Firefly 7 | Afterthought
L O R I E
Ilang beses nang tinangka ni Emma ang iwan ako noon. Alam ko. At nararamdaman ko ang maliliit na pahiwatig niyang umalis nang mag-isa't hindi ako kasama. Kaya sa bawat oras na pipikit ako, hindi maalis sa akin ang katiting na bagabag na isang araw ay baka wala na siya pagmulat ng mga mata ko.
Dumalo ako sa candlelight vigil ng bayan kahapon at iyon na siguro ang pinakamasayang gabing mayroon ako bago ko lisanin ang napakagandang bayan ng Jericho. Marami akong nakilalang mga tao, lalo na ang naggagandahang mga kababaihang dumalo rin. Hindi naging hadlang ang pagiging bagong salta ko sa bayan dahil sa mainit na pagtanggap nila sa akin, maging ang unang partisipasyon ko sa taunang padasal at ang lahat ng iyon ay ipinagpapasalamat ko kay Vance, sa paggabay at pagturing sa akin nang naaayon sa likas na mabuting pagkataong mayroon siya.
Maagang namalengke si Martin at isinama niya si Yosef sa sentro. Nagluto ako ng blueberry pancake noong umagang iyon. Ako lang ang mag-isa sa kusina at pinagkaingatan ang mga kagamitan. Sinobrahan ko ang luto at nagsalin ng mainit na tubig sa termos baka sakaling dumating ang dalawa at may agahan silang madatnan.
Sa kalagitnaan ng tahimik na almusal na mayroon ako, mahina ang mga yabag ni Teren na dumaan sa likuran ng silya kung saan ako nakaupo at kaswal siyang nagtungo sa lababo saka nagsalin ng isang baso ng tubig sa gripo. Napasulyap ako sa lapad na likod niya. Nakabihis na siya ng kanyang tipikal na damit at porma na madalas kong makita sa kanya sa araw-araw. Mukhang aalis siya at maghahatid muli ng mga palayok. Hinihintay niya lang siguro ang pagdating nina Martin para sa sasakyang gagamitin niya.
Gusto ko siyang aluking saluhan akong mag-almusal, ngunit naalala ko pa lang hindi madalas kumain si Teren tuwing umaga. Naikuwento na sa akin iyon ni Martin, ilang taon na rin nang magsimulang sanayin ni Teren ang kanyang sarili na mapag-isa at maglagay ng personal na espasyo sa mga tao—lalo na sa tulad kong hindi naman niya ganoong lubos na kilala.
Nang makainom ay ibinaba niya ang baso sa lababo at humarap sa akin. "Kumusta ang padasal ngayong taon?"
Hindi ko inaasahan iyon. Ngumunguya akong muling naglipat ng tingin sa kanya. Ipinakita ko ang ngiti kung gaano ako kasaya kahapon. "Marami akong nakilala't nakahalubilong mga tao," sagot ko. "Hindi pa ako nakapunta o nakadalo sa kahit na anong pagtitipon tulad ng padasal na nangyari kahapon. Masaya. Nakatutuwa ang kagiliwan at pagtanggap sa akin ng mga tao rito sa bayan ng Jericho."
Naglagay ako ng dal'wang blueberry pancake sa malapad na plato saka nagsalin ng mainit na tsaa sa tasa. Marahan kong itinulak iyon sa espasyo ng mesa na nakatapat sa bakante silya sa tapat ko. Napansin iyon ni Teren at alam niya ang pahiwatig kong saluhan niya akong mag-agahan noong mga sandaling iyon.
Hindi ako makapaniwala nang maupo siya roon. Wala akong pag-aalinlangang nabanaag sa mukha niya. Gusto niya talagang mag-almusal. Hindi nga lang ako sigurado kung nais niyang samahan ako o mag-almusal lang.
"Bago magsimula ang taunang candlelight vigil kahapon ay palagi akong nakalinga sa paligid para hanapin ka. Sinabihan ako ni Martin na dadalo ka kaya inaasahan kong nasa paligid ka lang kahapon habang naglalakad ang lahat patungong kapilya." Sinubukan kong magkuwento sa kanya.
Bumaba ang tingin niya sa plato. "Sumama ang pakiramdam ko kaya hindi ako nakapunta kahapon," rason niya, saka tinikman ang pancake na niluto ko.
"Ganoon ba? Dadaan ako ng butika mamaya pagkatapos bumisita kay Mrs. Sierra upang magpaalam. Ibibili kita ng gamot."
Umiling siya. "Hindi na kailangan. Ipapahinga ko lang 'to," kaputol ng sandaling iyon ay natigilan siya at nag-angat ng tingin sa akin, "magpapaalam? Aalis ka na ng Jericho?"
Tipid akong ngumiti saka tumango. "Bukas na ang muling pagdating ng tren sa nayon ng Charlotte. Babalik na ako sa Fawnbrook para makapagsimulang muli." Nasulyapan ko ang ganda ng magkaibang kulay ng mga mata niya, ngunit halata sa mga iyon ang bahagyang pagkagulat sa sinabi ko. "Ito na rin siguro ang tamang pagkakataon upang pasalamatan ka ng personal dahil hindi ka nagdalawang-isip na patuluyin ako rito sa guesthouse mo, Teren. Pangako, babawi ako sa susunod na magkita tayong muli."
Tahimik lang siya. Iwas ang tingin ng kanyang mga mata mula sa akin. "Paniguradong alam na ni Martin ang tungkol sa pag-alis mo. Siya na ba ang maghahatid sa 'yo sa istasyon ng tren sa Charlotte?"
Sa kanyang ilalim, dinampot ni Teren si Yuyu na halatang maamong-maamo na sa kanya saka marahang hinimas-himas niya ang ulo ng pusa. Sandaling bumaling doon ang atensyon niya habang naghihintay ng sagot ko.
"Alam na ni Martin ang tungkol sa desisyon kong umalis na bukas kasabay ng pagdating ng tren biyahe pabalik ng Fawnbrook. Nabanggit ko na rin kay Vance ang tungkol sa pag-alis ko, iyong lalaking mangangabayong nakilala ko na nagtratrabaho sa pastulan ni Mrs. Sierra at nag-alok na siyang ihatid ako."
Kailan pa umamo sa kanya si Yuyu nang ganoon? sa isip ko habang pinagmamasdan silang dalawa roon.
"May maghahatid na pala sa 'yo," matabang niyang wika.
I ate the last pancake piece on the plate. I hesitated to tell him about it, but I had to. "Tinaggihan ko siya," banggit ko, "gusto ko kasing ikaw ang maghatid sa akin doon." Malakas ang loob kong nasabi iyon. "Kung hindi ka puwede, ipakikiusap ko na lang kay Martin na samahan akong muli pabalik ng Charlotte, lugar kung saan niya ako unang sinundo noon."
Minsan ko lang makitang nakangiti si Teren, at sa pagkakataong iyon ay nasaksihan ko ito nang malapitan at direkta sa akin... kaya ay may kung anong pakiramdam ang namuo sa aking dibdib, hindi ko lubusang mawari ngunit alam kong dahil iyon doon.
"Sige, ihahatid kita," aniya. "Ako ang maghahatid sa 'yo."
‧⋆.*ೃ༄₊
May dala akong bungkos ng mga hindi kilalang bulaklak na napitas ko lang sa gilid ng daan pabalik ng guesthouse. Madalas kong gawin ang bagay na iyon dati, noong bata pa ako—panahong magkasama pa kami ni Emma. Pagbalik ko ay sinalinan ko ng tubig ang pitsel at isiniksik doon ang lahat ng haba ng tangkay mula sa labas ng guesthouse. Galing ako sa sentro at kay Mrs. Sierra lang ako nakapagpaalam dahil ayaw kong abutan ng dilim sa daan at mag-iimpake pa ako ng mga gamit. Inabisuhan din ako ni Martin tungkol sa huling hapunan ko rito sa bayan kasama sila, kaya panigurado ay magluluto iyon ng marami.
Wala si Teren ilang minuto nang makabalik ako ng guesthouse habang sumasapit ang gabing walang kasing lamig. Abala naman si Martin sa kusina habang si Yosef naman ay pinagpapatung-patong ang mga laruan niyang kahon.
Hinigpitan ko ang buhol ng apron sa aking likuran nang magpasyang tulungan si Martin sa pagluluto. Mukhang marami ngang putahe ang balak niyang ihain ngayong hapunan dahil sa samut-saring mga sangkap na hindi ko kadalasang natutunghayan noon habang abala siya sa kusina.
"Lorie, puwede kang bumalik dito kahit na kailan mo gusto," banggit ni Martin, maamo ang mukha habang hinahalo ang sabaw ng pinakukuluan niyang gulay sa malalim na palayok. May bahid nga lang ng lungkot sa boses niya. Alam ko. Nararamdaman ko.
Hindi ko na pinalampas ang pagkakataong pasalamatan din siya noong mga sandaling iyon. Marami akong natutunan sa kanya, mga gawi at pakikihalubilo, lalo na iyong mga bagong putaheng pinatikim at iniluto niya habang naririto ako. Ang pagdating ko rito sa bayan ng Jericho ay hindi lang isang magandang bakasyon kung 'di ay magsisilbi ring paraisong minsan kong napuntahan at hinding-hindi na maaalis pa iyon sa mga alaala ko. Gaano man kalamig ang panahon, nagsisilbi pa ring mainit ang pagtanggap nila.
"Nagkita ba kayo ni Teren sa padasal kahapon?" muling tanong niya nang maluto ang ilang putahe na isinasalin na namin sa bawat mangkok.
"Hindi siya pumunta. Masama raw ang pakiramdam niya," sabi ko.
Lumipat sa gilid ang tingin ni Martin, sa lugar kung saan ako nakatayo. "Hindi siya dumalo at sumama ang pakiramdam niya?" Salubong ang kilay ni Martin na bahagyang nagtataka. "Bakit ang kuwento ng mga suki ko sa patahian na naroroon daw siya kahapon at nakita nila? Ang sabi pa ng ilan na hindi pa raw nagsisimula ang padasal ay umalis na siya. Malawak man ang bukana ng kapilya, pero imposibleng hindi kayo magkatagpo. May nangyari kaya?"
Napaisip ako. Sandaling natigilan sa aking ginagawa. Kung sakali ngang dumalo si Teren kahapon, desisyon nito ang magpakita o hindi. Kung ganoon, ano kaya ang nangyari? May nagbago ba sa isip niya?
"Ilang taon nang hindi dumadalo si Teren sa kahit na anong pagtitipon at pagdiriwang ng bayan. Noon, aktibo siya sa bawat pistang nagaganap sa sentro, maging sa mga tanghalan sa kabilang mga nayon. Ngayong muli siyang dumalo, agad iyong napansin ng mga taong nakakakilala sa kanya. Kaya ipinagtataka ko kung bakit hindi pa man nagsisimula ang taunang padasal ay umalis na agad siya."
Isa pa iyong dahilan kung bakit mas lumalim ang tanong sa isipan ko para kay Teren. Bakit nga ba siya tumigil makilahok sa mga pagdiriwang at kaganapan ng bayan? Ganoon na lang ba niya inilalayo ang sarili sa mga tao at sa lahat? Ano ang dahilan o ugat kung bakit kaya siya nagkaganoon?
Nakahain na ang ilang putahe sa mesa. Ako na ang nagboluntaryong gumawa ng maiinom at pagpipiliang tsaa pagkatapos. Pati ang mga minatamisang prutas at tsokolate na binili ko kanina sa Sierra's ay ang magsisilbing pamutat.
"Maghahapunan kaya si Teren kasama natin ngayong gabi?" pagbabaka-sakaling tanong ko kay Martin.
"Mukhang malabo iyan, Lorie," aniyang hindi lumilingon sa akin.
"Kasama ko siyang nag-almusal dito sa kusina kanina. Baka saluhan niya rin tayo ngayong gabi," positibong palagay ko sa kanya.
Pumihit ang ulo ni Martin sa akin. "Tama ba ang narinig ko?" Bakas sa kanya ang katiting na pagkagulat sa sinabi ko. "Sanay na si Teren na hindi mag-agahan ilang taon na, may okasyon o wala. Iba na ang kinasanayan niyang routine sa pagkain dahil sa kanyang insomnia. Kaya ipinagtataka ko pa rin hanggang ngayon kung bakit ka niya isinama sa Compasia at saluhan ka kaninang mag-almusal base sa kuwento mo. Hindi ko lang lubos na akalaing isasantabi niya ang kinaugalian at pinanatili niyang espasyo para sa sarili dahil sa 'yo..."
Nahigit ko ang aking hininga nang marinig iyon.
Hanggang sa matapos ang hapunan ay hindi bumalik si Teren ng guesthouse upang saluhan kami. Sa kabila niyon ay dala-dala ko pa rin ang mga nabanggit ni Martin tungkol sa kanya. Mabuting tao si Teren at nararamdaman ko iyon, siguro siya lang iyong tipo ng tao na ilag, tahimik at palaging mapag-isa. Hindi ko man siya mabasa kung minsan, subalit natitiyak ko namang may personal siyang dahilan kung bakit siya ganoon makitungo at wala akong balak na panghimasukan iyon dahil lang sa kuryosidad na namumuo sa isipan ko para sa kanya.
Nag-impake na ako ng mga gamit pag-alpas ng alas otso ng gabi. May ilang damit na ibinigay sa akin si Martin at mahahalagang bagay na magagamit ko na gusto niyang isama ko pabalik ng Fawnbrook habang nagsisimula ako sa panibago kong buhay. Hindi sana aabutin ng dalawang linggo ang balak kong pananatili rito sa Jericho, pero nadagdagan pa iyon ng ilan pang mga araw. Bukas, aalis na ako... at sigurado na iyon.
Bago ako matulog, isinulat ko muna sa kuwadernong dala ko ang lahat ng mga saya at naging alaala ko rito sa bayan. Inilista ko rin ang mga taong nakilala ko, lugar na aking napuntahan, mga kaganapan at masasarap na pagkaing natikman. Sa lahat ng iyon ay isa lang ang natutunan ko sa bayang ito; ang pahalagahan ang bawat sandali sa luntiang kapaligiran, iadya ang sarili sa ganda ng simple at payak na pamumuhay.
Kapagkuwan ay nagsuklay ako ng buhok at nahiga sa kama habang hinihintay ang pagdalaw ng antok.
"Ilang linggo na lang din ay pasko na, ayaw mo bang magpasko rito sa bayan at salubungin na rin ang bagong taon?"
Sumagi sa isip ko ang boses ni Martin na halatang gusto niya pa akong magtagal dito, ngunit ikinahihiya ko na dahil ayaw kong maging abala pa sa kanila. Gusto kong may pinagkakakitaan din ako para makatulong sa kanya, pati na kay Teren at sa mga gastusin sa guesthouse. Tinanggihan ko na ang alok ni Martin na tumao sa lumang rentahan ng mga damit kung sakaling marami siyang tahi. Sobra-sobra na ang naitulong niya, hindi ko na kayang tanggapin at lubus-lubusin pa ang kabaitan niyang iyon.
Sa lahat ng gabi ko rito sa bayan, ito yatang huling araw ko pa ang unang beses na hindi agad ako dinalaw ng antok. Gising na gising ang diwa ko at ano mang oras ay wala yatang plano ang antok na dapuan ako. Nagawa ko pa ring pilitin, pero mukhang nakapikit lang ako, nagpapanggap at hindi matuloy sa mahimbing na pagtulog.
Nang magsawa sa pagpilit ay iminulat ko ang aking mga mata saka naupo. Hinigit ang makapal na kumot paalis sa mga hita saka nasipat ng mga mata ang dulo ng kama kung nasaan ang aking mga paa, naroroon si Yuyu na nasa kalaliman nang tulog.
Huminga ako nang malalim saka may pumitik na tunog hudyat upang mawala ang kuryente sa kabuoan ng bayan. Alas diyes na ng gabi. Panandaliang dumilim ang kuwarto, matapos noon ay sumindi agad ang heatlamp sa loob nang magsimulang lumamig ang temperatura. Hindi ko talaga maiwawaglit ang lamig ngayong gabi, iba sa mga gabi na nadama ko.
Tumayo ako at dahan-dahang naglakad sa tapat ng bintana saka sumilip sa madilim na labas. Malakas ang ihip ng hangin dahil sa ingay ng mga tuyong dahong nagtutulakan sa lupa. Nilingon ko ang gasera saka sinindihan iyon na dali-daling pinagliwanag ang paligid sa tabi ko. Dinampot ko iyon saka lumabas ng kuwarto. Nag-ikot ako sa guesthouse na hindi naging pamilyar sa akin dahil sa kadiliman ng paligid. Walang kahit na sino ang nasa sala o kusina, paniguradong tulog na si Martin kasama si Yosef. Si Teren kaya?
Dinoble ko ang suot kong damit, mas makapal sa madalas kong ipatong. Nang buksan ko ang pinakapinto palabas ng guesthouse, sumalubong agad ng yakap sa akin ang malamig na panahon sa labas, triple mula sa loob. Mahigpit akong napakapit sa gaserang tanging dala ko at halos hipan ng hangin ang apoy sa loob noon. Lumingat ako sa langit, hindi matanaw ang buwan dahil nakabalot ang makakapal na ulap kasabay ng katamtamang bugso ng hangin. Tila ba ano mang oras mula ngayon, malaki ang tiyansang umulan.
Ilang hakbang lang ang nagawa ng mga paa ko palabas, mukhang kailangan ko na ulit na bumalik sa loob... pero bago mangyari 'yon ay natigilan ako kasabay ng pagsalubong ng mga kilay ko. Kung hindi ako namamalik-mata, nakabukas ang garahe 'di kalayuan sa kinatatayuan ko, matatanaw roon ang sasakyan at mga gamit sa loob. Nakalimutan kaya nilang isarado iyon o nasa labas pa si Teren hanggang ngayon?
Lumingon ako sa madilim na daan palabas ng vicinity ng likod na bahagi ng guesthouse kung saan patungo sa kapunuan bago ang kabundukan. Lakas-loob kong tinumbok iyon tangan-tangan ang gaserang nagsisilbing liwanag ko sa paligid. Nahihibang na yata ako dahil mas pinili kong magpatuloy kaysa ang bumalik sa loob saka matulog. Sa lakas ng hangin, tila ba tumatagos ang lamig sa kakapalan ng telang nakabalot sa katawan ko. Sa kabila nang dire-diretso at mabilis kong paglalakad ay unti-unti ko nang nauulinigan ang tuluy-tuloy na lagaslas ng tubig, saka bumungad sa akin ang isang ilog matapos ang hilera ng mga punong dinaanan ko. Isang tawid-ilog na pumapagitan sa malawak na kapunuan sa likod ng guesthouse at masukal na gubat paakyat ng bundok. Madilim man ay kasiya-siyang pakinggan ang banayad na tubig doon na umaagos habang lumalapit ako sa tabi.
Mas namangha na lang ako nang may ilaw mula sa ilalim ng tubig ang marahang gumagawi sa kinatatayuan ko saka unti-unting nilampasan ako. Hindi iyon basta isang ilaw lang, dahil isa pala iyong lalaking sumisisid sa ilalim—nakasuot ang maliit na lente sa uluhan nito.
Nalukot ang pagitan ng mga kilay ko. Hindi ako maaaring magkamali...
"Teren?"
Inilapit ko ang liwanag ng gasera sa ilog. Pinagmamasdan ko ang pagsisid niya sa ilalim. Kalaunan ay umahon siya saka nagtungo sa sariling gaserang dala niya na nakapatong sa likod ng malaking bato. Naroroon din ang makapal na bata at tuwalya na naghihintay upang tuyuin siya sa kanyang pag-ahon.
"Lo...Lorie?" Hindi maipinta ang pagkagulat niya nang masipat akong nakatayo at nakamasid sa kanya. "A-anong ginagawa mo rito?" Inalis niya sa mga mata ang goggles na suot, pati ang lente sa ulo.
Tumatagas ang mga butil ng tubig mula sa kanyang basang buhok. Malalalim ang paghinga niya sa paglangoy. Wala siyang damit pang-itaas. Itim at hapit na swimming shorts lang ang tanging suot niya. Nang mapagtanto ay iniwas ko bigla ang tingin sa ganda ng kanyang pangangatawan. Nahiya ako. Uminit ang magkabila kong pisngi nang magkatagpo kami sa ganoong sitwasyon.
"Ako ang dapat na nagtatanong kung ano ang ginagawa mo rito," kaila ko. "Sa lamig ng panahon, nakukuha mo pang maglangoy-langoy rito sa ilog ngayong gabi?" buwelta kong hindi siya magawang lingunin.
"Bumalik ka na." Sing-lamig ng panahon ang tono ng pagbigkas niya. "Hindi ka dapat naririto ngayong gabi. Gusto mo bang magkasakit?"
Sa pagkakataong lingunin ko siyang muli, nakabalot na sa kanya ang bata na pangligo. Ginulo-gulo niya ang basang buhok saka nagtungo sa akin. Imbes na ibalot niya sa sarili ang tuyong tuwalyang dala ay isinukbit niya iyon sa leeg ko. Halata niya bang giniginaw na ako?
"Bumalik ka na. Maaga ang dating ng tren bukas sa istasyon ng Charlotte, hindi ka maaaring tanghaliin ng gising." Pagkatapos ay inabot niya sa akin ang lenteng ginamit niya kanina. "Gamitin mo ito. Bumalik ka nang hindi nadadapa."
Napangiti ako sa sinabi niya. Kung biro man iyon, natural lang sigurong kumurba ang labi ko. Hindi naman ako lampa at hinding-hindi ako madadapa gaya ng inaakala niya.
Naramdaman ko ang butil ng tubig na pumatak sa noo ko. Kapuwa kami nag-angat ng tingin ni Teren sa mabibigat na ulap sa madilim na kalangitan. Isa. Tatlo. Lima. Hanggang sa nagsunud-sunod na ang pagpatak ng ulan. Mabilis itong bumuhos nang malakas. Iyon ang hindi ko inaasahang mangyari.
"Sumunod ka sa akin," nagmamadaling utos niya.
Naiwan akong natayo lang doon at nagulumihanan nang tumakbo si Teren sa ibang direksyon upang tuluyang hindi mabasa sa buhos ng ulan.
"Saan ka pupunta? Dito ang daan pabalik ng guesthouse," singhal ko at itinuro ang kabilang daan.
Binalikan niya ako. Tumingin siya sa aking mga mata. "Sa lakas ng ulan, mabilis na magpuputik ang daan pabalik ng guesthouse." Saka niya itinuro ang daang kanyang tinakbuhan bago niya ako muling balikan. "Dito ang daan patungong toolshed. Mas mabuting doon ka na muna manatili hanggang sa tumila ang ulan."
Toolshed? Saan naman ang lugar na iyon?
Kung hindi lang siguro ako lumabas kanina. Kung nanatili na lang ako sa loob ng guesthouse at doon na lang naglibang upang magpaantok... hindi ko na sana naabala pa si Teren, hindi na sana ako inabutan ng malakas na ulan sa labas.
Hindi ako sanay sa ganitong klase ng klima, alam ko iyon, at sa sobrang lamig ng panahon habang patuloy na binabasa ng buhos ng ulan ang katawan ko... mukhang magkakasakit pa yata ako.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro