Story #2 - Ang Lihim ng Kuwarto
Magdadapit-hapon na nang marating ng magkakaibigang sina Kian, Nicky, Shane, Mark at Brian ang isang resthouse. Ito ang pansamantala nilang tutuluyan sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi habang isinasagawa nila ang research sa paligid ng Mt. Binutuan para sa kanilang thesis.
Inilibot-libot sila ng caretaker ng resthouse na si Mang Jose para maging pamilyar sila roon.
"Dalawa ang palapag nito. Mayroong tatlong silid dito sa baba. Mayroong lima sa taas." Tumigil sa paglakad si Mang Jose kung kaya napatigil din sa paglalakad ang magkakaibigian. "Lahat ng kuwarto ay p'wede niyong pasukan . . . liban sa nasa dulong kanan." Kita nila ang paggibik ng lalamunan ng matanda.
"Bakit po?" bakas ang paggaralgal sa boses ni Nicky.
"Mas mabuti pang hindi niyo na malaman." Isa-isang tiningnan ng matanda ang lima. "Tayo na."
Kinagabihan ay naalimpungatan si Mark. Nakararamdam siya ng tawag ng kalikasan. Bumangon siya at nilingon ang apat niyang kasama. Tulog na tulog ang mga ito dulot ng pagod na nakamit nila sa maghapong paglibot sa paanan ng bundok.
Dahan-dahan siyang bumangon sa higaan upang puntahan ang kasilyas na nasa baba.
Nang makaihi ay agad siyang umakyat para ituloy ang pagtulog. Paliko na sana siya sa kaliwa kung saan naroon ang kanilang kuwarto nang pukawin ang kaniyang atensiyon ng ipinagbabawal na kuwarto.
Napatigil siya at tila ba ay natuod siya sa kinatatayuan. Nanatili lang ang tingin niya sa naturang silid. Para bang mas lalo pa itong nagpabigat sa nararamdaman niya at sinabayan pa iyon ng malamig na hanging na nagmumula sa labas. Iba rin ang dulot ng tunog ng pumapagaspas na palapa ng niyog sa may labas lamang ng rest house.
Wala sa huwisyong lumakad siya paroon sa kinatutunguhan ng silid. Dahan-dahan at wala siyang nililikhang ingay. Ilang saglit pa ay naroon na siya mismo sa harap noon at nakatayo.
Akma niyang bubuksan ang seradura ng pinto nang may pumigil sa kanyang mga kamay.
"Huwag, bro."
Sa puntong iyon ay napapiksi si Mark, wari ba ay bumalik siya sa katinuan.
Nagpabalik-balik ang tingin niya sa seradura ng pinto at sa kaibigan niyang si Shane na siyang pumigil sa kaniya.
Naisapo ni Mark ang dalawang kamay sa kanyang ulo. "H-Hindi ko alam kung paano ako naparito." Ipinilig-pilig niya ang ulo.
"Alam ko, bro." Tinapik ni Shane ang kanang balikat ng kaibigan. "Dahil ako'y gan'yan din kanina."
Napaawang ang bibig ni Mark habang nakatingin kay Shane.
"Mabuti pang magpahinga na tayo. Bukas, aalis din tayo agad. Sa tingin ko ay sapat na ang mga nakalap nating impormasyon para sa ating pananaliksik."
Tumango si Mark at kagyat na nilang tinungo ang kanilang kuwarto para matulog.
Gaya ng napag-usapan ay nilisan na nila ang resthouse kinaumagahan. Isang sulyap ang ipinukol ni Brian sa itaas ng resthouse kung saan mayroon siyang nakitang anino.
Lesson: 'Pag sinabing bawal, bawal. Kaya maraming namamatay sa horror stories e kasi pasaway ang bida. Haha.
The End
[02-28-2021]
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro