Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Story #6 - Westlife Merch

Malaki ang ngiti ng labinwalong taong gulang na si Hazel nang matanggap ang tawag ng Shopee. Nandiyan na ang parcel na in-order niya sa isang shop na nakadestino sa ibang bansa.

"Shopee na naman," naiiling na lang na sabi ng kaniyang inang si Ginalyn. "Naku, Hazel ha? Diyan na lang napupunta lahat ng sinasahod mo. Mag-ipon ka naman." Itinuloy na nito ang pagwawalis ng bakuran.

"Opo, Mama. May naiipon naman po ako kahit papaano." Agad pumasok si Hazel dahil sabik na siyang buklatin ang binili niya. Alam naman niya ang itsura noon dahil nakita na niya ito online pero iba pa rin ang pakiramdam kapag hawak na mismo 'yung i-ch-in-eck out niya.

"Alexa, pakikuha naman ng gunting, oh."

Dagli naman sumunod ang nakababatang kapatid ng dalaga. Mayamaya pa ay dala na nito ang gunting na kulay kahel ang hawakan.

"Ate, 'yan na ba 'yung A'TIN merch?" saad ni Liezl na nakababatang kapatid ng dalaga. Big fan kasi ito ng PPop group na tinukoy.

"Ah, hindi pa. Iba 'yun. Baka bukas pa ang dating no'n."

Napasimangot naman si Liezl. "Ay sige. Akala ko pa naman." Tumayo na ito. "Sige, Ate. Gagawa na ako ng modules."

Nang makaalis ang kapatid ay muling natuon ang atensiyon ni Hazel sa parcel. Gamit ang gunting ay ginupit na niya ang packaging nito. Nang matagumpay niyang alisin iyon ay tumambad naman sa kanya ang bubble wrap na agad niyang hinati gamit din ang gunting.

"Sa wakas!" Sabik na hinawakan ni Hazel ang ilang piraso ng Westlife CD na in-order niya. Sinuri niya ang jewel case noon. Wala namang crack.

Napangiti siya. Isa sa relief bilang Westlife merch collector tulad niya ay ang makitang walang damage ang mga ino-order niya. It would be a nightmare if she received a CD with a cracked jewel case. What's worse is, if the defect is found on the CD itself.

Makapigil-hininga niyang isinaksak isa-isa ang mga CD sa player. Tahimik siyang nagbunyi nang masigurong lahat naman iyon ay gumagana.

Senior Highschool pa lang si Hazel ay nangongolekta na siya ng merch. Ngayon ngang nasa kolehiyo na siya at mayroong part time work sa office ay mas nagkaroon siya ng maraming oportunidad na bilhin ang mga ninanais niya. She's single and still living with her parents kaya hindi pa niya gano'n iniisip ang bills. Hindi rin naman siya pinupuwersa ng mga magulang niya na magbigay. Saka na lang daw sabi ng Papa Jojo niya kapag tapos na siya ng kolehiyo.

Gayunpaman ay kusa namang nagbibigay si Hazel. Hindi rin siya maramot kapag nilalambing siya ng mga kapatid niyang sina Alexa Trish at Liezl kapag may gustong ipabili ang mga ito. Ngayon nga ay natipuhan ni Liezl ang lightstick at photocards. Ito nga ang inaabangan nitong parcel.

***

Isinalansan na ni Hazel ang mga bago niyang CD sa built-in cabinet na ginawa ng kaniyang Papa Jojo. Taliwas sa kaniyang ina ay napaka-supportive ng kaniyang ama sa pangongolekta niya. Sabi ng papa niya ay nakikita raw niya ang sarili niya kay Hazel dahil noong binata pa raw siya ay nangongolekta rin siya ng cassette tapes ng Beatles at MLTR.

Ang papa niya rin ang nag-aabot sa kaniya ng pambili ng merch noong wala pa siyang trabaho. Ang kapalit lang na hinihingi nito kay Hazel ay ang pagbutihin ang pag-aaral.

Hazel finished Kto12 with flying colors, dahilan para madali siyang nakakuha ng full scholarship sa unibersidad na pinapasukan.

***

"Malapit ko na kayong makumpleto." Tila ba may sariling buhay na kinakausap ni Hazel ang mga koleksiyon.

Muli siyang humugot ng isa roon. Nakuha niya ang solo album ni Shane Filan na Right Here.

Kusang ngumiti ang kaniyang mga labi. Hinayaan niyang paglandasin ang mga daliri sa album cover nito. Inusisa niya ang bawat detalye ng mukha ni Shane na nakaimprenta roon.

Si Shane Filan ang main vocalist ng Westlife. Siya rin ang hinahangaan ni Hazel sa grupo. Kumbaga sa BTS, si Shane ang bias niya sa Westlife.

Nakaramdam siya ng kilig na gumapang sa buong sistema niya. Larawan palang kasi ni Shane ay bumubuo na ang araw niya. Paano pa kaya kung mismong si Shane na?

Muling ibinalik ni Hazel ang CD sa cabinet at pagkatapos ay isinara niya iyon. Humugot siya ng malalim na paghinga. Ang mapansin ni Shane ay para bang kasinlabo na hanapin ang bente singko sentimos sa malawak na karagatang Pasipiko. Tanggap naman na niya iyon pero hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa.

***

"Wow, may top fan badge ulit ako," saad ni Hazel nang mag-notify ang official page ni Shane Filan sa FB niya. Given na 'yun dahil naka-see first siya sa page ng lalaki. Lahat ng post nito ay nila-like niya at iniiwanan ng komento.

"Sana malaman ni Shane na isa rin ako sa top fans niya outside Facebook."

Tipid siyang ngumiti.

"Ateeeeee!" Nagulat siya nang humiga si Liezl sa tabi niya. Kumiwal-kiwal ito sa kama na para bang uod siya na inasinan.

"Bakit?"

"Na-shoutout ako nina Ken at Stell sa IG live!" Pagkatapos nitong sabihin iyon ay isang nakaririnding palirit ang pinakawalan niya. Ang tinutukoy ni Liezl ay ang mga miyembro ng SB19 na hinahangaan niyang grupo.

Hinayaan lang ni Hazel ang kapatid na magbunyi. Natutuwa siya para kay Liezl. Tulad niya ay matagal na rin itong naghihintay na ma-notice ng iniidolo. Ngayon ngang araw ay natupad na ang ninanais ng kaniyang kapatid.

Ni-like ni Hazel ang Facebook story ni Liezl. Clip iyon ng screen recording na binabanggit ni Ken ang "Shoutout sa 'yo, Liezl from Davao." na sinundan ng "Hi, Liezl" ni Stell.

Hindi man fan ng SB19 si Hazel ay na-appreciate niya ang ginawa ng mga ito para sa kapatid kaya nagpatugtog siya sa malaki nilang speaker ng ilan sa kilalang kanta ng mga ito tulad ng Bazinga, Tilaluha, Alab, Mapa, at iba pa.

***

Ika-27 ng Disyembre, taong kasalukuyan. Ngayon ang itinuturing na espesyal na kaarawan ni Hazel.

Wala siyang pasok sa unibersidad. Naka-leave din siya sa trabaho. Nagpaluto kasi siya ng pansit sa Mama Ginalyn niya para kahit papaano'y may pagsasaluhan sila ng pamilya niya.

Isinuot ni Hazel ang asul na bestida na may itim at puting polka dots. Iniayos din niya ang itim at kulot niyang buhok gamit ang headband na may palamuting spiral gold. Panghuli ay isinukbit niya ang black na bag na kukumpleto sa porma niya.

Nagpatugtog ng malakas na mga awitin ng Westlife ang Papa Jojo niya. Nagkaroon ng munting programa. Pagkatapos ng kaunting speech ay iniabot na ng mga kapamilya ni Hazel ang regalo sa kaniya.

Ang Mama Ginalyn niya ay binigyan siya ng ilang piraso ng brassiere at isang pares ng asul na sapatos. Ang Papa naman niya ay binilhan siya ng World of Our Own cassette tape ng Westlife.

"Pagpasensyahan mo na anak, second hand lang 'yan. Wala nang makitang brand new e. Na-release daw kasi 'yan twenty years ago pa."

Dinaluhong ni Hazel ng yakap ang ama. "Bago, second hand o third hand pa po 'yan, hindi po iyon mahalaga. Ang importante po ay naalala niyo ang kaarawan ko, Papa."

Gumanti ng yakap si Jojo sa anak. "Siyempre naman. Makakalimutan ko ba ang birthday mo? Anak kita eh."

"Oh, bago pa magkaiyakan, may ibibigay raw si Alexa," sabad ni Liezl sabay alalay sa bunso nilang kapatid.

Binigyan nito ang ate niya ng isang piraso ng lollipop. Bagama't tigpipiso lang iyon ay talagang naantig ang puso ni Hazel. Paborito kasi ni Alexa ang lollipop. Isang malaking bagay ang pag-give up nito ng isang piraso may maibigay lang sa ate niyang nagdiriwang ng kaarawan.

At ang panghuli ay ang kapatid niyang si Liezl. Pumunta pa ito sa kuwarto at paglabas ay may bitbit itong malaking kahon.

Napaawang ang bibig ni Hazel. Ngayon palang ay nagtataka na siya kung ano ang laman nito.

"Pagkalaki-laki naman niyan. Tao ba 'yung nandiyan? Westlife ba 'yan?" biro ni Hazel.

"Malay mo naman, Ate." Ngisi ang itinugon ng nakababatang kapatid ng dalaga.

Imposibleng Westlife 'yun dahil hindi 'yun mabubuhat ni Liezl.

Kinuha na ni Hazel ang kahon at gamit ang gunting ay gumawa siya ng siwang para mahati niya iyon.

Pagbukas niya ay isang kahong muli ang tumambad sa kaniya.

"Prank ba ito?" natatawang tanong ni Hazel.

"Basta, Ate. Buklatin mo na lang."

Gano'n nga ang ginawa niya. Hanggang sa isang kahon na kasinlaki ng posporo na lang ang natitira.

Ipinunas ni Hazel ang likod ng kamay sa kaniyang noo. "Ang dami no'n ha? May kahon pa bang kasunod?"

Umiling-iling si Liezl na noo'y kinukuhanan ng video ang kapatid.

Wala nang pinalipas na sandali si Hazel. Binuklat na niya ang maliit na kahon.

Tumambad sa kaniya ang isang papel na nakarolyo.

Dali-daling binuksan iyon ni Hazel.

Open your Instagram.

Dahan-dahang tiningnan ni Hazel si Liezl. May pagtataka sa mga mata niya ngunit imbes na tanungin ang kapatid ay ini-log in na lang niya ang Instagram account.

At ang sumunod na nakita niya ay hindi niya inaasahan.

"Hi Hazel! Happy happy birthday! We wish you to stay healthy and we wish you luck in your career. See you the soonest. Thanks for supporting our boyband."

Isang video greeting na nagmula sa Westlife ang naka-tag sa kaniya. Ini-upload ito ng kaniyang kapatid.

Bago magtapos ang video ay sumingit si Shane.

"Take care always. Mehel kita."

He gave her a goodbye kiss and then the video ended.

"Paanong... Teka, wait. H-Hindi ako makahinga."

Pinaypayan ni Hazel ang sarili. Inabutan naman siya ni Liezl ng isang basong tubig habang natatawa.

"Ate, kalma lang."

Naubos ni Hazel ang isang baso ng tubig. Nang maka-recover ay isang tili ang kaniyang pinakawalan.

Doon na nagsimulang magpaliwanag si Liezl.

"Ate, sa tuwing humihiling kami sa 'yo ni Alexa, hangga't kaya mo, ibibigay mo sa amin. Kaya ngayon ako naman ang gumawa ng paraan para kahit papaano ay maibalik ko ang kabutihan mo sa aming mga nakababatang kapatid.

Wala akong sapat na pera para ibili ka ng merch kaya nag-search ako sa internet ng puwede kong gawing regalo sa iyo. Sakto naman, may pa-contest ang Westlife na kailangan lang i-follow 'yung Spotify account nila and at the same time e ilagay sa favorites 'yung playlist nilang Wild Dreams. Na pipili sila ng limang fans na bibigyan nila ng video message.

Hindi ako nag-atubiling gawin iyon, Ate. Hiningi ko pa ang tulong ng classmates ko at pinagawa ko sa kanila 'yung ginawa ko. Sa kasuwertehan, napili si Claire, 'yung isang classmate ko kaya ginamit ko 'yung opportunity para ipabati ka sa Westlife."

May sasabihin pa sana si Liezl pero hindi na natuloy dahil niyakap na siya ni Hazel na noo'y halohalo ang emosyon.

"Salamat... Maraming salamat."

"You deserve it, Ate."

Ginulo ni Hazel ang buhok ng nakababatang kapatid. "Naku, good mood ako ngayon. Parang kinakati ang kamay kong bumili ng SB19 Back in the Zone Merch set."

Itinulis ni Liezl ang nguso. "Ate naman, baka sabihin mo ginawa ko 'to para sulsulan kang bilhan ako niyan. Hindi 'no. Bukal sa puso kong pinag-effort-an 'yang gift ko sa 'yo."

"Ah, okay. Ayaw mo yata no'ng boxset. 'Wag na lang."

"Ate naman!'
Natatawang-napakamot na lang si Liezl na sa loob-loob ay gusto rin ang inaalok ng kapatid.

"Oh, tama na 'yan. Kumain na tayo ng pansit. Lumalamig na," alok ni Ginalyn na noo'y napapangiti sa bonding ng magkapatid.

Ito na ang pinakamasayang kaarawan ni Hazel sa buong buhay niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro