Chapter 18
Hard hat
Tumikhim siya matapos na indahin ang pagkapaso. Dahan dahang nawala ang ngiti sa aking labi at nagfocus na lang sa pagtitimpla ko ng pangalawang kape niya. Hindi naman niya sinabi...sana ay sa tabo ko siya pinagtimpla.
Kahit nasa tinitimplang kape ang buong atensyon ko ay kita ko pa din naman na itinuloy niya ang pag-inom non.
Halos manginig ang kamay ko ng dahan dahan siyang lumapit sa akin para tingnan ng mabuti ang aking ginagawa. Bahagya akong sumulyap at nakitang ang buong atensyon niya ay nasa ginagawa ko. Kung makatingin ay mukhang walang balak kumurap, iniisip ba niyang may kung ano nga akong nilalagay dito?
Ang siraulong to!
"Pwede ka nang magpatayo ng coffee shop," suwestyon niya sa akin.
Hindi ko siya pinansin. Lalo akong hindi naka-imik ng maamoy ko ang bango ni Hib, lalaking lalaki. Halatang pangmayaman ang kanyang amoy, hindi din masakit sa ilong.
"You know how to bake..." pag-uumpisa niya ay sandaling naputol ang sasabihin ng medyo nahirapan siyang dugtungan iyon.
Medyo napa-ubo pa na para bang may kung anong nakabara sa kanyang lalamunan, "...At masarap kang magtimpla ng kape."
Marahan akong napakagat sa aking pag-ibabang labi dahil sa narinig. Halos sumabog naman ang mukha ko dahil sa pag-init ng makita kong talagang dinungaw pa niya ako na para bang gusto niyang makita ang reaksyon ko.
Tinapos ko kaagad ang pangalawang kape na ginagawa ko at ma-ingat na iniusod iyon palapit sa kanya.
"I-ito na yung kape mo," sabi ko pa. Ni hindi ako makatingin sa kanya ng diretso.
Bago ko pa man mabitawan ang tasa ay ganoon na lamang ang gulat ko ng kuhanin niya ang kamay ko.
"Ano b-bang..." hindi ko naituloy ang sasabihin ko ng makitang ang sugat ko ang tinitingnan niya.
"May dugo na ang band-aid mo. Pinangbubuhat mo ba ang kamay mong ito?" seryosong tanong niya sa akin habang nakatingin doon.
Kaagad kong binawi ang kamay ko sa pagkakahawak niya at itinago iyon sa likod ko. Sinimangutan ko kaagad siya para itago ang kung anong bawal na nararamdaman.
"Sungit ha," marahang sambit niya bago siya nag-iwas ng tingin at muling sumimsim ng kape.
Bumaba ang tingin ko sa aking kamay, tama siya at mukhang napwersa ko iyon kanina ng magbuhat ako ng pinamili namin ni Ericka sa palengke.
"Pinangbuhat mo yan," sabi ni Hob na para bang siguradong sigurado siya.
Kaagad ko siyang inirapan. "Alangan namang paa ko ang ipambubuhat ko," inis na sabi ko sa kanya at kaagad na nag-iwas ng tingin.
Pansin ko ang sandali niyang pagkabato at tangka sanang magsasalita pa ulit ng kaagad na dumating si Yaya Esme na hindi pa din mawala ang ngiti dahil sa mga pasalubong ni Hob sa kanya.
"Kinikilig talaga ako sayo, Babe. Parang bumalik ako sa highschool," nakangising sabi ni Yaya kaya naman nilingon ko siya.
"Isusumbong kita kay Mang Henry, Yaya Esme." pananakot ko sa kanya para na din mawala ang atensyon ko kay Hob at ganoon din siya sa akin.
"Wag naman at baka hindi pa matuloy ang inaasam kong honeymoon," sabi niya bago tumawa kaya naman mariin akong napapikit.
Masyadong vocal si Yaya Esme tungkol daw sa honeymoon nila, minsan ay inaasar namin siya ni Vera na baka mas excited siya sa honeymoon kesa sa kasal nila.
"Oh ito, kumain ka muna ng cake. Wag mo akong isusumbong..." sabi niya sa akin kaya naman tumaas ang isang sulok ng labi ko.
Binigyan ako ni Yaya ng cake na ginawa niya kaya naman kaagad kong kinuha iyon at umupo sa may kitchen counter para kainin.
"Ikaw babe? Tinikman mo din itong cake na gawa ko."
Mula sa cake na kinakain ko ay nalipat ang tingin ko kay Hob na iniinom na ngayon ang pangalawang tasa ng kape na ginawa ko para sa kanya. Mukhang nagustuhan talaga niya ang timpla ko.
"No thanks, Yaya. I don't really like to eat sweets," pagtanggi niya dito.
Hindi naman na namilit pa si Yaya Esme at nagumpisa namang magkwento tungkol sa bridal shower na inihahanda ni Vera para sa kanya. Sa tuwing mababanggit ang pangalan ng aking kaibigan ay hindi ko maiwasang hindi sumulyap kay Hob. Kagaya nung una ay hindi naman ito nagpapakita ng kahit anong emosyon.
"Tatlong macho dancer ang gusto ko, para tig-isa tayo ni Senyorita Vera. Ayokong ako lang ang masaya sa gabing iyon," Pag-uumpisa ni Yaya kaya naman mas lalong lumaki ang ngisi ko.
"Ano ba ang gusto mo, Alice? Gusto mo ba yung tuma-tumbling?" tanong niya s aakin bago siya napahalakhak.
Halos sumakit ang panga ko dahil hindi mawala ang ngiti sa aking labi habang pinakikinggan lahat ng plano nito. Imbes na surprise sana ang bridal shower ay mas hands on pa ang bride.
"Ayoko lang po ng masyadong magaslaw kumilos, Yaya" sabi ko sa kanya. Ayokong sirain ang kasiyahan niya kaya naman sasakyan ko na lang.
"Aba, smooth moving pala ang gusto mo, Alice. Gusto mo ba yung mabagal pero madiin?" tanong niya kaya naman unti unting nawala ang ngiti sa aking labi.
Kaagad akong napaubo ng mabilaukan ako ng cake na kinakain ko. Mas lalong tumawa si Yaya Esme dahil mukhang nakuha na niya ang reaksyon na gusto niya sa akin.
Lumipat ang tingin ko kay Hob ng sinadya nitong umubo ng malakas.
"Isasama niyo si Gertie? Isusumbong ko kayo kay Eroz," sabi niya na para bang iyon ang magiging dahilan para hindi matuloy ang bridal shower na inaasam ni Yaya.
"Syempre isasama. At pumayag na si Senyorito Eroz dito, siya pa nga ang maghahatid sa amin sa venue sabi niya," laban ni Yaya Esme sa kanya.
Muli kong nilingon si Hob, umigting ang kanyang panga bago siya nagtapon ng tingin sa akin at kaagad akong inirapan.
Matapos niyang maubos ang kape ay nagpaalam na din siyang mauuna na. Habang nagpapaalam kay Yaya Esme ay napansin ko ang ilang beses niyang paglingon sa akin kaya naman ilang beses ko din siyang inirapan.
"Babalik na lang po ulit ako para dalawin si Gianneri. Maaga pa ako sa site bukas," paalam niya kay Yaya Esme.
Ihahatid na sana siya ni Yaya Esme palabas ng makita kong may sinabi siya dito dahilan para lingonin ako ni Yaya.
"Hindi ka pa daw ba uuwi? Isabay ka na daw niya," tanong ni Yaya Esme.
Kaagad akong umiling. "Hihintayin ko pa po sina Vera," sagot ko at kaagad na pinagpatuloy ang paghuhugas ko ng aking pinagkainan.
"Mauuna na ako..." rinig ko pang sabi ni Hob sa kung sino pero wala akong pakialam. Ni hindi ako nag-angat ng tingin.
Pagkatapos maghugas ay nagpalit na ako ng band-aid sa kamay habang hinihintay ang pag-uwi nina Vera at Gianneri. Ang mag Tita na yon ay kung saan saan nanaman siguro nagsuot.
Malaki ang ngiti ni Vera habang buhat si Gianneri papasok sa may kitchen. Kaagad siyang nakatanggap ng sermon kay Yaya Esme pero hindi man lang nabawasan ang ngiti sa labi nito.
"Hi! Ninang Witch," bati niya sa akin at kaagad akong ipinakita kay Gianneri.
Malamlam na ang mga mata nito at mukhang inaantok na. Sandali pa siyang nag-ingay ng lingonin ako. Hindi naman siya nagdalawang isip na lumapit sa akin nang maglahad ako ng aking kamay.
Kaagad siyang yumakap sa akin. Mas lalong humigpit ang yakap ko sa kanya ng diretso niyang isinandal ang ulo sa aking balikat. Mukhang pagod si Gianneri sa pamamasyal nila ni Vera.
"Don't worry, Yaya Esme. Gianneri is safe with me," nakangising sabi nito.
"At sinong naghatid sa inyo pauwi? Maagang umuwi ang driver niyo kanina," sita ni Yaya pero kahit anong sabihin at itanong niya ay hindi pa din nawala ang ngiti ni Vera.
"Palagi ko nang dadalhin si Gianneri sa office. I'm planning to give her space like a mini nursery so that I can look afte her even I'm busy killing my self to work," mahabang sabi niya na ikinatahimik ni Yaya Esme.
Mula kay Vera ay lumipat ang tingin ni Yaya Esme sa hawak kong si Gianneri. Narinig ko pa ang mahihinang tunog ng labi nito, mukhang gutom din. Pero hindi iyon ang napansin ni Yaya Esme.
"Patay talaga tayo kay Senyorito Eroz," pamomorblema nito.
Napasapo ako sa aking noo nang makita ko din ang inirereklamo nito. May kulay pink na nail polish ang maliit na kuko nito sa paa.
"What?" tanong niya sa amin. Itinaas niya ang kamay niya para ipakita ang kanyang kuko.
"It's mag-tita goals," pagbibida niya.
Matapos malinisan si Gianneri at mapalita ng mas kumportbleng damit ay mabilis din itong nakatulog sa tabi ni Vera. Kahit kita kong pagod na ito ay nagawa pa din niyang ihatid ako palabas at hindi ako pinakawalan hanggang sa hindi ako pumayag na magpahatid sa kanyang driver.
"Thanks for the visit, Witch."
Maaga akong pumasok sa factory kinabukasan dahil maaga din kaming magluluto nina Ericka para sa mga kakilala naming nagta-trabaho sa ginagawang bagong mall.
"Dalawa hanggang tatlong klase ng ulam lang. Pwede namang magdagdag tayo ng mga kakainin para sa mirienda nila. Dala na din sa tanghali para hindi na pabalik balik," suwestyon ni Ericka na kaagad kong tinanguan.
Hinampas ko sa braso si Junie ng makita kong tahimik lang itong nakikinig sa sinasabi ng asawa. Manghang mangha nanaman ang isang ito. Mabuti na lang din at maayos na silang dalawa.
Bago pa man magumpisa ang oras ng trabaho namin sa factory ay nakahanda na ang lahat ng sangkap na gagamitin, hiwa na din ang mga ito kaya naman magiging mabilis ang pagluluto nila.
"Boss Junie," tawag at pang-aasar ng ilang kasamahan namin sa kanya dahil binalita ni Julio na nagpausapan nila ni Eroz ang pagpo-promote dito.
Kagaya ni Julio ay magkakaroon na din ng trabaho si Junie sa bagong factory kung saan siya din ang hahawak sa mga tao doon.
Napakamot ito sa kanyang batok na para bang nahihiya pa siya pero sa huli ay kumaway pa na akala mo naman artista siya o kakandidato.
"Panget mo," pang-aasar ko sa kanya kaya naman kaagad niya inilagay ang kamay sa ilalim ng kanyang baba na para bang pinapatunayan niya sa akin na gwapo siya.
Bata pa lang kami ni Junie ay kilala ko na siya dahil halos sabay naman kami lumaki dito sa Sta. Maria. Hindi nga lang kami close kagaya ng ganito noon dahil nga sa mailap ako sa tao at iba din kasi ang tingin nila sa amin noong mga oras na nalapit ang pangalan ni Tita Luna kay Tita Darren.
"Neil Juancho Guanio, ako lang po ito..." pang-aasar niya sa mga kasama kaya naman nagtawanan ang mga ito.
Nagtaas ako ng kilay. "...Villaverde," paalala ko sa apelyido ng kanyang ama na pilit niyang inilalayo sa kanya.
Halos pareho kami ng karanasan ni Junie sa Tatay namin. Ang pinagkaiba nga lang ay pinakasalan ang Nanay niya at ibinigay sa kanila ang apelyido nito. Hindi kagaya ng ginawa sa amin ni Tatay.
"Neil Juancho Villaverde...panget. Mag-trabaho na, isusumbong kita kay Eroz," pang-aasar ko din sa kanya kagaya ng ginagawa niya sa akin palagi.
Hindi ko naman masisisi si Junie dahil hindi naman pareho ang sakit na naramdaman namin dahil sa aming mga ama. Basta ang alam ko lang ay pareho kaming nasaktan ng mga lalaking akala namin ay magtatanggol sa amin, magmamahal, at maga-alaga.
Matapos ang trabaho ko ay kaagad akong bumyahe papunta sa may Sta. Clara para maghatid ng mga pagkain. Wala naman kaming ibang maaasahan sa paghahatid dahil hindi namin afford na magdagdag pa ng ibang tao. Maliit na business lang namin ito nina Ericka.
Kahit gustong tumulong nina Junie ay hindi na namin sila idinamay pa dahil mas importante ang trabaho nila sa factory. Hindi naman kayang abusuhin ang pagiging maluwag at kabaitan ni Eroz sa amin kahit pa kaibigan namin siya.
"Oo papunta na. Wag kang mag-alala at nakahiwalay naman ang kina Julio," sabi ko kay Vera ng tumawag ito sa akin habang nasa byahe ako.
Bumaba ang tingin ko sa mga pagkaing dala ko. Nakahiwalay na ang mga iyon at nakalagay na sa paper box. Nalagyan na din ng pangalan sa harap para hindi na ako mahirapang magpamigay sa kanila.
"Nandito na si Alice!" rinig kong anunsyo ng isa sa mga kakilala.
Bahagya akong napanguso ng maalala ko si Junie. Mukhang napaaga ang break nila at kanina pa sila naghihintay ng pagkain.
"Itsura at amoy pa lang alam mong masarap na!" puri ng isa kaya naman inirapan ko silang lahat habang isa-isang inililista sa maliit na notebook ang pangalan nila at kung anong kinuha nila.
"Tuwing biyernes na lang ang bayad. Alanganin kami kung araw araw, tuwing biyernes ay may sahod..." sabi pa ng isa kaya naman napahalukipkip ako sa harapan nila na para bang bumubuo kami ng meeting.
"Mas maluwag kung magbabayad na kayo ngayon kesa isang bagsakan sa biyernes. Mabigat iyon sa bulsa. Ngayon...sino sa inyo ang kayang magbayad ngayon?" tanong ko sa kanila.
Nagtaas ng kamay ang ilan. Sa itsura naman ngayon at nakakumpol ay hindi maiwasan na pagtinginan kami ng ibang mang-gagawa na galing pa sa ibang lugar. Hindi bababa sa bente ang mga trabahador na taga dito sa Sta. Maria kaya naman medyo madami din ang ginagawa namin.
Nilista ko ang ilang nagtaas ng kamay. Ang mga hindi naman ay kaagad kong inilista ang pangalan. Hinayaan ko silang pumili ng pagkain nila, pagnakapili na ay lalapit sila sa akin para magpalista. Habang ginagawa iyon ay hindi ko maiwasang hindi mapatingin sa kabuuan ng site.
Mabilis ang trabaho dahil halos malalim na ang hukay sa gitnang bahagi. Ginawang pahingahan ng mga trabahador ang ilalim na bahagi ng lumang building at office naman daw ang nasa pangalawang palapag.
"Ang ibang mga trabahador ay sa labas kumakain. Maraming karinderya sa helera pero loyal kami sa luto niyo ni Ericka," sabi pa ni Mang Roger na nagsisilbing leader ng mga ito.
Nagumpisa nang kumain ang iba at ang iba ay wala pa daw kaya naman naghintay ako. Nalipat ang tingin ko sa dulong hagdanan ng makitang isa isang bumaba ang mukhang mga Engineer at ilang importanteng tao dahil na din sa klase ng mga suot nila.
"Eh saan po kumakain ang mga nasa taas?" tanong ko.
"May pakain para sa mga taga office araw-araw. Hindi na nila kailangang bumili," sagot ni Mang Roger sa akin na humirit pa ng extra rice.
Tumango na lamang ako hanggang sa makita ko ang pagbaba ni Hob. Mula sa kanya ay lumipat ang tingin ko sa babaeng kausap niya. Hindi iyon si Engr. Crystal pero sa pustura at pananamit ng babae ay mukhang isa ding professional.
Napabuntong hininga ako. Bago pa man ako magiwas ng tingin sa kanya ay nakita ko na ang paglipat ng tingin nito sa akin kaya naman mas lalo akong nakaramdam ng kung ano.
May mga oras na wala akong pakialam sa pagkakaiba ng estado ng buhay ng ibang tao kesa sa amin. Pero may mga oras kagaya nito na isinasampal sa aking ng buhay na hindi niya paborito ang lahat. Mas lalo niyang ipinapamukha sa akin na mayroon talagang taong mahirap abutin.
Halos dumikit ang baba ko sa aking leeg dahil sa pagkakayuko. Ni ayokong tingnan ulit si Hob at ang kasama niya. Mas lalong ayokong maisip na nakatingin pa din siya sa amin...sa akin at sa ginagawa ko dito.
"Alihilani!" tawag ni Julio. Tsaka lang ako nag-angat ng tingin sa kanya.
Sinalubong niya ako ng ngiti kaya naman nginitian ko din siya pabalik.
"Architect!" bati sa kanya ng mga nagta-trabaho.
Ngumiti siya sa mga ito at inalok pa siya na kumain.
"Sagot ko lahat ng pagkain niyo ngayong araw basta palagi niyong uubusin ang dala ni Alihilani," sabi niya sa mga ito kaya naman kaagad silang naghiyawan.
Sinamaan ko siya ng tingin pero nanatili ang ngiti niya sa akin. Pero mula sa kanya ay lumagpas ang tingin ko papunta kay Hob na ngayon ay nakatayo na sa tabi ng kanyang raptor. Pinagbuksan niya ng pinto ang kasamang babae, mukhang sa labas sila kakain.
Mabilis akong nag-iwas ng tingin at iniabot kay Julio ang dalawang lunch box. Isa para sa kanya at isa naman para kay Tatay.
"May nagpapabigay sayo nito. Itong para kay Tatay sa akin nanggaling, ikaw na lang ang magbigay...baka ayaw akong makita," sabi ko kahit nakaramdam ako ng kirot sa dibdib.
"Sorry," sambit niya na para bang kasalalan niya iyon. Sa tuwing nakikita niyang malungkot ako at umiiyak dahil kay Tatay ay pakiramdam niya may kasalanan din siya dahil sa Tita Atheena niya.
"Sinong nagpapabigay?" tanong niya sa akin kaya naman inirapan ko ulit siya. Alam ko namang alam niya na at nagpapakipot pa.
"Kainin mo na lang at utang pa niya iyan sa amin," giit ko na lalong ikinangisi ni Julio.
"Vera Montero...nangungutang?" sambit niya kaya naman pinagtaasan ko siya ng kilay.
"Feelingero!" pang-aasar ko sa kanya kaya naman napahawak siya sa kanyang batok at nag-iwas ng tingin.
Dahil sa sinabi ni Julio ay ubos ang lahat ng pagkain na dala ko maging ang mga kakanin. Dala ko na din pabalik ang bayad kaya naman tuwang tuwa sina Ericka.
Hindi pa din mawala sa isip ko ang nakita ko kanina. Minsan tuloy ay nakakaramdam ako ng sakit tuwing naiisip na kung hindi naging malupit si Tita Atheen ay Engineer din sana ako ngayon...kung papalarin sana ay nakakasama ko si Tatay sa mga project kagaya non.
Mapapagawa ko si Nanay ng patahian at hindi ko na kailangan pang magtrabaho ng madami para lang magkaroon ng peace of mind na palaging may laman ang bank account ko sa oras na magkaroon ng emergency o ano.
Graduate ako ng accounting pero hindi naman ako nagpatuloy sa board exam, hindi ko din naman nakita ang sarili kong magtrabaho sa bangko. Kuntento na ako sa kung ano ang trabaho ko sa factory. Hindi naman kasi sweldo lang ang habol ko doon, hindi naman kasi basta lang trabaho ang mayroon doon...May pamilya kami sa factory.
"Nay, aalis na po ako..." paalam ko sa kanya ng sumunod na araw.
Dumiretso kaagad siya sa harap ng makina pagkatapos naming mag-almusal. Sa susunod na araw na din kasi kailangan ni Aling Rita ang mga kurtina, bukod sa una niyang pinagawa ay bigla pa siyang nagpadagdag na alanganin na sa oras.
"Ingat anak," bilin niya sa akin.
Ilang beses ko siyang nakitang napapahawak sa kanyang batok at likod dahil sa pangangalay sa buong araw na upo at pananahi.
"Maaga po akong uuwi mamaya. Ako na po ang tatapos ng iba, Nay."
Marahan siyang umiling. "Kaya ko na ito. Sige na at baka mahuli ka pa sa trabaho," sabi niya sa akin kaya naman hindi na ako nakaimik pa at kaagad na yumakap at humalik kay Nanay.
Kagaya kahapon ay may nakahiwalay na lunchbox sina Tatay at Julio bukod sa mga pagkaing naka-lagay sa paper box at mga nakaplastick na extra rice. Turon at maruya naman ngayon ang dala kong pang-mirienda na pwede nilang itabi at kainin mamayang hapon.
"Extra rice ulit. Hindi pwedeng walang extra rice pag ganito kasarap ang pagkain," puri ng ilan habang nakapila sila sa pagpili ng ulam nila.
Ngumiti ako at nagpasalamat dahil sa magandang feedback. Sinabihan din nila ako na pagtumagal ay mas dagdagan ko ang dala dahil pagnakilala nila ang mga trabahador mula sa ibang lugar ay sasabihan nilang sa amin na bumili ng pagkain.
"Hindi na po gigibain ang lumang building na ito?" tanong ko kung nasaan kami nakasilong ngayon.
"Hindi na ata, ipaparenovate na lang at dudugtungan, balak nilang ihiwalay ang parking space imbes na underground at sa paligid ng mall," sagot sa akin ni Mang Roger.
Mula sa kabuuan ay nalipat ang tingin ko sa mga kulay yellow na hard hat na nakalapag sa kanilang tabi habang kumakain. Maingay na din ang taas ng limang palapag na lumang building dahil sa renovation kaya delikado din dahil nasa first floor kami at may mga bagay na kung anong pwedeng malaglag mula sa itaas.
Nag-angat ako ng tingin ng makita ko ang paglapit ni Hob. Ang ibang trabahador ay napatayo pa para batiin siya.
Mula sa akin ay bumaba ang tingin niya sa mga pagkaing dala ko.
"Ikaw ang nagluto?" tanong niya sa akin.
Marahan akong umiling. "Sina Ericka," sagot ko.
"Pero tumulong ka?" tanong niya kaya naman kumunot ang noo ko.
"Oo," sagot ko para manahimik na siya.
"Bibili ako," sabi niya na ikinagulat ko.
Hindi lang ako ang nagulat dahil napaubo pa nga si Mang Roger ng marinig.
"P-pero wala ng sobra, sakto ang dala ko para sa kanilang lahat," sabi ko sa kanya kaya naman nagtiim bagang ito at umayos ng tayo.
"At ang lunchbox?" tanong niya sa akin habang masama ang tingin niya doon na para bang mas kasalanan sa kanya.
"Para yan kay Tatay..."
"Dalawa?" tanong niya.
"At kay Julio," sagot ko pa kaya naman mas lalong sumama ang tingin niya dito.
Tahimik lang ang mga trabahador sa paligid. Ni wala ngang gustong magsalita sa kanila dahil sa presencya ni Hob.
"Wag niyo na ulit papapasukin ang babaeng ito..." matigas na sabo niya na ikinagulat ko. Kita ko ang protesta sa mukha ng mga trabahador.
"B-bakit?" tanong ko. Handa akong lumaban kahit alam kong mas may karapatan siya dahil sila ang may ari ng mall.
Hindi siya nagsalita hanggang sa may lumapit na lalaki sa kanya at inabutan siya ng hard hat na kaparehong kulay ng suot niya...kulay puti.
Napaawang ang bibig ko at mas lalo akong hindi nakagalaw ng lumapit siya sa akin. Matalim ang tingin niya.
"Wag niyo na ulit papapasukin dito ang babaeng ito na walang suot na hard hat..." paguulit niya bago niya isinuot sa ulo ko ang kanyang hawak.
May ibinulong pa siya kunwari na rinig na rinig ko naman.
"Mahirap na...baka matamaan ng kung ano ang ulo at mas lalong sumungit"
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro