Chapter 12
Alix
Madilim pa ang buong paligid ng magising ako, ganito naman araw-araw. Tipid akong napangiti ng lingonin ko si Nanay na mahimbing pa ding natutulog. Simula ng umalis ang sumakabilang bayan ang mga kuya ko ay iisa na lang ang kwarto namin.
Mula sa kanyang mukha ay bumaba ang tingin ko sa kanyang katawan. Hindi ko inalis ang tingin ko dito hangga't hindi ko nakukumpirma na humihinga pa siya. Napanguso ako at marahang tinapik ang aking pisngi, dala na rin siguro ng trauma.
Maingat akong lumabas ng aming kwarto para buksan ang lahat ng ilaw sa aming buong bahay. Kung hindi bubuksan ay wala akong makikita, masyado pang maaga, mukha ngang nasa kasarapan pa ang iba sa pagtulog, o marahil matutulog pa lang.
"Alas-tres" sambit ko ng nakita ko ang oras sa aming orasan pagkabukas ko ng ilaw.
Ginawa ko ang mga kailangan kong gawin, inihanda ko na ang mga kakailanginin ko para sa aking lulutuin. May pasok ako ngayon sa factory, bago umalis ng bahay ay sinisigurado kong nakapaglinis na ako, may almusal na si Nanay, at nakapagluto na din ng pagkain para sa tanghalian niya.
Habang nagwawalis ay hindi ko maiwasang mapatingin sa kanyang lumang makina. Ilang beses kong sinubukang bilhan siya ng bago pero tinanggihan niya. Ang lagi niyang dahilan ay gamitin ko na lamang ang pera para sa mga kailangan ko.
Tinigilan ko ang pagwawalis at malungkot na lumapit doon, ang ilang parte ay kinakalawang na dahil sa katagalan. Marahan ko itong hinawakan na para bang kung hindi ako mag-ingat ay masisira ko iyon.
"Tay...Tatay" tawag ko sa kanya.
Ayaw ni Nanay pakawalan ang lumang makina na iyon dahil regalo iyon ni Tatay sa kanya. Hanggang ngayon...hanggang ngayon ay umaasa pa din siyang babalik pa ito, kahit hindi na.
Hindi na.
"Masisira yang mata mo, Alihilani" giit niya pagkalabas niya ng kwarto.
Mabilis kong binitawan ang tasa ng kape at kaagad na tumayo para ipagtimpla si Nanay. Alasingko ng magising siya.
"Nay, mainit na tubig po ang pinanligo ko" nakangiting laban ko para maibsan ang galit niya.
"Kahit na, naligo ka kaagad pagka-gising mo"
Tahimik kong pinakinggan ang mga sinasabi niya sa akin, kahit halos araw-araw kung sabihin niya iyon. Kabisado ko na nga.
"Mabuti naman at bumili ka na ng bago mong cellphone" puna niya sa Iphone na ipinahiram ni Vera sa akin.
"Pinahiram lang po ni Vera ito sa akin"
Marahan siyang tumango at ipinagpatuloy ang pagkain. Tahimik akong bumalik sa pagkain ng almusal. Basa pa din ang aking buhok dahil sa haba at kapal nito, kaya naman kahit agahan ko ang pagligo para saktong pag-gising ni Nanay ay tuyo na, wala pa din akong takas.
"Minsan ay yayain mo dito yang bago mong kaibigan, ipagluluto ko kamo siya ng bico. Kumakain ba siyo non?" tanong ni Nanay sa akin.
Tipid na lang akong tumango kahit hindi ako sigurado kung kakain nga si Vera non kung sakaling ipagluto siya ni Nanay. Magaling si Nanay magluto ng mga kakanin, sa kanya ko natutunan ang pag-gawa ng mga iyon.
"Nay, dapat po ay nagpapahinga lang kayo. Hindi niyo naman po kailangang gumawa pa ng basahan, may trabaho na ako" paalala ko sa kanya.
Humigpit ang hawak niya sa aking kamay habang palabas kami ng bahay. Araw araw niya akong hinahatid palabas sa tuwing papasok ako.
"Mas gusto ko na ito, nakakainip ang mag-isa" marahang sagot niya sa akin kaya naman naitikom ko ang aking bibig.
Hindi ko din naman gustong maiwan siya ditong mag-isa araw araw, pero kailangan kong mag-trabaho, kailangang mag-ipon.
"Maaga po akong uuwi" paninigurado ko sa kanya kaya naman marahan niyang hinampas ang kamay kong hawak niya.
"Anak, hindi dapat sa akin lang umiikot ang mundo mo" malumanay na sabi niya bago niya itinaas ang kanyang kamay para haplusin ang pisngi ko.
"Sumama ka sa mga kaibigan mo, pumunta ka sa ibang lugar, mamasyal ka...mag nobyo ka na" pareho kaming natawa sa huli niyang sinabi.
"Tsaka na po, Nay" sabi ko. Sa tuwing sinasabi niya iyon sa akin ay pareho lang din ang sagot ko.
Maaga din akong umaalis dahil nilalakad ko lang palabas ng kanto namin, mula doon ay sasakay ako ng jeep papasok sa may factory.
"Magandang umaga po, Aling bing" bati ko dito ng makita ko siya sa labas ng kanilang tindahan. Pangalawang tindahan niya na ito, ang isa ay sa labas ng kanto nila Tito Darren.
"Magandang umaga din" nakangiting bati niya sa akin.
Bumaba ang tingin ko sa ilang kakanin na nakalatag sa may lamesa sa labas ng tindahan, may tinda din siyang ibang almusal. Bumili ako ng cassava para may kainin ako mamayang breaktime.
Hindi na namin problema ang tanghalian dahil nagpapaluto na si Eroz ng pagkain para sa lahat. Punuan sa jeep dahil nagumpisa na din ang klase ng mga estudyante.
"Andito na si Alice!" sigaw ni Junie pagkapasok ko sa may factory.
Nangibabaw ang ingay ng bunganga niya kaya naman natawa at napailing na lang ang iba naming kasamahan.
"Ericka patahimikin mo nga yang parrot mo" sita ko kay Ericka na ikinatawa niya.
"Parrot ka diyan, agila ako!" pag yayabang ni Junie kaya naman kaagad ko siyang inirapan.
Tinaasan ko siya ng kilay bago ko mapanuyang pinasadahan ng tingin ang kanyang buong katawan.
"Ang kapal ng mukha mo!"
"Ang sungit! palibhasa wala si Papi Julio" pangaasar pa niya sa akin kaya naman hindi ko na napigilan pang hampasin siya sa braso.
Natigil lang kami ng dumating na din sina Iya at ilang mga taga office, kailangan naming matapos ang ilang trabaho dahil mawawala si Eroz at Gertie para sa honeymoon nila.
Mabilis kong ginawa ang ilang trabahong naiwan ko dahil na din sa dami ng naging ganap.
"Hindi ka bababa para bumili ng makakain?" tanong ni Iya sa akin.
Nanatili ang pagkakatutok ko sa monitor. Medyo nakakahilo na ang numbers dahil kanina pa ako nakatingin dito.
"May pagkain ako dito" sagot ko.
"Baka may gusto kang ipasabay? Ako na ang bibili, inumin?" alok pa niya.
Tipid ko siyang nginitian. "Tubig lang" sabi ko at nginuso ang water dispenser.
Inirapan niya ako bago siya umiling. "Tinitipid mo nanaman ang sarili mo"
Kinain ko ang binili kong cassava kay Aling bing habang patuloy pa din ang page-encode ko. Tsaka lang ako bumaba ng lunch break na.
"Julio, miss na miss ka na namin!" rinig kong pagi-inarte ni Junie.
Pababa pa lang ako ng hagdan mula sa office ay nangingibabaw na ang boses niya. Nang tuluyang makalapit ay tsaka ko lang nakita na halos nakakumpol sila at nakangiting nakatingin sa hawak nitong cellphone.
"Umuwi ka na, Papi Julio...hindi na ako sanay na wala ka" pagkanta pa nito kaya naman mas lalong nagtawanan ang ilang trabahador na kasama niya.
Nailing na lamang ang asawa nitong si Ericka. Tahimik akong lumapit sa lamesa para sana hindi nila ako mapansin, alam ko na kasi ang mangyayari sa oras na inatake nanaman ng kalokohan ang isang yan.
"Alice!" sigaw niya sa pangalan ko bago niya itinapat sa akin ang camera ng cellphone.
"Tigilan mo ako ha! Papaliparin talaga kita!" banta ko sa kanya pero hindi siya natinag.
Umalis siya sa kumpol ng mga kasama para tumakbo palapit sa akin.
"Kakausapin ka daw ni Julio"
Inirapan ko siya bago ko tinanggap ang phone niya. Itinapat ko iyon sa mukha ko kaya naman kaagad ko ding nakita ang nakangiting si Julio. Medyo nanibago pa ako sa laki ng screen ng phone nito.
Kinamusta ako ni Julio kahit ilang araw pa lang halos ng makaalis sila. Panay ang irap ko kay Junie na panay ang pangaasar sa tuwing nagsasalita si Julio.
Nagpaalam lang ito ng sabihin niyang hinahanap na siya ng mga kasama, nagpaalam na din kami dahil kakain na.
"Aba, ang gaganda ng mga kasama ni Julio ah!" puna ni Junie ng isa isa nitong tinitingnan ang mga litrato na naka-post daw sa facebook, naka-tag daw si Julio doon kasama ang ilang kasama.
Imbes na umalis sa tabi ni Junie ay nakitingin din ako. Ilang hindi pamilyar na tao ang nasa unang mga litrato, sa klase ng pananamit nila ay alam mo na kaagad na mga professional at may sinabi sa buhay.
May ilang group picture kaya naman nakita ko si Julio at Engr. Crystal, hindi man magkatabi ay nasa iisang grupo lang sila.
Ilang litrato pa ang lumipas hanggang sa makita ko na ang kanina ko pang hinahanap. Tumagal ang tingin ko doon ng makita ko si Hob, pero hindi kagaya ng ibang mga litrato ay silang dalawa lang ng kasama niyang magandang babae.
Masyadong dikit ang mga katawan nila, ang kanyang braso ay nakapulupot sa maliit na bewang nito.
"Nasa lahi talaga nila Boss Eroz ang kagwapuhan, sana all!" si Junie kaya naman natawa nanaman sila, pero napairap na lamang ako.
Matapos kumain ay naghanda na kami para sa delivery. Yakap yakap ko ang checklist habang naghihintay sa aming pag-alis.
Isang beses kong sinubukang tumingala at kalabanin ang sikat ng araw pero nasaktan lang ang aking mga mata, masyadong nakakasilaw.
Tahimik ako kahit nasa byahe, hindi naman kasama si Junie kaya naman tahimik ang magiging trabaho ko. Paulit ulit na bumalik sa aking isipan ang litrato ni Hob kasama yung magandang babae. Sa itsura pa lang nito ay halatang hindi nalalayo ang estado nila sa buhay, bagay sila.
Matapos naming mag-deliver sa Bocaue ay muli kaming bumalik ng Sta. Maria para naman magbagsak ng ilang sako sa may palengke.
"Dalawang daang sako po" sabi ko sa may-ari.
Habang tahimik kong pinapanuod ang pagbababa ng mga sako papasok sa may bodega ay nagulat ako ng makita ang ilang mga dating kakilala. Mga chismosa sa tindahan na sa oras na mahagip ka ng kanilang mga mata ay ikaw na kaagad ang paguusapan.
"Alice, nakauwi na pala ang Tito Darren mo at ang bago niyang asawang si Afrit"
Tipid akong tumango at tumingin sa hawak kong checklist kahit hindi naman sana kailangan.
Narinig kong pagak na tumawa ang isa, ramdam ko ang tingin nila sa akin na para bang gustong gusto nilang tumingin ako sa kanila...at hindi ko iyon ibibigay sa kanila.
"Eh sila naman talaga dapat! Dumating lang itong Tita ni Alice" pagpaparinig nito. Sa klase ng kanyang pagkakasabi ay para bang hindi nila kayang banggitin ang pangalan ng Tita Luna ko. Mga walang respeto sa patay!
"Ano ka ba naman! Ayos lang iyon, ang mahalaga ay dumating si Louie sa buhay ni Darren. Tingan mo, napakagwapong bata!" pagpapatuloy pa ng isa.
Mas lalong tumalim ang tingin ko sa hawak kong checklist, kulang na lang ay mabura ang mga nakasulat doon dahil sa sama ng tingin ko.
"Gwapo talaga! Nakuha niya iyon kay Darren"
Nagtawanan sila matapos iyon na para bang may nakakatawa sa pinagsasabi nila.
"Kung nasaan man si Luna ngayon...sigurado namang masaya na siya para kay Darren, at may tatayo na ding ina kay Louie"
Tsaka ko lang sila tiningnan ng marinig ko iyon. Sa lahat ng sinabi nila ay iyon lang ang kahit papaano ay natanggap ko.
Nagawa ko pa silang ngitian bago ko tinandaan ang mga pagmumukha nila.
"Sigurado pong masaya si Tita Luna para kay Tito Darren at Louie. Tama po kayo diyan..." nakangising paguumpisa ko.
Tumango pa sila bilang pagsang-ayon sa akin, gustong gusto ko na silang irapan.
"Hayaan niyo po, sasabihan ko po si Tita Luna na dalawin kayo" nakangiting sabi ko kaya naman kaagad silang napa-ayos ng tayo at halos tumakbo na palayo sa akin.
Nang tuluyan silang mawala sa aking paningin ay napabuntong hininga na lamang ako. Walang may alam sa totoong nangyari pero kung husgahan nila ang Tita Luna ko ay para bang ang sama sama nitong tao.
Kahit nga ako noong nasa highschool at college ay nilayuan din ng iba, ang sabi...Kung anong puno ay siyang bunga. Isang beses akong napaaway dahil sa narinig. Pakiramdam ko kasi ay kay Nanay nila iyon sinabi kahit alam ng lahat na si Tita Luna ang tinutukoy nila.
Pwede nilang sabihin ang kahit ano sa akin, wag lang kay Nanay.
"Alice!" kaagad akong sinalubong ni Ericka pagkababa ko sa may truck ng makabalik na kami sa factory.
Nginisian ko siya. "Ilang oras lang akong nawala, wala akong pasalubong!" pangaasar ko sa kanya kahit alam kong hindi naman iyon ang sadya niya.
Natawa siya at pabiro akong hinampas sa braso.
"Alam kong madami ka ng trabaho, pero baka gusto mong sumama sa amin" alok niya sa akin.
"Oo! Sasama ako!" sagot ko kaagad kahit hindi ko pa alamkung ano iyon. Bahala na, basta kikita ng pera, basta marangal.
Dinala niya ako kasama ang ilang nagluluto sa may kitchen. Ang sabi ay naghahanap ang ilang trabahador na gagawa sa bagong ipapatayong mall sa may Sta. Clara ng magdedeliver sa kanila ng pagkain. Hindi ko alam kung paano naging possible ito, pero kung pwede nga talaga ay sasama talaga ako.
"Nagpaalam na kami kay Sir Eroz, pumayag naman siya" sabi ni Ate lydia, isa sa mga cook.
"Maghahatid ng pagkain sa tanghali, tapos babalik na dito. Ganoon lang kadali..." sabi pa nila.
"Lalaki dapat ang magde-deliver" suwestyon ng isa kaya naman kaagad kong kinontra.
"Kahit ako na lang, magde-deliver lang naman" sabi ko pa.
Naisip kong kung gagawin ko iyon...magkakaroon ako ng pagkakataon na makita si Tatay. Hindi naman bente kwatro oras niyang kasama ang bago niyang asawa, malaki ang tyansa na mas makakausap ko siya ng maayos. Para kay Nanay.
Kakabalik ko pa lang sa trabaho pagkatapos ng tanghalian ng bigla na lang sumulpot si Gertie sa aming opisina. Mabilis siyang binati ng iba kong mga kasama, imbes na gumaya sa kanila ay inirapan ko pa siya na mas lalo niyang ikinatawa.
"My Ate Vera is looking for you, nasa office siya ni Eroz because super mainit daw sa labas"
"Oh tapos?" tanong ko sa kanya, pigil na pigil ko ang aking pag-ngiti lalo na ng makita kong humaba at tumulis ang nguso nito.
"She miss you na daw, eh sabi ko nga parang yesterday lang you're together" giit niya kaya naman tumaas na ang isang sulok ng labi ko.
"Hay naku! Marami akong trabaho, nakikita mo to!?" tanong ko sa kanya at tinuro ang monitor.
Lumapit siya sa akin at tumingin pa talaga. "Yup, nakikita ko" giit niya kaya naman mariin akong napapikit.
"Ewan ko talaga sayo" pagsuko ko kaya naman napapalakpak siya ng makita niyang tatayo na ako at sasama sa kanya.
"Pag binawasan ni Eroz ang sahod ko dahil dito ha" banta ko sa kanya.
Si Vera lang ang nasa loob ng office ni Eroz pagkapasok namin, naka-dekwatro pa ito habang naka upo sa swivel chair ni Eroz na dinala niya sa gitna ng office nito. Para siyang batang marahang pinapa-ikot iyon.
"Hi! Witch" nakangising bati niya sa akin.
Inirapan ko silang magpinsan bago ako tumuloy sa loob at umupo sa may couch. Nakita ko ang ilang mga pagkain sa taas ng center table. Halatang mahal ang mga iyon, kagaya ng palaging inililibre sa amin ni Gertie noon.
"I'll take na what's mine ha" paalam ni Gertie at kaagad na lumabas ng opisina para puntahan si Eroz na nagtratrabaho sa labas kasama ang ilang mga trabahador.
"Ako na ang naiinitan para kay Gertie" sabi ni Vera at umirap pa sa kawalan bago niya dinala hinila ang swivel chair palapit sa center table.
"Gusto lang non na panuorin si Eroz na magbuhat ng sako ng nakahubad" nakangising sabi ko sa kanya.
"Like ew! Super sweaty kaya nila" giit niya kaya naman napailing na lang ako at natawa. Ang babaeng ito talaga.
Bumili sila ng mirienda at binilhan din niya ako.
Noong una kong nakita si Vera, buong akala ko ay mataray at masungit siya...Totoo naman. Pero sa kabila noon, ramdam ko siya, totoong tao. Lahat ng ipinapakita niya sa akin ay totoo.
"Work again? Ano ka jack of all trades? Kulang na lang you'll work na as kargador" giit niya ng ikwento ko sa kanya ang planong trabaho namin nila Ericka.
"Wala naman masama sa kargador" giit ko.
Umirap siya, halos mawala ang itim sa mata dahil sa ginawa kaya natawa ako.
"I know right! What I mean is, hindi ka ba napapagod? And you are too slim to be a kargador, mas mabigat pa nga ata ang isang sako ng rice sayo"
"Hindi ako mapapagod kung araw-araw kong makita si Tatay doon" marahang sabi.
Napaayos ng upo si Vera, rinig ko ang pagbuntong hininga niya bago siya sumimsim sa hawak na mamahaling kape.
"You are doing this for your Mom, right? Eh ikaw? You really want to do this ba, after all ng ginawa sayo ni Ursula?" seryosong tanong niya sa akin pero napaawang ang bibig ko.
"Sinong Ursula?" tanong ko sa kanya kaya naman napangisi siya.
"Mrs. Salvadora..." maarteng sagot niya kaya naman kahit gusto ko siyang suwayin ay natawa na lang din ako.
"Salvador" pagtatama ko kaya naman napatango si Vera. Simula ng hindi rin siya pinakitanguhan ng maayos nito ay kung ano ano na din ang tawag niya dito.
Natigil lang kami sa paguusap tungkol kay Tatay ng ibalita ko sa kanya na ang mga litrato nila Julio. Kaagad niyang kinuha ang Ipad daw niya, kung nanibago na ako sa laki ng screen ni Junie ay mas nalula ako sa hawak ngayon ni Vera. Sanay naman ako sa monitor, kahit nga ang TV, pero masyado na talagang hightect ang mundo.
Kung susunod ka sa lahat ng bago...mapapagod ka lang. Hindi na ang mundo ang iikot sayo, ikaw ang iikot para dito.
Natahimik si Vera matapos niyang mahusto sa pagtingin sa mga litrato, ilang beses pa nga niyang pinalaki ang mukha ng babaeng kasama ni Hob.
"Mas maganda ka" she said kaya naman kaagad akong napasimsim sa kape na ibinigay niya sa akin.
"Ganyan siguro yung mga tipo niya" sabi ko kaya naman napahalakhak siya.
"You're not sure about it" pangaasar niya sa akin kaya naman muli kaming natahimik.
Hanggang sa muling bumalik ang paguusap namin sa dami ng gusto kong kuhaning trabaho.
"Nagiipon ka for what?" gulat na tanong niya. Malinaw ang pagkakarinig niya pero alam kong hindi siya makapaniwala, kahit ako minsan ay hindi din.
"Para pang-hospital kung sakaling kailanganin" paguulit ko.
Nakakatawa lang isipin na pinaghahandaan ko iyon kahit ang totoo ay ayoko ng bumalik kami ni Nanay sa hospital. Hindi lang talaga naging maganda ang una kong karanasan sa hospital kaya naman nadala ko na hanggang ngayon.
(Flashback)
"Basahan po! Basahan kayo diyan!" sigaw ko habang inilalako ang basahan na ginawa ni Nanay.
Nakasuot pa ako ng uniporme, matapos ang klase ay dumiretso ako sa bahay, ibinaba ang aking mga gamit at kaagad na lumabas para mag-lako ng mga basahan.
"Dalawang piso...tatlo po" sagot ko sa tricycle driver.
Matapos niyang ibigay sa akin ang bayad ay nagpasalamat na ako at ipinagpatuloy ang paglalako.
"Ayan na si Alix bruha!" pangaasar sa akin ng aking mga kaklase.
Sinamaan ko lang sila ng tingin bago ko palihim na inayos ang buhok kong nakaharang na sa aking mukha. Bahagya pa akong nahirapan dahil dumikit iyon sa aking leeg at mukha dahil sa pawis.
"Nagtitinda ng basahan ang isang basahan" patuloy na pang-aasar nila sa akin na hindi ko na lamang pinansin.
Muli ko silang nilingon, nakaramdam ako ng kaunting inggit dahil nagagawa nilang maglaro pagkatapos ng klase. Pero kaagad kong naalala ang mukha ni Nanay, kung paano sumakit ang likod niya sa buong araw na pananahi ng basahan, kung paanong minsan ay doon na siya nakakatulog.
Padilim na ng magulat ako dahil sa pagtakbo ni Kuya Santi palapit sa akin.
"Saan ka ba nanggaling na bata ka!?"
"Ba-bakit Kuya?"
Isinugod si Nanay sa hospital, naabutan na lamang daw nilang nakabulagta ito sa sahig at wala ng malay. Hindi nila alam kung gaano na siya katagal na nasa ganoong sitwasyon, o kung tumama ba ang ulo niya ng bumagsak siya.
"Nay!" sigaw ko at kaagad na tumakbo papalapit sa kanya.
Nakaupo sila ni Kuya Simeon sa labas ng hospital, nakasandal ang walang malay na si Nanay sa kanyang balikat.
"Pang bente uno pa tayo" pamomorblema nito.
"Ano? Ano to check up!? emergency ito!" sigaw ni Kuya Santi.
Sinubukan niyang sumugod sa loob, nagwala siya doon pero pinalabas lang siya ng guard at mga nurse. Dahil sa eksena ay pinagtinginan kami ng ilan pang nakapila.
Mabilis akong nagiwas ng tingin ng may makita akong isang pasyente na may dugo ang braso, maging iyon nga din daw ay nakapila kahit dapat ay emergency.
"Kung gusto niyong mauna kayo, sa private kayo pumunta" sabi ng isa.
Napamura na lamang si Kuya Santi, ramdam ko ang pagaalala ni Kuya Simeon.
"Magkano po ba sa private?, May pera ako dito" sabi ko sa kanila habang umiiyak.
Nilingon ako ni Kuya Santi, natawa siya kahit may tumulong luha sa kanyang mga mata. Hindi ako nagpatinag, kahit umiiyak ay inilabas ko ang perang kinita ko dahil sa pagtitinda ng basahan.
"Ni hindi nga ata aabot iyan ng isang daan! Kasalanan itong lahat ng tatay mo!" paninisi niya sa akin kaya naman mas lalo akong naiyak.
"Tama na yan, hindi kayo nakakatulong" suway ni Kuya Simeon sa amin.
Humigit ang hawak ko sa ilang barya na nasa aking kamay. Nilingon ko ang wala pa ding malay na si Nanay. Hindi ko na ulit hahayaan na maranasan niya ito, gagawin ko ang lahat para kay Nanay. Magiipon ako, hindi lang sapat...sobra pa.
(End of flashback)
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro