Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter Seventeen

[seventeen]

"I'm sorry." Pag-uulit nito.

"Next time kasi, huwag puro yabang. Ayan tuloy, napapahiya ka ng wala sa oras."

Muli itong humingi ng paumanhin at yumuko. Ang saya pala kapag ang isang mayabang na tulad nito ay walang kalaban-laban sa'yo? Ang sarap sa feeling.

"Adelle!" May sumigaw ng pangalan ko pero hindi ko pinansin.

Nakarinig na lang ako ng mga yabag ng paang papalapit sa kinaroroonan namin. Ang sunod na nangyari ay ang pagpatong ng isang braso sa balikat ko.

Dahil dito ay inangat ko ang tingin ko sa lalaking ngayon ay nasa tabi ko na at naka-akbay sa akin. Hindi ito nakatingin sa akin bagkus sa lalaking nasa harapan namin.

"Oh! Steve, anong ginagawa mo rito?" Takang tanong niya rito.

"Ano kasi, Ramille. Susunduin ko sana si Salve, nasaan ba siya?"

Kusang tumaas sa ere ang kilay ko. Salve? Salve Junio, right? Sa higit isang buwan na lumipas ay hindi ko na siya nakita kaya wala na akong balita sa babaeng 'yon.

At saka, wala rin naman akong balak na makita siya. Masaya na ako na civil na lang ang turingan namin ni Ramille pero hindi ko alam kung bakit bigla-bigla na lang itong nangyayakap at nang-aakbay.

Sa isang buwan na 'yon, hindi ko siya pinansin dahil gusto kong sanayin ang sarili ko. Gusto ko kahit na walang kami ay nariyan siya sa paningin ko.

"Ah. Si Salve ba? Nandoon siya sa Rehearsal Studio, kasama sina Patrick. Sige, ah? Mauna na kami." Pahayag nito saka ako hinila palayo.

"Hoy, Ramille! Ano 'yon? Ayos kang maka-akbay, ah? Manager mo kaya ako!" Bulyaw ko rito nang hindi pa rin niya ako binibitawan.

"Oo nga po, Manager. Bakit? Bawal na bang akbayan ang manager?" Nakangising tanong niya.

Aba! Anong nakain nito at biglang ganyan ang pakikitungo sa akin? Okay na e. Okay na 'yung turingan namin dati. Ano 'to?

"Wala naman akong sinasabing bawal. Ang akin lang ay bakit mo ako ina-akbayan, aber?" Sa sinabi ko ay bahagya niya akong tinulak dahilan para malayo ako sa kanya.

"Oh, ayan! Choosy mo." Nakangusong sambit niya at nauna ng maglakad.

"Hoy! Walangya ka talaga!!"

Hinabol ko ito dahil sobrang laki ng mga hakbang niya. Takbo lang ako nang takbo hanggang sa madapa ako. Kung minamalas-malas ka nga naman.

Naupo ako sa lupa at tinignan ang tuhod kong may bahid ng dugo. Bakit ba ang lampa ko? Kanino ko ba namana itong kalampahan ko?

Nag-angat ako ng tingin nang may paang huminto sa harapan ko. Si Ramille lang pala kaya tinarayan ko ito. Naglabas siya ng puting panyo at lumuhod sa harapan ko.

"Oh? Anong ginagawa mo rito? Hindi ba ay iniwan mo na ako?" Pagtataray ko.

Seryoso itong nagbaba ng tingin sa akin habang abala ang mga kamay nito sa pagpunas ng tuhod ko. Matapos ay iniikot nito ang panyo sa tuhod ko bilang benda.

"Bakit naman kita iiwan? Anong magiging dahilan ko para iwan ka? Wala naman akong sakit, ah?" Aniya na para bang nang-aasar.

Wala sa sariling natahimik ako. Pakiramdam ko ay tumagos iyon sa puso ko kaya biglang sumikip ang dibdib ko. Mas masakit pa sa nasugatan kong tuhod.

"Hindi naman lahat ng umaalis ay may sakit. Iyong iba ay kailangan lang talaga." Saad ko nang tulungan niya akong makatayo.

"Okay. Eh, 'di bigyan mo ako ng dahilan para iwan ka."

Hindi na ako nagsalita dahil wala naman akong masasabing dahilan. At saka ayoko sa idea na 'yun. Ayokong iwan niya ako. Gusto ko kahit walang kami, nakikita ko pa rin siya.

Tulad ngayon, hindi ko alam kung bakit biglang ganito. Kung bakit biglang nagbago ang pakikitungo niya sa akin. Kung bakit masyado na siyang vocal towards me.

"Kaya mo ba? Gusto mong buhatin kita?" Pagtatanong niya.

"Anong akala mo sa akin? Pilay?" Sigaw ko saka nagsimulang tumakbo.

Nagulat ito dahil sa ginawa ko pero kaagad din niya akong hinabol, kaya mas binilisan ko ang pagtakbo. Hindi naman masakit itong tuhod ko, parang wala nga lang.

Nang maabutan niya ako ay hinablot nito ang kamay ko at kinaladkad ako. Nagpadala na lang ako kahit hindi ko alam kung saan kami pupunta.

Huminto lang kami sa isang tapat ng vendor ng mami. Tinignan ko siya ng masama pero natawa lang ito sa reaction ko. Lumapit na siya doon para makakuha ng space.

"Anong ginagawa natin rito?" Mahinang tanong ko saka hinila ang damit niya.

"Kakain?" Maang na sagot niya dahilan para hampasin ko ang braso niya.

"Seryoso ka na niyan? Bakit nga tayo nandito?" Pag-uulit ko pa habang pinanlalakihan siya ng mata.

"Bakit? Ayaw mo ba? Hindi ka ba nasanay noon o nagbago ka na?"

Muli akong natameme dahil nag-seryoso na naman ang mukha niya. Nakatingin lang siya sa akin at hinihintay ang magiging sagot ko.

Naalala ko noong college kami, parati kaming kumakain ng Mami. Isa iyon sa hindi ko makakalimutang alaala na nangyari sa amin noon. Tumawa ako ng peke at nagsalita.

"Anong akala mo sa akin?" Paghahamon ko at lumapit na rin kay kuyang tindero. "Manong, isang order ng mami at dalawang fried rice." Tinaasan ko siya ng kilay dahilan para mapatawa ito.

"Ako rin, Manong. Dalawang order ng mami at apat na fried rice." Mayabang na pahayag niya.

Hambog din ang isang 'to e. Parang si Steve na hindi ko alam na magkakilala pala sila. Anyway, wala na akong pake sa lalaking iyon.

Ang mahalaga ngayon ay kasama ko itong lalaking una kong nakilala bilang isa sa mga hambog na tao. Kahit hambog siya, isa iyon sa mga minahal ko sa kanya noon.

Tahimik lang kaming kumakain. Mainit pa itong mami kaya medyo natagalan kami sa pagkain, pero kahit na ganoon ay sobra akong nasarapan.

Hindi pa rin pala nawawala ang pagkahilig ko sa mami noodles. Sa araw-araw ba naman kasi naming pagkain noon ay halos mapurga na ako.

Pero all this time, isa pa rin iyon sa mga pinakapaborito ko. Isa iyon sa mga pagkaing may sentimental value sa akin, dahil si Ramille ang unang nagpakilala sa akin no'n.

"Ano? Kaya mo pang maglakad? Mukhang busog na busog ka." Puna nito nang halos hindi na ako makalakad sa sobrang kabusugan.

"Minamaliit mo talaga ako, 'no?" Taas noo kong pagtatanong.

"Maliit ka naman, ah?"

Halos malukot ang mukha ko sa narinig. Maliit pa ako sa lagay na 'to?

"Wow, nakakahiya! O sige, ikaw na matangkad."

Kahit 5'6" ang height ko ay maliit pa rin akong maituturing kapag kasama ko si Ramille. Six footer kasi ang isang 'to. Kung hindi lang siya abala dati sa pagkanta ay nasali na rin ito sa varsity.

Tanda ko pa noon na niyaya siyang sumali pero tinanggihan niya dahil mas gusto niyang pagtuunan ng pansin ang pagkanta noong college kami.

Tumawa lang ito pero nananatili akong tahimik. Iniisip ko pa rin kasi kung anong mayroon sa amin ngayon, ayokong lagyan ng malisya kasi baka mapahiya lang ako.

Kaya ngayon ay mas maganda sigurong namnamin ko na lang muna. Hindi na lang ako magtatanong at sasabayan na lang ang mga trip niya.

Feeling ko tuloy ay bumalik kami sa nakaraan, kung saan malaya naming nakakausap ang isa't-isa. Tatawanan niya ako dahil nainis na naman ako sa pang-aasar niya.

Pikunin ako way back in college. Mapang-asar naman siya noon. Kaya kapag pinagsama kaming dalawa, halos hindi mawala-wala ang sakitan at sigawan.

Pero alam niyo 'yung nakakatuwa? Kahit na gaano ako kaasar sa kanya, at the end of the day, susuyuin niya pa rin ako. Mags-stay pa siya sa bahay para lang makipagbati sa akin.

Nakakatuwang balikan na ganoon pala kami dati. Pero ang sakit isipin na ako ang dahilan kung bakit nasira kami. Kasalanan ko kasi iniwan ko siya.

Inilabas ko ang cellphone ko saka siya kinuhanan. Nakatalikod ito sa akin kaya likod lang ang nakuhanan ko. Mabagal kaming naglalakad sa gilid ng kalsada.

Muli ko siyang pinicturan. Sa paraang 'yun, maaalala kong nangyayari sa amin 'to ngayon. Napangiti ako at dahil sa pagtitig ko sa cellphone ko ay nabangga ako.

Hindi ko namalayan na huminto pala ito sa paglalakad at humarap sa akin. Mabilis nitong inagaw ang cellphone ko at pinagbubura ang mga picture na na-save.

"Hoy, Ramille! Bakit mo binura? Ang bastos mo!" Naiinis kong bulyaw dito.

Nakakagigil.

"Bakit mo ako kinukuhanan ng picture? Patay na patay ka talaga sa akin, ano?"

"Ewan ko sayo, Akin na nga 'yan!"

Napansin siguro nito ang pagkabusangot ko kaya hindi na siya nagsalita. Hindi pa rin niya binibigay ang cellphone ko kaya pilit ko pa rin iyong inaabot.

Iyon na nga lang ang magiging remembrance ko sa araw na 'to ay binura niya pa. Ayaw niya ba akong maging masaya kahit hanggang sa picture na lang?

"Smile!"

Nagulat na lang ako nang itinaas nito ang cellphone ko para kuhanan kaming dalawa. Ngumiti ito at dahil sobrang bilis ng pangyayari ay narinig ko na lang ang pag-click ng camera.

Hindi ako nakapaghanda dahil nakatingin lang ako sa mukha niya. Nang matapos ay nilingon niya ako dahilan para magkalapit ang mga mukha namin.

Ilang inches na lang ang pagitan ng mukha namin at isang maling galaw lang ay maaaring magdikit ang mga labi namin. Hindi ako nakagalaw dahil sa sobrang gulat.

Nakatitig lang ako sa mata niya kahit naduduling na ako dahil sa sobrang lapit namin sa isa't-isa. Hindi rin siya gumagalaw at tanging pagtitig lang ang ginawa niya sa akin.

Pakiramdam ko sa oras na 'yon ay tumigil ang paligid namin, parang nasa amin lang ang spot light. Hindi ko halos maramdamang may hangin na dumadampi sa balat ko.

Bumaba ang tingin nito sa labi ko pero nananatiling wala akong imik, nagtiim bagang ito at hindi rin nagtagal ay nilayo nito ang mukha niya sa akin.

"Kung pwede lang kitang halikan, ginawa ko na. Kaya lang hindi pwede." Bulong nito na siyang narinig ko.

"Bakit?" Wala sa sariling pagtatanong ko.

Gulat naman itong napatingin sa akin. Maya-maya lang din ay sumilay sa labi niya ang isang ngisi at napakagat-labi.

Oh, shit.

"Bakit? Gusto mo ba?" Sa sinabi nito ay halos manlaki ang mata ko.

"Ano?! Sy— syempre hindi, 'no! Asa ka namang gusto kong magpahalik sa'yo. Pwe!"

"Talaga? Eh, bakit namumula ka?" Pang-aasar niya.

"Natural! Kanina pa kaya tayo nakababad sa araw. Diyan ka na nga."

Iniwan ko na siya roon na walang humpay sa kakatawa. Wala sa sariling napahawak ako sa pisngi ko, ramdam ko ang pag-init no'n kaya paniguradong namumula nga ako.

Walangya!

Ang lakas talaga ng loob niyang asarin ako. Baka nakakalimutan niyang ako ang manager niya? Hanggang ngayon ay rinig na rinig ko pa rin ang pagtawa niya sa likuran ko.

"Ang kapal talaga ng mukha." Bulong ko sa hangin dahil sa sobrang inis.

Nang makarating na kami sa A's Music Recording ay pareho kaming napahinto sa may entrance. Nagkatinginan kaming dalawa at wala ni isang umiimik.

Parang itong A's ay siyang hangganan sa kasiyahan namin kaya back to normal na naman ulit kami. Kinuha nito mula sa bulsa ang cellphone ko at binigay sa akin.

Nauna na siyang pumasok sa loob at naiwan ako rito sa labas. Nang mabuksan ko ang cellphone ko ay bumungad sa akin ang picture naming dalawa dahil naka-set iyon bilang wallpaper.

"Ramille!!" Sigaw ko at doon ko na naman narinig ang mapang-asar niyang tawa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro