Firefly 6 | Candlelight
She was like the moon,
half here and half somewhere else.
–Meeta Ahluwalia
‧⋆.*ೃ༄₊
T E R E N
Pinanonood ko ang banayad na usok na nanggagaling sa ibabaw ng tasang may mainit na kape. Simula kahapon ay hindi pa ako muling nagagawi sa guesthouse at nanatili lang ako sa toolshed upang kumpunihin ang nasirang heatlamp at maghulma ng mga palayok. Tatlong oras lang ang itinulog ko at napamulat nang mas maaga sa karaniwan kong gising. Buhat noong hanap-hanapin ako ng bangungot na iyon, ilang buwan nang sira ang dapat na oras ng tulog at itinutulog ko bawat gabi.
I sat in front of my work desk next to the pottery wheel when Lorie's orange and clumsy kitten surprised me, disturbing my slow and quiet morning. Lumundag ito sa ibabaw ng mesa galing sa maliit na vent ng toolshed sa itaas. Lumapit ito sa akin at inuntog-untog saka kiniskis ang ulo sa hita ko upang maglambing.
Hinimas-himas ko ang ulo at tiyan ng kuting nang damputin ko ito sa aking paanan. Simula nang mawala ang alaga naming pusa noon, hindi ko na naatim pang mag-alagang muli. May parte pa rin sa akin kung gaano ako nasaktan noong namatay si Mabby, ang puti naming pusa na halos pitong taong naging laman ng guesthouse kasabay ng unti-unting pagligal ng edad ko. Mas doble ang pag-aalaga ni Martin kay Mabby noon kumpara sa aking mismong may-ari ng pusa, hanggang sa natuon na ang atensyon niya sa pagdating ni Yosef galing ng ampunan. Naiintindihan ko siya dahil mas kailangan ng isang sanggol ang kanyang kalinga at dapat maging ako ay ganoon din pagdating sa bata.
Iba ang kislap ng mga mata ni Yosef noong una ko siyang nakita. Sa lungkot, takot, pangamba at pag-aalinlangang napagdaanan ng kabataan ko, naibsan kahit papaano ang kalahati niyon nang siya'y dumating. Noong araw ring iyon, bigla akong naging kuya at nakatatandang kapatid. Maging si Martin ay naging ama-amahan nito.
"Teren, sa tingin mo tama ang naging desisyon kong akuin si Yosef?" Iyon ang tanong na umukilkil bigla sa akin na nanggaling sa bibig ni Martin. That time, there was a clearly uncertain expression on his face as he contemplated whether or not to get the little one.
Makatabi kami noon na nakatayo sa tabi ng bangin habang pinagmamasdan ang malayong tanawin. Kapuwa hinahangin ang mga buhok namin. Kaliwa't kanan ang paggalaw ng mga damo sa aming paanan. Iyon ang hapon na naglakas-loob siyang banggitin ang tungkol doon dalawang linggo nang makasama namin si Yosef sa guesthouse bilang bagong miyembro ng pamilya. Noong mga sandali ring iyon ay sinagot ko ang tanong niya; na walang mali sa kanyang naging desisyon. Balidasyon din iyon upang mawala ang bagabag sa kanya. Anak si Yosef ng yumaong bunsong kapatid ni Martin na babae, si Melissa, kaya pareho ang dugong nananalaytay sa kanila ng bata. Siya ang tiyuhin nito, 'di hamak na mas nararapat na matanggap ng bata ang kanyang aruga kumpara sa akin—sa paghalili bilang magulang ko simula nang mawala ang aking ina.
Nang maubos ko ang kape at masibak ang mga natitirang kahoy sa labas ng toolshed ay naisipan kong magtungo sa paanan ng bundok upang maglakad-lakad. Bago ako makarating doon ay napahinto muna ako saglit sa tabi ng marahang agos ng tubig mula sa tawid-ilog na dadaanan bago ang kakahuyan ng kabundukan.
Natigilan ako bigla matapos ang aking unang hakbang sa stepping stone sa mababaw na bahagi ng ilog patawid sa kabila. Napalingon ako sa mabining huni ng pusa ni Lorie. Tila nakatingkayad ang mga paa nito habang nakatayo paitaas ang buntot. Wala akong ideya na nakasunod pa rin ito sa akin mula sa paglisan ko ng toolshed. Malayo ang agwat ng guesthouse at toolshed kaya ipinagtataka ko kung paano ito nakarating at mahanap ako nang hindi naliligaw.
Humakbang ako paatras. Iniluhod ang isang tuhod saka inangat papunta sa akin ang kuting. Noong sandali ring iyon ay napagdesisyonan ko nang hindi dumiretso sa paanan ng bundok at isauli na lamang ito pabalik ng guesthouse, malamang sa malamang ay hinahanap na ito ni Lorie.
Komportable sa akin ang pusa, maamo at malambing hanggang sa makarating kami ng guesthouse. Pagpasok ko ay tumambad sa akin doon si Yosef na tadtad ang mga sticker na nakadikit sa braso ng bata. Ibinaba ko ang kuting saka masiglang bumati si Yosef sa akin at sinalubong pa ako ng yakap nang magtagpo kami sa sala. Bago ako magtungo ng kusina ay nilagyan ako ni Yosef ng sticker sa pisngi, isang animated drawing ng bughaw na ulap. Ngumisi ako sa harap ng bata at hinalikan ito sa pisngi pabalik. Pagkatapos ay dumiretso ako ng kusina.
"Magdamag kang nasa toolshed?" tanong ni Martin na abala sa lababo noong umagang iyon, nanatiling nakatalikod sa akin.
Wala si Lorie doon, o kahit saan. Baka hindi pa lumalabas ng kanyang kuwarto.
"Marami akong hinulmang palayok. Kinumpuni ko na rin ang nasirang heatlamp, baka kapag sumobra na ang lamig ng panahon ay wala akong magamit doon."
"May pumpkin pie na iniwan si Lorie para sa 'yo, bilang pasasalamat. Nagpaturo siya sa akin kahapon, tinulungan ko siya, ang kaso, hindi niya maibigay sa 'yo ng personal dahil hindi ka umuwi rito kagabi."
Nang humarap sa akin si Martin ay napansin ko ang ice cream na sticker na nakadikit sa kaliwang pisngi niya. Suot-suot niya rin ang paborito niyang apron. Kinuha niya ang nakakahong pumpkin pie na gawa ni Lorie saka inabot sa akin.
Tinanggap ko iyon. Hindi malalim ang kunot na umukit sa aking noo. "Nasaan siya?"
Bumalik si Martin sa tapat ng lababo. "Nagboluntaryo siyang mamalengkeng mag-isa ngayong araw sa sentro. Huwag kang mag-alala, hindi maliligaw si Lorie, may mga bagay na akong naipaalala at naituro sa kanya. At kung sakali mang mangyari iyon, alam na niya ang gagawin."
Naupo ako sa silya habang pinagmamasdan ang kahon ng nakatatakam na pumpkin pie. "Bukas na gaganapin ang candlelight vigil. Papupuntahin mo ba siya?" tanong ko kay Martin.
"Kasama ko si Yosef bukas, tiyak nasa nayon ng Florence pa kami ng mga oras na iyon, pero susubukan naming humabol sa padasal." Sumulyap siya sa akin mula sa kanyang balikat. "Wala rin namang kasama si Lorie, aabisuhan ko na lang siyang manatili rito sa guesthouse."
"Ako na ang sasama sa kanya," bigla kong nabigkas kay Martin. "Wala rin naman akong ibang gagawin bukas ng gabi," patuloy ko.
Tumitig siya sa akin nang may kaunting pagtatakang nakabalot sa ekspresyon ng kanyang mukha. Hindi siya makapaniwala. Dahil ba ilang taon na akong hindi dumadalo at nakikilahok sa kahit na anong pagtitipon, patimpalak o pagdiriwang ng bayan?
Sa dulo, sinang-ayunan na lang niya ang gusto kong mangyari.
‧⋆.*ೃ༄₊
Hindi na naman kami nagpang-abot ni Lorie sa guesthouse. Maaaring nakaalis na ako saka ang kanyang pagdating. Masarap at malinamnam ang pumpkin pie na gawa niya, hindi ko iyon maikakaila dahil nakalahati ko ang kabuoan niyon kanina habang nagmamaneho. Hindi ko siya personal na napasalamatan dahil naghatid ako ng mga palayok sa kabilang nayon. Dumaan na rin ako sa sentro matapos kong maglako bilang dagdag kita upang hindi na rin masayang ang gasolina ng sasakyan.
Maraming tao sa paligid ng obelisk—sa pagitan ng mga nagtitinda, naglilibot at namimili. Abala ang lahat sa tiyanggian, at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakasalubong ko roon si Clara. Hindi siya nakasuot ng unipormeng pang butika. Tipid akong ngumiti sa kanya nang mapansin niya ako. Natigil kami sa gitna habang patuloy lang ang mga taong dumadaan sa paligid namin.
"Teren, kumusta ka na? Ilang buwan na nang huli kang dumalaw sa klinika ni Dr. Kins. May pinagkakaabalahan ka bang ibang bagay bukod sa paggawa ng mga palayok?" Malapad ang ngiti niya sa akin.
"Wala pa akong panahon para dumalaw muli kay Dr. Kins." Wala pa akong lakas ng loob na bumalik. "Kapag nagkaroon ako ng oras, susubukan kong puntahan siya sa klinika niya." Susubukan ko, ngunit walang kasiguruhan kung kailan ako magiging handang muli na pag-usapan namin ang tungkol doon. Sa mga sasabihin sa akin ng doktor at ibang bagay lalo na patungkol sa naging panaginip ko.
Tumango-tango lang si Clara sa sinabi ko. "Kumusta pala si Lorie?"
Natigilan ako. "Kilala mo si Lorie?"
Tumango-tango ang ulo niya. "Nagpunta siya noong nakaraan sa butika upang bumili ng gamot para sa sakit ng ulo," kuwento niya. "Natutuwa ako't sinisimulan mo nang tumanggap ulit ng bisita sa guesthouse mo. Malaking tulong ang pagdating niya sa inyo... para makakilala ka ng ibang tao—lalo pa't hindi siya mismo taga-rito—tiyak marami kayong maibabahagi sa isa't isa habang naririto pa siya."
Bukod sa pagtratrabaho sa butika, kawani rin si Clara sa klinika ni Dr. Kins at alam niya ang kalagayan ko noong araw na nagpakonsulta ako.
Saglit lang din kaming nag-usap ni Clara dahil nagmamadali rin siya noong sandaling nagkita kami. Wala akong naisagot sa kanya nang itanong niya si Lorie. Siguro naman masaya siyang naririto sa bayan ng Jericho at sa guesthouse kahit bihira lang kaming mag-usap.
Nagtingin-tingin pa ako sa mga tindahan. Maraming mga bagay ang maaaring mabili mula roon tulad ng iba't ibang klase ng mga porselas, hikaw at mga kuwintas. Mayroon ding scarf na panglamig, makakapal na quilt, magagandang uri at disenyo ng tapiserya't mga kurtina. Sa kabilang banda naman makikita ang mga pagkain at maiinit na inumin para tapatan ang lamig ng panahon sa papadilim na papadilim na kalangitan. Hapon na rin kasi nang nakarating ako, kaya mas gumaganda na ang tiyanggian dahil sa pailaw ng mga tindahan pagsapit ng gabi.
I purchased a silver-plated charm bracelet for Lorie. Yosef will get a new beanie, and Martin will get a new apron with a different design and color that still matches his style and comfort. Kapagkuwan ay nagtungo na ako kung saan ko ipinarada ang sasakyan, sumakay at nagmaneho pabalik ng guesthouse.
Napangiwi ako makalipas ang halos sampung minutong pagmamaneho. Biglang kumirot ang kanang braso ko. Namanhid ito at unti-unting nawawalan ng kontrol. Sa gitna ng daan ay ihininto ko ang sasakyan. Napahawak ako sa brasong iyon, pilit na hinihilot kung sakali mang maibsan ang pagkirot niyon. Napapatungo ako. Namamaluktot at hindi alam ang gagawin. Mag-isa lang akong iniinda ang sakit no'n. Wala si Martin sa tabi ko para mahingan ko ng tulong. Mariing nakapikit na lang ang mga mata ko sa patuloy na pagkirot na nararamdaman ng aking braso. Ilang taon na rin noong huling beses itong sumakit, marahil napuwersa ang braso ko sa pagbubuhat ng mga palayok kanina. Iyon lang ang sa tingin kong pangunahing sanhi kung bakit ako namimilipit sa sakit ngayon.
Sinubukan kong iliyad ang aking likuran sa sandalan at huminga nang malalim. Dulot siguro ng pagod at kakulangan sa tulog kaya halos nakatuon na lang ang aking atensyon sa pagkirot ng braso ko. Kalaunan naman ay bahagyang nawala ang kirot nang ikalma ko ang aking sarili, subalit hindi pa rin naglalaho ang pamamanhid na pakiramdam. Pinilit ko na lang ituloy ang pagmamaneho sa kabila no'n... hanggang sa makabalik ako ng guesthouse.
Tahimik akong pumasok at dumiretso agad ako sa aking kuwarto. Napansin ko si Martin sa may kusina kasama si Yosef nang hindi nila naramdaman ang pagdating ko. Si Lorie? Mukhang hindi nila kasama.
I threw myself on the bed and relax my subtle, aching arm. Hindi ko gaanong maigalaw iyon nang ilapat ko sa kama. Pagkatapos ay tumihaya ako na tapat sa kisame at saglit na tumitig doon, marahang ipinikit ang aking mga mata saka humiling ng idlip.
Masyado pa akong bata nang mangyari 'yon. Pinilit ko siyang buhatin kahit alam kong mas mabigat pa siya sa isang sako ng bigas. Umiiyak lang ako, isinisigaw ang pangalan niya habang ginagawa ang aking buong makakaya upang ihingi siya ng saklolo. I was there when she fell and hit the ground, which was as impactful as what met my eyes. Ilang segundo akong nabato sa aking kinatatayuan, niyelo ang buo kong katawan habang pinagmamasdan siyang lantang gulay sa lupa. Gulantang ang nakaimprenta sa aking mukha at ang unang bagay lang na sumagi sa akin na gawin ay wala. Ikinabigla ko ang nangyari at ang musmos kong gulang ay hindi kayang maatim ang nasaksihan sa pagitan ng yanig at takot. Kalaunan ay sinubukan kong hilahin siya nang buong lakas. Puwersado kong ginawa iyon dahil walang kahit na sino ang nasa paligid maliban sa akin na handang gawin ang lahat.
"Martin, tulungan mo ako. Tulungan mo kami..."
Dalawang magkasunod na tapik ang gumising sa akin. Wala ako sa aking kuwarto, sa sala pala ako nakaidlip habang pinagmamasdan ako ni Martin na may kaunting pag-aalalang nakabalot sa kanyang mukha. Sa likuran niya, naroroon sina Yosef at Lorie na nakatitig sa akin, nag-aalala rin base sa mga tingin nila.
"Nananaginip ka na naman," ani Martin, inalalayan ako sa pag-upo sa sofa.
Naihilamos ko ang aking mukha hanggang buhok. Masakit ang ulo ko at ngalay ang batok dahil sa hindi komportableng pagkakahiga.
"Pagod lang ako," matamlay kong tugon. Tumayo ako saka nagtungo sa kusina at kumuha ng isang baso ng tubig saka nilagok ang kalahati niyon.
Lumabas ako ng guesthouse. Madilim na ang paligid. Mag-isa akong nagtungo sa katabing pond, tumayo lang muna roon at pinagmasdan ang liwanag na nanggagaling sa mga nakapalibot na outdoor lamp doon. Hindi ko talaga dapat na hayaan ang sarili kong makatulog na lang basta-basta. Sanay ang katawan kong magpahinga ng madaling araw dahil iniiwasan ko sa lahat ay ang managinip. Sa pagitan ng alas tres hanggang alas sais ng umaga ang pinakamagandang oras sa lahat. Kung hindi lang dahil sa pamamanhid ng braso ko at pagod, pipigilan kong hindi umidlip kahit pa antok na antok ako.
"Higupin mo muna itong chamomile tea na ginawa ko. Para kumalma ka at ang isip mo."
Pumihit ang ulo ko kay Lorie. Bukod sa makakapal na panglamig na suot niya, mas napansin ko ang lugay ng kanyang buhok.
"Marami ba akong sinabi kanina habang tulog?" usisa ko at kinuha sa kanya ang platito kasama ang tasa.
Luminya siya kung saan ako nakatayo at kapuwa naming pinagmasdan ang hindi gumagalaw na tubig sa pond. "Wala ka namang ibang sinabi bukod sa paghingi ng tulong kay Martin."
Sumimsim ako sa tsaang gawa niya. Mainit iyon at humagod agad sa lalamunan at dibdib ko. Ginhawa ang naidulot niyon sa akin.
"Normal lang ang managinip 'pag pagod. Madalas ding mangyari sa akin 'yan noon, lalo na kapag marami akong iniisip at binabagabag ng mga bagay sa alaala ko. Sa edad at karanasan natin, hindi na maiiwasan ang ganyang mga bagay."
Sumulyap ako kay Lorie. Nagsasalita siyang nakatanaw lang sa harap namin. Kung maiilang man ako sa tabi niya, dapat ay hindi ko na pinansin ang pagdating niya at umalis na lang, ngunit hindi.
Tahimik lang ako buong sandaling magkasama kami. Huni ng mga kuliglig ay nagsisimula nang lumakas sa paligid. Mas lumalamig na rin ang gabi, kapansin-pansin iyon nang itago ni Lorie ang mga kamay niya sa bulsa ng suot niya.
"Babalik na ako sa loob at tutulong kay Martin na maghanda ng hapunan," aniya, saka humakbang patalikod at naglakad.
"Lorie... salamat pala," banggit ko, nakahinto na siya nang lumingon ako, "doon sa pumpkin pie na gawa mo. Masarap. Nagustuhan ko." Saka maliit akong ngumiti sa kanya.
Sa katamtamang liwanag ng buwan na mayroon kami sa labas noong mga oras na iyon, nabanaag ko pa rin nang mabuti ang magandang ngiti niya pabalik sa akin. Sa marahang hanging tumama sa buhok niya, napagmasdan ko kung paano niya inilagay ang ilang hibla sa likod ng kanyang tainga. Pagkatapos ay iniwan na niya ako roon at bumalik na sa loob ng guesthouse.
I didn't mention the candlelight vigil to her. Bukas na iyon at wala siyang makakasamang magpunta roon kung hindi ako lang. Kapag nagkaroon kami ng pagkakataong makapag-usap bukas, hindi na ako mag-aalangang banggitin iyon sa kanya. Makasisiguro din ako kung sasama siya o mananatili lang ng guesthouse.
Kinabukasan ay tinanghali ako ng gising. Napahimbing yata ang tulog ko. Magaan ang aking pakiramdam at hindi ko na iniinda ang braso ko dahil naglaho na ang sakit at pamamanhid nito. Masasabi kong nabawi nang buong gabi ang sapat na pahingang kailangan ng katawan ko.
Matapos mag-inat kasabay ang magkakasunod na paghikab ay bumaba ako sa sala. Inikot ko ang buong guesthouse. Mukhang ako na lang mag-isa ang naiwan dito. Malamang nakaalis na sina Martin at Yosef patungo sa kabilang nayon dahil wala na ang sasakyan sa garahe. Wala akong ideya kung saan nagpunta si Lorie. Kinatok ko ang kuwarto niya at wala akong sagot na natanggap mula roon kaya binuksan ko na ang pinto upang siguruhing wala talaga siya roon.
Sa kusina, nag-iwan si Martin ng chia seed pudding para sa akin. Umupo ako at kinain iyong mag-isa. Sa paanan ko, muli kong naramdaman ang pusa ni Lorie. Binuhat ko ito at ipinatong sa mesa. Binigyan ko iyon ng gatas sa maliit na mangkok upang saluhan ako sa aking tanghalian.
Mamayang hapon pa ang pagtitipon na gaganapin sa paglubog ng araw. Gusto kong humawak ng luwad at maghulma ng palayok, ngunit ipagpapaliban ko munang gumawa ngayong araw upang mapahinga nang mabuti ang braso ko.
Pumanhik akong muli sa aking kuwarto. Binuksan ang cabinet kung saan naroroon ang terno ng mga damit na mayroon ako. Mas mabuti sigurong magsuot ng kakaiba sa karaniwan kong damit panangga sa lamig. Sa pagkakatanda ko, pormal na kasuotan ang dapat upang bagayan ang okasyon. Ngayong araw na lang ulit ang unang beses na dadalo ako sa isang pagtitipon, malamang ay maraming tao ang makakakita at makapapansin sa pagdating ko.
Kinuha ko ang haba ng itim na wool coat mula roon. Itim na zip polo at slacks na lang ang ipangloloob ko pati combat boots para sa mahabang lakaran.
Sa kalagitnaan ng pagsusukat ko, naalala ko si Lorie. Ano kaya ang damit na isusuot niya? Alam niya kaya ang tungkol sa candlelight vigil na gugunitain mamaya? Sana naman ay nabanggit ni Martin sa kanya ang tungkol doon, nang sa gayon ay tiyak na magkikita na lang kami sa mismong lugar ng pagtitipon.
Naglakad na ako dalawang oras bago ang takdang oras ng padasal. Malakas ang panata ng mga taga-Jericho na minsan sa isang taon ang dasalan ang mga anito't kalul'wang pinaniniwalaan nilang lumilibot sa bayan, dahil ito ang mga yumaong minsan nang parte at naging mamamayan ng bayan. Idinadaos din ito dahil na rin sa nakasanayang tradisyon at kultura.
Hindi ko na naabutan ang traktorang nag-aalok ng libreng sakay. Sanay na rin naman ako sa mahabang lakaran kaya hindi na ako nagdalawang isip na lakarin ang ilang kilometrong layo patungo sa sentro upang makasabay rin ako sa martsa ng mga tao landas sa lawak ng lupain kung saan gaganapin mismo ang padasal.
"Teren? Dadaluhan mo ang padasal ngayong taon?"
"Ikaw ba iyan, Teren? Nakabibigla ang pagdalo mong muli sa pagtitipong ito..."
"Halika, samahan mo kami sa alay-lakad patungong kapilya..."
Hindi magkamayaw ang mga taong nakakakilala sa akin na kuwestiyonin ang pagdalo ko sa padasal. Ayon pa sa kanila, limang taon na simula nang ganapin sa lawak ng labas ng kapilya ang taunang candlelight vigil ng bayan. Ang huling tanda ko ay sa malawak na lupain pa iyon ginugunita. Limang taon na pala ang lumipas.
Nakasabay lang ako sa agos ng mga taong naglalakad sa kalye patungong kapilya. People were encouraged to dress formally while remaining modest and minimal. Bawat isa ay may hawak na ng mga kandila at nabigyan na nila ako pagdating ko pa lang kanina. Nagpalinga-linga ako sa paligid upang hanapin si Lorie. Kung alam niya ang tungkol sa padasal, tiyak naririto lang siya sa paligid at kasama naming naglalakad.
"Nasaan pala si Martin? Hindi ba siya makadadalo?" tanong ng manong na madalas kong makita sa talyer noon.
"Nasa kabilang nayon siya kasama si Yosef. Parating na 'yon, ang sabi niya kanina hahabol sila sa padasal."
"Iyong bagong saltang babae naman na tumutuloy ngayon sa guesthouse mo? Makararating ba siya?"
Iginala ko ang mga mata ko sa mga taong kasabay ko sa paglalakad. Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam. Siguro."
Ipinasok ko ang kaliwang kamay sa bulsa ng aking pantalon at kinapa roon ang maliit na kahon. Ibibigay ko iyon kay Lorie kapag nagkita kami mamaya. Laman niyon ay ang charm bracelet na binili ko kahapon sa tiyanggian. Paniguradong matutuwa siya kapag natanggap niya iyon at alam kong bagay na bagay sa kanya kapag isinukat na niya ang bracelet.
Labinglimang minuto bago magsimula ang padasal ay narating na namin ang malawak na bukana ng kapilya. Huminto ang mga tao roon at naghintay. Tumambad sa lahat ang ganda ng buong lugar bilang paghahanda sa candlelight vigil na magaganap sa loob na lang ng ilang minuto. Habang ako ay patuloy pa rin ang paghahanap kay Lorie. Kinumusta ako ng ilang nakasalubong ko. Tinanong ng iba ang pagdalo ko, subalit isa lang ang tumatakbo sa isip ko; ang makita si Lorie noong mga oras na iyon.
Sa kabilang dulong bahagi ng kapilya ay nakahimpil ang ilang kababaihan. Napansin ko agad ang kapal ng buhok ni Lorie na kausap ang ilang babaeng kasama niya. Sa lahat, natatangi ang ganda't suot niya kaya naman ay hindi ako nahirapang mapansin siya sa kabila ng mga naggagandahan ding mga babaeng nakatabi sa kanya. Puti ang bestidang suot niya, umaalon ang disenyo niyon pababa sa sahig. Maluwang at laylay ang pagkakapusod ng kanyang buhok. Simple ngunit angat ang ganda at tindig niya mula roon.
Sumilay ang maliit na ngiti sa mga labi ko. Sinabi ko kay Martin na ako ang taong sasama kay Lorie kung sakali mang hindi siya makaabot sa padasal. Pero nang sandaling lumalapad na ang ngiti at sayang nadarama ko nang sa wakas ay matagpuan siya, doon din bigla iyong naglaho. May isang lalaking nagtungo sa kanya. Si Vance. At 'di hamak na mas maganda ang suot na damit nito kumpara sa akin. Nakagigilalas ang ngiti nitong nakaharap kay Lorie. Inayos pa nito ang hairpin sa buhok niya saka sila ngumingising dalawa.
Pinagmasdan ko ang tindig at porma ni Vance. Komportable si Lorie sa kanya, kapansin-pansin iyon. Walang kaso sa akin kung sino ang makasama niya ngayon o mamaya sa padasal. Hindi ko lang inaasahan na sa kabila ng paghahanda ko ay mayroon na palang nakalaang samahan siya. Ito na lang ulit ang unang beses na dumalo ako matapos ang ilang taon.
Bago pa tuluyang lumingon si Lorie upang magkaroon siya ng posibilidad na makita ako... siniguro kong hindi na ako mahahagip pa ng mga mata niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro