41 - Julian Del Valle
Ilang packs ng instant noodles at canned goods ang maayos kong inilagay sa built in cabinet na nakapwesto sa ibabaw ng lababo. Bumili na rin ako ng electric stove at ilang gamit sa kusina gaya ng plato, baso, kutsara at tinidor at maliit na kaldero. Para sa higaan ko ay isang maliit na comforter na lang ang pinagkasya ko sa natitirang pera ko.
Nakarinig ako ng mahinang katok sa pinto at nakita ko na sumilip doon si Ate Lindy.
"Oh inday, tikman mo tong ulam ko nang may matino ka namang makain dito. Nakakaawa naman kasi yang kalagayan mo, ewan ko ba sa magulang mo, aanak-anak tapos hindi naman kayang panindigan." Litanya nito sa harap ko.
Kahit paano ay may kaunti na syang alam sa buhay ko at kung paano ako nakarating sa apartment nya. Mukha lang syang laging nagsusungit pero alam kong mabait talaga sya. Bakla si Ate Lindy na ang tunay na pangalan ay Orlando, early 40's na ang edad at dating nagtatrabaho bilang bartender sa Japan. Nang matapos ang kontrata sa employer ay nagtayo na lang ng sariling negosyo. Lindy's Grill and Resto na nasa likod lang din ng apartment na pag-aari nito.
"Salamat po." Nakangiting sabi ko sa kanya nang abutin ko na ang ulam na nasa mangkok. "Ibabalik ko na lang po mamaya yung lagayan kapag nahugasan ko na."
Hindi na sumagot si Ate Lindy, nagpaypay na lang ito gamit ang paboritong pamaypay na kulay pink at pairap na umalis na. Pwede ko pa bang bawiin ang sinabi ko na mabait sya? Kasi may katarayan talaga syang taglay eh, pero mabuti syang tao.
Isinara ko na ang pinto at nagtungo sa lababo para ayusin ang pagkain ko. Hindi na ako pumayag na magpasama pa kay Remarie ngayong gabi dahil alam kong kailangan pa nyang asikasuhin ang ama nya na may sakit. Tama na yung dito sya natulog sa unang gabi ko, ayoko na rin kasing makaabala pa.
Pagkatapos kong isalin sa plato ang pagkain ko para ngayong gabi ay pasalampak na akong naupo sa sala. Napakatahimik ng cellphone ko ngayon. Napabuntong hininga na lang ako matapos kong ilibot sa maliit na apartment ang tingin ko. Wala naman akong masyadong gamit maliban sa isang maliit na cabinet na naiwan ng dating tenant. Wala akong upuan, tv o kahit radio man lang. Nakakabingi ang sobrang katahimikan ng paligid.
Noong nasa South Korea pa ako at nakatira sa dorm nila Kuya Shinwoo, wala akong matandaang oras na natahimik ang paligid ko. Kung hindi ako ang mangungulit sa kanila ay sila naman ang nanggugulo sa akin. Madalas na nakatambay sa kwarto ko si Sandeul kapag wala silang practice o commitments. Nakikipagkwentuhan, kumakain o kaya ay makikitulog. Gusto daw kasi nya ang amoy ng kwarto ko na cinnamon. Kung hindi pa sya sunduin ni Jinyoung ay hindi nito maiisipan na umalis.
Kapag nasa sala naman ako ng dorm ay si Baro at Gongchan ang kausap ko. Ginugulo namin si Baro habang nanunuod ng soccer game sa cable. O kaya ay magkasabwat kami ni Gongchan sa pang-iistorbo sa tulog ni Kuya Shinwoo.
Sumubo na ako ng pagkain ko.
Ano'ng nangyari ngayon? Bakit mag-isa ako? Nami-miss ko silang lahat. Noong magkasama pa kami sa bahay ni Ate Chelsea, kahit lagi nya akong inaaway ay okay lang sa akin, at least may kasama ako sa bahay. At least, may nakakausap ako. Kahit paano ay nararamdaman kong may pamilya pa rin ako.
Hindi ko na mapigilan ang pagluha habang nginunguya ang pagkain ko. Naiinis na pinahid ko ang luha ko pero hindi pa rin ito tumitigil sa pagtulo.
Nasaan na ba ang totoong mga magulang ko? Hindi ba nila ako mahal kaya nagawa nila akong ipamigay sa iba? Bakit nila ako pinabayaan? Bakit pa nila ako binuhay at isinilang kung itataboy lang din naman pala ako? Ano ba ang kasalanang nagawa ko sa kanila at hinayaan nila akong mag-isa ngayon?
Biglang nag-ring ang phone ko kaya napadako ang tingin ko doon. Pagkatapos kong pakalmahin ang sarili ay saka ko lang sinagot ang tawag.
"Nabanggit sa akin ni Remarie na nakalipat ka na daw. Pwede ba kitang puntahan dyan?" Kunot-noong tiningnan ko ang screen ng cellphone ko bago muling idikit iyon sa tenga ko.
Bakit bigla syang lumalapit sa akin ngayon? May binabalak nanaman ba sila ni Ate Chelsea?
"Ano'ng kailangan mo Julian?" Matigas ang boses na tanong ko sa kanya.
Narinig ko ang malalim na buntong hininga nya mula sa kabilang linya. Sandaling katahimikan bago sya muling nagsalita. "Pwede ba tayong mag-usap? Hihintayin kita dito sa may kanto nyo."
Nanatili akong tahimik na nakikinig sa kanya.
"Please, Chinee." Bakas sa boses nito ang desperasyon at pakikiusap.
"Okay." Simpleng sagot ko bago pindutin ang end call.
Siniguro ko munang maayos ang sarili ko bago ako lumabas ng bahay. Nakakapagtaka ang bigla nanaman nyang pakikipaglapit sa akin, pero wala naman sigurong masama kung makikipag-usap ako. Dahil sa ngayon, kausap ang pinaka-kailangan ko.
Paglabas ko sa kanto ay may bumusina agad na isang pulang Honda civic sa akin. Itinakip ko pa saglit sa mga mata ko ang isang kamay ko dahil nasilaw ako sa pagflash ng font light nito. Naaninag ko si Julian na nakaupo sa driver's seat at naghihintay sa akin.
"Hop in." Sabi nito nang lumapit ako sa passenger's seat.
"Bakit?" Saglit ko pang inilibot ang paningin ko sa paligid. Lumabas na rin sa sasakyan si Julian, ipinatong sa ibabaw ng kotse ang isang braso at matamang tumingin sa akin.
"Wala akong kasama kung iyan ang iniisip mo. Pumunta ako dito ng kusang loob dahil kailangan kitang makausap. So please pumasok ka na para makapag-usap na tayo."
Nagdududang tiningnan ko lang sya pero sumakay na rin ako sa kotse nya pagkaraan ng ilang sandali.
"Una, gusto kong mag-sorry sa mga nagawa kong kasalanan sayo." Panimula nito. Nanatili akong nakatingin sa harapan, nakatanaw sa labas at tahimik lang na nakikinig.
"Hindi tama na pinaasa kita. Mali ang ginawa kong panliligaw at pagpapaniwala sayo na gusto kita kahit hindi naman talaga. Pero nagawa ko iyon dahil mahal ko si Chelsea noon. Lahat ng gusto nya ay handa akong gawin para mapasaya ko sya."
"You'll do everything to make her happy, even at the expense of hurting me?" Galit na baling ko sa kanya. Nasaktan kasi talaga ako nang malaman ko na pakana lang nila iyon. Kahit hindi naging kami, minahal ko pa rin naman sya kahit papaano.
"I'm sorry. Nabubulagan kasi ako sa pagmamahal ko noon sa kapatid mo."
"So bakit ka lumalapit nanaman ngayon? Pakana nanaman ba ito ni Ate Chelsea? Kasi kung oo, Julian, please lang, itigil mo na. Masyado na akong maraming iniisip para dumagdag ka pa. Hindi ko na kakayanin."
"Break na kami ni Chelsea."
Bigla akong natahimik at napatingin sa kanya. Nakakuyom ang mga palad nya pero nagsusumamo ang mga mata nito habang nakatingin sa akin. Nabanggit na sa akin ni Remarie ang tungkol dito, pero parang ngayon lang nagsink-in sa akin na totoong wala na nga sila talaga.
Para kasing ang hirap paniwalaan na wala na sila kung ang pagbabasehan ay ang mga makikita mo kapag magkasama sila. Halos hindi na nga sila naghihiwalay kapag nasa campus eh. Simula nang kumprontahin ko sila ay lagi ko na silang nakikitang magkasama. Kahit saan ako magpunta ay naroon silang dalawa na para bang ipinapamukha sa akin ang relasyon nila.
"Kaya ka lumalapit sa akin ngayon?"
"Gusto ko lang mag-sorry sa nagawa ko."
"Hindi ba parang masyado nang matagal para sa sorry mo? Two years, Julian kung susumahin natin ang tagal."
"Nanghihinayang ako sa pagkakaibigan natin. Kahit papaano ay itinuring din naman kitang kaibigan. Pero mahal ko si Chelsea noon kaya iyon ang ginawa kong justification sa mga maling nagawa ko sayo."
"Anong nagpabago ng damdamin mo para sa ate ko?"
"She's too much to handle and becoming unreasonable. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun na lang ang galit nya sayo kahit wala ka namang ginagawa. Hanggang sa unti-unti akong namumulat sa totoong ugali nya. Tapos na-realized ko kung ano ang sinayang ko nung pinili ko si Chelsea."
"Paano kayo nag-break?"
"May gusto syang ipagawa sa akin na hindi ko sinunod. Nakipaghiwalay sya dahil doon. Hindi ako ganun kasama, Chinee para manakit nanaman ng damdamin ng ibang babae na gusto nyang pagtripan. Hindi ko na sya pinigilan hanggang sa tuluyan na kaming maghiwalay."
Nababasa ko sa mukha nya ang lungkot at frustrations dahil sa nangyari sa kanila. Pinili kong wag na lang magkumento. Pero ano pa ba ang kulang sa buhay ni Ate Chelsea? Ano bang napapala nya kapag nagagawa nyang makapanakit ng ibang tao? Akala ko naman, ako lang ang gusto nyang saktan dahil galit sya sa akin. Iniisip kasi nya na nakikiagaw ako sa atensyon ng mga magulang namin. Hindi ba nya nakikita kung gaano sya kaswerte na kahit paano ay nakasama nya ang totoo nyang magulang?
"Gusto kong humingi ng isa pang chance sayo, Chinee."
Huh?
Marahan kong binawi ang mga kamay ko nang hawakan nya iyon. Bigla akong nailang sa klase ng tingin na ibinibigay nya.
"Nung panahon na nawala ka at hindi na kita nakikita, doon ko lang na-realized kung gaano kahalaga ang pinakawalan ko. Sana pala tinotoo ko na lang ang panliligaw ko noon. Hindi pa naman huli para sa atin ngayon diba?"
Napakunot noo ako habang nakatingin sa kanya. Pinapungay pa nya ang kanyang mga mata at parang nag-aalangan na ngumiti. Seryoso ba sya sa mga sinasabi nya?
Pero bakit imbes na matuwa ay parang naiilang pa ako? Siguro kung noon nya sinabi ang mga sinasabi nya ngayon ay hinimatay na ako sa kilig.
"Please, give us a chance Chinee." Sabi nito sa mas nagsusumamong tinig.
Hindi na ako umumik. Nakatingin lang ako sa kanya. Hindi ko rin kasi alam ang isasagot ko. Biglang sumagi sa isip ko si Jinyoung. Ang mapupungay nyang mata habang tahimik na nakatingin sa akin. Ang tipid na ngiti nya nang minsang magkatinginan kami habang kausap ko si Sandeul. Ang halik nya noong isang umaga na hindi na namin nagawang pag-usapan kahit kalian.
Ipinilig ko ang ulo ko dahil sa isiping iyon. Kailangan ko na syang kalimutan dahil hindi na ako makakabalik sa bansa nila. Kailangan ko nang magising sa katotohanan na ang layo namin sa isa't isa.
Muli kong sinulyapan si Julian na tahimik na nakatingin sa akin. Nagalit ako sa kanya dati dahil sa ginawa nya. Pero matagal na rin iyon at wala namang masama kung pagbibigyan ko sya diba. Nagawa ko na syang mahalin noon. Baka sakaling mahalin ko ulit sya ngayon.
"Pag-iisipan ko." Mahinang sagot ko sa kanya pagkatapos ng mahabang katahimikan.
Ngumiti naman sya at nagpasalamat sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro