Chapter 1
"Oh isa na lang! Isa na lang! Aalis na!" sigaw noong konduktor kaya nagmamadali akong lumakad para maabutan iyon.
"Kuya!" habol hininga kong sigaw sa lalaki.
Kailangan ko na kasing makasakay agad dahil mahuhuli na ako sa klase. Nilingon ako ng kundoktor at tinitigan ako mula ulo hanggang paa bago ngumiwi. Tinalikuran niya 'ko at halos lumiwanag ang mga mata niya nang makita ang isang seksing babae na pasakay sa jeep. Sinalubong pa niya ito at inalalayan papasok. Natigilan ako sa pagtakbo at pinunasan ang butil-butil na pawis na namumuo sa noo ko.
Bakit gano'n? Kung tutuusin ay mas nauna naman ako ro'n sa babae ah? Ang unfair lang!
Napabuntonghininga na lamang ako. Wala akong ibang choice kundi maghintay ng susunod na jeep na paparada sa harapan ko. Tipid akong napangisi nang isang saglit pa'y may tumigil na ngang jeep na wala pang ibang pasahero. Mabilis ang lakad ko papalit doon at sumakay. Pinili kong umupo malapit sa bukana ng pinto para hindi na ako mahirapang bumaba pa mamaya.
Nginitian ko ang jeepney driver na naka-mata sa akin mula sa rear mirror.
"Puta, malas na naman!" malakas na wika niya na sinabayan pa ng pagkamot sa ulo niyang wala namang buhok.
Napalunok ako at umiwas ng tingin. Alam ko na naman kung anong tinutukoy niya pero mas pinili kong huwag na lang pansinin. Inabala ko ang sarili ko sa pagpipindot sa cellphone habang naghihintay pa ng ibang pasahero. Panay ang pa-usod sa amin noong driver kahit na para na kaming sardinas sa sobrang sikip at kulang na lang ay ay kumandong na sa akin iyong katabi ko.
"Usog pa sa kanan! Kasya pa ang dalawa riyan, eh!" naiinis na sigaw nito habang nakatingin pa rin sa rear mirror.
"Aba kuya, wala na po! Sikip na talaga!" iyamot na sagot naman no'ng isang matandang babae nakaupo sa harapan ko.
Napakamot sa ulo ang driver. Lumingon siya at bahagya akong nagulat nang dumirekta ang tingin nito sa akin, halata ang bahid ng inis at pagka-irita sa ekspresyon ng mukha nito.
"Ateng mataba, puwede bang doble ang ibayad mong pamasahe?" direktang tanong niya sa akin na siyang nakapagpalaki ng mga mata ko.
Tinuro ko ang sarili. "Po? Ako po?"
"Ay oo! ikaw lang naman ang mataba rito, eh! Puwedeng doble ang ibayad mo? Dalawa kasi ang upuan ang sakop mo kung hindi mo napapansin." Sarkastiko itong ngumiti at kapagkuwan ay umirap.
"Pero—"
"Kung ayaw mo, bumaba ka na lang. Tapos ang usapan!" iritadong putol niya sa sinasabi ko at tumalikod na.
Humigpit ang kapit ko sa bag ko bago dahan-dahang tumango. "Sige po. Doblehin ko na lang," mahinang sagot ko. Binalewala ko na lang ang mga tingin at mahihinang tawanan ng ibang pasahero.
Maayos naman akong nakarating sa school. Mabigat man ang loob ko dahil sa pangyayaring naganap kanina sa jeep ay wala na akong magagawa pa. Kaysa masira pa ang magandang araw ko ay ipinagkibit balikat ko na lamang iyon. Hindi naman na bago sa akin ang mga ganoong pangyayari.
Madalas na akong malait at mapahiya. Sanay na akong pinagtatawanan at kinukutya dahil sa katawan ko. I couldn't even see what was funny about being overweight but like what I've said, nasanay na ako. Minsan nga ay pinagtatatawanan ko na lamang din ang sarili ko sa harap ng salamin kasi totoo naman, eh. Hindi naman ako maganda at lumba-lumba ang katawan ko kaya anong hahangaan sa akin?
Kung noon ay nasasaktan pa ako sa mga masasakit na salita na binabato sa akin ng mga kamag-anak at kakilala ko, ngayon ay tinatawanan at tinatanggap ko na lang kasi totoo naman talagang katawa-tawa ako.
"May isusuot ka na mamaya para sa party?" tanong sa akin ng kaibigan kong si Savior.
Nilingon ko siya nang umupo siya sa bakanteng upuan sa tabi ko habang ang isa ko namang kaibigan na si Carmela ay kabilang gilid ko.
I sighed and shook my head. "Hindi ako sasama."
Hindi sila makapaniwalang tumitig sa akin. Nakatanggap pa ako ng isang malakas na sapak sa ulo mula kay Carmela.
"A-Ano?! Bakit hindi ka pupunta? Maayos ang naging usapan natin noong isang araw na lahat tayo pupunta ro'n, ah!" asik niya.
Sumimangot naman si Savior. Agad kong umiwas ng tingin sa kanilang dalawa. Nagkunwari akong abala sa pagdra-drawing ng kung ano-ano sa likod ng notebook ko.
"Hoy Hadassah! Ano bang problema?" pangungulit pa ni Sav.
I just shook my head again and sigh. Nahihiya akong sabihin sa kanila na wala akong damit na isusuot sa party na iyon. It was a semi-formal party pero after ng program na puwede na kaming magpalit ng swimwear. Debut kasi noong isa naming kaklase. Actually, hindi nga siya pumasok ngayon para sa preparation ng birthday niya. Noong inabot nga niya sa akin iyong invitation last week at sinabing aasahan niya 'ko sa birthday niya ay hindi ko alam kung bakit tumango ako at umuo sa kaniya.
Nagsisisi tuloy ako ngayon.
Nakahinga ako nang maluwag nang dumating na ang Teacher namin sa calculus. Bumalik na si Savior at Carmela sa kani-kanilang upuan pero patuloy pa rin sila sa pangungulit sa akin na sumama.
Gustuhin ko man kaso hindi ko talaga alam kung anong isusuot ko. Kung magsusuot ako ng dress, baka pagtawanan ako ng mga bisita dahil mukha akong suman. Hindi naman ako kagaya ni Savior at Carmela na hugis Coca-Cola ang katawan, eh.
"Sumama ka na kasi, Hads. Ang daya mo naman, eh!"
Heto na naman ang dalawa kong kaibigan. Kahit ngayong lunch break na ay hindi pa rin ako tinitigilan. Puwede naman kasi talagang sila na lamang dalawa ang pumunta. Hindi naman ako kawalan ro'n.
"Hindi nga. Next time na lang ako sasama," I answered.
Pinagpatuloy ko ang pagkain ko ng burger, pizza at spaghetti. Mula sa peripheral vision ay kitang kita ko ang palitan nila ng makahulugang tingin.
Savior shifted her seat and cleared her throat. Pumahalumbaba ito sa lamesa at tinitigan ako ng may malaking ngisi sa labi.
"Hindi ka talaga sasama? Final answer? Sayang naman. Balita ko ay dadalo rin doon si Griven," ani ni Savior na tila ba nalulungkot at nanghihinayang.
Natigilan ako sa pagkain at awang ang labing tumitig sa kaniya. Parang naging star ang mga mata ko nang marinig ko ang pangalan ng long-time crush ko na si Griven.
"Oo nga. Ang sabi pa nga ni Reign ay kasali si Griven sa 18 roses niya, eh," dagdag pa ni Carmela.
Pumalakpak ang mga tainga ko sa tuwa. Sasama pala si Griven kaya dapat lamang na sumama na rin ako!
Matamis akong ngumiti sa kanila at tumango. "Sige na nga, sasama na ako."
Griven Luxford Javier. He has been my ultimate crush since I was in elementary school. Kaklase ko siya noon pero simula noong nag Senior High School ay nagkahiwalay na kami ng landas. HUMSS ang kinuha niyang strand habang ako naman ay STEM. Hindi naman kami super close na dalawa pero mabait siya sa akin sa tuwing kinakausap niya ako. Isa iyon sa mga katangiang nagustuhan ko sa kaniya.
Nang matapos ang maghapong klase ay dumiretso kami sa bahay nina Mela. Nagulat pa nga ako nang iabot niya sa akin ang isang paperbag na naglalaman ng isusuot kong dress. It was a plus size casual party maxi dress. V-neck ito at above the knee ang sukat. Mayroon din itong slit na hindi naman masiyadong kahabaan.
Matapos mag-ayos ni Mela ay ako naman ang inayusan niya. Nakaupo ako sa harap ng vanity mirror habang nilalagyan niya ako ng light makeup. Si Savior naman ay nakaupo sa kama habang kinukulot ang buhok niya.
"Ang ganda ko na ba? Sa tingin niyo, magugutuhan na ako ni Moumin?"
Tumayo si Savior at hinagod ng kamay ang katawan niya sa harap ng salamin. Nakatitig lamang ako sa kaniya.
Carmela grinned at her and nodded. "Oo naman! Sino bang hindi magkakagusto sa 'yo eh ang sexy mo? Tiyak na kapag nakita ka ni Moumin ay maglalaway iyon sa 'yo!" she complimented that made Savior giggled.
Ako naman ang sunod na tiningnan ni Mela at pinitik sa noo. "Kaya ikaw Hads, kung gusto mong magustuhan ka ni Griven, magdiet ka," aniya na sinegundahan naman ni Savior.
Tipid na lamang akong ngumiti at tumango sa kanila. Nagpatuloy sila pag-uusap habang ako nama'y lumilipad ang utak dahil sa napakaraming tanong.
Do I really need to change myself para lamang magustuhan ako ng isang tao? Iyon ang tanong na gumugulo sa isipan ko hanggang sa makarating kami sa party ni Reign.
Imbis na pagtuunan ng pansin ang enggrandeng palamuti sa kabuuan ng bahay ay agad na hinanap ng mga paningin ko si Griven sa paligid at hindi naman ako nabigo. I saw him standing near the pool. He looked so dashingly handsome with his three-piece suit. Magulo ang buhok nito na bumagay sa kaniyang matikas na pangangatawan.
Awtomatiko akong napangiti nang makita ko siyang masayang nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan at kaklase niya ngunit ang ngiting iyon ay unti-unting nawala nang may lumapit sa kaniyang sexy na babae na halos lumuwa na ang kaluluwa sa suot nitong damit.
Griven looked at her with full of adoration in his eyes. Maging sa ilang mga kaibigan niya ay bakas din ang paghanga roon sa babae. Pumalibot sa kaniya ang mga kalalakihan pati na rin ang mga babaeng nais makipagkaibigan sa kaniya.
Tumawa si Griven at inalalayan iyong babae na umalis palayo roon sa kumpulan ng mga tao. Sinundan ko sila ng tingin ngunit nawala rin sila sa paningin ko nang hilahin na ako nina Savior patungo roon sa isang pabilog na lamesa.
Mayroong gumapang na lungkot at inggit sa aking sistema.
Kailan ko kaya mararanasan matingnan at hangaan ng ganoon?
Kailan ko kaya mararanasan ang mapuri at hindi puro pandidiri at panlalait ang maririnig ko?
Kailan kaya ako makikita ni Griven, hindi bilang isang kakilala at dati lamang na kaklase, kung hindi bilang isang babaeng kahanga-hanga?
Kahit tanggap ko nang ganito ako ay hindi ko pa rin maiwasang magpalamon sa insecurities ko. Maybe Carmela was right. Kung talagang gusto kong mapansin ako ni Griven at kung talagang gusto kong matanggap ako ng ibang tao. . . siguro nga kailangan kong baguhin ang sarili ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro