Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Story #15 Bus

"BYE, see you!"

Tuloy-tuloy lang ang pagkaway ni Stella sa katrabaho niyang si Annmarie. Katatapos lang nilang magsara ng coffee shop na kanilang pinagtatrabahuhan. Kabilang siya sa closer shifts.

Nang mawala sa kaniyang tanaw ang dalaga ay unti-unting napalis ang ngiti sa mga labi niya na sinabayan ng dahan-dahan niyang pagbaba ng kamay. Nang mapag-isa ay saka lang niya napagtuunan ng pansin ang pagod. Pagod na dulot ng maghapong pagsisilbi sa mga taga-Sligo na nagawi sa kanilang shop.

Matiyaga siyang tumayo sa tabing-kalsada habang naghihintay ng bus. Wala siyang sariling sasakyan. Masyadong mahal ang bayad sa jomaxi kaya wala siyang choice kundi mag-commute. Ayos naman sa kaniya iyon. Sa tatlong taon niyang pagbu-bus ay hindi naman siya napapahamak kahit halos alas onse na ng gabi siya nakasasakay.

Ilang minuto pa ang hihintayin niya bago dumating ang kasunod na bus kaya naman kinuha muna niya ang phone. Tatawagan niya ang inang nasa Pilipinas. Seven hours ahead ang bansa kumpara sa Ireland kung nasaan siya ngayon.

"Ma."

"Oh, Stella, 'nak. Nakauwi ka na ba? Kumusta ang trabaho?"

Nagpalinga-linga muna ang dalaga bago sumagot. "Ayos lang, 'Ma. Ka-a-out lang po namin. Actually, nandito pa po ako sa bus stop."

"Eh, bakit tumatawag ka agad? Mamaya niyan e may humablot ng selpon mo, sige ka."

"Di po 'yan, 'Ma. Kampante akong walang mangyayari sa akin. Kilala ko na ang mga tao rito." Tinaasan niya ang brightness ng cellphone para mas makita niya ang ina. "Kumusta kayo riyan?"

"Ayos naman. Eto, ipinagluluto ko nga ng almusal si Yanyan. Teka, nasaan ba 'yon? Yanyan? Yanyan! Naku, tulog pa rin. Ginising ko na 'yon, eh." Ang bunsong kapatid ni Stella ang tinutukoy ng ina.

"Hayaan mo na, 'Ma. Baka napuyat na naman 'yon kaaaral.  Nasaan sina Papa? Sina Hubert at Beverly?"

"Si papa mo, nagdya-jogging kasama ang Ninong Alfie mo. Sina Hubert at Beverly naman, hayun, kanina pa umalis para pumasok sa trabaho."

Napatango-tango si Stella.

Muling nagsalita ang kaniyang ina. "Eh, anak. Kailan mo ba balak umuwi rito? Kung ako sa 'yo, tanggapin mo na 'yong alok ng Tito Phil mo. Kilala mo naman 'yon. Malaki ang tiwala sa iyo kaya sa iyo gustong ipa-manage 'yong pinatayo niyang café."

Napalabi si Stella. Gusto rin naman niya sana ang inaalok ng tiyuhin ngunit hindi siya agad makaoo. Hindi niya basta-basta maiwan ang Ireland. Hindi siya puwedeng umalis hangga't hindi natutupad ang nais niya, na nag-iisang dahilan kaya sa bansang ito niya mas piniling magtrabaho.

"Pag-iisipan ko, 'Ma. Icha-chat ko na lang si Tito Phil kapag may desisyon na ako." Saktong may tumigil na bus sa harap niya nang sabihin niya iyon. Nagpaalam na siya sa ina at isinuksok na ang cellphone sa bulsa.

Paakyat na sana siya nang may isang lalaking nakasuot ng grey hoodie at denim pants. Nakasuot ito ng itim na facemask at cap na kulay black. Pinauna na niya itong sumakay.

Nginitian ni Stella ang driver nang i-tap niya ang beep card sa machine. Kilala na niya ito. Si Scott. Nang makapagbayad ay inilibot niya ang tingin sa bus. Punuan ngayon at may natitira na lang na isang slot– ang slot na katabi ng lalaking kasasakay lang din ng bus.

Dinako na ng dalaga ang natitirang bakanteng upuan. Kadalasan, binabati niya ang nakakatabi niya sa bus pero ngayon ay hindi. Nakapikit na kasi ang katabi niya habang magkakrus ang mga braso sa harap ng dibdib. Nakahilig din ang ulo nito sa bintana.

Nang maging komportable sa pagkakaupo ay sabik niyang kinuha ang earphones. Isinuksok iyon sa cellphone at dagli niyang pinatugtog ang paborito niyang playlist– ang Westlife. Amazing ang unang kanta niyang pinakikinggan.

Tila ba nagkaroon siya ng sariling mundo nang pumailanlang ang awiting iyon. In-imagine niyang nasa isa siyang music video.

Tinedyer pa lamang siya ay masugid na siyang tagasubaybay ng bandang ito. Kung tutuusin, ang mga kaedad niya ay nahuhumaling sa One Direction, EXO, Super Junior at iba pa ngunit itinuring niyang iba ang sarili.

Nagsimula iyon nang maikasal ang Tito Rufo niya. Si Tito Rufo ang bunsong kapatid ng mama ni Stella. Kuwarenta anyos lang ito. Sampung taon ang nakaraan nang makipagtali ito ng puso kay Celeste na bata lamang sa asawa ng limang taon.

Nang magkolehiyo si Stella ay nakitira siya kina Tito Rufo niya. Nalaman niyang masugid na fan ng Westlife ang Tita Celeste niya na kalauna'y na-adapt na rin niya.

Isang Irish boyband ang Westlife na binubuo ng apat na bachelor na naglalaro sa apatnapu hanggang apatnapu't dalawa ang edad. Hanggang ngayon ay wala pang asawa ang mga ito.

"We are really enjoying our career that much that is why we forgot to date women," ani Kian sa isang interview.

"Dapat lang na hindi ka makipag-date. Hintayin mo muna ako," ani Stella nang nakaharap siya sa telebisyon nang kaniyang napanood ang panayam ng binata. Pabiro lang iyon. Alam niya sa sariling ni sa panaginip ay napakaimposibleng maka-date niya ang binata.

Si Kian Egan ang pinakapaboritong miyembro ng dalaga sa grupo. Ang binata rin ang dahilan kaya siya naroon sa Ireland. Gusto niyang makita at makaharap ang binata sa bansang tinitirhan nito.

Nagtapos na magnacumlaude sa kursong Kulinarya si Stella. Iba't ibang prominenteng kainan ang nag-aagawan sa kaniya sa Pilipinas. Ang ilan pa nga'y inaalok siya ng managerial position pero hindi niya pa rin tinanggap.

Ngunit nang may makita siyang job opening ng isang cafe sa Sligo para sa waitress position ay nakapagdesisyon siya nang mas mabilis pa sa alas kuwatro. Para sa kaniya, iyon ang magiging daan para matupad ang matagal na niyang ninanais.

Subalit, ilan taon na rin siya sa Sligo ay tila ba napakailap ng tadhana sa kaniya. Ni anino kasi ng binatang itinatangi ay hindi pa niya nasusulyapan. Magkagayunman ay hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Nararamdaman niyang balang-araw ay magkukrus din ang landas nila ni Kian.

Naputol ang pagbabalintataw ng dalaga nang biglang pumreno ang bus. Muntik nang mapahampas ang ulo ni Stella sa harap. Mabuti nalang ay naitukod niya agad ang mga kamay.

Inangat ng dalaga ang ulo. Noon niya nalamang mayroon palang tumawid na aso. Napatingin siya kay Scott. Napailing-iling na lang ang driver at muling pinaandar ang minamaneho.

Inayos ni Stella ang upo. Akma siyang pipikit para sana ay umidlip nang mapansin niyang gising na ang katabi. Nakaupo na ito nang maayos habang ang mukha ay nakatingin sa labas.

Hindi maialis ni Stella ang tingin sa katabi. Bagama't likod lang ng ulo nito ang nakikita niya ay naiba ang kabog ng kaniyang puso. Sunod-sunod iyon sa hindi niya maipaliwanag na dahilan. Nais sana niyang pakalmahin ang sarili ngunit tila ba may sariling utak ang kaniyang damdamin na tuloy-tuloy pa rin sa mabilis na pagpintig.

Habang nakatitig sa may batok ng lalaking may pagka-blonde ang kulay ng buhok ay umayos ito ng upo. Sa pagkakataong iyon ay mas nabigyan ng pagkakataon si Stella na usisain ang lalaki.

Napasinghap siya nang malalim nang mapagsino ang katabi niya. Sa hulma pa lang ng panga nito na umaalon sa tuwing ito ay lumulunok ay nakilala ito ni Stella.

Si Kian. Si Kian na matagal na niyang hinahanap. Si Kian na hinahangad niyang makaharap sa unang araw palang ng pag-apak niya sa Sligo ay heto, katabi na niya.

Halo-halong emosyon ang kaniyang nararamdaman. Nagtatalo ang dalawang bahagi ng kaniyang utak kung kauusapin ba niya ang binata o magpapatay-malisya. Sa huli ay nanalo ang huli.

Hindi niya namalayan ang pagdaan ng oras. Napagtanto na lang niya na nasa tapat na siya ng istasyon na madalas niyang tigilan. Ayaw pa nga niya sanang bumaba pero wala na siyang pagpipilian. Mahirap ang bus pabalik kaya mabigat man sa kalooban ay bumaba na siya. Bago siya makalabas ng bus ay isang malungkot na sulyap muna ang ipinukol niya sa pinanggalingang upuan.

Tila ba naglalakad sa buwan ang dalaga dahil mababagal at mabibigat na hakbang ang pinakawalan niya. Gusto niyang sisihin ang sarili dahil pinalipas niya ang pagkakataong makausap ang hinahangaan. Hindi niya namalayang napaiyak na pala siya. Hinayang na hinayang talaga siya.

"Babe." Nanginig ang buong sistema ni Stella nang may tumawag sa kaniya noon na sinundan ng pag-akbay sa kaniya ng isang makapangyarihang kamay.

"Just go with the flow. Pretend that we're a couple. Someone is following you."

Bumundol ang kaba sa puso ni Stella sa sinabing iyon ng umakbay sa kaniya. Hindi pa niya mapagsino iyon dahil hindi siya makalingon. Kahit hindi pa niya nakikilala ang itinuturing niyang hero ay napakagaan na agad ng pakiramdam niya sa lalaki.

Ilang bloke pa ang nilakaran ng dalawa nang sa wakas ay alisin ng lalaki ang pagkakaakbay sa kaniya.

"He's gone."

Ipinihit ni Stella ang sarili paharap sa itinuturing niyang knight-in-shining armor nang matulos siya sa kinatatayuan.

"K-Ki...an?"

Isang pamilyar na ngiti ang pinakawalan ng binata. Ngiting gustong-gusto ni Stella. Ngiting kapag tinagalan pa niyang titigan ay mawawalan na siya ng ulirat.

"I'm still two stations away but that creep seems suspicious. I know I could not sleep if I did nothing so I followed you," paliwanag ni Kian.

Hindi maproseso ni Stella ang lahat ng sinabi ni Kian. Ang tangi niyang alam ay bumaba ito para iligtas siya.

Nang hindi makakuha ng sagot mula kay Stella ay muling nagpatuloy ang binata. "Where do you live? I will take you home."

Makailang beses lumunok ang dalaga para ikalma ang sarili. Kahit nagwawala pa ang kaniyang puso ay sinagot niya ang tanong ni Kian. "I-It’s okay. I-I just live there."

"I insist." Walang ano-ano’y kinuha ng binata ang kamay ni Stella at ikinulong ito sa sariling palad. "Maybe that creep is still somewhere. Come on."

Parang naglalakad sa alapaap ang dalaga habang hawak-hawak ni Kian ang kaniyang kamay. Namalayan na lang niya na nasa tapat na siya ng sariling apartment.

Mula nang makasabay niya ang binata ay madalas na niya itong nakakasabay sa bus. Nakikilala na rin nila ang isa't isa nang paunti-unti. Minsan pa nga ay dinarayo na rin ni Kian ang pinagtatrabahuhan ni Stella. Itinataon niya ang pagpunta sa mga oras na pasara na ang cafe para hindi siya kuyugin ng tao.

Ang bawat kapeng isinisilbi ni Stella kay Kian ay ginagawa niyang espesyal. Nilalagyan niya iyon ng note. Kung itinatago iyon ni Kian o itinatapon ay wala siyang ideya. Hindi naman niya kasi maaaring tabihan ang lalaki sa oras ng trabaho.

"NAK, kailangan mo nang umuwi rito. Na-stroke ang Tito Phil mo. Kailangan niya ng titingin sa cafe pansamantala. Eh, sayang naman kung ipasasara. Maraming customers dito."

Nagtatalo ang loob ni Stella kung mananatili siya sa Sligo o susundin ang ina. Malaki rin naman ang naitulong ng Tito Phil niya sa kaniya lalo pa sa pangmatrikula noong siya ay nasa kolehiyo. Malaking bagay nang maituturing kung mapagbibigyan na niya ang tito sa pagma-manage ng cafe lalo pa sa kalagayan ng huli ngayon.

Sa kabilang banda ay pinipigilan siya ng kaniyang puso na umalis. Ngayon pa ba kung kailan napalapit na siya sa binatang matagal na niyang itinatangi?

Sa huli ay kailangan na niyang nakapagdesisyon kaya minsan, nang makasabay niya si Kian sa bus ay kinausap niya ito.

"This might be our last time together, Kian," may gibik sa lalamunang nasabi iyon ni Stella.

Gumuhit ang pait sa mga mata ng lalaki. Pakiwari ni Stella ay lumambong iyon. Hindi lang siya sigurado. Masakit man ay ipinaliwanag niya sa lalaki ang dahilan ng napipinto niyang pag-alis.

Sa huling pagkakataon ay inihatid siya ni Kian sa tapat ng kaniyang apartment. Walang makabagbag damdaming paalaman ang nangyari tulad ng mga ganap sa mga teleserye. Tipid lamang siyang nginitian at tinanguan ni Kian bago ito umalis pabalik sa bus station.

Sa bawat hakbang ni Kian palayo ay nadaragdagan ang panunubig ng mga mata ni Stella. Nang tuluyan nang mawala ang binata ay saka niya pinakawalan ang luhang nais kumawala kanina pa. Kung gaano siya katagal umiyak ay hindi niya alam.

HIGIT isang taon nang nakauuwi si Stella sa Pilipinas. Ganoon na rin katagal mula nang simulan niyang pamahalaan ang cafe ng kaniyang Tito Phil. Ibinuhos niya ang atensiyon doon para pagtakpan ang sakit at pangungulila sa lalaking kaniyang iniwan sa Sligo. Ang lalaking lagi niyang naaalala sa tuwing sumasakay siya sa bus.

Katatapos lang na mag-check ni Stella ng sanitation ng bawat lugar sa shop. Pumunta siya sa crew room kung saan nakatambay ang mga staff na naka-break. Binati siya ng mga ito kaya bumati rin naman siya pabalik.

Kinuha niya ang phone at pumunta sa YouTube. Panonoorin niya kasi ang video ng isang famous vlogger kung saan na-feature si Kian Egan. Ngayon ang scheduled upload noon kaya balak na panoorin iyon ni Stella.

House tour ang tema ng vlog. Kumirot nang kaunti ang puso ng dalaga nang unang ipakita sa video si Kian. Sa obserbasyon niya ay tila ba masayang-masaya ito. May bahagi sa isip ni Stella na naisip niyang nalimutan na siya ng binata at iyon ang ikinalulungkot niya. Hindi malabo iyon lalo pa at sa maikling panahon lang sila nagkasama ni Kian kaya hindi malabong malimutan din siya nito agad.

"Kahit nakalimutan mo ako, hindi kita magagawang kalimutan, Kian." Napakurap-kurap si Stella nang matantong naiusal niya pala iyon. Lumingon-lingon siya. Napahinga siya nang maluwag nang malang mag-isa na lang siya sa crew room.

Muli niyang ipinagpatuloy ang panonood. Maraming parte ng bahay ang ipinakita sa vlog.

NAPAHIGPIT ang paghawak ni Stella sa cellphone nang mahagip ng kaniyang mga mata ang refrigerator sa likod. May mga nakakabit doon na pamilyar na pamilyar sa kaniya!

Kumabog ang puso niya. Gusto niyang kumpirmahin kung tama ang kaniyang hinuha.

"What are these notes, Kian?" Kumuha ng isa ang vlogger at binasa ang naroon. Smile always, Kian. ü ang nakasaad doon.

"These notes..." Binalingan ni Kian ang lahat ng tinutukoy. May katigasan na ang mga iyon dahil pinagawa niya iyong acyrlic ref magnet. "...came from a very special woman. The woman I met a year ago in a bus station. The woman who meant a lot to me."

Halos mabingi si Stella sa sinabing iyon ni Kian. Paulit-ulit niyang nire-replay ang video dahilan para bumugso ang kaniyang mga luha.

Patuloy na pinanood niya ang vlog at doon isinalaysay ni Kian ang pagkikita nila ng babaeng tinutukoy niya. Wala mang pangalan ngunit siguradong-sigurado si Stella na siya ang tinutukoy ni Kian.

"Every single day, I am waiting for her to come back. But as much as I wanted to keep her, I still let her go because I want to see her grow."

Kinipkip ni Stella ang cellphone. Isang desisyon ang nabuo sa isip niya.

KANINA pa paulit-ulit na tinitingnan ng dalaga ang orasan. Mag-aalas onse na. Kahit kalalapag lang ng eroplanong sinakyan niya isang oras ang nakaraan ay dumiretso agad siya sa lugar na puno ng alaala.

Ang bus stop.

Hindi siya sigurado pero nagbabakasakali pa rin siya na maabutan doon si Kian. Ayon sa binata sa vlog, madalas pa rin daw na tumatambay ito sa lugar kung saan sila unang nagtagpo ng babaeng nakilala niya. Alam na alam ni Stella na dito iyon, sa bus stop.

Nagdiwang ang puso ng dalaga nang makita ang pamilyar na pigurang nakaupo sa bench.

"Kian?"

Hindi lumipas ang isang segundo dahil agad nag-angat ang ulo ng kaniyang tinawag. Bumanaag sa mukha nito ang labis na kasabikan at halo-halong emosyon. "S-Stella? You came back!"

Maluha-luhang sinalubong nila ng yakap ang isa't isa. Yakap na ipinararating ang emosyong matagal na nilang sinikil sa isa't isa.

Mayamaya ay kumalas sa pagkakayakap si Kian. Sinapo niya ang mukha ni Stella at pinaglapit niya ang noo nilang dalawa.

"I-I don’t know what to say..."

"I watched the vlog..." panimula ni Stella. "...and I saw the notes I pasted on the cup of coffee that you've ordered before. I am not sure if I was the girl you are referring to so I'm taking my chan—"

"You are indeed the woman I am talking about." Bumaba ang tingin ni Kian sa mga labi ni Stella. Naroon ang pagnanais niyang angkinin iyon pero pinangungunahan siya ng hiya.

Umangat ang sulok ng mga labi ni Stella. Walang ano-ano'y hinigit niya ang batok ng lalaki palapit sa kaniya upang angkinin ang mapupula nitong mga labi.

Kapwa puso nila ay nagdiwang sa mga sandaling iyon. Parehas silang napangiti nang magbitiw ang kanilang mga labi para umapuhap ng hangin.

"What was that?"

Namula ang pisngi ni Stella sa tanong ni Kian. "I miss you kiss, I guess?"

Hinapit ni Kian ang dalaga papalapit sa kaniya. "How about my I love you kiss?"

Akmang bibigyan ni Stella ng halik ang binata nang may tumigil na bus sa harap nila... ang bus kung saan sila unang nagkatabi. 

"Come on, love birds!" ani Scott sa dalawa.

"Let's go, Kian. I'll give you my I love you kiss up there!" ani Stella nang mapansing tila nakatulis ang nguso ni Kian na nagtatago sa likod ng facemask.

Gumaan ang aura ni Kian nang marinig ang sinabi ng dalaga. Sabik na ginagap nito ang kamay ni Stella at magkasunod nilang inakyat ang bus na nakabukas ang pinto para sa kanila.

Wakas

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro