Firefly 12 | Daydream
"Quiet people are actually talkative
around the right people."
–ilma
‧⋆.*ೃ༄₊
L O R I E
Nagising ako isang umaga at natutop ang aking bibig habang nakabalong ang maligamgam na luha sa aking mga mata. Napanaginipan ko na naman si Emma habang kasa-kasama siyang nagmiminindal sa sala ng aming tirahan noon. Mayroon siyang isang bagay na nais sabihin at ibig niyang malaman ko ito, ngunit hindi ko na iyon matandaan nang malabo niya itong banggitin sa akin. Nakatulala lang ako at pilit na inaalala iyon kasabay ng kumakaba kong dibdib.
Nagtungo saka nagtimpla ako ng tsaa sa kusina at nagbabaka-sakaling mapakalma nito ang emosyonal kong umaga, pero lumamig na lang iyon dahil sa lalim ng iniisip ko. Ilang linggo na akong naririto sa lugar kung saan lumaki si Emma, at simula nang mapadpad ako sa bayang ito, doon na rin madalas bisitahin niya ang mga panaginip ko. Hindi sa ayaw ko, subalit iyon din ang dahilan upang mas umigting lang ang pag-aasam kong alalahanin ang lahat sa kanya; sa buhay na mayroon kaming dalawa noon, mga palatandaan at masasayang tagpong pinagsamahan namin.
Mag-isa lang ako sa guesthouse ngayon. Magkakasamang umalis sina Martin at Teren pati na si Yosef sa nayon ng Florence dala ang sasakyan upang maghandog ng presensya at bilang sa papalapit na pagtitipong gugunitain sa malawak at antigong kuliseo ng nayon. Pakiramdam ko gusto nila akong isama, ngunit mukhang napahaba ang tulog ko kaya hindi na nila ako inabalang gisingin pa.
Bago pa ako lukubin ng mga alaalang mayroon kami ni Emma nang dahil sa naging panaginip ko, walang pahintulot na si Teren naman ang biglang pumukol sa isip ko nang panandaliang mabakante ito. Hindi naging maganda ang pagtatanghal niya noong nakaraang araw, ngunit wala siyang pinagsisisihan doon. Hindi ko nabanaag sa kanya ang kahihiyan at pagkabigo, bagkus ay hindi na niya ininda pa ang bagay na iyon at nag-move on na lang—kung anong dahilan niya, hindi ko alam. Kinagabihan din noong araw na nagtanghal siya, magdamag kaming magkausap sa sala at nagkuwentuhan lang ng mga bagay-bagay. Doon ko rin unti-unting nararamdaman na nagiging malapit na talaga kami sa isa't isa.
Sarado ang shop ni Mr. Lemery ngayong araw kaya wala akong pasok. Hindi ko pa nababanggit kay Martin na dalawang linggong isasara ni Mr. Lemery ang gift shop simula sa makalawa dahil luluwas ito sa nayon ng Charlotte upang magbakasyon, kung saan ay katiyakang mababakante na naman ako at mukhang susubok ulit na maghanap ng trabahong maaaring pagkakakitaan kahit part-time lang.
Sa mga sumunod na araw, mas napapadalas na ako sa toolshed ni Teren kahit na mag-isa. Mayroon akong duplicate ng susi niya. Naroon man siya o wala, mas naging panatag at kalmado ako roon habang pinagmamasdan ang hilera ng iba't ibang klaseng palayok na gawa na personal niyang hinulma. At sa ilang sandaling pananatili ko roon, sa paglilibot, napansin ko ang dalawang bisikletang may mga parteng kalas pa. Sigurado akong iyon ang kinukumpuni ni Teren nitong mga nakaraang araw na naririnig ko, mukhang inililihim niya lang. Nakasilid iyon sa sulok, sa likurang bahagi ng toolshed at hindi iyon kapansin-pansin dahil tila ba tambak lang iyon doon.
"Nandito ka pala."
Lumingon ako. Dumating si Teren saka kaswal na hinubad ang kanyang pandobleng jacket panlaban sa lamig at ipinatong sa mesa.
"Ginagawa mo ba itong mga bisikleta?" Pagkatapos ay itinuro ko ang mga iyon.
Tumango at tipid siyang ngumiti, hindi labas ang mga ipin. "Nakita ko lang na nakatambak 'yan sa attic ng guesthouse noong umakyat ako, kaya kinuha ko at dinala rito upang ayusin at baka-sakaling magamit pa natin," tugon niya.
"Natin? Para sa akin ang isa?" Medyo kinilig ako roon kung sa akin nga nakalaan ang isa.
Lumapit siya sa akin at kapuwa namin pinagmasdan ang mga bisikleta. "Hindi ka ba marunong magmaneho ng bisikleta?"
Lumingat ako sa kanya at sumagot, "Marunong."
"Mabuti naman," kalmante niyang sambit. Pumihit ang ulo niya upang lingunin ako sa kanyang gilid. "Para kapag nagpupunta ka sa shop ni Mr. Lemery o kaya sa sentro o sa pamilihan, puwede mong magamit 'yan kahit saan, kahit sa pag-uwi mo. Siguradong hindi mo na kakailanganin pang magpahatid at baka malaglag ka pa sa kabayo."
Nalukot ang noo ko. Nagtaka sa nilalaman ng sinabi niya. Ano'ng kinalaman ng bisikleta sa kabayo? Teren is probably cooking something. Ayaw niya bang hinahatid ako ni Vance gamit ang kabayo nito?
"Maingat naman si Vance, sinisiguro niyang hindi ako malalaglag habang nakasakay sa kabayo niya," depensa ko.
"Wala akong tiwala sa kanya," walang emosyon niyang turan.
Natigilan ako. May nangyari ba sa kanila noon ni Vance? May alitan? Mukha naman silang magkakilala, pero hindi iyong tipong malapit at palaging magkasama.
"Wala kang tiwala sa kanya dahil?" Gusto kong malaman kung bakit, kaya ako patuloy na nagtatanong.
"Dahil minsan na niya akong sinakay sa kabayo niya—"
"At nahulog ka?"
Iniwasan ni Teren na tumingin sa mga mata ko. Mukhang nahihiya siyang banggitin iyon.
Wala na siyang nagawa kung hindi ang tumango at umamin. "Oo, nahulog pa rin ako kahit pinanghawakan ko ang sinabi niyang maihahatid niya ako pabalik ng guesthouse nang maayos. Malay ko bang hindi niya pa lubusang napapaamo ang kayumanggi niyang kabayo..."
I held back my laughter. Sobrang seryoso ng kuwento ni Teren at hindi ko lubusang maisip ang nangyari sa kanya noong nalaglag siya sa kabayo. I couldn't even imagine it. Gusto kong humalakhak ngunit pinipigilan ko lang, ang kaso napansin pa rin yata niya ang pagtaas-baba ng balikat ko habang tutop-tutop ang aking bibig.
"Pinagtatawanan mo ba ang nangyari sa akin?" Lumabi siya.
I pressed my lips together tightly and shook my head. I'm trying to contain my laughter.
"Hindi ah," sagot ko.
Parang batang nagtaas ng gilid ng labi si Teren at mahinang napapalatak. Parang batang nagtatampo. "Tatanggi mo pa, halata namang natatawa ka... pinipigilan mo lang." Umismid siya.
Isa pa iyon sa mga bagay na nagugustuhan ko sa kanya. He occasionally acts so childishly that I find it amusing and adorable. Kaya natutuwa ako kapag inaasar ko siya o pinagtatawanan ang mga bagay na ibinabahagi niya sa kanyang nakaraan.
"Kapag naayos ko na ang bisikleta dapat gamitin mo na agad. Bukas magtutungo ako sa pamilihan, bibili ako ng basket para ikakabit ko sa unahan at kung sakali doon mo ilalagay ang mga bulaklak. Napansin ko kasi simula ng dumating ka rito ang hilig-hilig mong pumitas ng mga bulaklak kasama ang mga tangkay saka mo inilalagay sa pitsel o garapon na may tubig. Madalas mo rin bang ginagawa 'yon simula pa noon?"
Tumango ako sa kanya. "Nakasanayan ko na lang siguro ang ganoon. Kung hindi ako bumibili ng bulaklak sa downtown, namimitas na lang ako kapag nakakita sa daan. Sa pamamagitan noon, kahit papaano gumaganda ang araw ko at nakakagaan sa pakiramdam," kuwento ko.
Nang lumingon ako kay Teren, may nasipat akong hibla ng pilik mata sa 'di gaanong mapekas niyang pisngi. Nag-alangan tuloy ako kung kukuhanin ko ba iyon at tatanggalin. I'd like to gently blow it away, too. Dahil hindi ko alam ang gagawin, kumaba tuloy bigla ang dibdib ko lalo na nang makita ko na naman ang hindi pagkaraniwang ganda ng magkaibang kulay ng kanyang mga mata. Until he eventually noticed how long I had been staring at it.
"May dumi ba sa mukha ko?" Sabay turo sa mukha niya habang salubong ang mga kilay.
Dinagdagan pa ng ganda at lalim ng boses niya ang pagkabog ng dibdib ko.
Mabilis akong umiwas ng tingin. "May pilik mata sa pisngi mo," saad kong hindi siya nililingon.
Sa sulok ng aking paningin, napansin kong hinimas niya ang magkabila niyang pisngi upang tanggalin iyon.
Nananatili siyang nakaharap sa akin. "Wala na?" paniniguro niya.
Ayoko siyang lingunin kaya sumagot na lang ako, "Wala na. Natanggal mo na."
Nagsisimula nang uminit ang mukha ko. Ano bang nangyayari sa akin? Hindi naman ako ganito noon sa kanya.
"Sigurado ka? Ang linaw pala talaga ng mga mata mo, ano? Kahit hindi mo tingnan, alam mo pa rin kung nasaan."
"Oo, mas malinaw pa sa inaakala mo," pagbibiro ko at ginatungan na lang ang usapan.
Palihim kong nakagat ang ibabang parte ng labi ko. Bakit tila naging delikado na ngayon ang tumingin sa mga mata niya? Bakit ganito na ako naaapektuhan sa simpleng bagay na iyon? Walang iba akong dapat sisihin kung hindi ang pahamak na pilik mata niya.
‧⋆.*ೃ༄₊
Maghapon kaming magkasama ni Teren sa sumunod na araw. Isinama niya ako sa paghatid niya ng mga palayok sa sentro. Sa pagkakakilala ko kay Teren noong una, tahimik lang siya at madalas na walang kibo, subalit nang makita ko kung paano siya makihalubilo sa mga suki niya... unti-unting nagbabago ang impresyon kong iyon.
Masasabi kong napakasipag niyang tao. Mula sa kung paano niya hinulma ang mga palayok, paso, tasa o mga pinggan hanggang sa maingat niyang pagdadala, pagbibitbit at paghahatid sa mga taong bumibili at umuulit na bumili dahil sa kalidad at tibay ng produkto niya.
"Naiinip ka na?" tanong ni Teren nang mapansin niyang nakaupo lang ako sa isang tabi habang nakahalumbabang naghihintay sa kanya.
Lumabi ako at umiling. "Wala lang akong ginagawa pero hindi ako naiinip," dahilan ko.
Sa parehong sandali ay nasapo ni Teren ang kanang braso niya at bahagyang nangiwi. Hindi ko mawari kung nagkataon lang o baka bigla talagang kumirot iyon. Mukhang wala lang dahil hindi naman niya iyon ininda pa, baka nangalay lang dahil kanina pa siya buhat nang buhat.
"Saan mo gusto pumunta pagtapos nito?" nakangiti niyang tanong sa akin.
I became so excited after that. "Dumaan tayo ng panaderya sa may liwasan, gusto kong tikman iyong bonete nila roon," magiliw kong tugon, parang bata.
"Sige, dadaan tayo roon bago umuwi."
Hinihintay lang namin ni Teren na dumating ang manong na kukuha ng mga paso. At sa maghapon, sulit ang pagod dahil naubos ang lahat ng dinala niya sa sasakyan.
Gaya ng sabi ni Teren ay dumaan muna kami ng panaderya at bumili ng nakatatakam na bonete habang nangingintab ang ibabaw ng tinapay dahil sa pinahid na mantikilya. Nagdagdag din si Teren ng monay at ilang pirasong binangkal para may maiuuwi kina Martin at Yosef.
Sa biyahe, pinagsaluhan naming dalawa ang mainit-init pang bonete. Sa mga sandaling iyon, ang gaan-gaan ng pakiramdam ko. Kahit nagpapalitan lang kami ng ngiti, tingin at tawa ni Teren, malaki na ang nagiging epekto sa akin noon. Hindi kailangan ng malalim na usapan para mabuo ang koneksyon sa pagitan naming dalawa. Mga simpleng galaw at kumpas lang ay kasapatan na.
Pagsapit ng gabi ay sabay-sabay kaming naghapunan pagkatapos ay naligo ako at maagang pumasok sa aking kuwarto. Sobrang presko ng pakiramdam ko at dulot na rin nang maghapon, parang gusto ko nang mahiga at magpahinga.
"Lorie, matutulog ka na ba?" Mahinang umalingawngaw ang boses ni Teren sa labas ng kuwarto.
Bumangon ako. Pagbukas ko ng pinto ay siya agad ang bumungad sa akin, suot ang makapal na jacket at itim na cargo pants. Mukhang wala pa siyang planong magpahinga at tila may balak pang lumabas ng guesthouse.
Umiling ako. "Hindi pa naman, nagpapatuyo pa ako ng buhok," dahilan ko.
"Samahan mo ako," aniya, habang ang mga mata niya ay nakatingin lang sa akin, masayang nangungusap.
Kumunot ang noo ko. "Saan?"
"Tara sa toolshed. May ibibigay ako sa iyo."
Hindi pa naman gabing-gabi, kaya hindi na ako nagdalawang-isip at nagdoble na lang ng damit panlaban sa lamig saka sumama sa kanya.
Sa kapunuang nadaraanan namin sa likod ng guesthouse patungong toolshed, hindi nagkulang si Teren bilang ilaw sa aking harapan. He did his best to spot the light on my feet as I followed him.
Malamig pa rin ang gabi, walang pinagbago. Maaliwalas ang langit, hindi ganoong nagkalat ang mga ulap dahil siguro mahangin.
"Maraming salamat pala kanina."
Nagsunod ako ng tingin sa kanya habang patuloy kami sa paglalakad.
"Hindi mo kailangang magpasalamat sa taong naging istorbo sa 'yo," biro ko. Mahina akong ngumisi sa kanya.
Napahinto siya. "Huwag mong sabihin 'yan." Nakangiti siya habang hinihintay akong maabutan siya sa kanyang paglalakad.
"Imbes na isipin mo lang ang mga suki at bumibili sa 'yo, inaalala mo pa tuloy ako."
"Inaalala kita, oo, pero hindi ka naging istorbo," pagtatama niya.
Nag-iwas ako nang tingin noong muli ako natutok sa kanya, lalo na sa mga mata niya. Nanahimik na lang ako hanggang sa makarating kami ng toolshed.
Pagdating namin ay maliwanag pa sa loob dahil wala pa namang alas diyes, mayamaya pa mawawalan ng kuryente. Binuksan niya ang mga heatlamp upang pag-initin ang loob.
Nanayo lang ako nang isang maliit na kahon ang isinalubong sa akin ni Teren pagdampot niya ng bagay na iyon sa tokador sa gilid.
Pinagmasdan ko iyon. "Ano 'yan?"
Nakangiti siyang binuksan iyon saka tumambad sa akin ang isang charm bracelet na binabalot ng pilak. Maganda iyon, simple kahit 'di gaanong maningning. 'Tapos ay marahang isinuot sa akin ni Teren ang bracelet. Something felt electrifying about his fingertips brushing against my wrist. And then my attention was drawn back to the charm bracelet as I twisted my wrist. Bagay iyon sa akin, lalo na sa kulay ng balat ko. May bahagi sa akin ang ikinatuwa iyon.
Malabi akong ngumiti kay Teren. He was even able to give me a direct look.
"Matagal ko nang gustong ibigay 'yan sa 'yo. Plano ko sana iyon noong araw na aalis ka na, kaso bigla akong nawalan ng lakas ng loob." Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko alam kung bakit."
Natatawa akong saglit na nayuko 'tapos humarap na tumingin sa mga mata niya. "Ang ibig sabihin ngayon malakas na ang loob mo?"
Para siyang nahihiya na natatawa na hindi ko maintindihan ang reaksyon. "S-siguro." Kahanay ng sandaling iyon ay napansin ko ang mahinang paghugot niya ng hininga. "Gusto rin kitang pigilan noong araw na iyon," biglang amin niya.
My brows knitted as my head tipped slightly. "Ha? Plano mo akong pigilan? Bakit?"
Muli siyang nagkibit ng balikat. "Hindi ko alam. Baka may parte lang sa akin na ayaw ka pang umalis." Admittedly, he sounds uncertain.
Gusto ko ring aminin sa kanya ang pagdadalawang-isip ko noong araw na iyon. Gusto ko pa siyang makilala, marinig at mapanood na tumugtog at magtanghal, iyon din siguro ang nag-udyok sa akin na huwag munang lisanin ang bayan.
Nagpainit ng tubig si Teren at gumawa ng tsaa para sa aming dalawa makalipas ang ilang sandali. Magkasalungat na naman kaming naupo sa silya habang nakapagitan ang mesa. Napapadalas na yata kami sa ganoong sitwasyon, ano't ano pa man, masaya akong lubusan ko na siyang nakikilala.
May ilang suki siya kanina na ibinabahagi niya ang bawat kuwento ng mga ito sa akin ngayon. Noong una interesado pa ako, ngunit sa kalagitnaan ay tila nawala na ang buong atensyon ko sa kanya. I was completely engrossed in his beautiful, rare eyes. The light bulb above us perfectly illuminated them.
"Lorie..."
He swung his hands in front of me, to catch my attention... but I wasn't going to stop myself from admiring his gorgeous eyes. Tila nananaginip ako ng gising na pinagmamasdan lang ang asul at kayumangging pares ng mga mata niya.
"Lorie..."
Tinapik niya ako. Doon, nanumbalik ako sa aking sarili. Napapikit na lang ako at namula nang mapagtanto, dulot na rin ng kahihiyan. Nahuli na naman niya akong nakatitig sa mga mata niya.
Nayukod ako. "Pasensya na."
"Inaantok ka na ba? Gusto mo bumalik na tayo sa guesthouse?" mahinahong sambit niya.
Pumilig ang ulo ko at malakas ang loob na nagsalita, "Teren... gandang-ganda talaga ako sa mga mata mo." Sinubukan kong hindi maging tunog na may romantiko akong nararamdaman sa kanya dahil doon, bagkus ay binigkas ko iyon bilang papuri sa kanya.
"Sa haba ng kuwento ko, sa mga mata ko lang pala nakatuon ang atensyon mo?" Nagpipigil siya ng ngiti.
Nakakahiya man kung iisipin, pero totoong doon naman talaga ako nakatitig habang nagsasalita siya kanina.
"Maganda para sa inyo, para sa akin kakaiba. Heterochromia ang tawag sa ganitong uri ng kulay ng mga mata, klaseng kumpletong magkaiba."
I paused for a second before reacting, "Walang bang naidudulot na hindi maganda sa paningin mo ang pagkakaroon ng ganyang kakaibang kulay ng mga mata?" usisa ko habang unti-unting nag-aalala para sa kanya.
"Ang sabi ni Martin, namana ko ito sa aking ama; ang taong kailanman ay hindi ko nakita o nakilala."
Bahagya kong napapansing nawawalan ng tibay ang boses ni Teren nang alalahanin niya ang tungkol sa kanyang ama.
"Hindi ko alam kung nasaan na siya. Gusto ko man siyang makilala, subalit hindi ko na pipilitin pa ang sarili kong hanapin ang taong una pa lang ay wala nang pakialam o interes na makilala at gampanan ang responsibilidad niya sa akin. Lumaki man akong saglit lang na nakasama ang aking ina, nariyan naman si Martin para punan ang mga pagkukulang nila."
Teren was attempting to control his emotions, even though I know he will become emotional as he tells his story. Tulad ko, mag-isa lang din akong itinaguyod ni Emma noon. Hindi ko maramdamang may kulang kung naibibigay naman ni Emma ang pagmamahal ng iyon ng sobra pa sa buo.
Teren continues as he tries to gather himself to choose a different way. "Alam mo ba na ang ganitong uri ng mga mata ay ihinahalintulad noon ng mga tao sa mga mata ng isang mangkukulam? Ayon kay Martin, base sa mga alamat na nabasa niya sa lumang libro, ang pinagmulan ng misteryosong kuwento ay mula sa persepsyon at kultura ng mga sinaunang tao noon. Sa simpleng salita, pinaniniwalaan nilang mayroong natatanging bagay na nakikita ang mga matang may heterochromia kumpara sa pangkaraniwang mga mata. Ngunit ngayon tinanggap na ng lahat at kinahuhumalingan na ang ganito."
Mas naliwanagan ako sa kuwento ni Teren. Nahinto ang pagiging emosyonal niya nang maibaling niya ang kuwento sa pinagmulan ng klase ng mga matang mayroon siya. Through that, there has been a positive shift in the atmosphere. Mas magaan. Mas masarap ang pag-uusap.
Ang mga mata niya ang pinakagusto ko sa lahat hindi lang dahil sa ganda ng magkaibang kulay ng mga iyon, kundi kung paano niya iyon itingin sa akin.
Mayamaya ay hindi ko na naiwasang pang humikab sa harapan niya.
"Halika na, bumalik na tayo," aniya.
Sabay kaming tumayo at inilahad niya ang kanyang kamay upang hawakan ko iyon saka kapuwa namin nilisan ang toolshed. Nag-uumapaw ang tuwa at saya sa akin noong mga sandaling magkasama kami. Tila ba nasa loob ako ng isang panaginip na alam kong gising ako. Napapalagay na ako sa tabi niya. Nasasanay na ako sa ganoong sitwasyon.
Kung ano man itong ginagawa sa akin ni Teren, paniguradong talab na talab iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro