Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Story #17: The Big Decision

“Di ka pa mag-a-out, Yvette?”

Sandali kong nilingon ang aking katrabahong si Loisa na hindi ko namalayang nasa may tabi ko pala.

“Oo, eh. Una na kayo. Mayamaya pa ako.” Muli kong tinutukan ang report na aking ginagawa sa Microsoft Word.

Yumukod si Loisa para mas makita ang pinagkakaabalahan ko sa kompyuter. “Corporate Governance Rep— oh, eh next week pa ang deadline niyan, ah? Bukas mo na 'yan gawin, girl.” Akma niyang iko-close ang file na ginagawa ko pero pinigilan ko siya.

“Kilala mo ’ko, Loisa. Ayokong magpabukas ng task.”

Nagpakawala siya ng buntonghininga. “Sige na nga. Basta kapag natapos ka na, umuwi ka na. Alam mo namang below minimum wage na nga tayo tapos wala pang bayad ang OT. 'Wag ka magpakamartir, girl. Hindi ka patatayuan ng rebulto ng AGD Corp.” Ang AGD Corp ang pangalan ng aming kumpanya.

Pagkatapos ng may kahabaang litaniya niya ay nagpaalam na siya. Napapangiti na napapailing na lamang ako habang pinakikinggan ang tunog ng takong niyang unti-unting humihina habang papalayo siya sa puwesto ko.

Tatlong taon mahigit na akong nagtatrabaho bilang clerk sa AGD Corp. Ito pa lamang ang nagiging trabaho ko mula nang maka-graduate ako. Though tama si Loisa, below minimum wage ang sahod namin dito. Ayos naman sa akin iyon. Single naman ako at nafu-fulfill ko naman ang pagbabayad sa bills kahit papaano. Nakapagbibigay rin ako kina mama ng parte ng sahod ko kaya masasabi kong okay naman ang kinikita ko rito.

Mula sa unang araw ng pagtatrabaho ko, sinisiguro ko na produktibo ako para walang masabi sa akin ang boss ko. Hindi ako makikita ng mga katrabaho ko na pahila-hilata, pagala-gala sa office o nakiki-chismis during shift.

Kapag naman sasapit ang uwian, isa ako sa mga naiiwan sa office. Binibiro nga ako ng mga ka-work ko, na kulang na lang, eh, ako na ang mag-keep ng susi ng office imbes na ’yong guard.

Hindi kasi ako napapakali na may naiiwang pending work kaya imbes na dalhin ko sa bahay ang mga alalahanin e tinatapos ko na lang muna bago umuwi. 'Yon nga lang, hindi bayad.

Isa-isa nang umaalis ang mga katrabaho ko. Mga bandang alas singko y medya, mag-isa na lang ako. Lumingon-lingon ako para masigurong wala nang tao. Dinukot ko ang cellphone at earphones ko sa drawer ng station ko upang buksan and Spotify.

Napangiti ako nang bumungad sa akin ang pangalan ng favorite boyband ko. Ang Westlife.

Walang pagdadalawang-isip kong pinindot ang playlist na ang ngalan ay This is Westlife. Agad tumaginting ang kantang Fool Again, isa sa mga paborito kong kanta sa una nilang album.

Isa sila sa mga dahilan kung bakit nagpapakasipag ako ngayon sa trabaho. Three months ago kasi, nag-announce na magkakaroon sila ng concert sa Araneta. Bilang fan nila, hindi ako papayag na hindi makaka-attend lalo pa at ni minsan ay hindi pa ako nakakapunta sa anumang concerts nila.

Secured na ang Lower Box ticket na nabili ko. Mabuti na nga lang, may naitatabi akong pera kaya kaya nagkaroon ako ng pambili.

Next week na ang concert kaya naman ngayon palang, ginagawa ko na in advance ang tasks ko para pagbalik ko from PTO e hindi ako matambakan.

Hindi pa ako nakapagpaalam kay Ma’am Diana tungkol dito. Plano kong sabihan siya dalawang araw bago ang concert. Papayag naman siguro iyon. Wala pa naman akong nagagamit na PTO credits for the past six months, at okay naman ang performance ko sa trabaho.

~°~

“I cannot grant your request, Yvette. May ipinapa-rush ang management kaya baka hanggang hatinggabi tayo niyan.”

Nanginginig ang panga ko sa sinabi ng supervisor ko. Ano? Denied ang leave ko sa concert ng Westlife? Hindi puwede ito!

“Pero, ma’am. Nakabili na po ako ng ticket . . .”

Nagpakita ng simpatiya ang mga mata ni Ma'am Diana. Nagpakawala siya ng malalalim na buntonghininga sabay tinapik ang kanan kong balikat. “We need you here, Yvette.”

Nanatiling nakaawang nang bahagya ang bibig ko kahit nakaalis na si Ma'am Diana. Ubos-lakas akong sumalampak sa office chair habang pinipigil ang aking pagluha.

Matapos ang lahat ng ginawa ko para sa kumpanyang ito, simpleng request ko, tatanggihan nila?

Bakit simpleng kasiyahan ko, hahadlangan nila?

Buong araw akong walang ginawang trabaho. Oo, nagrerebelde ako!

"Yvette, follow up daw sa pinapagawang powerpoint ni Sir Delfin,” ani Raika na katrabaho ko.

“Oo, tinatapos na,” sagot ko kahit ang totoo ay wala pa naman akong nasisimulan.

Natapos ang araw, na maraming e-mail akong hindi binubuksan, karamihan pa sa mga iyon ay naka-mark na urgent.

Tingnan natin kung hindi sila magkakagulo.

Kalalaliman ng gabi ay nabulabog ako ng pagtawag sa cellphone ko. Nang tingnan ko iyon ay mula iyon kay Ma'am Diana. Tinitigan ko lang iyon hanggang maputol ang pag-ring ng cellphone.

Nang kalikutin ko ang cellphone ko ay nakita kong nakaka-30 missed calls na pala siya at 97 messages. Nagbukas ako ng ilan.

Yvette, natapos mo ba yung file? Badly needed. ASAP sana.

Itinaas ko ang kanang kong kilay. Ako lang ba talaga ang inaasahan nila riyan? May ibang clerk pa naman, ah?

Umupo ako sa gilid ng kama ko. May kinuha ako sa loob ng aking bag. Isang flashdrive. Nandoon lahat ng files na kailangan ni ma'am. Napaisip nga ako, eh. Hindi naman kasama sa job description ko ang paggawa ng kung ano-anong Excel, Word, and Powerpoint file na nandito.

Inilibot ko ang tingin ko sa aking silid. Napangiti ako nang makita ang hugis-cylinder na basurahan. Mataman kong tinitigan iyon at mayamaya pa ay pina-shoot ko roon ang flashdrive.

Muli akong bumalik sa pagtulog na may ngiti sa mga labi.

~°~

Mabigat ang loob kong binaba ang jeep na sinakyan ko papunta sa office.  Pinagmasdan ko muna ang kabuuan noon bago ko napagpasyahang tumawid sa pedestrian lane papunta roon.

Hahakbang na sana ako nang may pumigil sa isa kong braso.

“Loisa?”

Inismiran niya ako. “At talagang papasok ka pa rin, ah?”

Nagugulumihanan ko siyang tiningnan.

Pinagkrus niya ang mga kamay sa harap ng kaniyang dibdib. “Concert ng Westlife ngayon, ’di ba?” Napatango ako.

“You shouldn’t be here. Masyado ka nang nagpapauto sa kompanyang iyan. Did they ever make you feel valued? You’re doing extra tasks but those were not compensated. Tapos iyang pag-attend lang ng concert, hindi ka nila papayagan? Anong klaseng kompanya 'yan?”

Her words struck me. May point siya.

May kinuha siya sa loob ng portfolio na hawak. “Sign this.”

Nang kuhanin ko iyon ay napaawang ang bibig ko. Resignation letter? She made one for me?

“Pirmahan mo, girl.” May kinuha rin siya sa kaniyang isa pang papel. Iwinagayway niya iyon sa akin. “Siyempre dapat ako, meron din.”

~°~

Kalalabas lang namin ng company building. Yes, we filed our immediate resignation. Masasabi ko mang biglaan but it's all worth it. Para akong nakawala sa isang masikip na hawla.

“Oh, ayan. Makaka-attend ka na sa concert ng Westlife mo.”

Binigyan ko si Loisa ng ngiting umaabot hanggang tainga. “Salamat.”

“Sus, wala 'yon. Dapat nga matagal mo nang ginawa iyon.” Hinarap niya ako. “Maraming kumpanya riyan na babayaran ka ng higit pa sa sinasahod natin diyan. Yung babayaran bawat singko ng overtime hours na gugugulin mo. 'Yung company na papayagan kang magbakasyon. At 'yong company na ima-maximize 'yong potential mo bilang isang manggagawa.”

May kinuha siya mula sa bulsa. "Eto, calling card ng mga company na nag-alok ng trabaho sa akin. You may want to consider applying there.”

Walang pagdadalawang-isip kong kinuha ang ibinibigay niya. “Salamat.”

"O sige na. May van na papuntang Araneta. Sumakay ka na para makita mo na ang Westlife.”

Binigyan namin ang isa't isa ng mahigpit na yakap bago ako tuluyang sumakay sa sasakyan.

~°~

Ngayon, mayroon na akong maayos na trabaho. Isang taon palang ako rito pero na-promote na ako sa mas mataas na posisyon. Maayos din silang magpasahod na kung ihahambing sa nakukuha ko sa dati kong kumpanya ay triple ang katumbas ng tinatanggap ko ngayon. Ang nakakatuwa pa, dito ko nararanasan ang pagkakaroon ng work-life balance. Nakaka-attend na rin ako ng concerts kailan ko man gustuhin. 

At 'yong dati kong kumpanya? Balita ko, nag-file ng bankruptcy. Mula kasi nang mag-resign kami ni Loisa ay sunod-sunod na rin ang pag-alis ng ibang workers doon. Wala na ring masyadong nag-apply kaya lalong bumaba ang manpower.

"Ma'am. . .” Naputol ang pagmumuni-muni ko nang tawagin ang atensiyon ko ni Mina, ang isa sa clerks na handle ko.

“How can I help?” nakangiti kong tanong sa kaniya.

“Ano po kasi . . . Ahm, puwede po ba akong mag-halfday? K-Kasi concert po ng ENHYPEN ngayon. A-Ano po kasi, a-attend po sana ako,” saad niya habang nahihiyang nakatungo ang ulo.

Kuminang ang mga mata ko. Tila ba may isang memorya na nanumbalik sa utak ko. Nginitian ko si Mina kahit hindi niya nakikita. “Approved.”

Kulang na lang ay tumalon siya sa harap ko sa sobrang saya. "Hindi ko po alam kung paano magpapasalamat sa inyo, ma'am. Sobrang saya ko po!”

Nakangiti kong sinundan ng tanaw si Mina palabas sa office ko. Nang mawala siya sa paningin ko ay dumako ako sa bintana para pagmasdan ang kaabalahan ng siyudad kung saan naroon ako.

“Take care of your employees and they will take care of your company,” bulong ko sa sarili ko habang nakangiti.

Wakas

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro