Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

2 years before Wendy's Death

Maulan, makulimlim at malamig ang simoy ng hangin nang dumating siya sa lugar namin. Natatandaan ko pa, hapon noon—magkatapat lang ang aming mga kwarto kaya naman kitang-kita ko siya sa may bintana. Bukas pa ang bintana ko kaya naman nagkatinginan pa kami.

Kumunot naman ang noo ko nang kumaway siya sa akin, nginitian ko lang ito at saka sinara ang bintana.

"May bago pala tayong kapitbahay," sabi ko kay Kuya nang lumabas ako ng kwarto.

"Ngayon pa talaga nila naisipang lumipat. May bagyo ah," natatawang sabi ni Kuya.

Nakakapag-taka nga iyon pero ano nga ba ang pakialam namin sa desisyon nila? Bahala sila kung kailan nila gusto lumipat. Ang mahalaga sa amin ay matapos na ang ulan, baka mamaya ay bahain pa kami dito.

"May niluto akong sopas, " masayang sabi ni Mama. Agad naman kaming nag-unahan ni Kuya. Masarap magluto si Mama, may sarili nga itong karinderya at talaga namang maraming kumakain. Minsan pa ay may mga nagpapaluto sa kanya tuwing may birthday o kahit anong selebrasyon lalo na tuwing pista. Hinahanap-hanap ang luto ni Mama.

"Ma. Kilala niyo po ba yung bago nating kapitbahay?" Tanong ko sa kanya.

"Hindi pa," tipid na sagot niya.

"Mukang may kaedaran ako eh. Magkatapat pa kami ng kwarto," sabi ko pa sa kanila.

"Baka. Magka-klase pa kayo," ani Kuya.

"Ewan. Fourth year na kami, bakit pa kaya siya lumipat," sabi ko pa. Hindi ko alam pero sobra ang pagkamausisa ko sa kanya.

"Baka naman may problema lang at dito nila naisipang lumipat," suhestyon ni Mama.

"Sa liblib na lugar na ito? " natatawang sabi ni Kuya. Halos mabilaukan pa ito dahil panay ang subo niya ng sopas.

"Mga kriminal lang yata na nagtatago ang lilipat dito," ani ko habang hinihinipan ang sopas. Ang init pa kasi, hindi ko nga alam sa kapatid ko kung paano niya nakakain agad iyon.

Masarap talaga ang sopas ni Mama. Hindi ko makakalimutan ang lasa non. Sayang nga lang at hindi ako namana sa kanya.

Nang matapos kami kumain ay agad akong bumalik sa aking kwarto pinagmasdan ko ang sarado kong bintana. Para bang may nagsasabi sa akin na sumilip ako doon, pero hindi ko na ginawa. Ayoko namang isipin niya na wirdo ako.

Hanggang sa dumilim ay hindi pa rin tumitila ang ulan. Nag-aalala na si Mama dahil si Papa ay hindi pa umuuwi, nagtatrabaho siya sa isang establisimyento bilang isang security guard. Sana nga ay hindi na lang siya pumasok pero wala naman talaga kaming magagawa dahil kailangang magtrabaho.

Maya-maya lang ay dumating na si Papa, basang-basa ito sa ulan. Naawa ako sa kanya, pero ano pa nga ba ang magagawa ko. Estudyante pa lang ako.

Nag-mano kami Kuya sa kanya pagkatapos niyang magpalit ng damit. Umupo siya sa sofa at saka binuksan ang TV.

"Nananalasa pa ang bagyong Carmena sa probinsya ng Fuentaro. Pinag-iingat ang mga nakatira malapit sa dagat, maaari ring magkaroon ng landslide..."

"Mukang wala pa rin kayong pasok," sabi ni Papa habang nakatutok pa rin sa may TV.

Okay lang sa akin iyon. Mas gusto ko ngang nakakapag pahinga ako ng matagal. Pero gusto ko na ring makapagtapos ako ng highschool para naman makaalis na sa Sitio namin at makatulong na rin sa pamilya.

Napabuntong-hininga na lang ako at bumalik sa kwarto. Muli akong napatingin sa may bintana.

Anong klaseng tao kaya ang babaeng iyon?

******

Hindi lang naman ako ang puno ng kursyunidad. Maging ang iba pang mga residente. Maliit lang naman kasi ang Sitio na ito. Halos lahat magkakakilala kaya kapag may bagong salta. Ilang linggo o buwan silang laman ng balita.

Ayoko lang na ako ang tinatanong nila. Matapos ang bagyo, bibig naman ng mga kapitbahay ang bumabayo sa amin. Hindi pa nila gusto kausapin ang mga dayo—mailap sila sa mga dayo kaya naman kami ang inuusisa.

Ano bang alam ko?

Ayaw nga nilang lumabas ng bahay. Hindi rin namin alam kung ilang tao ang nasa loob. Mukang ayaw nilang makisalamuha sa amin. Pero naiintidihan ko sila, medyo nakakailang nga kung pagmamasdan mo ang mga kapitbahay na halos ilapit na ang mukha sa mga mukha namin.

"Wala ho kaming alam. Baka sila Aling Bibeng," sabi ko na lang. Si Aling Bibeng kasi ang dating may-ari ng bahay, umalis na sila sa Sitio na ito. Nakaka-inggit nga eh, sana kami rin balang-araw makaalis sa lugar na ito.

Kaunti ang mapaglibangan dito. Pero maswerte na rin kami, nagkaroon na ng kuryente dito sa amin. Siguro konting hintay na lang talaga at magiging mas moderno na ang lugar na ito. May malaking establisimyento na rin, nag-iisa nga lang pero sigurado ako na madadagdagan pa iyon.

"Wala na nga si Bibeng dito eh," sabi naman ng isa naming kapitbahay na si Aling Matet

"Oo nga biglaang alis. Hindi kaya may ginawa iyong kababalaghan at tumakas na," sabi pa ni Kuya Jude.

"Di ba mas liblib ito? Baka yung bago nating kapitbahay ang may ginawang kasamaan," bulong pa ni Manang Amor.

"Nasabi ko nga po iyan kila kuya," natatawang sabi ko sa kanila kaya sinamaan ako ng tingin ni Mama.

"Oo nga pero may kuryente naman na tayo. Kaya hindi mo na masasabing liblib," ani Mama.

May point naman si Mama pero iba pa rin yung mga lugar na hindi tago. Parang ayaw magpakita nitong lugar namin at halos wala talagang pumupunta.

"Kung sabagay. Pero ano ba, wala talaga kayong alam tungkol sa kanila?" tanong pa ni Manang Amor.

"Wala nga talaga Manang. Kung gusto mo ikaw na ang kumausap sa kanila. Aba nasa harap lang tayo ng bahay nila," sabi pa ni Mama.

"Ayoko nga. Mamaya kung ano pa ang mangyari sa akin," sabi pa ni Manang Amor.

Hindi nagtagal ay umalis na rin sila at naging tahimik na rin ang buhay namin—ngayong araw. Tiyak naman ako na babalik sila, sana maglakas loob na silang kausapin yung mga dayo para hindi na kami ang guluhin nila.

"Bukas na ang pasok niyo baka makita mo yung sinasabi mong babae na kaedaran mo," masayang sabi ni Mama.

"Hindi naman po ako sigurado doon," sabi ko naman.

Totoo naman baka mas bata o mas matanda sa akin yung nakita ko. O baka naman hindi pala siya totoo, baka imahinasyon ko lang. Baka multo, hindi ko na rin kasi binubuksan ang bintana ko. Ewan ko ba, kahit gusto kong makita uli yung babae—may pumipigil sa akin.

Baka hiya lang ito o kaba. Hindi naman din ako palakaibigan. Si Kuya baka iyon pa ang kumaibigan doon sa babae. Pero ako hindi.

Isa pa may mga kaibigan na ako eh. Bakit pa ako maghahanap ng bago?

*****

Kinabukasan—maaga ako nagising. Araw na ng pagpasok namin at sigurado ako na maghahabol kami niyan. Halos wala pa kaming natutunan dahil sa bagyo at naguumpisa pa lang ang mga bagyong darating.

Hindi ko pa rin nakakausap ang mga kaibigan ko, dahil nga sa mga nakikiusyoso ay mas pinili kong hindi na lumabas ng bahay. Ayokong magpakita sa sino man.

Sa kasamaang-palad sigurado akong tatanungin ako ng mga kaibigan ko tungkol sa bago naming kapitbahay.

Ano pa nga ba ang maisasagot ko kung hindi ang palagi kong sinasambit sa iba pa naming kapitbahay.

Hindi ko alam.

Masaya akong naglalakad nang makita ko ang mga kaibigan ko na may kasamang babae na pamilyar sa akin. Siya yung babaeng nakita ko sa may bintana noong nakaraan.

Agad nawala ang ngiti ko nang mapansin ko na tumatawa ito kasama ng mga kaibigan ko.

"Uy. Andyan ka na pala!" Masayang sabi ni Trista na agad akong nilapitan.

"Ay. Oo," pilit akong ngumiti habang pinagmamasdan pa rin ang babae.

Napansin niya siguro ang pagtingin ko sa kanya kaya siya lumapit sa akin at nagpakilala.

"Hi. Ako nga pala si Wendy Mae Cruz."

Ngumiti naman ako at nakipagkamay sa kanya.

"Raquel Mae Cruz."

Alam ko na ngayon ang pangalan ng babae sa may bintana. Totoo siya at hindi ko lang guni-guni.

Wendy Mae Cruz.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang pangalan niya.

END OF CHAPTER 1

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro