Risingservant's Oneshot Story
Kaibigan
Parang kailan lang, ako ang pinapakain mo. Ngunit ngayon, ako na mismo ang kakain sa 'yo.
Naaalala mo pa ba ang araw kung paano tayo nagkakilala? Mga alaala noong tayo'y magkasama? Hindi iniisip ang problema, inuuna ang pagpapakasaya?
Hinding-hindi mawawaglit sa aking isipan, kung paano ka naging mabuting kaibigan. Araw ng kapaskuhan, nang tayo'y magkakilanlan.
Gutom na gutom ako noon, habang ika'y naglalaro, bandang dapit-hapon. Tinutukso ka pa nga na isa ka raw hipon na sinisipon, kaya inaabutan ka ng mga kalaro mo ng dahon.
Batid kong ika'y naiinis, ngunit panunukso nila'y pilit na tinitiis. Matamis na kasinlaki ng ipis, hindi mabilis mapanis at kakulay ng mais. Iyan ang sa kanila'y inihagis, nang damdamin mo'y dumalisdis.
Napapalakpak ako sa iyong ginawa. Mga kapwa mo bata'y takot na takot ang mukha. Nagsitakbuhan sila at ang ila'y nadapa. Napabungisngis ka't sumalampak sa lupa, kinuha ang kendi na napunta sa basa.
Binuksan at kinuha ang laman, dinila-dilaan at kinagat nang walang pakundangan. Lumapit ako sa iyong paanan, nagbabaka-sakaling ako'y iyong bigyan.
Nginitian mo ako, nangilid ang luha ko. Hindi ko inaasahan na ako'y iyong pagmamalasakitan, kaya naman nagdiwang ang aking kaibuturan.
Munting luha, dumaloy sa aking mukha. Ikaw sa aki'y pagpapala, hindi inalintana kung ano sa aki'y iyong mahihinuha.
Mapula't kay sarap kagatin, maliit ngunit ika'y manginginain. Iyan ang pagkaing ibinigay mo sa akin. Hindi masyadong napapansin, ngunit sa mga bata ito'y lapitin.
Aratilis, akala mo'y mismis at 'di malinis. Para akong hinagibis dahil sa tumatagaktak kong pawis. Nang sa labi ko ito'y kumiskis, nguso ko'y biglang nangamatis.
Tawa ka nang tawa, para kang naalunsina. Hindi ko alam kung saan mo hinugot ang nadaramang ligaya, ngunit masaya ako dahil lungkot mo'y napawi na.
Nais ko sana sa iyo'y makipagkwentuhan, ngunit tinatawag ka na ng iyong magulang nang ika'y kanilang businahan. Akala ko, ako'y iyong iiwan, ngunit nabigla ako nang ilagay mo ako sa iyong bulsa nang walang alinlangan.
Nawindang ako, hindi ko inaasahan na maraming pagkain sa lalagyanan mo.
Sinampal muna bago inalok, sampalok. Maasim-asim at nakasisinok, ngunit masarap ihalo sa sinabawang manok.
Gatas na ipinamalas, sa tindaha'y lumalagaslas. Matamis nitong karakas, sa lalamuna'y mabibisagas. Krema de bola, wala ng iba.
Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin, nakakapang-akit ang mga pagkain, sa iyong bulsa'y kay sarap dukutin. Pero kailangan kong maging mahinhin, nang 'di ka magalit sa akin.
Pagkarating sa inyo, napanganga ako mismo. Masasarap na pagkai'y nakahain sa mesa, kaya hindi ko maiwasang sumilip mula sa iyong bulsa.
Namimintog na laman, sinangkutsang kasu-kasuan. Makunat na balat, kadalasang sinasalat.
Higit akong naglaway sa nakita kong litson. Sa harap nito'y may nakahain pang bihon. Ang tiyan ko'y biglang nagrigudon, parang lahat ng pagkai'y gusto kong iahon.
Kumuha ka ng iyong pagkain, ako'y natakam sa pagsandok pa lang ng kanin. Ako'y higit na naglaway, mga paborito ko, sa mesa'y nakahimaymay.
Sa pag-upo mo, hinayaan mo na ako sayo'y makisalo. Hindi inalintana ang pinanggalingan ko, isinantabi ang dami ng tao.
Kapaskuha'y damang-dama, ang iyong pamilya'y masagana. Dagsa ang inyong bisita, walang iniitsapwera.
Ako'y nabusog, sa mga pagkain ako'y nabugbog. Salamat sa iyo, ibinahagi mo sa akin ang pagpapala ninyong natamo.
Hindi ako makapaniwala na papatirahin mo ako sa inyong tirahan, isa kang mabuting kaibigan. Kinupkop mo ako na para bang alaga, sa isipa'y walang namuong haka-haka.
Akala ko, suplada ka, kalog ka rin pala. Marami tayong bagay na napagkakasunduan. Madalas, naglalaro tayo sa inyong bakuran.
Marami tayong pinagsamahan, sa loob ng dalawang taon, lagi tayong nagkukulitan, nagtatawanan at naghahalakhakan.
Isang araw, pakiramdam ko'y biglang umalingawngaw. Sa loob ng pinaglalagyan kong garapon ay mayroong umaalingasaw. Ako'y nahilo at sumakit ang ulo, nalaman na pala ng nanay mo ang ating sikreto kaya balak niyang todasin ang katulad ko.
Gamot na nakakasuka, aking katawa'y inaabsorba. Unti-unti akong nakakaramdam nang panghihina, habang ika'y nakatayo lang at pinagmamasdan ang aking pagratsada.
Dinampot ng nanay mo ang sisidlang kinatitirikan ko. Inalog-alog hanggang sa ako'y mahulog. Lupaypay ako nang ako'y lumagapak sa sahig, dinadalanging tumigil ang nanay mong ligalig at naghuhumindig.
Hindi pa nakuntento ang nanay mo, itinaas pa niya ang kaniyang paa upang paggasak sa aki'y maging solido. Akala ko, mawawala na ako rito sa mundo, laking pasasalamat ko, nang buhay ko'y isalba mo.
Pumunta ka sa inyong bakuran, naghukay nang medyo kalaliman. Doon mo napagtanto na iyon ang dapat kong kalagyan, hindi dapat sa garapong sisidlan.
Iyon ang pinakamasakit na araw para sa akin. Iniwan mo ako nang hindi pinapansin, ni wala man lang huling habilin.
Malaki ka na, alam mong sa aki'y 'di na dapat makisama. Ako sayo'y hindi na mahalaga, nakikisalo pa ako sa iyo ng sustansiya noon sa tuwing kumakain ka.
Ginamit lang kita para ako'y mabuhay. Sinanay ang aking sarili upang maging malumanay. Alam kong ikaw mismo sa aki'y nakasubaybay, kaya pagkilos ko'y hayahay ngunit dalisay.
Lumipas ang panahon, mga kauri ko, ako'y inampon. Wala na akong kaibigang masasandalan, kaya katawan ng tao'y kinahumalingan.
Sa sementeryo ako natuto kung paano tikman ang tao. Bangkay ang dahilan ngayon kung bakit nabubuhay ang isang tulad ko.
Kaibigan, hinding-hindi kita makakalimutan. Maraming salamat sa ating pinagsamahan. Patawad sa gagawin naming kalapastanganan sa naaagnas mong katawan. Ngayon, kailangan na naming pagpiyestahan ang iyong laman.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro