Napabuntong-hininga at nakapanglumbaba si Kath habang nakaupo lang sa isa sa bench sa may swimming pool area. Sabado na nang araw na iyon at hindi na siya makapaghintay sa “date” nila ni Daniel sa gabing iyon. Ilang araw na silang hindi nagkita simula nang araw na huli silang nagkita. Ilang araw na ding laman ng kanyang utak si Daniel at sa naudlot na halik nilang iyon. Alam niyang may kakaiba na siyang nararamdaman para dito pero isinasantabi niya iyon. Baka kasi nadala lang siya sa sitwasyon nilang dalawa kaya ganoon ang kanyang nararamdaman. Kapag nahinto na ang pagpapanggap nila ay baka mawala na rin ang kaguluhan ng kanyang puso.
Bigla namang nalungkot siya sa ideyang tatapusin na nila ang pagpapanggap. Kakaumpisa palang ng pagpapanggap nila at ayaw niyang matapos agad iyon. Gusto pa niyang makasama ito ng matagal.
At bakit naman, aber?
Dahil siya nalang ang gusto kong kapiling. Iniwaksi niya sa kanyang isip ang ideyang iyon. Hindi iyon maaari dahil si Julia ang gusto nitong kapiling at ginagamit lang siya ni Daniel para makuha uli ang dalaga. Nalungkot na naman siya.
Ako nga naman pala ang nag-umpisa ng gulo. Napasang-ayon siya sa naisip. Kung hindi lang kasi siya nag-suggest dito na magpanggap para makuha rin niya si Enrique, hindi na sana magkakagulo ang nervous system at puso niya. Pinapahirapan lang niya ang buhay niya.
“Ang lalim yata ng buntong-hininga natin ngayon, ah.” Nalingunan niya si Miles. Naupo ito sa tabi niya at basa ang buhok. Marahil ay kagagaling lang nito sa swimming practice. Varsity din ito ng swimming team at ito nga ang napalapit sa kanya nang husto sa team.
Napabuntong-hininga pa rin siya. Napatingin lang siya sa pool na para bang nandoon ang kasagutan ng lahat ng kaguluhan ng isip at puso niya.
“Si DJ ba?”
Nagkibit-balikat lang siya. Hindi niya alam kung saan magsisimulang ayusin ang gusot na napasukan niya.
“Ba’t nalang kasi hindi n’yo nalang totohanin iyan?”
Napalingon siya dito. Ano ba ang ibig sabihin nito? May alam ba ito sa sitwasyon nila ni Daniel?
“Akala mo hindi ko alam? Alam kong nagpapanggap lang kayo ni Daniel.”
Lumakas ang tibok ng puso niya. Bistado na sila? Alam na ba ng lahat ng tao ang palabas nila? Paano na ang plano nila?
“Huwag kang mag-alala. Ako lang ang nakakaalam doon,” sabi pa nito na tila nabasa ang iniisip niya.
“Paano mo nalaman?” nagtatakang tanong niya dito.
“Sus. Eto naman. Para namang hindi tayo magkaibigan niyan. Alam ko kasi kung gaano ka kapatay ni Enrique. Siyempre, gusto mong makuha siya, hindi ba? Natural na hahanap ka ng paraan. At iyon nga, si Daniel, na bigo rin sa pag-ibig, ang nahanap mong solusyon. Pareho kayo ng sitwasyon kaya naisip-isip ninyong mapapakinabangan ninyo ang isa’t-isa. Kaya nagpanggap nalang kayo. Hay! Alam ko na ang ganoong storya.”
“Saan mo ba iyan nakuha lahat?”
“Eh, saan pa? Sa mga telenovela na napapanood ko.”
Napatawa nalang siya dito. Oo nga pala. Napaka-creative ng utak nito dahil doon.
“So, care to tell kung ano na ang problema mo ngayon? You see, talagang napaka-creative ng utak ko kaya kung may magandang plano ka diyan sa utak mo, mas may magandang plano naman ako.”
“Wala akong plano. Nag-iisip-isip lang ako.”
Napatitig nalang siya sa kawalan. Hindi naman niya magawang sabihin dito ang totoong nararamdaman niya. Naguguluhan pa rin kasi siya.
Paanong naguguluhan? Inamin mo na nga ‘di ba? Napailing nalang siya.
Hindi. Nadala lang ako noon. Nagpapa-emote pa kasi. Pilit na tanggi niya.
Napabuntong-hininga na naman siya.
“Hay naku, friend. Kung ako sa iyo, magbuntong-hininga ka pa diyan.”
“Ha? Bakit naman?”
Napatingin siya kay Miles at nakitang nakatutok ang atensiyon nito sa kung anong bagay sa likuran niya. Lumingon siya at nakita si Enrique na lumalakad patungo sa kinaroroonan niya.
“Kath, pwede ka bang makausap?” anito nang makarating na sa kanilang kinaroroonan.
“Uhm…” Napatingin siya kay Miles na siya namang kusang umalis. Sumenyas lang ito na hihintayin siya pagkatapos ng pag-uusap nila ni Enrique.
Naupo ito sa kinauupuan ni Miles, saka ay bumaling sa kanya.
“So, anong dapat nating pag-usapan?” nagtatakang tanong niya dito. Napakaseryoso ng mukha nito. Parang alam na niya kung ano ang pag-uusapan nila.
"Payag ka bang gawing pang-rebound ni DJ, Kath?" Nabigla siya sa sinabi nito. Ito ba ang pag-uusapan nila?
"Ha? Ano ang ibig mong sabihin?"
"Nagpapanggap lang siyang may gusto siya sa iyo, dahil may gusto siyang makuha mula sa iyo."
"Talaga?"
"Gusto niyang makaganti kay Julia, at alam niyang ikaw ang pinakamagandang gamitin para ipaghiganti sa kanya. Ginagamit ka lang ni Daniel para pagselosin si Julia."
Hindi mo lang alam ang sitwasyon naming dalawa. Mapapraning na talaga ako. Napabuntong-hininga si Kath. “Ba’t mo naman nasabi iyan?”
“Alam ko ang takbo ng isip ng Daniel na iyon, Kath. Alam ko kung anong puwede niyang gawin para makuha lang ang lahat ng gusto niya. Masama siyang tao. Hindi ka dapat nagpapadala sa kanya.”
Biglang umahon ang galit sa dibdib niya. "Ba't mo ba sinisiraan ang kaibigan mo?"
"Hindi ko siya sinisiraan, Kath. Sinasabi ko lang ang totoo."
"Puwes, sasabihin ko din sa iyo na huwag kang mag-alala. Kung ginagamit lang ako ni Daniel para pagselosin si Julia, wala akong pakialam."
Napatayo si Enrique at napahawak nang mahigpit sa braso ni Maty. "Hindi mo alam ang ginagawa mo."
"Pwede bang bitawan mo ako, Quen? Sino ka ba para sabihin sa akin kung tama o hindi ang ginagawa ko?"
“Kaibigan mo rin ako, Kath.”
“Talaga? Kailan pa? Sa pagkakaalam ko, hindi tayo close.”
"Pinoprotektahan lang kita."
"Bakit? Sinabi ko bang protektahan mo ako?"
"Tinutulungan kita."
"Hinihingi ko rin ba ang tulong mo?"
"Kath, huwag matigas ang ulo mo."
"Bitawan mo ako, Enrique, kung ayaw mong mapahamak."
"Ikaw ang mapapahamak sa ginagawa mo."
"Buhay ko ito. Ako ang magdedesisyon kung ano ang gagawin ko sa buhay ko."
"Kaibigan ko si Daniel. Kilala ko na siya. Ayokong masaktan ka."
"Sinasaktan mo na ako. Bitawan mo na ako bago pa mabalian ang mga buto ko sa braso."
Binitawan na rin ni Enrique si Kath. Matiim na tiningnan ni Enrique si Kath at tsaka napabuntong-hininga.
"Salamat," ani Kath nang nabitawan na siya ni Enrique. Tumalikod nalang siya dito at lumabas ng pool area na hindi na tumitingin kay Enrique.
Ang gulo! Ang gulo-gulo na ng pinasok ko!
__________
“Ano ang drama ni Enrique at ginanun-ganun ka pa?” tanong kay Kath ni Miles. Naglalakad na sila pauwi noon at napag-usapan ang pag-uusap nila ni Enrique.
“Hindi ko alam. Naguguluhan na talaga ako. Ewan ko. Naiinis ako. Gusto ko siyang sapakin.” Nagbuga siya ng hininga.
“Ba’t nga siya nagkakaganyan? Hindi kaya nagseselos siya kay Daniel?” tanong nito na nakapagpahinto sa kanyang paglalakad.
“Tingin mo?”
Tumaas lang ang kilay nito bilang sagot sa tanong niya.
“Ay, ewan!” Nagbuga uli siya ng hininga. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Napahinto uli siya nang bigla itong tumawa.
“O, anong nangyari sa iyo? Nasaniban ka?”
Natatawa pa rin ito pero nakuha na nitong ma-kontrol ang tawa nito. “Ano naman ang drama mo, bruha?”
“Ha? Anong dramang pinagsasabi mo?”
“Iyan! Iyang kadadrama mong nalilito ka na.”
“Eh, sa nalilito nga ako. Ano ka ba?”
“Ba’t ka nalilito?”
“Ewan ko.”
“Sa pagkakakilala ko kasi sa iyo, dapat ngayon ay nagtata-talon ka na diyan sa tuwa dahil sa wakas ay napansin ka na rin ni Enrique.”
“Eh, sa hindi nga ako natutuwa. Paano ako matutuwa sa sinabi niya kanina? Ginago niya’t sinisiraan sa ibang tao si Daniel. Hindi nakakatuwa iyon.”
“Oh my! Hindi kaya?” Biglang nanlaki ang mata nito at mas lumapad pa ang mga ngiti nito.
Kumunot ang noo niya. Ano na naman ba ang napasok sa kukote nito? “Ano?”
“Oh my gash!” biglang tili nito.
Sinapak niya ito sa braso. “Ano ba kasi iyang nasa utak mo? Sabihin mo sa akin para magkaintindihan tayo.”
“Gets na kita, friend.”
Lalong nalito siya. “Ano ba iyang pinagsasabi mo? Ano ba kasi?”
“Alam ko na kung bakit ka nagkakaganyan.”
Nagsisimula na siyang mainis dito. “Ba’t kasi hindi mo nalang sabihin sa akin para ma-gets ko na rin?”
“Ay, ayoko. Gusto ko, ikaw mismo ang maka-gets noon.”
“Ha?” Ano ba ang gusto nitong palabasin?
“Basta! O, siya! See you nalang pag na-enlighten ka na ha? Text mo ako kapag na-gets mo na.” Bago pa man siya makapag-protesta ay dali-dali na itong lumakad palayo. Nagpatuloy nalang siyang maglakad uli.
Hindi niya alam kung ano ang laman ng ibig sabihin ni Miles pero nararamdaman niyang alam na niya ang ibig sabihin nito. Hindi kaya’y na-realize na nito ang na-realize niya noong malapit na siyang hinalikan ni Daniel noong isang araw? Pero ano ba ang na-realize niya?
Na mahal mo na si Daniel, bulong ng isang parte ng puso niya.
O, huwag nang kokontra, ani ng kabilang parte niyon. Napahinto siya sa paglakad. Nanikip bigla ang puso niya. Talaga bang mahal na niya ang binata?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro