Firefly 9 | Angelfish
Sinalubong sila ng harana ng mga ibong oriole na mistulang tunog ng plauta, ng sunud-sunod na talakan ng mga ibong wren at ng pagkakaingay ng walang-pakundangang mga antpittas na wari'y mga tunog ng kuwerdas na walang tono.
‧⋆.*ೃ༄₊
M A R T I N
Gamit ang hintuturo ay diniinan ko ang gitnang bahagi ng aking salamin habang tutok ang mga mata sa lumang librong binabasa—tungkol sa iba't ibang pamamaraan ng paggamit ng makina sa pagtatahi. Habang nakaupo ako sa malapad at bakanteng kahoy na upuan 'di kalayuan sa mga nagtatanghal sa gitnang bahagi ng plaza ay nasulyapan ko si Teren, na hindi mapagkakaila ang galak sa kanyang mukha at paghanga sa panonood. Sa banda kung nasaan siya, naroroon din ang ilang mga batang kaedad niya na kapuwa niya tuwang-tuwa sa mga tumutugtog ng plauta.
Makalipas ang ilang segundo ay pumihit ang ulo niya sa akin upang tunguhin ako. "Martin, mahirap ba ang ginagawa nila? Hindi ba sila nauubusan ng hininga sa kaiihip?" Tinabihan niya ako sa upuan.
Isinarado ko ang libro saka siya pinaliwanagan, "Mayroon silang tamang paghinga at pamamaraan para hindi maubusan ng hininga, Teren. Kahit ikaw, kayang-kaya mong tumugtog ng plauta kung pag-e-ensayuhan mo nang maigi." Mukhang interesadong-interesado siya base sa kislap ng magkaibang kulay ng kanyang mga mata.
"Talaga? Magiging magaling akong tumugtog ng plauta?"
Tipid akong ngumiti at tumango sa harap niya. "Oo naman. Kung gusto mo, tuturuan kita," alok ko saka marahang hinimas ang ulo niya.
Umawang ang mga labi niya. "Marunong kang tumugtog ng plauta?" hindi makapaniwala niyang usal. Wala siyang ideya tungkol doon.
"Oo, dati." Tumingin ako sa mga nagtatanghal na umiihip ng plauta sa gitna. "Minsan na nila akong nakasamang magtanghal. Tumigil lang ako dahil sa pagtatahi."
Nalukot ang noo ng musmos na gulang ni Teren. "P-pero, Martin... hindi mo ba kayang pagsabayin ang dalawa? Ang magtanghal at magtahi?"
Mahina akong nangisi sa tanong niya. Umiling ako. "Hindi na. Lalo pa ngayong ikaw na ang prayoridad ko. Hindi kita maaaring pabayaan."
"Hindi mo na kailangang gawin 'yon, Martin. Malaki na ako. Tingnan mo, malakas na ako." Pagkatapos ay ipinagmalaki niya ang kanyang mga braso upang ipakita sa aking malakas siya.
Kahit kailan talaga ay hindi nagkukulang si Teren na pasiyahin ako kahit na sa mga ganoong simpleng bagay lang. Hanggang kaya ko, gagawin ko ang lahat para sa kanya at sa kapakanan niya.
Naalala ko pa noon kung gaano siya kalungkot nang hindi sinasadyang maibagsak niya ang plautang yari sa kahoy na ibinigay ko sa kanya. Iyak nang iyak si Teren habang nasa magkabila niyang kamay ang baling plauta at nakalabing humihingi ng pasensya sa akin. Naiintindihan ko ang nangyari at hindi kapabayaan ang ginawa niya. Pagkatapos noon ay binilhan ko ulit siya ng panibago at pinagkaingatan na niya iyon hanggang sa matuto na siyang tumugtog sa ilalim ng paggabay ko.
Isang taon noon bago mawala ang ina ni Teren, unti-unti ko nang napapansin ang muling pagsilay ng mga masasayang ngiti sa kanya. Matagal-tagal din siyang nalungkot, nalumbay at tumamlay dahil sa nangyari at biglaang pagpanaw ng kanyang ina dahil sa aksidente. Hindi ko pa maikumpara kung ano ang pinag-iba ng ugali ni Teren noon bago mawala si Tasya—ang alam ko lang, sa murang edad na kinabibilangan niya ay mas lumamlam ang kanyang pakikitungo at bumagal ang pag-usbong ng kanyang pagkatao, pati na ang pakikihalubilo sa ibang tao dahil doon. Hindi naman ako nawalan ng pag-asa na isang araw, babalik din ang sigla sa kanyang mukha sa tulong pangaral na ituturo at arugang ipararamdam ko sa kanya.
Nang naging sapat na ang karanasan ni Teren sa pagtugtog ng plauta, pagtuntong niya ng labing apat ay nagsimula na siyang lumahok sa mga tanghalan na nagaganap sa bayan o sa mga katabing nayon. Noong una ay natatakot siya at nag-aalinlangan dahil sa dami ng taong napapanood siya, ngunit isa lang ang payo ko sa kanya patungkol doon; tumingin sa isa at isantabi ang lahat.
Nakilala si Teren dahil sa kahusayan niyang tumugtog habang unti-unti nang nasasanay na magtanghal sa harap ng mga manonood. Bawat taon ay sumasali siya. Hindi nawawala kada pista. Palagi ring lumalahok tuwing may patimpalak ang bawat nayon. Hanggang sa dumating si Irene, isang bakasyonistang mula sa Bellmoral at binago nito ang lahat nang pansamantala itong kahumalingan ni Teren.
‧⋆.*ೃ༄₊
"Martin, ayaw ba ni Ate Lorie dito? Bakit niya kailangang umalis?"
Patuloy pa ring lumuluha si Yosef nang magpaalam si Lorie sa kanya kani-kanina. Napalagay na ang loob ng bata kaya hindi agad nito matanggap ang paglisan ni Lorie.
"Babalik din siya sa susunod na taon. Mabilis lang iyon," pang-aalo ko.
Nakalabi itong nasa tapat ng bintana at nakamasid sa labas. "Isang taon? 'Di ba matagal 'yon?" aniyang humihikbi.
Hinimas ko ang ulo niya habang nakatayo ako sa kanyang likuran. "Mabilis lang ang panahon. Bukas makalawa hindi mo namamalayan na lumipas na ang isang taon."
Hawak-hawak niya ang elepanteng stuffed toy na bigay sa kanya ni Lorie. Mas matindi pa ang lungkot ni Yosef noong umalis si Teren na noo'y ilang taong nawala, kaya palagay akong mabilis ding maglalaho ang lungkot sa kanya 'pag lumaon.
"Tumahan ka na." Binuhat ko siya habang nakatingin siya sa mga mata kong tumatango. "Kapag sinulatan ko si Lorie, sasabihan kita para idadagdag ko sa liham ang gusto mong sabihin sa kanya. Ayos ba 'yon?"
Lumapad agad ang ngiti sa kanyang mga labi. "Sige, Martin!" tuwang-tuwa niyang usal. "Ikukuwento ko agad sa kanya ang unang araw ko sa eskuwelahan."
Bago ko dalhin si Yosef sa kusina upang simulan na ang aming agahan, muli lang akong sumilip sa labas ng bintana, sa bahagi kung saan kumakaway ang mga kamay ni Lorie na nagpapaalam sa amin kanina. Ilang araw din siyang namalagi rito, ngunit hindi ko man lang napansin sa kanya ang pag-aasam na malaman ang isang bagay kung bakit talaga siya naririto. Alam na kaya niya? Nabanggit na kaya ito ni Emma sa kanya?
Kumbinsido din naman akong pakikitao ang ipinakikita ni Teren kay Lorie. Bisita siya na pansamantalang nagbakasyon dito sa Jericho, wala naman sigurong ibang ibig sabihin iyon. Hindi ko lang minsan maiwasang hindi isipin ang pagiging malapit nina Lorie at Teren sa isa't isa. Ganoon na ba sila agad nagkagpalagayan sa loob ng maikling panahon?
Naghintay lang ako ng oras. 'Pagkabalik ni Teren ay ako naman ang aalis upang buksan ang shop at ituloy ang naudlot kong trabaho kahapon. Gusto ko sanang isama si Yosef upang malibang ang bata, pero noong tinanong ko siya, mananatili na lang daw siya at hihintayin ang pagdating ni Teren.
Nagtanggal na muna ako ng mga alikabok at naglinis sa sala habang naghihintay. Itinapon ang basura sa labas at nagpasok ng mga kahoy na pandingas sa loob upang pagliyabin sa dapugan mamayang hapon. Sa maliit na istante kung saan ako natigil, naroroon ang nakatumbang frame at agad na pumukol sa akin ang unang araw ni Lorie dito sa guesthouse. Tangka niya iyong hihipuin noon, ngunit pinagbawalan ko siya.
Iniangat ko ang frame, ihinarap sa akin at tumambad ang isang litratong makapagpapaalala ng masaya kong kabataan. Magkakasama kami roon nina Tasya at Emma habang nakaakbay naman si Rocco kay Delia. Ilang dekada na rin ang lumipas. Ilang pista na rin ang nagdaan na nangyayari lamang kada apat na taon. Sa tagal ng panahon, marami na ang nagbago.
Napapangiti ako nang bahain ako ng mga alaala namin.
"Bawal ang maingay rito sa aklatan, Emma," pabulong na saway ni Tasya. "Gusto mo talagang hindi na ulit makabalik dito, ano?"
Nasa pagitan kami ng istante ng mga libro. Tikom na bumubungisngis si Emma.
"Ano ba kasing pinagtatawanan mo?" mahinang tanong ni Delia rito.
Natutop nito ang bibig at nagpipigil pa rin sa pagtawa. "Naiwan ko kasi iyong isa kong sapatos sa kotse ni Rocco," dahilan ni Emma at sabay-sabay na napatingin ang dalawa sa walang saplot na isang paa nito. Iyon din ang naging rason upang magpigil ng halakhak sina Tasya at Delia. "Nagmamadali kayong dalawa hila-hila ako papunta rito. Hindi ko na tuloy nabalikan 'yong isa kong sapatos."
Sa amin, silang tatlo talaga ang pinakamalalapit sa isa't isa. Kung hindi lang kami naninirahan sa iisang bayan, malamang wala akong gaanong kaibigan gaya nila.
Naggigirian sila roon samantalang ako di-kalayuan ay napapangiti na lang sa kanila habang namimili ng libro na babasahin sa kalapit na istante. Napukaw ng isang libro mula roon ang atensyon ko—libro tungkol sa iba't ibang uri ng mga isda. Dinampot ko iyon at hiniram saka agad kaming lumabas upang maiwasan na ring pagalitan ng katiwala ng aklatan dahil sa pag-iingay.
Gamit pa rin ang sasakyan ni Rocco ay sinuyod namin ang malawak na bukirin at nagtungo sa kalapit na burol saka nagpalipas ng oras sa ilalim ng malaking puno roon. Palagi kaming naroroon dahil sa preskong hangin habang nagpapahinga sa lilim nito. Matatanaw rin doon ang mga bulubundukin ng bayan habang pinagsasaluhan ang mga prutas at pagkaing nakasilid sa buslong dala ni Tasya.
Apat silang sama-sama at magkakatabing nagkukuwentuhan, nakahiga sa damuhan habang nakatingin sa maaliwalas na kalangitan. Ako naman ay mag-isang nakadapa ilang dipa ang layo sa kanila at binabasa ang isang uri ng isda sa pahina na inuusig ang kuryosidad ko.
"Kailan ka pa nahilig sa mga isda, Martin?" Umupo si Tasya at tinabihan ako.
"Wala akong hilig sa mga isda. Natipuhan ko lang na hiramin ang librong ito," tugon ko saka nag-angat ng tingin sa kanya. "Hindi ka ba nanghiram kanina?"
Sumandal siya sa lapad ng katabing puno, umiiling. "Hindi naman ako mahilig magbasa. Kung nanghiram ako ng libro kanina, malamang panay litrato lang ang titingnan sa bawat pahina," wika niya, hinahangin ang buhok.
"Ano ba ang hilig mo?" tanong ko at itinuong muli ang mga mata sa nakabukas na libro sa harapan saka sumulyap sa kanya.
"Hilig?" Lumabi siya saka pinag-isipan kung ano. "Hmm. Mahilig akong umakyat ng puno."
Nalukot ang pagitan ng mga kilay ko. "Sa dinami-rami ng puwedeng kahiligan mo, pag-akyat talaga ng puno ang pinakagusto mo?" Nagpapatawa yata itong si Tasya.
"Kaysa naman magsinungaling ako sa 'yo ng mga bagay na hindi ko naman talaga kinahihiligan." Ipinatong niya ang kanyang palad sa ulo ko. "Kung hindi ka kumbinsido sa sagot ko, hindi na kita ikukuha ng bunga kapag inakyat namin ulit ni Emma ang puno ng mangga. Kapag sumampid din ang saranggola mo sa tuktok ng puno, huwag kang umasang aakyatin ko iyon para sa 'yo."
Lumapad ang ngiti ko. "Kaya ko namang manungkit ng mga bunga mag-isa. Isa pa, kay Emma ko ipakukuha kung sumampid man ang saranggola ko."
Sinamaan niya ako ng tingin. "Hmp! Madaya!" Kapagkuwan ay nagtawanan kaming dal'wa. "Kahit kailan talaga hindi mo ako pagbibigyang manalo, ano?"
Labas ang mga ipin kong pumipilig ang ulo.
Mababaw man kung minsan ang pinag-uusapan namin ni Tasya, nagkakaroon pa rin iyon ng halaga dahil sa pagkakaibigang mayroon kami. Isa iyon sa ugaling nagustuhan ko sa kanya, iyong mga pasaring at pabiro niyang litanya na pagtatawanan naming dalawa. Bukod sa mabait at maganda, si Tasya ang pinakauna kong naging kaibigan sa lahat. Mapagkakatiwalaan siya at palaging nariyan na nakasuporta.
Pagkatapos ay dumapa siya sa tabi ko at sinilip ang pahina ng librong binabasa ko.
"Angelfish? Anong klaseng isda 'yan? Nakakain ba iyan?"
"Base rito, puwedeng kainin ang angelfish ngunit pili lang sa uri nila dahil sa nakalalasong tinataglay ng ilan." Kapuwa namin binabasa ang nakasaad doon upang patunayan ang ilan sa hinuha namin ni Tasya sa nasabing uri ng isda. "Kalimitang naninirahan ang mga ito sa tubig tabang," patuloy ko.
"Bakit naman tinawag na angelfish? Hindi naman 'yan mukhang isang anghel."
"Kung papansinin mo ang isda ng literal at ihahalintulad sa isang anghel, hindi mo talaga makikita. Wala mang biblikal na koneksyon, ang pinanggalingan ng pangalan nila ay binase sa hugis, lalo na ang pinahabang dorsal, ventral at anal fins. Kung sisilipin mo ang anggulo ng angelfish patayo, ang hugis ay maglalarawan ng ulo, pakpak at bestida ng isang anghel..."
Tulad ko, kapansin-pansin na kay Tasya ang pagiging interesado niya sa isda. Gusto kong ibahagi sa kanya ang nabasa at pagkakaintindi ko. Ngayong kapuwa na kami ibig pang basahin ang katangian at hitsura ng iba pang isda na nasa libro, mas natuon na lalo ang atensyon naming dalawa sa pagbabasa noong hapong iyon.
Bumukas ang pinto. Dumating na si Teren. Sa kanyang likuran, kasama niya pa rin si Lorie at dala-dala nila ang mga bagahe.
Mabilis kong itinaob ang picture frame na hawak ko. Nagtaka ako. "May nakalimutan ka ba?" Tumingin ako kay Lorie.
Nakangiti si Teren na nagtungo sa akin. Masaya siya. Nararamdaman ko. Pero bakit at ano ang dahilan?
"Napagdesisyonan kong dito na muna sa Jericho magpasko at magpaabot ng bagong taon," sagot ni Lorie sa akin na masaya rin sa naging pasya nito.
Natuwa ako. "Talaga? Mabuti naman kung ganoon. Sandali, ipaghahain kita ng almusal." Nag-umapaw bigla ang saya sa akin dahil doon.
"Ate Lorie!" Tumatakbong yumakap si Yosef nang makita itong muli. "Bumalik ka. Ang ibig sabihin ba hindi ka na ulit aalis?"
Lumuhod si Lorie at tinapatan ang laki ni Yosef. Tumango ito sa harapan ng bata saka kinintalan ng halik sa pisngi. "Mananatili pa ako rito ng ilan pang linggo. Magsasama pa tayo nang mas matagal."
Nagbubunyi si Yosef sa iwinika ni Lorie. Masayang-masaya ang bata. Gustung-gusto talaga niya si Lorie at ang kalmado nitong presenya sa loob ng guesthouse.
Dumiretso na ako ng kusina at ipinaghanda si Lorie ng agahan. Sa gilid ko ay lumapit si Teren at kumuha ng isang baso ng tubig sa gripo.
"May sinabi ka ba kaya nagbago ang isip niya?" mahinang usisa ko.
Umiling si Teren. "Hindi ko alam. Ang sabi niya panonoorin niya raw akong tumugtog ulit ng plauta."
Natigilan ako. Umusbong ang saya sa aking dibdib. "Ibig bang sabihin nito lalahok ka ulit sa tanghalan sa plaza ng Vanessa sa araw ng kapaskuhan?" Pumihit ang ulo ko sa kanya.
"Mukhang ganoon na nga." Hindi nawawala ang maliit na ngiti sa mga labi niya.
"Paano pala nalaman ni Lorie na tumutugtog ka ng plauta?"
"Nabanggit mo raw sa kanya ang tungkol sa pakikilahok ko noon sa mga tanghalan. 'Tapos nakita rin niya ang dalawang plauta—iyong sira at iyong ginagamit ko noon na nakasilid sa loob ng cabinet sa maliit na bodega ng toolshed."
"Nakita niya? Paano? Pinapasok mo siya sa loob ng toolshed?" Kunot ang noo ko, hindi makapaniwala.
Tumango-tango siya. "Lumabas siya ng guesthouse kagabi at kapuwa kami inabutan ng malakas na ulan sa may tawid-ilog, hindi tumila ang ulan kaya sa toolshed na kami nagpalipas ng gabi."
Matagal ko nang kilala si Teren at hindi siya gaanong nagkukuwento ng ganito sa akin. Sa loob ng ilang taon, madalas lang siyang tahimik at walang kibo, pero ngayon, nagagawa na niyang muling magbahagi sa akin—bukod ang panaginip na nabanggit niya sa akin kamakailan.
"Nasa tawid-ilog kayo? Hindi ba't sinabi ko sa 'yo na delikado roon?" Pumalatak ako. "Hinahanap mo pa rin ba ang amulet na 'yon?"
Hindi umimik si Teren at nilagok na lang ang tubig sa basong hawak niya.
"Gawin mong pandalawang tao ang ihahain mo. Nagugutom ako. Sasabayan ko si Lorie na mag-agahan," pakiusap niya saka umupo sa silya upang hintayin ang ihahanda kong agahan.
Mukhang si Lorie nga ang dahilan kung bakit siya nagkakaganoon. Ilan taon na rin simula nang makita ko siyang ganoon umasta, tulad ng dati... parang dati. Bukod doon, ipinagtataka ko rin ang pananatili ni Lorie sa toolshed niya buong gabi, dahil kailanman ay hindi pa ako nakapasok doon, pati si Yosef at maging ang ibang tao. Natatanging si Lorie lang.
Nakakapanibago ang Teren na nasaksihan ko noong umagang iyon. Pagbabago na ikinatutuwa kong masilayang muli sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro