Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

Nagising si Kath sa tunog ng kanyang alarm clock. Kahit na Sabado nang araw na iyon, kailangan pa rin niyang pumunta ng school. May aasikasuhin kasi siyang project at sa susunod na linggo na ito ipapasa. Kahit na alam niyang puyat siya kagabi dahil sa pagbabasa ng mga romance novels, pinilit pa rin niyang bumangon.

Dumiretso na siya sa banyo at naligo. Pagkatapos maligo ay nagsuot na siya ng t-shirt at jeans dahil Sabado naman at walang pasok sa katulad niyang third year college. Dali-dali niyang sinuklay at itinali ang basa't mahaba niyang buhok, pagkatapos ay nag-baby powder at lip balm.

"Kath, mag-almusal ka muna," sabi ng mama niya nang pumanaog na siya mula sa kanyang kwarto. Nakita niyang nakahanda na ang almusal. Natutukso siyang kumain dahil nagi-guilty siya kapag hindi niya kinakain ang pagkaing naihanda ng kanyang mama. Ngayon lang kasi ito nagkaroon ng pagkakataon na paghandaan siya ng almusal nito ulit. Mukhang na-miss nito ang pag-aalaga sa kanya. Nag-abroad kasi ito para ma-manage ang business nila sa labas ng bansa. Dalawang taon itong nanatili doon pero ngayon ay ang business na nila sa Pilipinas ang pinagtutuunan nito ng pansin. Kaya naman nandito na ang mama niya sa Pilipinas at mina-manage ang business nilang chain of restaurants at coffee shops.

Pero hindi siya pwedeng mahuli. May kailangan pa siyang abutan sa school.

"Ah, huwag na Ma. Kailangan ko na pong lumakad, eh. Marami pa akong tatapusin. Sa school nalang po ako kakain," pagsisinungaling niya. Natali na niya ang sintas ng kanyang sapatos at akmang aalis nang tawagin siya ng kanyang mama.

"O, heto," anito sabay abot sa kanya ng mansanas. "Para naman may laman iyang tiyan mo habang papunta ka ng eskwelahan. At para naman may energy ka mamaya pagharap mo sa sinta mo."

"Ma!"

"Oo na. Wala akong sinabi. Sige na. Baka hindi mo na siya maabutan. Go!"

Napatawa nalang siya. Itong mama niya talaga. Hindi na nagbago. Palagi nalang siyang tinutukso tungkol sa kanyang love life.

"Sige Ma, mauna na po ako."

Lumabas na siya ng bahay at naglakad palabas ng subdivision para mag-abang ng sasakyan. Hindi naman mahirap ang biyahe papuntang eskwela. Isang jeep lang ang kailangan niyang sakyan para makarating doon. Aabot lang ng kalahating oras ang biyahe, pwera nalang kung ma-traffic.

Tiningnan niya ang kanyang relo. Wala pang alas-otso. Makakaabot pa siya. Pumara agad siya ng jeep at sumakay. Pagdating niya sa paaralan ay nagtungo agad siya sa gym. Nandoon kasi nag-eensayo ang basketball team para sa basketball tournament nila na gaganapin sa susunod na linggo.

Nakita niya si Enrique na nakaupo sa bleachers at umiinom ng isang jug ng tubig. Pumuwesto siya sa tapat ni Enrique at umupo sa bleachers doon. Malaya niyang pinagmamasdan and binata sa kalayuan.

Hay! Enrique Mari. Ang gwapo mo talaga, sinta ko. Ang la-laki ng mga muscles at ang abs, naku, ulam na. Nakakagigil. Hindi talaga siya nagkamali sa pagkakagusto niya dito. Lahat kasi ng gusto niya sa isang lalaki, katangian nito. Gwapo ito, matangkad, maputi, tisoy, matalino, talented, at mabait. Ito ang captain ng basketball team nila, ito rin ang president ng student council nila ngayon. Natagurian din itong one of the most outstanding young men sa Pilipinas. Wala na siyang mahihiling pa dito. Ito na ang perfect epitome ng isang prince charming. Marami talagang babaeng pinagpapantasyahan at nagkakandarapa dito. At isa na siya doon.

"Hoy!"

“Ay, kabayo!”

Nilingon niya ang taong gumulat sa kanya at umistorbo sa pagnanasa niya nang lihim sa kanyang sinta.

"Ano ba, DJ! Kita mo naman na busy ako," saway niya dito.

Si Daniel John a.k.a. DJ ay ang matalik na kaibigan ni Enrique na kasali din sa basketball team. Ito din ang may pakana ng lahat ng pagkakagusto niya kay Enrique. Matagal na rin niyang kaibigan ito dahil naging kaklase niya ito sa isang klase niya noong first year college palang siya. Naging seatmate niya ito kaya ay naging close na sila. Doon nila natagpuang they have so many things in common. Gaya na lamang sa pagkahilig nila sa musika. At gaya din ng pagkatira nila sa iisang subdivision lang. Magkatapat lang pala sila ng bahay kaya araw-araw na rin silang magkasamang pumunta ng school at umuwi ng bahay. Isang taon itong lamang sa kanya, pero nga, nabagsak ito sa subject na iyon kaya umulit. Ka-batch lang nito si Enrique. Kaya naman, sa malayo lang niya  napagmamasdan at napapantasyahan ang prince charming niya. Hindi naman talaga kasi sila nag-uusap dahil wala namang dahilan upang mag-usap sila. Nagkakilala lang naman sila nang dahil nga kay DJ.

"Aba, ang aga-aga mo yata ngayon ha? Pumunta ka ba rito upang panoorin ako? Wow naman, ang sweet." Kaswal itong umupo sa tabi niya at pinahid ang pawisan nitong mukha sa dala nitong face towel.

"Yucks! Huwag kang feeler diyan! Hindi naman ikaw ang pinunta ko rito 'no. Iyang kaibigan mo ang pinunta ko," aniya kay DJ habang ininguso ang mga labi sa direksyon ni Enrique.

"Si Enrique? Na naman?" nakakunot-noong tanong nito.

Tumango lang siya at ngumiti.

"Hindi talaga kita maintindihan," pailing-iling nitong sabi.

"Ano? Bakit?"

"Eh, sa dinami-rami ba namang ibang gwapo diyan, katulad ko, bakit pa si Enrique ang napili mo?"

"Hindi ka rin mayabang 'no? At tsaka, huwag kang makialam. Eh, sa iyan ang gusto ko."

"Eh, habulin ng babae iyang pinapangarap mo. Baka masaktan ka lang."

"Wala akong pakialam. Basta't masaya ako. Ba't ba concern ka?"

"Hindi ako concern. Sinasabi ko lang sa iyo ang totoo."

"Wala na akong pakialam sa totoo. Si Enrique lang ang makakapagbigay sa akin ng saya."

"Kahit na makakabanggaan mo ang lahat ng magagandang babae dito sa mundo?"

"At sino naman ang may sabing sila lang ang magaganda? Aba'y, maganda rin ako 'no? Patayan na kung patayan!"

Napailing nalang ito. "Grabe! Ang tindi!"

"Talaga!"

"Eh, kung ganun, lapitan mo na siya," anito sabay tulak sa kanya. Napapitlag siya dahil nahulog siya sa kinauupuan sa pagkatulak ni DJ sa kanya. Namalayan nalang niyang nasa harapan na pala niya si Enrique.

"Enrique!" Nagmamadali siyang tumayo at pinunasan ang nadumi niyang puwet.

Naku! Nakakahiya!

"Anong nangyari sa'yo? Okay ka lang ba?" tanong nito.

"Oo naman. Bakit naman hindi?"

"Nahulog ka 'ata. Masakit ba puwet mo?"

Namulang bigla ang kanyang mga pisngi. Paano ba naman, sa lahat ng maitatanong nito, ang puwet pa niya ang naabalahang naisipang itanong.

"Namumula ang mga pisngi, oh," biglang sabat ni DJ habang aakmang kukurutin ang kanyang pisngi. Inilagan lang niya iyon at sinuntok ito sa tiyan nang malakas. Pero kahit sa pagsuntok niyang iyon, hindi man lang ito naapektuhan.

Buwisit ha! Ang sakit-sakit ng kamay ko, hindi man lang umaray.

"Mag-ingat ka na sa susunod para hindi ka na mahulog," natatawang sabi nito.

"Hindi naman aku mahuhulog kung hindi mo ako itinulak 'no," aniya kay DJ.

Nagtawanan lang ito at si Enrique. Naiirita tuloy siya.

"Daniel! Enrique! Magco-cool down na, sabi ni coach," tawag ng isa sa mga teammates ng dalawang binatang kaharap.

"Sige, nandiyan na kami pare," sagot ni Enrique saka binalingan siya. Ngumiti ito ng napakasarap saka tinapik ang kanyang balikat.

"Sa susunod, mag-iingat ka na. Baka maging malala pa ang aabutin mo. Baka mapilay ka, o di kaya'y ma-deform iyang katawan mo. Sayang, sexy pa naman," nakangiting sabi nito. Saka ito lumakad palayo patungo sa mga teammates nito.

Nakakaloka! Sexy daw ako. Syet! Ang sarap ng feeling!

"O, ba't parang lumulutang ka na sa langit diyan?" tanong ni DJ. Hindi niya namalayang hindi pa pala ito nakaalis doon.

"Sinabi niyang sexy ako!" impit na napatili si Kath sa kilig na nararamdaman.

"Nagbibiro lang iyon."

"Huwag ka ngang kontrabida diyan! Asungot! Inggit ka lang kasi sexy ako. Eh, ikaw?"

"Aba'y ang seksi ko yata. Six packs pa!"

"Six packs ng bilbil!"

"DJ!"

Sabay silang napatingin sa tumawag. Kanina pa pala nakahintay si Enrique kay DJ. Nasa malayo ito kaya malabong narinig nito ang pinag-uusapan nila.

"Huwag kang aalis. Hintayin mo ako," sabi ni DJ bago paman ito umalis.

__________

Naglalakad sina Kath at DJ papuntang school canteen. Nagugutom na si Kath dahil hindi naman pala siya nakakain ng almusal para lang maabutan si Enrique.

"Grabe ka talaga, 'no? Pati ang pagkain ng almusal, sinasakripisyo mo para kay Enrique," panenermon na naman ni DJ.

"Eh, talaga namang nagmamadali talaga akong pumunta ng school. May project naman kasi akong dapat tapusin dahil next week na po ang deadline," pagdadahilan na naman niya.

"Kailan ba ang usapan ninyo ng ka-grupo mo?"

"Alas diyes."

"Alas diyes? Alas otso pa nga ngayon, eh."

"Eh, sumilip lang naman ako kay Enrique sandali. Inspirasyon iyon. Para matapos agad ang project namin."

Pumalatak ito. "Si Enrique lang? Paano naman ako? Ganyan ka na ngayon. Dahil may irog ka na, kinakalimutan mo na ang kaibigan mo. Nasasaktan na ako."

Inirapan lang niya ito. "Alam mo? Ang drama mo. May Julia ka kaya. Iyong pinsan kong malandi ang gawin mong inspirasyon."

Napailing nalang ito, pagkatapos ay bumili na ng makakain. Bumili na rin siya dahil kumakalam na talaga ang kanyang sikmura. Pagbayad niya sa cashier ay tinanggihan nito ang bayad niya.

"Bakit ho?"

"Binayaran na ni DJ kaya okay ka na."

"Ah, ganoon po ba?"

Tiningnan niya si DJ na nakaupo na sa isang mesa.

"Sige ho, salamat."

Nagtungo na siya sa mesa na kinauupuan nito.

"Salamat sa paglibre, kapatid. Mahal mo talaga ako," ngiting-ngiti niyang sabi dito.

Bahagya itong tumawa at tinanguan siya bago pa ito sumubo ng pagkain.

"Kumain ka nang kumain ha? Baka malipasan ka ng gutom diyan." Mahirap na. Wala nang manglilibre sa akin. Napatawa siya nang lihim.

"Sus. Nag-alala pa. Para namang sincere. Ikaw ang kumain diyan. Alam kong hindi ka sanay na nalilipasan ng gutom."

"Eto naman! Sincere naman talaga ako, ah."

"Sipsip ka lang."

"Enrique!" Napalingon siya agad. Nakita niya si Maddie, isa sa mga kaklase niyang ubod ng yabang na parang reyna kung umasta, na nakakabit ang mga braso sa leeg ni Enrique. Halatang nakikipag-flirt ito sa binata, at wala namang ginawa si Enrique upang iwasan ito. Para ngang nag-enjoy pa ito sa pakikipag-flirt ng malanding babaeng iyon na siyang dahilan ng pagkakirot ng kanyang puso.

"Masakit?" pukaw sa kanya ni DJ.

Nilingon niya ito at nakitang seryoso ang anyo nito.

"Hindi. Nasanay na ako sa kalandian ng babaeng iyan."

"Mabuti kung ganoon," nasabi nito at sumubo na naman ng sandwich na in-order nito. Sumubo na rin siya nang in-order niyang tempura nang nakita niyang paparating ang pinsan niyang si Julia.

Sa totoo lang, kahit na pinsan niya ito, malayo ang loob nila sa isa't-isa. Napakataray kasi ng pinsan niya at palagi pang minamaliit ang tingin sa kanya. Kaya tuloy, parang magkaaway ang turingan nila sa isa't-isa. Hindi niya malaman kung bakit ba napakainit ng dugo nito sa kanya. Mabait naman siya, kaya hindi niya pinapatulan ang katarayan nito. At talaga namang magkaibang-magkaiba sila. Napakaganda kasi ni Julia. Matangkad ito, sexy, at napakakinis ng balat. Nakuha nga itong modelo sa isa sa pinakasikat na modeling agency sa bansa. Isa rin itong tinaguriang isa sa mga high-end socialite sa school nila. Habang siya, isang ordinaryong babae lang. Ang hilig lang niya ay ang pagtugtog ng instrumento. Kaya niyang tumugtog ng gitara, piano at drums. Magaling din siyang kumanta. Iyan ang talento niyang masasabi niyang hindi kaya ng ibang ordinaryong tao diyan. Kahit nga si Julia, napakasintunado ng boses. At magaling din siya sa sports na swimming. Nakakuha pa nga siya ng medalya nang sumali siya ng contest noong high school pa siya. Kaya masasabi niyang kung hindi siya lamang dito sa kakayahan nito, at least napapantayan niya ito dahil may talento siyang hindi nito kayang gayahin.

Nakita niyang papalapit si Julia sa table kung saan sila nakaupo. Dali-dali niyang inubos ang tempura niya tsaka ay tumayo agad.

"Tapos ka na agad? Saan ka pupunta?" nabiglang tanong ni DJ.

"Ah. Aalis na ako." Nagmamadali siyang uminom ng tubig at tsaka tuluyan nang umalis. Narinig niyang tinawag nito ang pangalan niya. Inignora lang niya iyon. Talagang gusto niyang umalis na doon. Iniiwasan lang niyang makabangga na naman ang pinsan niya. Ayaw na niya ng gulo kaya't umiiwas na siya dito. Hindi naman siya makaiwas dito nang tuluyan dahil si DJ ang boyfriend nito. Kaya nga sa tuwing nagkakasama sila ni DJ, talagang sinasadya niya ang mga pagkakataong hindi nito kasama ang girlfriend nito.

Nakalayo na siya nang nakalimutan niyang hindi pala niya nadala ang folder bag niya.

Naku! Papaano na iyan? Nandoon lahat ng kagamitan ko sa project. Pero ayaw na niyang bumalik doon. Mula sa kinatatayuan niya, kita niya pa rin ang table kung saan sila nakaupo ni DJ. Nandoon pa si Julia at nakaupo sa tabi nito. Ang sweet-sweet pa nga ng mga ito. Parang naaasiwa siyang panoorin ang dalawa. Hindi niya maintindihan kung bakit isang tulad ni Julia ang niligawan ni DJ.

Kunsabagay, bagay naman silang dalawa. Ito din ang mga type ni DJ, sa pagkakakilala niya dito. Sa mahigit dalawang taon na nilang pagkakakilala, lahat ng mga nakilala niyang naging girlfriends nito ay ang mga katulad ni Julia. Iyong tipong may sinabi sa lipunan. Iyong maipagmamalaking ipakilala sa buong mundo. Hindi rin nga naman isang ordinaryong tao lang si DJ. Napakayaman ng pamilya nito. Maraming babae ang nagkakandarapa dito. Hindi rin naman niya masisisi ang mga ito. Paano? Masasabi niyang si DJ na yata ang one of the handsomest men, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.

Teka, ano na ba itong pinag-iisip ko?

"Ba't ka nakatunganga diyan?"

Napalingon siya sa kumausap sa kanya at nakita niya ang taong hindi lang nagpaparigodon ng kanyang puso, kundi nagpapangiti sa kanyang mga labi.

"Enrique," nakangiting bati niya dito. Hindi niya alam kung matagal na ba itong nakatayo sa tabi niya, o kani-kanina lang. Abala kasi ang utak niya sa kaiisip nang mga hindi mahahalagang bagay.

"Ba't ka ba nakatingin lang kina DJ at Julia? Nagseselos ka?" anitong nakakaloko pa ang ngiting ipinukol sa kanya.

"H-Ha? Hindi 'no!"

Ba't naman siya magseselos dito? Kaibigan lang naman niya ito. At tsaka, ikaw lang ang gusto ko, Enrique. Wala nang iba.

"Ahm, may problema kasi ako."

Tumingin ito sa kanya. "Matutulungan ba kita?"

Tiningnan niya ito. "Pwede, pero huwag nalang. Kaya ko ito."

"Sigurado ka?" tinitigan pa siya nito. Hindi tuloy siya makahinga.

"Ah, o-oo." Naglakad na siya palayo nang naramdaman niyang sinundan siya nito. Nahinto siya at nilingon ito.

"May kailangan ka ba?"

"Wala. Gusto kitang samahan. Pwede ba?"

Nagwawala na nang tuluyan ang puso niya. "Sige. Okay lang."

Sabay na silang naglakad patungo sa table nila DJ. Napahinto siya nang tumingin si Julia sa kanya at mataman na tinititigan siya. Umarko pa ang isang kilay nito at tsaka ay napatingin kay  Enrique at tinitigan ito. Tumingin din siya kay Enrique at nakita niyang tinititigan din nito si Julia. Parang may nararamdaman siyang kakaiba sa paraan ng pagtitig ng dalawa. Pero hindi rin naman natagalan ang titigan na iyon dahil narating din nila ang table.

"Quen," bati ni DJ kay Enrique.

"Pare," tumango lang ito sa huli.

"O, Kath, nakalimutan mo ang folder mo," sabi ni Daniel na para bang hindi obvious.

"Alam ko."

"Ba't ka kasi nagmamadaling umalis kanina?" tanong pa nito. Hindi nalang niya ito sinagot. Kinuha lang niya ang folder bag dahil hindi na niya gusto ang matamang pagtingin ni Julia sa kanya. Kailangan na niyang magmadali pa.

"Sige, mauna na ako."

"Ba't ba atat na atat ka nang umalis, ha?" pag-uusisa talaga ni Daniel sa kanya kahit alam naman nito ang hindi magandang namamagitan sa kanya at sa girlfriend nito.

"Male-late na kasi ako. May project pa akong dapat tapusin." Hindi na niya nakayanan pa ang pangungulit nito. Kahit kailan, buwisit ang lalaking ito. Hindi marunong makiramdam sa pakiramdam ng ibang tao.

"Talaga? Alas diyes pa naman iyon, eh. Kumain ka muna. Hindi ka pa tapos kumain, oh. Sayang ang inilibre ko sa iyo."

"Nagbago ang usapan namin ng mga kaklase ko."

"Ganoon ba? Ba't hindi mo sinabi?"

"Hindi, kasi - "

"Hayaan na natin siya, Daniel. Kung gusto niyang umalis, eh di, umalis siya. Ba't mo ba siya pinipigilan?" sabat ng pinsan niyang maldita. Umismid pa ito sa kanya.

Naku! Kung hindi lang ako nakapagpigil, sasabunutin na kita, bruha ka! Pero hindi niya gagawin iyon. Not when Enrique is in front of her. Ayaw niyang ma-turn-off ito sa kanya. Okay lang kung si DJ ang nandoon. Alam naman nito ang distaste nilang mag-pinsan sa isa't-isa.

Hindi na siya nagpaalam na dito. Tuluyan na siyang lumakad papalayo.

"Samahan na kita, Kath." Napalingon na naman siya nang makita si Enrique na nakasunod sa kanya. Hindi na siya sumagot pa dahil hindi na niya malaman pa ang sasabihin dito. Hindi naman sila nakalayo ay nagpaalam na itong lalakad na sa lalakarin nito. Nadismaya man siya dahil hindi pala niya ito makakasama nang matagal, kailangan na rin niyang pumunta at mag-meet sa mga ka-grupo niya para sa project.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro