Chapter 6
Jinn
Kanina pa ko nahihilo sa katabi ko, si Shai. Panay kasi ang yugyog niya sa 'kin para lang samahan ko siya sa office room ng mga Youth Leaders.
"Ayoko. Marami akong gagawin," sagot ko habang nilalagay ang notes ko sa bag.
Totoo naman. Marami talaga akong gagawin.
Unang-una na do'n ang pag-iwas kay Ansel.
Magd-dalawang linggo na yata akong umiiwas sa kanya. Kung dati, dine-dedma ko ang mga message niya, ngayon dine-dedma ko ang existence niya.
Akala ko ba relihiyoso siya? It's always the religious people.
At ako? Ano?
Hindi naman 'yon ang unang beses na may humalik sa 'kin. Pero sa lahat naman ng hahalik 'yon taong iniiwasan ko pa.
Gusto kong isisi sa alak ang lahat. Kaso hindi naman ako gano'n kalasing.
Tumugon ako.
Kapag naalala ko 'yon, at pagsita sa 'min ng driver ng grab gusto ko na lang magpanggap na lasing para may excuse ako.
"Sige na, nahihiya kasi ako kay Enzo," sabi niya at tinangka pang magpa-cute sa 'kin.
Umiling ako. "Parang sinabi mo naman na walanghiya ako kaya dapat akong sumama."
Mahina niya kong hinampas. "Ito naman, malakas lang loob pero hindi makapal ang muka."
"'Yun din 'yon, pinaganda lang sa pandinig."
Tumayo na ko para sana iwan siya pero kumapit naman siya sa braso ko.
"Kriz . . . Maawa ka sa 'kin."
Napatingin ako sa mga kaklase naming pinapanood kami habang naglalakad palabas ng classroom.
"May kaibigan na pala si Kriz?" Dinig kong sabi ng isang kaklase namin.
Hindi kami magkaibigan. Hindi ko nga alam kung anong trip nitong si Shai at ako ang laging kinukulit.
Napaupo ako ng biglang lumakas ang pagkakahila niya sa 'kin.
"Kriz . . . Sige na, hindi ko lang talaga kayang humarap kay Enzo."
Napansin kong parang maiiyak na siya. Inayos ko ang damit kong nahablot din niya.
"Ano bang ginawa mo kay Enzo?"
Nilapit niya ang bangko sa 'kin para maibulong niya ang gustong sabihin. Meron pa rin kasing mga tao sa classroom at alam kong ayaw niyang iparinig kung ano mang ginawa niya.
"Nag-confess kasi ako sa kanya," sabi niya at agad kong nilayo ang tenga ko para husgahan siya.
Kailangan niya ng panghuhusga. Pero Kung tutuusin hindi masama, at least siya nag-confess, 'yong isang kilala ko nanghalik na lang bigla.
"Wag mo kong tignan ng ganyan." Hinampas na naman niya ko.
"Lakas ng loob mo ah?"
Hindi ko napigilan at unti-unting akong napangiti na nauwi sa pagtawa.
Hinampas na naman niya ko. "Umayos ka."
Tinatawanan ko pa rin siya habang siya parang stress na stress na.
"Ito naman," sabi niya bago ako hampasin ulit.
Pinilit kong pakalmahin ang sarili at pigilan ang pagtawa. Umubo pa ko para iklaro ang lalamunan ko.
"Hindi ba bawal sa inyo 'yong magka-gusto sa iba?" tanong ko at umiling naman siya.
"Ginawa mo naman kaming hindi tao, syempre may feelings kami magkakagusto pa rin sa iba pero hindi nga lang namin pwede i-pursue," paliwanag niya.
"Eh bakit nag-confess ka?"
"Para makapag-move on na ko."
Natawa na naman ako. "Tapos ngayon nahihiya kang humarap sa kanya."
"Syempre, kailan lang 'yon."
Napa-iling ako. "Lakas ng trip mo."
"Samahan mo na ko," pakiusap ulit niya.
Napabuntong hininga ako. Alam kong mahalaga ang kailangan niyang kuhanin sa office ng mga Youth at Org leaders.
Ayoko naman siyang magmukang kawawa.
"Oo na, sasamahan na kita."
Mahina siyang pumalakpak bago tumayo at ipagpag ang dress niya. Hinanap niya ang bag at sinilid ang mga notes niya.
Hinatak niya ang kamay ko ng mapansing hindi pa rin ako tumatayo.
Sumunod na ko dahil baka lumabas ang lakas niya at batakin ako palabas ng classroom.
Panay ang kwento niya sa mga kaganapan sa buhay niya nitong mga nakakaraang linggo. Naging busy kasi kami sa acads kaya halos wala kaming kibuan buong araw.
Ngayon siya bumabawi.
"Kumusta naman kayo ni Ansel?" tanong niya at nasamid ako sa sarili kong laway.
Makailang beses akong umubo.
"Hoy bakit?"
Napailing ako. Ilang beses pa kong umubo ng malalim at saka nawala ang pangangati ng lalamunan ko.
"Ayos ka lang? Nangyari sa 'yo?"
"W-Wala . . . Bilisan natin ng makauwi na tayo."
Halos magpauna na kong maglakad sa kanya. Nilalakihan ko talaga ang bawat hakbang ko para mabilis ng makarating. Hindi naman nahirapang sumunod sa 'kin si Shai.
Pagdating namin sa tapat ng pinto ng room ng mga leaders, hinintay ko siyang buksan 'yon. Pinunas niya pa ang palad sa dress niya bago kumatok at hawakan ang doorknob.
Nauna siyang pumasok at ako nakasunod lang habang pasimpleng tinitignan ang mga tao sa loob. Wala si Enzo pero nasa mahabang lamesa naman si Ansel at may tina-type sa laptop niya.
Lumingon siya sa gawi namin ng marinig ang boses ni Shai. Nagkasalubong kami ng tingin kaya agad akong umiwas. Tinapik ko ang kasama ko at sumenyas na lalabas ako.
Hindi ko na siya hinintay sumagot. Lumabas na ko at naghintay na lang sa tapat ng room. Sinandal ko ang magkabilang braso ko sa railings sa harap ng room.
Napalingon ako ng isang lalaking kaluluwa ang gumaya sa 'kin. Napabuntong hininga ako at gano'n din siya.
Mukang malakas ang trip ng isang 'to.
"So, matagal ka na rito?" tanong pa niya sa 'kin.
Nagpanggap akong hindi siya naririnig. Tumingin din ako sa malayo para magmukang nag-iisip ng ibang bagay.
Kung hindi ako nagkakamali, makulit ang kaluluwa na 'to. Ilang beses ko siyang nakita na nakikihalubilo sa grupo ng mga istudyante.
Hindi ko siya masisisi mukang istudyante rin siya ng bawian siya ng buhay.
Malamang hinihanap-hanap niya ang pakiramdam no'ng nabubuhay pa siya.
"Nakaka-bored naman 'to!" inis na sabi niya sa tabi ko. "Nam-miss ko ng makipag-kwentuhan sa mga buhay!"
Nagpapadyak pa siya na parang batang nagwawala.
Wala siyang mapapala sa 'kin kaya mas mabuti na umalis na lang siya.
Napatingin ako sa pintuan ng marinig kong bumukas 'yon. Akala ko si Shai ang lumubas pero mabilis akong tumalikod ng makita ko si Ansel.
Please, wag kang lalapit.
"Hi, kumusta?" bati niya sa 'kin matapos akong tabihan.
Bakit pakiramdam ko nasukol ako. Sa kanan ko ang kaluluwang makulit, tapos ngayon si Ansel sa kaliwa. Pareho ko silang hindi gustong makaharap.
"Galit ka ba sa 'kin? Did you feel violated? Na-disrespect ba kita?" sunod-sunod na tanong niya.
Halata namang nakikinig 'tong lalaking kaluluwa sa tabi ko.
Umiling ako. "Hindi. Tumugon nga ako 'di ba?"
Tinakpan ng kaluluwa ang bibig niya na parang nabigla siya sa sagot ko. "Ay, malandi," sabi niya pa.
The fck?
"Kung gano'n bakit mo ko iniiwasan?"
Walang saysay kung itatanggi ko pa o kung magsisinungaling ako. Halata naman ang ginagawa kong pag-iwas.
At syempre gusto kong makarating sa kanya ang mensahe ng ginagawa ko.
"Hindi lang ako natuwa sa nangyari, kaya hindi muna ako nagpakita."
Pwede ring nagugustuhan na kita at hindi ako natutuwa.
"I knew it. Hindi ka kumportable sa ginawa ko, tama ba?"
Napangiwi ako. Hindi ko masabing oo, dahil unang-unag tumugon nga ako. Sumagot ako sa halik niya.
Umiling ako ulit. "Basta, hindi mo rin maiintindihan."
Pasimple ko siyang nilingon. Hindi ko maiwasang tignan ang labi niya.
Ilan na kaya ang nahalikan niyan? Pero hindi na mahalaga ang sagot. Mas gusto ko kung hindi na kami magtatagpo ng labi niya.
Malungkot ang mga mata niya na para bang may ginawa siyang malaking kasalanan.
"I'm sorry Kriz, hindi ko sinasadya, hindi ko alam na gano'n ang magiging pakiramdam mo," sabi niya kaya napaharap ako sa kanya ng maayos. "That time, gusto ko lang ding iparamdam sa 'yo na gusto kita. I should've realize what are you going to feel about it."
Natigilan ako sa sinabi niya. Ilang segundo bago mag-sink in sa 'kin. Maging kaluluwa sa tabi ko mukang nabigla rin.
"Gusto ka niya!" sabi pa ng nasa tabi ko.
Gusto ko siyang paalisin dahil nakakagulo siya pero mamaya ko na lang siya iintindihin.
"S-Sinong gusto mo?" hindi makapaniwalang tanong ko.
Sandali siyang huminto at parang napaisip. "Ow."
Napaiwas siya ng tingin. Halatang hindi rin niya sinasadya ang huling sinabi sa 'kin.
"Kalimutan mo na," sabi ko.
Wala rin naman akong planong alamin pa kung totoo ang mga sinabi niya. Mas gusto ko kung aalis na siya at hindi na makikipag-usap sa 'kin.
"At kalimutan na rin natin ang nangyari sa grab. Bumalik tayo sa dati na hindi nag-uusap at magkakilala. Tingin ko mas madali 'yon."
"Hala, bakit?" sabi ng kaluluwang gumitna pa sa 'ming dalawa.
Halatang nalungkot siya sa sinabi ko. 'Yon ang gusto ko, 'yon ang totoo, dahil para sa 'kin mas mabuting pang hindi niya ko kinausap o nilapitan no'n. Sana hindi na lang ako dumaan sa chapel ng araw na 'yon at naisipang asarin ang altar nila.
Hindi sana kumplikado ang sitwasyon namin ngayon.
Hindi sana kumplikado ang nararamdaman ko.
Tipid siyang tumango at dahan-dahang tumalikod para lumapit sa pinto ng room.
"Abay, wag ka susuko. Kung gusto mo ipaglaban mo!" pigil sa kanya ng kaluluwa.
Sandali ko siyang tinignan ng masama pero agad ding umiwas dahil baka mahuli niya ko. At siya naman ang kumulit sa 'kin.
Ayoko ng magulong sitwasyon. Pino-problema ko na nga si Riza, tapos daragdag pa siya.
Tatalikod na rin sana ako para bumalik sa pwesto ko pero nakita ko siyang huminto.
Nagbuntong hininga sya bago humarap ulit sa 'kin.
"You know what, hindi ko susundin ang gusto mo." Napataas ang isang kilay ko sa kanya. "Matagal na kitang gusto Kriz, kailan lang ako nagkaroon ng chance na mapalapit sa 'yo. Hindi ko sasayangin 'yon."
Anong sinasabi niya?
Tinakpan ng kaluluwa ang bibig niya sa pagkabigla at tuwa. Nagpabalik-balik pa ang tingin niya sa 'min.
"Gagawin ko 'to ng maayos."
Sandali akong tumingin sa paligid. Baka merong makarinig sa kanya.
"Liligawan kita Kriz," deklara niya.
Malinaw sa 'kin ang sinabi niya pero hindi ako makapaniwala. Malakas ang kutob kong kulang siya sa tulog o kaya man may pinagdadanaanang malala.
Pero hindi solusyon ang ligawan ako.
Nakakatawa dahil hindi man lang siya nagtanong muna o nanghingi ng permiso. Basta na lang niya dineklara na manliligaw siya.
"Tingin mo, gusto ko magpaligaw sa 'yo?" iritang tanong ko.
"Ay panira!" sabi ng kaluluwa sa 'kin bago niya ko tabihan at ambaan ng batok.
"Basta liligawan kita," pagpipilit ni Ansel.
Gusto ko siyang sakalin. Mabuti na lang at bumukas ang pinto room at lumabas si Shai.
Tinignan niya kami peroho pero huminto ang mga mata niya sa kaluluwang nasa tabi ko.
Bago ko pa man makumpirma kung may nakita ba siya o baka may napansin lang, nagsalita na ulit si Ansel.
"Tatapusin ko lang ang mga gagawin ko ngayon, pero bukas susunduin na kita," sabi niya at tumalikod na.
Binati niya sandali si Shai pero hindi naman siya sumagot.
Nawala na si Ansel sa paningin namin.
"Ayos ka lang?" tanong ko kay Shai
May hula na ako sa napansin niya pero ayokong pangunahan.
Pansin ko ang pamumutla niya at parang nabalisa rin siya.
Hindi ko na hinintay ang sagot niya. Hinawakan ko ang braso niya at hinatak siya paalis.
Hawak ng isang kamay niya ang mga papel na nakuha niya sa room ng mga leaders.
Tuloy lang kami sa paglalakad. Hindi rin ako sigurado kung saan siya dadalhin pero kung tama nga ang hinala ko, mas mabuti kung mailayo ko siya.
Nakarating kami sa gate ng school. Huminto lang ako ng mapansin kong binabawi na niya ang braso mula sa pagkakahawak ko.
Binitiwan ko siya at hinintay ang sasabihin niya.
"M-Meron . . ."
Hindi niya matuloy ang sasabihin.
Tinitigan niya ko na para bang meron akong kasabit na problema sa muka.
"Tingin ko, ginagambala ka ng Jinn."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro