Firefly 2 | Guesthouse
T E R E N
Pili lang ang mga bulaklak na sandaling namumukadkad tuwing panahon ng taglagas. Ilang linggo na lang ang hihintayin bago sumapit ang walang nyebeng taglamig na masusundan ng tagsibol sa mga susunod na buwan, kaya hindi na maikakailang mas higit pang lalamig ang temperatura sa mga araw na dadating. Katulad noong mga nagdaang taon, kapansin-pansin ang manipis na usok sa bawat paghinga kapag nasa labas ka. Minsan apektado ang mga tao sa kani-kanilang mga trabaho dulot nito, subalit madalas masarap magkulong sa mainit na kuwarto, magkape o matulog.
I ran fingers up my hair and tugged the sleeves of my neutral-colored plaid shirt up till they reached the middle of my arm. Maaga akong nagising at inakyat ang paanan ng bundok. Abala na ang bayan ng Jericho 'pag sumikat na ang araw kahit minsa'y mahamog talaga ang umaga.
Panandalian akong natigil sa nakatumbang puno na madalas kong pinagpapahingahan tuwing tag-init upang sumilong sa lilim ng mga katabing puno. Ngayon, kahit bungi-bungi ang mga dahon sa mga sanga at masinagan ako ng araw, hindi ganoon kainitan ang panahon, lalo pa't pinaiigting ng pag-ulan kagabi ang lamig ng kapaligiran.
Humiga ako sa lapad ng nakatumbang trosong iyon saka ipinasok ang aking magkabilang kamay sa bulsa ng aking pantalon at pumikit. Natakam ako bigla sa cabbage porridge na madalas lutuin ni Martin noon, siguro uutusan ko na lang si Yosef mamaya upang i-request ang putaheng iyon pag-uwi ni Martin galing sa lumang rentahan ng mga damit. Paniguradong hindi makahihindi si Martin sa makulit na batang 'yon.
Sa mga sandali ring iyon, hindi ko namalayang nakaidlip na pala ako. Noong bumukas muli ang aking mga mata, tumambad sa akin ang mas maaliwalas na langit at nawala ang kaninang manipis na hamog. Ihinilig ko pakanan ang aking ulo saka ko napansin ang isang usang nakatigil lang na pinagmamasdan ako. Isang black fallow deer. Bihira lang magpakita ang mga usa sa bundok, lalo na ang uri no'n, kadalasan ay mga mountain goat ang umiikot sa kakahuyan na panakot ng mga matatandang taga-Jericho sa mga bata upang hindi na subukang umakyat ng bundok bukod sa panganib na baka maligaw ang mga ito o madisgrasya. Marahil kakaiba rin ang laki ng mga mountain goat at agresibo nitong katangian kumpara sa mga normal na kambing na madalas lang makita sa bakuran o kabukiran.
Mayamaya pa'y umalis ang usa nang marahan akong gumalaw at hilahin ang aking sarili sa pag-upo saka humikab.
"Pakinggan mo ang sasabihin ko sa 'yo, Teren, delikado ang pag-akyat sa bundok. Isa pa, hindi mo kabisado kung kailan malakas ang ragasa ng tubig sa ilog kapag tumatawid ka. Manatili ka na lang sa toolshed o kaya daanan mo ako sa shop kung wala kang ibang gagawin o mapuntahan."
Tumayo ako pagkatapos sumagi sa akin ang palaging paalala ni Martin. Tulad niya, kabisado ko rin ang gubat sa paanan ng bundok ilang kilometro ang layo sa guesthouse at kahit pa sinang-ayunan ko na ang sinabi niya, nagagawa ko pa rin iyong suwayin. Siguro nga tama siya nang pagalitan niya ako noong nakaraan, pero isa akong magpapalayok, kung gaano siguro katigas ang mga palayok na hinuhulma ko ay ganoon rin katigas ang ulo kong sundin ang mga lagi niyang paalala.
Nang pumatak ang alas otso ng umaga sa relong gamit ko, agad akong bumalik sa bayan upang maghatid ng mga paso at tasang manu-mano kong hinulma noong mga nakaraang gabi. Natigilan ako nang sandaling mapansing wala ang lumang pick-up truck na gagamitin ko sa garahe ng guesthouse. Kung nagpunta na si Martin sa shop, dapat ay nandito lang iyon dahil hindi naman iyon gumagamit ng sasakyan kapag umaalis. Pero bakit wala ang sasakyan dito?
I jerked my head to the other end of the guesthouse, all the way to the pond, where I saw Yosef playing with sticks in the mud. Nilapitan ko siya na agad tumayo at tinapon ang patpat na hawak sa pag-aakalang pagagalitan ko siya dahil sa paglalaro ng putik sa daan. Nakasuot siya ng panglamig at berdeng beanie hat na may palawit sa magkabilang tainga.
Itinago niya ang mga kamay sa kanyang likuran. "Kuya Teren, huwag mong sasabihin kay Martin na pinaglalaruan ko ang putik dito sa lubak. Tiyak magagalit 'yon..." Lumungkot ang mukha niya.
Nginitian ko siya. "Sige, basta pagbalik mo sa loob ay maghugas ka agad ng kamay," kontsaba ko saka marahang hinimas ang ulo niya. "Nagpunta ba siya sa pamilihan?"
Hindi siguradong umiling si Yosef. "May tumawag kanina sa telepono 'tapos nagmamadali siyang lumabas at pinaandar ang sasakyan. Ang sabi niya sa akin pupunta lang siya sa kabilang nayon dahil may susunduin siya," tugon niya.
Nagsalubong ang mga kilay ko. "Susunduin? Sino raw iyon?"
Nagtaas-baba ang balikat niya. "Hindi ko alam, Kuya." Saka siya ngumuso sa akin 'tapos naglakad na pabalik sa loob.
I'm curious about what Yosef said. Who could it be?
Bumalik ako sa toolshed—halos tatlong daang hakbang ang layo sa guesthouse—dala-dala ang tanong na iyon. Nang makarating ay isinalansan ko ang mga paso at tasa roon na ihahatid ko sa bayan mamaya. Dadagdagan ko na rin siguro ng iba pang palayok at mangkok para mailako sa mga dumaraan.
Nag-angat ako ng tingin at napalingon sa labas nang maulinigan ang makina ng sasakyan patungo sa guesthouse. Paniguradong si Martin na iyon dahil nasa dulong parte ng bayan ang kinalulugaran ng guesthouse malapit patungong gubat. I was all set to deliver the pots I had made but decided to go back to the guesthouse instead. Bukod sa gagamitin ko ang sasakyan, hindi ko mapigilang alamin kung sino iyong taong sinundo niya sa kabilang nayon.
"Ito ang guesthouse na tinutuluyan ko simula noong araw na nilisan ni Emma ang bayan. Kung napapansin mo, wala ng ibang tao rito bukod sa amin ng batang ito at ni Teren, dahil matagal nang hindi tumatanggap ang may-ari nito ng mga bisita maliban sa 'yo. May mga kuwarto kasing hindi na naayos at ang ibang pasilidad dito ay niluma na ng panahon. Huwag kang mag-alala, mayroon naman akong ihahandang maayos na kuwarto na tutuluyan mo..."
Pumasok ako sa loob, sa pintuang diretso sa kusina. Naglakad ako patungo sa sala at bumungad sa akin ang likuran ni Martin na tinatakpan ang babaeng sinundo at kausap niya. Nasa gilid si Yosef na pinagmamasdan ang bagong dating na bisita.
"Hello! Yosef ang pangalan ko at malapit na akong mag-anim," magiliw na pagpapakilala ni Yosef sa dumating. "Welcome sa guesthouse namin!" Naningkit ang mga mata nito sa pagngiti nang malapad.
Martin turned to face me, looking over his shoulder. "Nandito na pala siya." Muli itong lumingon pabalik sa babae. "Lorie, ito pala si Teren, ang may-ari nitong guesthouse."
Sinilip niya ako at mabining ngumiti sa direksyon ko. Halatang bagong salta lang talaga siya rito base sa pananamit niyang malaking jacket, kupas at bitin ang pantalon pababa sa puting sapatos. Malaki ang backpack na nakasabit sa likuran niya at isang maleta sa kanyang gilid na parang magbabakasyon lang ng ilang araw. Nakapusod ang buhok niya na nakadagdag ng aliwalas sa kanyang mukha. Kung hindi ako nagkakamali, siya siguro 'yong babaeng palaging binabanggit sa akin ni Martin noon—na nasa parehong edad ko. I've read a few of the letters she sent to him. Martin gave me some brief information about her; a young housekeeper which resides in the center province of Fawnbrook. She is Emma's daughter, who, for an unknown reason, moved away from Firefly Lane over twenty years ago. Kaso, mas kilala na ngayon ang bayan namin bilang Jericho—kabilang ang mga katabing nayon.
May kaunti na akong kaalaman tungkol sa kanya at ilan doon ay pinagbasehan ko lang dahil sa mga kuwento ni Martin sa akin.
Her name's Lorie, which is pleasantly unique. Hindi ko nagawang pansinin ang pagngiti niya at hindi iyon intensyonal. Naging natural lang dahil nagmamadali ako.
"Pupunta ako sa bayan para maghatid ng mga tasa at paso. Gagamitin ko ang sasakyan, baka gabi na ako makabalik dito sa guesthouse," kaswal na sabi ko at hindi ngitian pabalik ang bisita. Kay Martin lang ako nakatingin.
"Teren, hindi ka muna ba kakain? Saluhan mo na kami. Nakakahiya naman kay Lorie kung aalis ka na lang basta-basta," ani Martin, sa gilid niya, nakatingin sa akin si Yosef.
"Nangako ako kay Aling Aurelia na ngayong umaga ko ihahatid ang mga paso dahil maglilipat siya ng mga halaman. Susubukan kong makabalik agad." Saka ko sila iniwan sa loob.
It was unusual for me to leave them like that. Kapag umaalis ako, humahalik ako kay Yosef o kaya pangangakuan siya ng pasalubong, ngunit noong mga sandaling may ibang tao na kaming kasama sa loob, naglaho na lang 'yong kinasanayan kong iyon. Hindi ko mawari kung bakit bigla akong hindi naging komportable habang pinagmamasdan niya ako kanina. Baka sa umpisa lang siguro, hindi lang ako sanay na may ibang tao sa guesthouse bukod sa amin.
‧⋆.*ೃ༄₊
Umuwi akong dalawang palayok na lang ang natira mula sa iba't ibang klaseng dinala ko. Hindi na ako nagpaabot ng gabi dahil ayokong paghintayin sila bago ang hapunan. Na-relieve ang pagod at pagkauhaw ko sa maghapon nang mabilis kong maubos ang malamig na plum tea na binili ko kanina sa bayan. Hindi ko man napangakuan si Yosef noong umalis ako, nag-uwi naman ako ng mga makukulay na sticker na madalas niyang idikit kung saan-saan lalo na sa braso at pisngi niya. Kung sumalubong man siya sa pagdating ko, tiyak magiging masaya siya roon.
Hindi napansin ni Martin ang pagbalik ko dahil abala siya sa kusina. Mabango ang niluluto niya at ang nakagugutom na amoy niyon ang bumungad sa pagpasok ko sa guesthouse. Umakyat agad ako sa itaas, diretso sa kuwarto ko upang makapagpalit ng damit dahil gumagana na ang thermostat na pinaiinit ang buong guesthouse bilang panlaban sa lamig lalo pa't malapit nang sumapit ang mas malamig na panahon sa kabuoan ng Jericho.
Paglabas ko upang bumalik sa kusina, sa bintana ng second floor, sa labas, napansin ko ang babaeng nakatayo sa ibaba, si Lorie, sa tabi ng woodshed. Tahimik niyang pinagmamasdan ang gubat sa likod ng guesthouse. Nakapahinga ang mga kamay niya sa bulsa ng malaki niyang jacket. At nang lumingon siya at nagtingin paitaas, nagsalubong ang mga mata namin. Ilang segundo rin akong naestatwa bago naiilang na nag-iwas ng tingin at naglakad na pababa. How did she know I was here, staring at her? Ngumiti pa siya noong huling sandali, pero nagawa ko ulit na hindi pansinin iyon. Para yatang sinasanay ko na ang sarili kong iwasan siya sa pangalawang pagkakataon. Paano ba? Ngingiti rin ba ako? Kakaway? Mga bagay na hindi ko madalas gawin lalo na sa tulad niyang hindi ko naman lubos na kilala.
Bago tuluyang dumilim, iginarahe ko na ang sasakyan sa labas. Sumaglit muna ako sa toolshed para ilista ang lahat ng naibentang mga paso, tasa at palayok ngayong araw. Agad din akong bumalik sa guesthouse para maghapunan. Truffle pasta at cabbage porridge ang niluto ni Martin noong magkita-kita na kami sa kusina. Si Yosef naman ay pinanonood ang alaga niyang gold fish sa malinaw na bowl na nakapatong sa side table malapit sa refrigerator.
Then I looked around for Lorie, but she wasn't anywhere here. Nahalata iyon ni Martin. "Hindi siya makasasabay sa atin maghapunan. Pinuntahan ko siya sa kuwarto niya, pero mukhang gusto na lang niyang itulog at palipasin ang gabi."
Lumingat ako sa kanya habang sinasalok ang mainit na porridge sa mangkok. "Galit ba siya sa akin dahil umalis agad ako kanina?"
Umiling siya. "Pagod lang siguro siya. Mahaba ang biyahe kung galing kang Fawnbrook patungo rito. Malaking probinsya ang Chrisford at ito ang unang beses niyang magpunta rito. Baka nga sa pagitan niyon ay naligaw pa siya kung saan hahagilapin ang address sa sulat na natanggap niya mula sa akin na tangi niya lang pinanghahawakan."
Napalagay ako kung ganoon. I didn't mean to snub her in any way. I just couldn't bring myself to greet her as sweetly as Martin and Yosef did. Kung ilang araw lang naman siyang mananatili rito bago dumating ang biyahe ng tren sa susunod na linggo, kasadong hindi rin namin siya makakasama nang matagal.
Natapos ang hapunan. Nagligpit ako ng mga pinagkainan at tinulungan si Martin na maglinis sa kusina habang naglalaro na ng laruang kotse si Yosef sa sala.
"Hindi na ba talaga magbabago ang isip mo?" banggit ni Martin nang kapuwa kami binalot ng katahimikan dahil sa pagiging abala sa mga pinggan.
Natigilan ako habang pinupunasan ang mga kutsara't tinidor na bagong hugas. Isang buwan na ang nakalipas matapos ang bangungot na iyon, na pinaniniwalaan kong posibleng mangyari sa bayan. Anytime I think about it, I used to lose control over everything. It directly impacts me. At sa tuwing nakikita ko si Martin at Yosef araw-araw, sobra akong natatakot at hindi mapalagay dahil hindi sila hiwalay kung sakali mang mangyari ang bagay na iyon.
"Malayo pa ang Firefly Festival," tangi na lang na sagot ko sa kanya.
Walang reaksyon ang mukha ni Martin, pero alam kong nalulungkot siya sa desisyon ko. Para nang nakatatandang kapatid ang turing ko sa kanya. Siya 'yong tipong kalmado lang. Hindi siya nagkulang sa akin, sa paggabay at pagpapaalala na magiging maayos din ang lahat. Kahit na minsan ay hindi kami nagkakasundo sa ilang mga bagay.
Inihanda ko na ang heat lamp sa kuwarto na dadalhin ko bago mawalan ng kuryente ang buong bayan tuwing sasapit ang alas diyes ng gabi. Matutulog na sina Martin at Yosef, samantalang ako ay mahaba pa ang oras para sa magdamag. Kung wala ako sa ilog o bundok tuwing gabi, malamang nasa toolshed lang ako at naghuhulma ng palayok. Ilang taon na rin akong hindi nagagawi sa lumang cabin sa dulong bahagi ng kagubatan ng bayan, minsan naroroon ako kapag gusto ko munang umalis ng ilang araw o linggo. Minsan may pagkakataong gusto kong mapag-isa, literal na walang kasama. Ako lang at ang kalikasan. Sometimes, I used to believe I was introverted because I preferred being alone, but it turns out I enjoy being at peace and am probably extroverted around people who bring me peace.
Bago ako lumabas ng guesthouse ay sumulyap muna ako sa pintuan ng kuwarto kung nasaan ngayon si Lorie. Malayo iyon sa kuwarto nina Martin at Yosef dahil nakadugtong ang kuwarto niya malapit sa bakuran kaya nakita ko siyang naroroon kanina. May sarili iyong pintuan palabas ng guesthouse at hindi tulad ng kuwarto ko sa ikalawang palapag.
Agad akong gininaw paglabas ko. Maliwanag ang buwan, tahimik na ang buong lugar, tiyak maging sa bayan ay payapa na rin kahit madilim. Hawak-hawak ko ang lampara bilang ilaw at heat lamp pampainit naman patungo sa toolshed. Kaya kong magtrabaho kahit na apoy lang mula sa ulo ng kandila ang nagsisilbing liwanag, ang mahalaga ay hindi masayang ang oras ko sa haba ng gabi.
Nang matabig ko ang coat rack ay kumalansing sa tabi niyon ang susi ng sasakyan at toolshed. Nalaglag iyon sa sahig kasama ang crochet keychain na natanggap ko bilang regalo noon. Dinampot ko iyon at panandaliang natigilan nang mabasa kong muli ang mga letrang nakaburda roon, lalo na napakagandang pangalan niya.
Love, Irene.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro