Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

18 | Hinto, Hanggang Sigurado

Isang mag-aaral na may layon,
papel at panulat ang gamit noon.
Gamit-gamit ang boses ngayon,
sana ay bigyan ng pansin ang aking opinyon.

Edukasyon ang susi sa tagumpay,
ngunit aanhin mo ito kung kapalit naman ay buhay?
Sa isang banda, matututo ka nga ba?
Ngayong komplikado na ang mga paraan na sa atin ay itinadhana.

Palagay ko'y kailangang itigil na muna,
ititigil muna ng pansamantala.
Hindi porket mauudlot ang pangarap ay titigil na,
ito lang ang makakabuti ngayong panahon ng sakuna.

Karagdagang gastos ay nagsisilabasan,
mga tao'y mas lalong nahihirapan.
Ang mga walang trabaho'y lumuluha na,
gayundin ang mga walang alam sa teknolohiya.

Nababawasan ang salaping nakalaan para sa pagkain ng pamilya,
kasabay ng nagtataasang mga matrikula.
Saan na sila kukuha ng pera? Hindi ba kayo naaawa?
Ang iba'y sarili na ang ibinebenta.

Paano na ang mga nakatira sa bundok?
Magkaroon ng kuryente, sa buwan ay suntok.
Mga kagamitan ay wala,
mga guro'y wala pang presensiya.

Ang mga iba'y may kaya,
ngunit sa usapang akademiya, tayo'y magkakaiba.
Iba ang bilis mong makaintindi, sa bilis niya.
Iba ang paraan ng pagkakaintindi mo, iba rin ang kaniya.

Malakas ang koneksiyon,
ngunit wala namang naiintindihan na leksiyon.
Kailangan nating itatak sa ating kaisipan,
na hindi madali ang mag-isa sa digmaan.

Dumako tayo sa mga pumapasok pa rin sa eskuwela,
nakakatakot, sobra.
May posibilidad na magkasakit ka, kahit ang gusto mo lang ay makapag-aral ng tama.
Kahit anong pag-iingat ang mayroon ka, hindi mo alam kung anong makukuha sa makakasalamuha.

Umaaray ang mga guro,
seminar diyan, seminar dito.
Sumusunod sa bagong paraan ng edukasyon,
may mga anak pang kailangang bigyan ng attensiyon.

Tunay na bang handa ang mga paaralan?
Palagay ko'y kulang pa sa kahandaan.
Bilang ng mga gadget ay may kakulangan,
kapos sa pondo at mga proseso'y pahirapan.

Pandama, hindi niyo ba nararamdaman ang paghihirap ng bawat isa?
Kung nahihirapan ang gobyerno, nahihirapan din kami sa proseso.
Hindi na mapagtanto kung saan ito patungo,
sa iba't ibang paraan tayo ay dehado.

Pandinig, sana pakinggan niyo ang aming hiling.
Sobrang dami ng kaganapan, kami ay napapadaing.
Hirap na hirap na kaming lahat, hindi na mawari ang dapat.
Mag-aaral pa ba dapat? O kakain ng sapat?

Kung may mga estudyanteng uusad,
may mga matitigil at mapapadpad.
May mga makakalagpas sa trahedya, may mga madadapa.
Kailangang sabay-sabay tayong uunlad, walang maiiwan mag-isa.

Kung tingin niyo ay masasayang ang panahon,
isipin niyo ang mga walang buhay sa kahon.
Isipin ang mga bagay na mas mahalaga,
mahalaga ang edukasyon, ngunit may mga mahahalaga na kailangang ipagpaliban muna.

Kalusugan muna ang isipin,
Covid ang unang pansinin at puksain.
Mga mata'y maaari pang humapdi,
mga isip na mahihirapan pa sa pag-intindi.

Isipin ang mga batang mahirap turuan,
mga batang walang magulang, mga nakatira sa lansangan,
mga kagamitang pamproteksiyon na may kamahalan,
mga gadget na wala ng puwedeng pagbilhan.

Pangungusap, ilan pa ba ang kailangang pakiusap?
Pakiusap na pagaanin muna ang mga buhay ng naghihirap.
Kung tutuusin wala nang kinalaman ang estado dito,
kahit may kaya ay nalulunod na nang husto.

Kapag ititigil natin ito ng pansamantala,
mas bibilis ang pagreresolba.
Bakit kailangang problemahin?
Kung puwede namang itigil muna at ibang isyu ang bigyan ng pansin.

Maraming paraan, ngunit walang kasiguraduhan.
May edukasyon, ngunit may limitasyon.
Masarap magsuot ng toga, ngunit mahirap matakpan ng puting tela.
Estudyante, guro, mga magulang, sa pakiusap kami ay pare-pareho.
Hinto, hanggang sigurado.

-kazumeh_17

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro