51 - When It Pours
It's been two days...
Two freaking days na wala akong ibang inisip kundi ang lahat ng nangyari sa buong buhay ko.
Worth it ba? Lahat ng sakit, ng pait at galit. Dapat ko ba talagang maramdaman ang mga iyon? Nakakapanghina kapag naiisip ko lahat ng pangmamaliit at pang-aalipusta ni Ate Chelsea at mga kamag-anak nya sa akin. Kapag pinapamukha nila na ampon ako. Dapat ko ba talagang maranasan ang lahat ng iyon?
Tapos malalaman ko na kaya ako nawalay sa totoong pamilya ko ay dahil sa pansariling kagustuhan lang ni mama na mapalitan ang namatay nyang anak na kasing-edad ko lang din. Dahil sa sarili nitong kagustuhan na mapunan ang pagkawala ng totoong Chinee Andromeda na namatay noong bago pa ito mag-isang taong gulang dahil sa sakit nito sa puso.
Nakakapanginig ng laman ang katotohanan na nadamay ako sa problema ng pamilya nila, na ginawa akong panakip butas nina mama at papa para hindi nila masyadong damdamin ang pagkawala ng totoong anak nila.
Hindi ba nila naisip na kawawa din naman ang pamilya na nawalan nang kunin nila ako nang sapilitan? Hindi ba nila nakita ang naging epekto ng ginawa nila sa pagkatao ko? Hanggang sa huling sandali ng buhay nila ay hindi nila iyon nagawang sabihin sa akin. Kung hindi pa ako natagpuan ng tunay kong mga magulang ay habang buhay akong mananatili sa kasinungalingan nila.
"Ikaw ang magtanong kung curious ka."
"Ikaw na lang, nakakatakot kasi ang aura nya eh."
"Ayoko, bahala ka."
"Sige na, kanina pa sya tahimik eh."
Ibinagsak ko ang ballpen na hawak ko sa ibabaw ng notebook na kanina lang ay sinusulatan ko.
"Geez! Kung magbubulungan kayong dalawa, pwede bang yung sa hindi ko talaga maririnig?" Singhal ko kina Julian at Remarie.
Tahimik naman na nagkatinginan lang ang dalawa bago sabay na bumaling sa akin.
"Ano ba kasi ang problema mo? Kahapon ka pa hindi umiimik eh. Wala kang ginawa kundi ang umiyak ng umiyak." Kunot-noong tanong sa akin ni Remarie.
"Sobrang nag-aalala lang naman kami ni Remarie lalo nang makita namin ang kalagayan mo kahapon."
Nag-iwas ako ng tingin sa kanila. Kahapon, pagkatapos ng isang buong magdamag na pag-iisip ay bumalik ako sa dati kong tirahan, nagpatulong ako kay Kyle na makapasok sa loob ng bahay habang wala si Ate Chelsea, buti na lang kahit paano ay nagawa ko pa syang suhulan ng pera para payagan ako. Dumiretso ako sa kwarto nina mama at papa, hindi sigurado sa kung ano ang sadya ko pero hinalungkat ko ang lahat ng gamit nila hanggang sa makita ko ang isang box na naka-label ang pangalan ko. May mga nakita akong sulat doon pero walang nakalagay kung para kanino.
Pagkatapos kong basahin ang isang sulat ay binitbit ko na ang buong box at dumiretso naman ako sa sementeryo kung saan sila nakalibing. Habang nasa harap ng puntod nila ay isa-isa kong binasa ang mga sulat ni mama.
Naroon ang pangungulila nya sa tunay na Chinee Andromeda. Ang paghingi nya ng tawad sa ginawa nyang pagkuha sa akin habang nasa ospital ako. Ang pagtatago sa akin ng katotohanan, dahilan para magalit ako sa totoong magulang ko. Dahil minulat nila ako sa kasinungalingan na iniwan ako ng totoong pamilya ko kaya ako napunta sa kanila. Ang pagsisisi sa nagawa nya, at kagustuhan na maibalik ako sa totoong pamilya ko.
Pero huli na...
Patay na kayo diba. Paano ko pa kayo magagawang sisihin? Paano pa ako magagalit sa inyo? Mararamdaman nyo pa ba ang hinanakit ko? Makikita nyo pa ba ang pagdurusa ko dahil sa ginawa nyo?
"Besh..." Muli akong nabalik sa realidad nang maramdaman ko ang masuyong pagpisil ni Remarie sa kamay ko. Tapos ay inabot sa akin ni Julian ang panyo nya. Nagtatakang tiningnan ko sya at inginuso nya ang mukha ko.
Doon ko lang naramdaman ang luha na naglalandas na pala sa pisngi ko. Marahas ko iyong pinahid gamit ang kamay ko.
"Ano ba talaga ang nangyari?" Tanong sa akin ni Julian.
"Hindi namin alam kung paano ka pakakalmahin habang nagwawala ka sa puntod ng mga magulang mo."
Napaismid ako. Magulang ko? Bakit parang insulto na ang dating sa akin na tawagin silang mga magulang ko?
"Hindi ko alam kung paano magre-react habang pinapanuod ka kahapon eh. Chinee, gusto mo bang hukayin ang parents mo sa puntod nila?"
Nakita kong hinampas ni Remarie sa braso si Julian dahil sa tanong nito sa akin.
"Eh kasi naman, mababaon na hanggang sakong ang lalim nung nahukay ni Chinee habang nagwawala sya kahapon." Reklamo nito sa aming dalawa.
Totoo bang nagawa ko iyon? Pagkatapos kong basahin ang mga sulat ay hindi ko na mapigil ang pag-iyak. Hindi ko na rin namamalayan kung ano pa ang mga ginawa ko. Hindi ko nga matandaan kung paano ako natunton ni Julian at Remarie kahapon eh. Namalayan ko na lang na inaawat ako ni Julian at pilit na pinapakalma habang si Remarie naman ay pinapagpag ang mga kamay ko dahil sa lupa at damo na dumikit sa bawat daliri ko.
"Chinee."
I cringed at the mere mention of that name. Pati ang pangalan ko ay isang malaking kasinungalingan na rin ngayon.
Impit na napahiyaw si Remarie nang basta na lang may bumagsak na plastic ng softdrinks sa lamesa namin. Dahil sa impact ay tumapon pa iyon at kumalat sa mga gamit namin. Maagap naman na nakatayo si Julian para iwasan ang pagtulo ng natapong sofdrinks sa kanya.
Pero ako, hindi pa man nakakatayo ay bigla na lang may humila ng buhok.
"Chelsea!" Bulalas ni Julian at mabilis syang nahawakan para mailayo sa akin.
"Sh*t ka Julian, bitawan mo ako. Hindi pa ako tapos sa babaeng yan." Sigaw ni Chelsea habang pilit na kumakawala sa kanya.
Naikuyom ko ang dalawang kamao ko nang marinig ang boses ni Chelsea.
"Akala mo ba hindi ko malalaman ang pagpunta mo sa bahay kahapon? Ibalik mo kung anoman ang kinuha mo sa gamit ng mga magulang ko. Wala kang karapatan sa kanila. Magnanakaw ka."
Sigaw nito sa akin at nagawa pa akong duruin.
Magnanakaw? Ako?
Mas lalo akong nanginig nang marinig ko ang pang-aakusa nya. Ako pa talaga ang tinawag nyang magnanakaw?
"Lumaban ka sa aking babae ka. Wag kang magtatago sa likod ng mga kabigan mo!"
Naririnig kong sigaw pa rin nito. Nagsisimula na kaming pagtinginan ng ibang estudyante na naroon din sa university ground. Habang lumalakas ang sigaw at tumitindi ang pagwawala nya ay mas lalo akong nanginginig dahil sa galit na nararamdaman ko.
"Humarap ka sakin, magnanakaw!"
Nagdilim ang paningin ko dahil sa huling sinabi ni Chelsea. Tumayo ako at walang pag-aalinlangan na hinaklit ang mahabang buhok niya. Narinig ko pa syang sumigaw bago inabot ang buhok ko para gantihan ako.
Kung sinuman ang nagtangkang hawakan ako para pigilan ay hindi nagtagumpay dahil mabilis kong naiwaksi ang kamay nito.
Buong lakas kong sinampal si Chelsea na halatang ikinagulat nito. Sapo pa nya ang kaliwang pisngi na tinamaan ko nang tingnan nya ako ng masama.
Ilang sandali lang ay nagsimula na syang sumugod pero agad ko iyong nasangga. Kinalmot nya ang braso ko at nakaramdam agad ako ng hapdi doon. Pero hindi ako papatalo. Hindi pa ako tapos sa kanila.
Hindi ako magnanakaw dahil sila ang nagnakaw ng totoong pagkatao ko. Kung meron mang magnanakaw sa amin ay sila iyon at ang mga magulang nya.
Nang akma akong sasampalin ni Chelsea ay agad ko iyong sinangga at itinulak sya. Pero nahila nya ako kaya sabay kaming natumba sa damuhan. Mabilis akong kumilos at dinaganan sya.
Puno ng galit na hinila ko ang buhok nya. Nagagawa din nya akong saktan pero mas lamang ako sa kanya. Magkabilang sampal ang ibinigay ko sa bawat kalmot na ginagawa nya.
Sinubukan nya akong sabunutan pero maagap kong naiiwas ang ulo ko sa kanya.
Sinampal ko ulit sya ng malakas at napangiti ako nang makita ko ang pagdurugo sa putok nyang labi. Hindi pa ako nakuntento, tumayo na ako at binigyan sya ng isang malakas na sipa sa tagiliran.
Napaigik sya sa sakit pero hindi ko sya tinantanan. Muli ko syang dinaganan dahil akma syang babangon.
Isang malakas na sampal. Para sa pang-aapi na ginawa nya sa akin noong mga bata pa kami.
Isang sampal ulit. Para sa pananakit nya sa damdamin ko gamit si Julian.
Isang sampal nanaman. Para sa lahat ng pagsunod ko sa kapritso nya kapag may gusto syang makuha kahit ikapahamak ko pa iyon.
At isang napakalas na huling sampal na magsisilbing ganti ko sa mga magulang nya na ninakaw ang buong pagkatao ko.
Nakayuko na ako dahil sa pagod. Ibinuhos ko na ang lahat ng galit ko. Tama na ang pananahimik ko. Tapos na ang pagtitimpi ko. Kailangan ko nang lumaban para sa ikakatahimik ng kalooban ko. Kailangan ko ng hustisya sa lahat ng masamang nangyari sa buhay ko.
Unti-unti ko na ring nararamdaman ang pangangapal ng kamay na ginamit ko para saktan si Chelsea. Tahimik naman ito at hindi na gumagalaw.
Humihingal ako at masama ang titig nang sulyapan ko ang buong paligid. Nakapalibot sa amin ang mga estudyante. Walang gumagalaw, walang nagsasalita.
Marahil lahat sila ay nagulat dahil nagawa kong saktan ang reigning university queen nila.
Sasampalin ko pa sana ulit si Chelsea nang maramdaman ko ang paggalaw nito. Pero natigilan ako nang may pumigil sa kamay ko. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa pulsuhan ko.
"Sh*t!" Reklamo ko at masama ang tingin na nilingon ko ito. Pero natigilan ako nang mapagsino ko iyon.
Puno ng lungkot at pag-aalala ang mga mata nito habang nakatingin sa akin. Nanlambot ako bigla nang mabagal itong umiling.
Inalalayan na nya akong tumayo. Nang tuluyan na kaming magkaharap ay ilang sandali nya munang pinagmasdan ang kabuuan ko. Marungis at puno ng kalmot ang mukha, magulo ang buhok. Punit ang manggas ng suot na T-shirt. Tumitig sya sa mga mata ko ng mas matagal.
Pamilyar sa akin ang klase ng titig na iyon.
Bigla ay nahimasmasan ako. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig at guminhawa ang pakiramdam ko.
Nagsimula nanamang maglandas ang luha sa magkabilang pisngi ko. Sinubukan nyang pahirin iyon pero patuloy pa rin ako sa pag-iyak. Kaya kinabig na nya ako para yakapin.
"Pagod na ako..." Bulong ko bago pa nya ako balutin ng kanyang maiinit yakap.
08022017.2014H
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro