CHAPTER 1
Paglapag ng eroplano sa Pilipinas, bumungad kay Jay ang init ng hangin at amoy ng airport na hindi niya makalimutan kahit taon na ang lumipas mula nang huli siyang umuwi. It's been eight years since he'd been away from The Philippines. Sa labas, nagkalat ang mga taxi, pasahero, at pamilya na nagkakawayan sa kani-kanilang mahal sa buhay. Tumitig siya sa paligid, pilit inaalala ang nakaraan.
"So, this is home again," bulong niya sa sarili habang tinutulungan siya ng driver na isakay ang kanyang mga malalaking maleta sa SUV. Ang mapagmalasakit na family driver ng Tito William niya na si Mang Nestor lang ang sumalubong sa kanya.
"Ang laki mo na, Jay. At nakakatuwang hindi mo pa rin nakakalimutan ang pagtatagalog," natutuwang pagbati nito.
"Oo nga po, Kuya," magalang na pakli ni Jay sa backseat. Si Mang Nestor ang isa sa matatagal ng empleyado ng kanilang angkan. Ito rin ang madalas na maghatid sa kanya sa school noong siya'y elementary pa lamang hangga't sa tumungtong siya sa high school.
"Goodluck sa trabahong naghihintay sa'yo," pagpapagaan ni Mang Nestor sa kanyang kalooban.
"Thank you po," pagkikibit-balikat ni Jay. Habang bumabyahe papunta sa condo unit na nakalaan para sa kanya sa Taguig, may isang tao siyang naalala. Kumikirot pa rin ang puso niya kapag naiisip ito, lalo na sa part na binalewala nito ang pagmamahal na willing niyang ipakita.
'Just because I'm a kid in her eyes.'
Huminga muna nang malalim si Jay hangga't sa nakakuha siya ng tyempo upang magtanong kay Mang Nestor.
"Ah, Mang Nestor," he began with a trembling voice. "Kilala mo ba si Marla or si Maria Lala?"
"Ah. Ang Ate Marla mo," sagot ni Mang Nestor at tumingin sa rear view mirror nang ilang saglit. "Ikaw talaga, bakit ayaw mo siyang tawaging ate? Pinapagalitan ka ng iba n'yong kasambahay dahil dyan. Parang hindi mo raw ginagalang si Marla dahil lang mas mababa siya sa inyo."
"Oo nga po, siya nga. Any updates about her? Nakakausap n'yo pa po ba?" Kinakabahan siya agad sa posibleng sagot na makuha niya. Kahit walong taon na pala ang nakalipas, wala pa ring nakapuno ng puwang ni Marla sa puso niya. Ang dami na niyang nakaulayaw sa France, pero iba ang naging impact ni Marla sa buhay niya. He remembered his first heartbreak when she rejected him. Isa lang siyang 17-year old na binatilyo at tinago sa lahat ang sakit ng pagkaka-reject. The world might judge him for liking her, 24 na kasi si Marla noon. They have a 7-year age gap at hindi niya ito masisi kung parang batang paslit lang ang tingin nito sa kanya at kahit minsan, hindi man lang siya nito tinapunan ng katiting na pagtingin.
"Nagtatrabaho siya sa isa sa mga kompanya ninyo. Last time, nagkasalubong kami dyan sa mall sa Glorietta, nakita ko may kasamang bata. Anak niya yata 'yon," paglalahad ni Mang Nestor.
Parang tumama ang matalim na kutsilyo sa puso ni Jay. Kung totoo man ang sinabi ni Mang Nestor, then he had no chance to enter her world again. Kailangan, ngayon pa lang, isiksik na niya sa utak niya na hindi na siya pwede para kay Marla. Katakot-takot na pagmo-move on kaagad ang naisip niyang gawin.
"So, kailan pa po siya kinasal?" biglang naitanong ni Jay, kahit durog na durog na ang kalooban niya.
"Hindi ko alam. Pero sabi niya nasa 8 years old na raw 'yong bata na kasama niya. Kamukha niya rin, lalaki," tugon ni Mang Nestor.
Doon na dumilim nang tuluyan ang mundo ni Jay. If the kid is already 8-years old right now, malinaw na ang dahilan ng pag-reject sa kanya ni Marla ay posibleng nagdadalang-tao na ito sa kung sinumang naging nobyo nito noong nililigawan pa lang niya ito. Pero ang alam niya, wala naman daw naging nobyo noon si Marla. He felt betrayed, kahit wala siyang karapatan. Imbis na masaktan sa taong hindi naman kayang suklian ang pagmamahal niya, kailangan niyang magpakatatag. Ang daming nagkakagusto sa kanya, at hindi kawalan ang isang tulad ni Marla. Pero hindi niya magawang alisin ito sa kanyang isip, higit sa lahat—sa kanyang puso.
Sa kabila ng pagod mula sa mahigit labing-isang oras na biyahe, pakiramdam niya ay nagsisimula pa lang ang tunay na laban. Ang mga bilin ng kanyang mga magulang ay tumatambay sa kanyang isipan, tulad na lang ng sigaw ng mga ito sa kanya.
"Gusto mo ng respeto? Gusto mong maging karapat-dapat? Pagtrabahuan mo. Go back to The Philippines. Bakante ang CEO position ngayon dahil nag-step down na ang pinsan mong si Ennui sa pagka-temporary CEO nito. Nagpakasal na siya at hindi na talaga siya babalik dahil nagfo-focus na siya sa paghahanda para maging tatay," his mom said.
"Tama, dapat ang kuya Ennui mo ang tularan mo, Jay. Ni minsan, hindi siya naging katulad mo na sobrang tamad," gatong naman ng kanyang tatay.
But being a CEO wasn't really his dream. Hindi siya pamilyar sa workflow ng kanilang kompanya at balak niya pa ring magrebelde kung kinakailangan. Ipapakita niya na wala siyang interes. Hindi naman kasi iyon ang nasa puso niya at nagsasawa na siya sa pangungulit ng mga ito kaya pinagbigyan na lamang niya. Kung hindi lang talaga sumasagi sa isip niya si Marla, talagang hindi magbubukas ang posibilidad na bumalik siya sa bansang ito.
Pagdating niya sa condo unit, bumungad sa kanya ang hindi inaasahang bisita—ang kanyang tiyuhin na si William Guillermo. Nakahiga ito sa sofa, suot ang gusot na polo, hawak ang isang basyo ng alak.
"Jay!" bulalas ni William, sabay bangon ngunit bahagyang natumba pabalik sa upuan. Malinaw na lasing nga ito. "The prodigal son returns! Sorry hijo, hindi na kita nasundo. Tingnan mo naman itong kalagayan ko. Nakatulog na rin pala ako dito sa unit mo."
Napakunot-noo si Jay at agad na inilapag ang mga bagahe sa isang tabi ng unit. "Tito William, what are you doing here? At bakit parang ginawa mong bar ang condo ko?"
Ngumiti nang pilit si William habang inaayos ang kanyang pagkakaupo. "Akala mo ba welcome ka agad dito? Hindi ka rito bumalik para magbakasyon. Gusto mo ng posisyon? Good luck sa'yo, hijo. Hindi gano'n kadali ang lahat. Besides, nagpalipas lang ako ng stress, may karapatan din naman ako sa condo mo dahil ako ang nagbayad ng downpayment dito."
Napabuntong-hininga si Jay habang inilapag ang kanyang dalang coat sa gilid. "I know, Tito. Kaya nga ako nandito, para ayusin ang lahat."
Biglang tumawa nang malakas si William, isang tawang may bahid ng panunukso. "Ayusin? Anak, wala kang alam sa trabaho dito! Baka sa France, doon ka magaling. Pero dito? Hindi ka nila tatanggapin nang basta-basta, lalo na ang matitinik na board members na hayok na hayok sa posisyong iniwan ni Ennui. Kailangan nga nilang higitan ang dedication ni Ennui, eh." Tumayo ito, nanginginig pa mula sa tama ng alak, at itinuro siya. "Kahit ang board members, duda kung kaya mong maging CEO. Wala kang experience, ni hindi mo alam ang hirap ng logistics business na pamumunuan mo!"
Nanatiling tahimik si Jay, pero bakas sa kanyang mukha ang tensyon. Alam niyang may katotohanan sa mga sinasabi ng kanyang tiyuhin. Pero imbis na magalit, ngumiti siya nang bahagya, isang confident na ngiti na tila nagbibigay ng subtle warning.
"Then, I'll prove them wrong, Tito," sabi niya na puno ng determinasyon. Tumalikod siya at dumiretso sa bintana, tanaw ang cityscape ng Kamaynilaan.
Napailing si William bago muling bumagsak sa sofa. "Sana nga. Pero huwag kang masyadong magtiwala, Jay. This place? Kakainin ka rito nang buhay. Kaya ihanda mo na ang sarili mo. At any time, magsisimula ka nang mag-training sa logistics company."
"Why logistics? Sobrang daming komplikasyon sa trabahong iyon. Super stressful," reklamo naman ni Jay. Akala pa man din niya, siya ang magde-decide kung anong kompanya ng Guillermo group ang kanyang papasukin.
"Mas hands on, at kailangan nila ng maraming tao," pakli naman ni William.
Habang pinapanood ni Jay ang liwanag ng lungsod, ramdam niya ang bigat ng responsibilidad na dala niya. Pero sa kabila nito, ang mga alaala ng nakaraan at ang taong iniwan niya rito, ay tila nagsusumigaw na naman sa kanyang isip.
"Marla. Yes, ikaw na naman," bulong niya sa sarili kasabay ng isang kusang ngiti.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro