama ni Yaya Esme ay inaya niya kami sa may garden para mag mirienda. Nauna kami ni Gianneri duon kaya naman nilapitan din naming si Chin chin na may sariling kulungan. Sa laki ng kulungan nito ay kasya na ata kahit lima pang aso.

Tumili si Gianneri kaya naman natawa ako, tuwang tuwa ito ng makitang talon ng talon si Chin chin habang nakatingin sa kanya.

"Mag-oovertime daw si Senyorita Vera sa office, tumawag si Senyorito Keizer at may hinihinga na report sa kanya," kwento ni Yaya Esme.

Napangisi ako ng makita kong namumula pa din ang mata nito dahil sa pag-iyak dahil sa drama na pinanuod.

"Ayos na po ba siya?" tanong ko.

Tumango si Yaya Esme. "Mukhang maayos na, maldita na ulit," sabi niya bago natawa.

Natawa din ako at napailing na lang ng maisip ko kung paano nanaman magsungit si Vera.

Dahil naumpisahan ay nagkwento na din si Yaya Esme sa akin tungkol sa kabataan ni Vera kaya naman mas lalo ko siyang nakilala.

"Kaya nga kahit ganyan iyan ay mahal na mahal ko," sabi pa niya habang nakatingin sa malayo na para bang inaalala niya ang lahat sa nakaraan.

"Grabe din ang hirap na pinagdaanan niya sa kamay ni Madam Cressida dahil nga hindi siya gusto. Iyak ng iyak iyan sa amin noong ipadala sa America mag-isa," kwento pa niya.

Habang nakikinig sa kwento ay bumibigat naman ang loob ko para sa aking kaibigan. Mas lalo kong napatunayan na parehong hindi nagging maganda ang kabataan naming ni Vera. Kaya naman kahit nung nagkita kami ulit sa airport ng sunduin namin siya ni Julio ay magaan na kaagad ang loob ko sa kanya.

Matapos kay Vera ay ako naman ang tinanong ni Yaya Esme.

"At bakit hindi mo sinumbong sa Tatay mo? Maldita pala iyang bagong asawa niya," gigil na sabi niya nang ikwento ko sa kanya kung bakit hindi ako natuloy noon sa pag-aaral sa manila kasama ang kapatid kong si Ahtisia.

Pumayag na nuon si Nanay na mag-aral ako sa Manila ng mag-alok si Tatay at Tita Atheena na pagaaralin nila ako. Iisang university lang sana ang papasukan naming dalawa, pero sa araw ng university entrance exam ay hindi ako pinatuloy ni Tita Atheena dahilan kung bakit bumalik na lang ako sa Sta. Maria.

Ilang oras pa akong nagtagal duon hanggang sa ako pa mismo ang nagpasok kay Gianneri sa nursery room niya ng makatulog siya habang hawak ko.

"Kay Vera pa din po ba siya natutulog sa gabi?" tanong ko kay Yaya Esme habang abala siya sa pagaayos ng crib nito.

Ilang beses kong hinalikan si Gianneri sa ulo. Para siyang magandang manika pag gising, para namang anghel pagtulog. Sobrang gandang bata.

"Oo. Mamaya ay gigising niya ito at lilipat sila sa kwarto. Pwede ng mag-asawa ang isang iyon, hindi naman nagpapakilala ng nobyo," sabi pa ni Yaya Esme.

"Tinanong ko siya tungkol kay Babe Hobbes, hindi naman daw niya gusto. May iba daw siyang gusto. Nung tinanong ko...sinungitan pa ako," natatawang kwento ni Yaya Esme.

Nagpaalam na ako kay Yaya Esme at umuwi na din kaagad ng masigurado naming mahimbing na ang tulog ni Gianneri.

"Nay, nandito na po ako!" tawag ko sa kanya.

Hindi ko siya nakita sa may sala kaya naman mabilis kong binitawan ang lahat ng dala ko para tumakbo papunta sa kusina, wala din siya doon kaya naman dumiretso na ako sa kwarto.

Napahinto ako ng makita kong tahimik na umiiyak ito habang nakatingin sa litrato nil ani Tatay. Ilang beses ko na siyang naabutan na ganon.

"Nay..." tawag ko sa kanya.

Nilingon niya ako at kaagad na nagpahid ng luha. Sinubukan pa niyang itago sa akin ang hawak kaya naman napabuntong hininga na lang ako at pagod na lumapit sa kanya. Umupo ako sa aming kama para harapin siya.

"Tama na po, Nay."

Kita ko ang pagtataka sa mukha niya dahil sa aking sinabi. Sobrang bigat ng dibdib ko habang nakikita ang pagiyak ni Nanay. Doble ang sakit nuon para sa akin. Marahan kong pinahiran ang kanyang basang pisngi.

"Tama na po. Wag na nating hintayin si Tatay..." sabi ko sa kanya kahit ang totoo ay gusto ko ding maiyak. Kagaya ni Nanay ay gusto ko pa din maghintay, hindi din naman ako napagod maghintay kay Tatay kahit gaano katagal...kahit gaano kasakit.

"Alihilani..." tawag niya sa akin.

Marahan akong umiling sa kanya. Bumaba ang tingin ko sa litrato na hawak niya. Iyon ang huling litrato na kuha bago kami iwan ni Tatay.

"Kahit gaano po katagal tayong maghintay...kung walang balak na bumalik ang hinihintay natin, hindi niya tayo babalikan," sabi ko kay Nanay. Ramdam ko ang pagkapaos ng boses ko dahil na din sa pinipigilang luha.

"Pag nagkausap kami..."

Mabilis kong pinutol ang gusto niyang sabihin.

"Paano kung ayaw na pong makipagusap?" tanong ko sa kanya.

Nanatili ang tingin ko sa kamay kong nakahawak sa kamay ni Nanay. Kita ko na din sa balat niya ang senyales na tumatanda na talaga si Nanay.

Hindi ko siya hinarap, hindi ko kayang makita kung paano gumuhit ang sakit sa mukha niya ng sabihin ko iyon sa kanya.

"Ako ang totoong mahal ni Arnaldo, tayo ang totoong mahal ng Tatay mo," sabi niya sa akin.

Mariin akong napapikit ng marinig ko pa ang pagpiyok niya.

"Ramdam kong babalik siya dahil nangako siya sa akin," laban pa niya kaya naman mas lalo akong nanghina.

"Nay, sobrang tagal na po," paalala ko pa sa kanya.

Isa pa sa dahilan kung bakit hindi ko din sinusukuan si Tatay ay dahil kay Nanay. Dahil nagkakaroon din ako ng pag-asa sa tuwing sinasabi niya sa akin babalikan kami ni Tatay. Na para bang sa tuwing sinasabi niya iyon sa akin ay totoo ang lahat.

"Walang may alam kung ano ang mga pinagdaanan naming dalawa noon. Hindi ang haba ng panahon ang makakapagpasuko sa akin. Hindi ang haba ng panahon ang magdidikta ng pagmamahal mo sa isang tao, Alihilani."

Marahan niyang hinaplos ang aking pisngi. "Lagi mo yang tatandaan, Anak."

Unti unting bumuhos ang aking mga luha na hindi ko na kinayang pigilan pa.

Mas lalo akong naiyak at kaagad na niyakap ng mahigpit si Nanay sa sumunod niyang sinabi sa akin.

"Hanggang sa huling hininga ko...hihintayin ko ang Tatay mo," paninigurado niya sa akin.

Hindi na ako nakapagsalita pa at niyakap na lang ng mahigpit si Nanay. Tama siya, wala akong alam sa kung ano ang mga pinagdaanan nil ani Tatay noon. Hindi ko din alam kung gaano katatag ang pangakong pinanghahawakan niya kaya naman wala akong karapatang kwestyunin siya ngayon.

Hindi nanaman ako nakatulog ng maayos ng gabing iyon. Buong magdamag kong pinagmasdan ang natutulog na si Nanay. Habang pinagmamasdan ko siya ay unti unti ko namang nararamdaman ang galit para kay Tatay. 

Ilang beses ko ng naramdaman iyon pero sa tuwing naaalala kong siya ang Tatay ko at mahal ko siya, na hindi magandang magtanim ng galit o tampo lalo na sa magulang...nawawala iyon, nababaliwala ang sakit na nararamdaman ko na para bang wala akong karapatang masaktan kahit sobrang sakit na.

Tahimik lang si Nanay kinabukasan. Nagagawa pa niyang ngumiti sa akin na para bang walang nangyaring kung ano kagabi.

"Talaga, dadalhin ni Vera dito ang pamangkin niya? Ang tagal ko ng hindi nakakakita ng baby," nakangiting tanong ni Nanay.

"Opo, Nay. Sa susunod na dalaw daw po niya dito ay isasama niya," sagot ko sa kanya. Ayokong sirain ang mood naming pareho ngayong umaga.

Ayoko na din namang pagusapan pa naming ang tungkol kay Tatay.

Kahit tuloy sa factory ay ramdam nina Junie at Ericka na may iba sa akin. Masyado lang akong maraming iniisip, hindi ko na alam ang uunahin ko.

"Gusto mo ako na muna ang magdadala ng pagkain? Magpahinga ka na muna," sabi ni Ericka sa akin ng mapansin niya ang pananahimik ko.

Nagawa ko pa siyang tipid na ngitian para ipakitang wala silang kailangang alalahanin dahil ayos lang naman ako. Magiging ayos lang ako.

"Hindi na, kaya ko na ito. Mas maayos na din iyon at malilibang ako sa labas," sagot ko sa kanya kaya naman tumango na lang siya.

Kagaya ng mga nakaraang araw ay inihahatid niya ako palabas ng factory at siya pa mismo ang pumapara ng tricycle para sa akin sa takot na makipagsapalaran nanaman ako sa pagsakay ng jeep gayong may dala ako.

"May masarap na ihawan sa may Sta. Clara..." kwento niya sa akin kaya naman mula sa kalsada ay mariin ko siyang tiningnan.

Kita ko ang pagkabigla niya at namula pa ang magkabilang pisngi.

"P-pwede ka bang bumili? Damihan mo na din para mag food trip tayo dito pagkabalik mo," sabi niya sa akin pero hindi pa din naputol ang tingin ko sa kanya.

"Baby pa si Jacobus..." paguumpisa ko kaya naman mas lalo kong nakita ang pagkataranta niya.

Sa huli ay kaagad niya akong hinampas sa braso. "Alice, hindi ako naglilihi. Gusto ko lang talagang kumain non," laban niya sa akin kaya naman kaagad akong natawa.

Gusto ko lang naman siyang asarin pero masyado siyang nerbyosa.

Dahil sa presencya ng aking mga kaibigan ay unti unting umaayos ang pakiramdam ko, kahit saglit ay nakakalimutan ko ang lungkot na dulot sa tuwing naiisip ko si Tatay.

"Magandang tanghali po," nakangiting bati ko kay Manong guard.

Muli niya akong inabutan ng hard hat bago niya ako tuluyang pinapasok sa may site. Hindi pa man ako tuluyang nakakapasok ay dahan dahang bumagal ang lakad ko ng makita kong palabas ang sasakyan ni Tatay. Alam kong sa kanya iyon dahil tinatandaan ko talaga ang iba't ibang sasakyan na meron siya.

Imbes na huminto para hintayin ang paglapit nito sa aking gawi ay ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad.

"Alihilani..." tawag niya sa akin ng ibaba niya ang bintana ng kanyang sasakyan ng magkatapat kami.

Siya lang mag-isa sa loob kaya naman malakas ang loob niyang kausapin ako ngayon.

"Magandang tanghali po, Engineer," bati ko sa kanya kaya naman nagulat siya.

Hindi siya kaagad nakapagsalita kaya naman nanatili ang walang kaemo-emosyon kong mukha. Nataranta siya nang makitang may papasok na malaking truck kaya naman kailangan na niyang lumabas.

"Anak..." tawag niya sa akin.

Kumirot ang dibdib ko dahil sa itinawag niya. Naikuyom ko ang aking kamao ng maramdaman kong unti unti nanamang natutunaw ang nabubuong galit sa aking dibdib.

Marahan akong umiling at kaagad na tumalikod sa kanya para dumiretso sa may lumang building.

Napapagod na akong maghintay kay Tatay. Pero mas lalo akong napagod ng masaktan ako ng makita ko si Nanay na umiiyak kagabi dahil sa kanya. Kung ako lang ang masasaktan dahil sa kanya ay walang kaso sa akin, ibang usapan na pag si Nanay.

Nanghihina akong umupo pagkarating ko sa may lumang building. Pabagsak na sana ang luha sa aking mga mata ng bigla kong makita ang paglapit ni Hob. May hawak siyang microwavable container.

Dahan dahang nawala ang ngisi niya habang nakatingin sa akin ng mas lalo siyang makalapit.

"May problema?" tanong niya sa akin.

Kaagad akong umiling at nagiwas ng tingin sa kanya.

"11:49 pa lang, hindi pa pwedeng bumili," pagsusungit ko sa kanya.

"Ang sungit talaga," bulong bulong pa niya na rinig na rinig ko naman.

Umupo siya sa kaharap kong kahoy na upuan.

"Maaga talaga akong bumaba para makipag-negosasyon," sabi niya.

Tiningnan ko siya, napaayos pa siya ng upo dahil sa matalim kong tingin sa kanya. Bumaba ang tingin ko sa hawak niyang tupperware.

"May nagpadala ng madaming kakanin sa office. Ito yung paborito mo, di ba?" tanong niya sa akin.

Binuksan pa niya sa harapan ko ang kakanin na mukhang isinalin niya lang doon.

"Oh, ano naman ngayon?" tanong ko sa kanya.

Tumaas ang isang sulok ng labi nito. "Exchange gift na lang. Ito na ang bayad ko sa lunch ko," sabi niya sa akin na ikinalaglag ng panga ko.

"Siraulo ka ba?" tanong ko sa kanya kaya naman mas lalo siyang ngumisi.

"I'm having a negotiation with you. Hindi ka na talo, kinuha ko ang lahat ng cheese at inilagay dito," pagbibida pa niya sa akin kaya naman halos mapasapo ako sa aking noo.

"Alam mo, Hob..." hindi ko na naituloy ang sasabihin ko ng makita ko ang pagtaas ng kilay niya.

"Magbayad ka! Ang dami dami mong pera," sita ko sa kanya.

Nagkibit balikat siya. "Bakit pa ako magbabayad kung pwede namang makalibre," pagbibida niya kaya naman inirapan ko siya.

"Kaya ka mas lalong yumayaman...kuripot ka," asik ko sa kanya. Hindi ko na mapigilan ang emosyon ko lalo na't inis na talaga ako at wala sa mood bago pa man ako pumunta dito.

"Ang hirap namang makipagsundo sayo...Miss Alihilani," sabi niya pa kaya naman muli nanamang namanhid ang buong katawan ko.

Hindi ko siya pinansin kaya naman ramdam ko pa din ang tingin niya sa akin. Hanggang sa napabuntong hininga siya at tumayo. Hindi ko sana siya titingnan ng magulat ako ng tumigil siya sa aking harapan mismo.

"Anong ginagawa mo?" masungit na tanong ko sa kanya.

Ngumisi siya. "Nakapila," sagot niya sa akin kaya naman mas lalong nalaglag ang panga ko.

Nakapila kahit wala namang ibang tao kundi kaming dalawa lang!? Siraulo talaga ata ang isang 'to.

Mas lalo akong hindi naka-imik ng iabot niya sa akin Tupperware na may lamang pichi-pichi.

"Sige sayo na lang," sabi niya sa akin.

Sandali akong napatitig duon bago kami parehong napatikip sa aming ilong at bibig ng umihip ang malakas na hangin ay ang ibinubuhos na buhangin ay halos humalo sa hangin.

Mariin akong napapikit habang nakatakip ang kamay ko sa aking ilong at bibig. Nang makakuha ng pagkakataon na dumilat ay napatingin ako kay Hob na nakatitig din sa akin.

"Alam ko na kung anong maganda sayo..." sabi niya.

Dahan dahan siyang humilig sa akin kaya naman mas lalong lumakas ang pagtatambol ng aking dibdib.

"Yung mga mata mo," sabi niya kaya naman halos manigas na ako sa aking kinauupuan.

Matapos niyang humilig ay may hawak na kaagad siyang pagkain kaya naman nagtiim bagang akong. Ang matakaw na 'to!

Sinamaan ko siya ng tingin at inirapan pa.

Kaagad siyang natawa. "Mas lalong gumaganda pag-umiirap," sabi pa niya sa akin kaya naman halos sumabog na sa sobrang init ang pagmumukha ko.



(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro