Justmainey's Special Chapter
Quantum Meruit: Espesyal na Kabanata
Naniwala ako.
Ang dalawang salitang ito ay naging malaking bahagi ng buhay ko. Naniwala akong mabuti siyang tao. Naniwala akong magiging maayos din ang lahat. Naniwala ako sa pag-ibig naming dalawa. Kahit gaano kakorni, kahit gaano kamali, kahit gaano karumi, naniwala ako.
Tandang-tanda ko pa kung paano ko niligawan si Charm sa loob ng dalawang buwan nang walang nakaaalam. Wala akong ibinigay sa kanyang kahit ano hindi dahil kuripot ako, kundi dahil ayaw niya. Sinagot niya ako, naging masaya kami... at wala pa ring nakaalam. Matagal ko siyang kinumbinsing ipahayag sa lahat kung ano ang relasyon namin, pilit kong sinabi sa kanyang wala namang mawawala kung aamin kami. Pero sabi niya, hindi namin kailangan ng mga pekeng taong papalakpak sa relasyon namin at magsasabing sana ay tumagal kami. Hindi importante kung alam man o hindi ng ibang tao, basta alam namin. Ako naman si tanga, naniwala na naman.
Naniwala rin akong mas magiging masaya kami kung susuportahan ko siya sa lahat ng gusto niyang gawin. Nabulag ako sa pagmamahal sa kanya. Nalunod ako sa kagustuhang makuha niya ang kasayahang hindi niya naranasan sa pagkabata niya. Hindi ko lang siya hinayaang malulong sa droga, magsinungaling at pumatay... tinulungan ko pa siya. Ako na nga ang pinakamalaking tanga sa mundo.
At wala akong ibang magawa kundi mapapikit sa tuwing naaalala ang lahat ng pagkakamaling nagawa ko.
"Charm, paano kung mahuli tayo? Paano kung malaman nilang tayo ang pumatay—"
Hindi ko na naituloy ang aking sasabihin dahil tumama na sa kaliwang pisngi ko ang palad ni Charm. Agad kong naramdaman ang sakit na dulot ng sampal na iyon. Ikinuyom ko ang aking kamao at lumunok ng ilang beses. Nang makitang muling ambang mananampal si Charm ay mabilis kong hinawakan ang braso niya.
"Sorry," bulong ko. "Tama na. Sorry."
Ibinaba niya ang kanyang kamay—malamig, puno ng natuyong dugo at nanginginig ito. Muli kong kinuha ang palad niya at hinawakan nang mahigpit. Humilig sa 'kin si Charm, katulad ko ay bahagya na rin siyang kumalma. Iginaya ko siya paupo sa silyang nasa gilid ng aming Hide Out.
Ang Hide Out ang nagsisilbing kanlungan namin. Isa itong maliit na bahay sa isang liblib na lugar na pag-aari ng isa pa naming kasamahan. Dito madalas nagtitipon-tipon ang mga katulad namin ni Charm, mga kabataang lulong sa droga.
Hindi ko ginusto ang magkaganito. Sa katunayan, nang malaman ko ang bisyo ni Charm ay pinilit ko siyang talikuran ito at magbagong-buhay. Pero imbes na siya ang makumbinsi, ako ang napilit niya. Nagulat na lang ako isang araw, isa na ako sa kanila.
Nang tapunan ko ng tingin si Charm ay nagtayuan ang mga balahibo ko. Wala siyang reaksyon, ngunit kakaiba ang emosyong naglalaro sa kanyang mga mata. Parang ano mang oras ay handa siyang magalit, sumabog, makipag-away... pumatay muli. Kinuha niya ang isang kaha ng yosi sa kanyang bulsa. Humugot siya ng isa mula roon, saka hinagilap ang lighter mula sa lamesita sa harapan.
Mabilis kong inagaw ang sigarilyo bago pa man niya ito masindihan. Inilingan ko siya, wala pa rin siyang kahit anong reaksyon.
"Mahal mo 'ko, hindi ba?" bulong niya.
Kumunot ang noo ko. Ito ang unang beses na nagsalita siya pagkatapos ng ginawa namin kay Lirika.
"Mahal mo 'ko?" muling tanong niya.
Tumikhim ako ng ilang beses bago sumagot, "Sa tingin mo gagawin ko ang lahat ng 'to kung hindi kita mahal? Para na rin akong nakipagkasundo sa demonyo para lang mapasaya ka, tapos itatanong mo kung mahal kita?"
Lumamlam ang kanyang mga mata. Bahagya siyang ngumiti at nang lumapit siya sa 'kin ay mabilis kong sinalubong ang kanyang mga labi. Matamis ang kanyang halik, sabik, nagmamadali, ngunit makalipas ang ilang saglit ay bigla itong nabasa at umalat.
Humiwalay ako at tiningnan siya sa mga mata. Pinunasan ko ang kanyang mga luha, saka siya niyakap nang mahigpit.
Nang tumigil siya sa pag-iyak ay unti-unti siyang kumalas sa pagkakayakap at nagsalita, "Gagamitin natin si Shaira. Siya ang mananagot para sa kasalanan nating dalawa."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig, at kahit naguguluhan ay dahan-dahan akong tumango.
Oo, pumayag ako. Hindi na nakapagtataka dahil mula nang makilala ko si Charm, lahat ng gusto niya, sinunod ko na. Lahat ng ayaw niya, hindi ko ginagawa. Lahat ng nananakit sa kanya, pinapatay ko sa isip ko. Kaya naisip kong ang paggamit kay Shaira ay madali na lang para sa 'kin. Wala pa 'to sa kalingkingan ng mga kaya kong gawin para sa kanya.
Simple lang naman ang plano, paikutin at hayaang ma-guilty si Shaira para sa isang kasalanang hindi naman niya ginawa. Hintaying siya na mismo ang magsuko sa kanyang sarili sa mga awtoridad. Maaaring gamiting ebidensya ang Facebook account ni Jake na si Charm ang nagpapatakbo, pero sa dami ng koneksyon ni Charm, madali na lang na pagtakpan ang lahat.
Ito na ang simula...
"N-nakikita ni Shaira si Ika? Nagmumulto si Lirika?" mangiyak-ngiyak na sabi ni Freya. Balisa siya at mukhang isang pitik na lang ay hahagulgol na siya ng iyak.
Natawa nang bahagya ang kuya ni Shaira. "Ang sabi ko, nahimatay si Shai habang isinisigaw ang pangalan ni Lirika. Hindi ko sinabing may nagmumulto."
Nagbuga ako ng hangin. Kanina pa ako pinagpapawisan nang malamig. Hindi ako pinatatahimik ng mga bagay na tumatakbo sa utak ko. Unang araw pa lang, nagkakagulo na. Pinuntahan namin si Shaira at iyak siya nang iyak. Nang kumalma siya ay nakumbinsi rin namin siyang puntahan ang lamay ni Ika, sabi niya ay magpapaalam lang siya sa kuya niya. Nagulat na lang kami nang makarinig kami ng sigaw.
"Nakita niya ang multo ni Ika kaya siya nahimatay!" sigaw ni Freya.
Nilapitan ko siya at tinapik ang balikat. "Walang multo."
Tumabi sa akin si Charm. "Gusto ko nang umalis," aniya sabay higit sa braso ko. Malamig ang kanyang kamay.
Pagod akong tumango habang nakangiti.
Sa paglipas ng mga araw, lalo akong binagabag ng maraming bagay. Sa gabi, ni hindi ako makatulog. Kinakain ako ng takot, galit at higit sa lahat, nakokonsensya ako. Patuloy na bumabalik sa akin ang araw na pinatay si Lirika. Kahit na pareho kaming halos wala sa sarili ni Charm noon dahil sa droga, natatandaan ko pa rin naman ang detalye. Lahat ng detalye.
Suminghap ako nang makita kong tumatawag si Charm. Dinampot ko ang cellphone ko at sinagot ang tawag.
"Bryan, pumunta ka ngayon dito sa lamay."
Bumaligtad ang sikmura ko, gusto kong masuka. Paano nakakaya ni Charm ang araw-araw na puntahan ang burol ni Lirika? Ni hindi ko masilip ang kabaong, ni hindi ko magawang tingnan sa mga mata ang mga magulang ni Ika. Bakit parang ang dali-dali para kay Charm?
"Bryan!" aniya nang hindi ako sumagot.
Lumunok ako ng ilang ulit. "M-masama pakiramdam ko." Umakto pa akong inuubo.
"Bry, kailangan mong pumunta. Hindi pa nagpaparamdam si Shaira hanggang ngayon, kailangan ng bagong plano!"
Hinilot ko ang aking sentido. "Kailangan pa bang diyan magkita? Puntahan na lang kita sa inyo."
"No, dito mismo. Ngayon na." Pinutol niya ang tawag nang hindi man lang ako hinahayaang umangal.
Wala akong ibang nagawa kundi sumunod. Nang makarating ako ay agad kong nakita si Charm na nag-aabang sa labas ng gate nina Lirika. Marami-raming tao sa paligid at nagkalat din ang naglalakihang bulaklak, pero hindi iyon naging hadlang para makita ako ni Charm. Mabilis niya akong nilapitan at hinigit palayo sa lamay. Naglakad-lakad kami hanggang sa makarating kami sa isang bakanteng lote.
Hinalikan ko siya sa noo bago siya magsimulang magsalita.
"Hindi nagpaparamdam si Shaira," aniya. "Hindi puwedeng ganito."
"Give her time. Hindi madali ang pinagdadaanan niya, Charm. Siguradong kinakain na siya ng guilt." Tulad ng nararamdaman ko... gusto kong idagdag ngunit pinili kong lunukin na lang ang mga salitang iyon.
"Oo, kaya nga naisip kong magpanggap kang nagkakagusto sa kanya. Kunin mo ang loob niya. Kapag may tiwala na siya sa 'yo, magiging madali nang malaman ang mga susunod niyang gagawin."
"What?" Kumunot ang noo ko. "No!"
"Bakit hindi? Bryan, you need to do this! Kaibigan niya tayo, pero wala siyang sinasabi sa 'tin. Kinikimkim niya ang lahat at masisira ang plano kung ganito. Hindi natin malalaman kung kailan siya aamin na may alam siya. If she doesn't need a friend, then we'll give her a lover."
Humugot ako ng malalim na hininga saka inihilamos ang palad sa aking mukha. Ayoko. Dahan-dahan ko siyang tinalikuran. Sa kauna-unahang pagkakataon, gusto kong ipakita sa kanyang kaya ko siyang hindian. Naglakad ako patungo sa kawalan nang walang ano-anong hinigit ako ni Charm at kinintalan ng halik sa labi.
Nang humiwalay siya ay basang-basa ang kanyang pisngi ng luha. Napapikit ako nang mariin.
"Bryan, please?" Nanginig ang kanyang boses.
Umiling ako.
"Bryan," bulong niya.
Kinagat ko ang aking labi. Namilipit ang aking sikmura sa tindi ng pag-aalinlangan ko. Ayoko, pero iba ang lumabas sa bibig ko. "T-tahan na, pumapayag na 'ko."
Ngumiti siya bago sumabit sa leeg ko. Bumuntong-hininga ako. Nang tumalikod ako ay nanlaki ang mga mata ko. Nakatayo si Freya sa harap namin at laglag ang kanyang panga. Maging si Charm ay natulala sa nakita.
Umiling si Freya. "Kayo ba?"
Tumawa ako nang bahagya para pagaanin ang tensyon sa paligid. Nagkibit-balikat naman si Charm at piniling manahimik sa kabila ng mapanuring mga mata ni Freya.
Hindi ko gaanong inintindi ang pangyayaring iyon. Si Charm ang gumawa ng paraan para manahimik si Freya. Nakuha niya rin ang cellphone ni Freya at pinalitan ito ng bagong sim card. Hindi ko alam kung paano niya nagawa ang mga iyon.
Hindi naman naging mahirap ang pakikipaglapit kay Shaira dahil bukod sa magkaibigan din naman kami ay nakikita ko rin ang sarili ko sa kanya. Takot siya sa maraming bagay, nagu-guilty at naaawa sa sarili... mga pakiramdam na alam na alam ko.
"Higa ka?" tanong ko nang nasa biyahe na kami patungo sa tinutuluyan ng kasambahay nina Lirika upang kumalap ng mga impormasyon. Kung alam lang ni Shaira... nasa amin ni Charm ang lahat ng kailangan niya.
Alam kong aayaw si Shai sa alok ko kaya hinigit ko na siya palapit sa akin. Napangiti ako nang sumubsob siya sa dibdib ko. Agad kong naamoy ang bango ng kanyang buhok. Amoy-prutas. Ilang linggo ko na rin siyang kinukulit at nasasanay na 'ko. Madalas niya akong tarayan at pagtaasan ng boses, pero imbes na mainis ay natatawa pa ako. Madalas kong maisip na ibang-iba pala siya sa Shaira na kaibigan namin at nakilala ko sa eskuwelahan. Hindi ko akalaing gusto kong mas mapalapit pa sa kanya.
"Buwisit ka!" sigaw niyang nagpahakhak sa akin.
"Arte mo, e."
Hinawakan ko ang ulo niya nang magdesisyon na siyang humiga, umusog din ako sa dulong bahagi ng upuan. Ngiting-ngiti ako at hindi ko alam kung bakit. Siguro'y dahil nakakarindi ang sigaw niya sa tuwing naiinis siya. Napailing ako. Nang matapunan ko ng tingin si Charm ay agad akong nanlamig sa matalim na titig na iginawad niya sa 'kin.
Shit, bulong ko sa sarili. Tumikhim din siya nang malakas kaya naman nagmadali si Shaira sa pagbangon mula sa pagkakahiga.
Nag-iwas ako ng tingin. Mula nang ipagawa sa 'kin ni Charm ang gusto niya ay dumalas ang pagtatalo namin dala ng matinding pagseselos niya. Hindi ko maintindihan kung bakit siya nagagalit samantalang siya naman ang may gusto ng lahat ng ito.
Lalo pa siyang nagalit nang malamang kahit sa text ay kinukulit ko si Shaira, samantalang minsan ay hindi ako nakakapag-reply sa kanya. Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko.
Nag-aalala ako kay Shaira nang sobra. Lalo pa't kamukha ng pinsan niyang si Cara si Lirika, idagdag pang Jake ang pangalan ng boyfriend nito. Masyadong mabigat kung mag-isa niyang iisipin ang mga iyon. Naaawa ako dahil alam kong isa ako sa dahilan kung bakit dinaranas niya ang lahat ng ito. Naaawa ako dahil ginagamit namin siya.
"Gusto mo na siya!" ani Charm isang araw. Sinuntok niya ang dibdib ko. Kagagaling lang namin sa bahay nina Shai at nang makita niyang nakahilig sa 'kin si Shaira sa hindi malamang dahilan ay nagalit siya at tuluyang nag-walk out.
"Ano bang pinagsasasabi mo?" Pinigilan ko ang kanyang kamao.
Hindi na siya sumagot, tinitigan niya lang ako nang mariin. Mabilis ang kanyang paghinga at gano'n din ako.
Nang mabaling sa kanan ang paningin ko ay nakita ko si Shaira. Lumabas din pala siya ng kanilang bahay at sumunod sa amin. Nanlaki ang mga mata ko, saka isinigaw ang pangalan niya. Kusang kumilos ang mga paa ko para sundan siya, pero pinigilan ako ni Charm. Lumunok ako bago muling isinigaw ang pangalan ni Shaira. Mabilis siyang tumalikod at tumakbo palayo.
Umamba akong hahabulin siya, ngunit niyakap ako ni Charm mula sa likod. Nanginig ang kanyang kamay kaya agad akong humarap sa kanya.
"Please, Bryan," bulong niya. "U-umuwi na tayo."
Nang makitang may mangilan-ngilang tao na ang nakatingin sa 'min ay bumagsak ang balikat ko. "Tara na, ihahatid na kita."
Mabilis ko ring nalimutan ang pangyayaring iyon. Ang mas nagpakaba sa akin ay ang hindi pagpaparamdam ni Shaira sa sumunod na mga araw. Sa bawat oras na dumadaan ay bumibigat ang pakiramdam ko. Pinaulanan ko siya ng text messages na hindi naman niya sinagot.
Nang may matanggap akong mensahe ay nagmadali ako sa pagtingin. Hindi ko pa tapos basahin ang text ay nag-ring na ang telepono ko. Sinagot ko ito agad.
"We need to get rid of Freya," ani Charm sa kabilang linya. "Hindi na uubra kung cellphone lang niya ang hawak natin."
"Ha?" tanong ko sa kawalan ng matinong sasabihin.
Suminghap siya. "Bryan, alam niyang may relasyon tayo! Sooner or later, malalaman din ni Shaira, masisira ang lahat. Hindi na naniniwala si Freya sa sinabi kong gusto munang mapag-isa ni Shai."
"Gawin mo ang gusto mo, basta 'wag mong sasaktan si Shaira." Huli na nang mapagtanto ko ang sinabi ko. Napapikit ako nang marinig ang biglaang pagtaas ng boses ni Charm. Nagmura siya nang ilang ulit hanggang sa nagsawa na ako sa pakikinig.
Huminga ako nang malalim matapos kong putulin ang tawag. Nang oras na 'yon, alam ko nang may nagbago sa 'kin at sa nararamdaman ko. Malaking pagbabago.
Pero hindi tumigil si Charm, nalaman ko na lang na nawawala si Freya kinabukasan.
Dahil sa mga nangyari, unti-unti, binalak kong tulungan si Shaira nang palihim. Inutos sa 'kin ni Charm na ayusin at ipabura sa kahit anong paraan ang lahat ng ebidensyang maaaring makuha sa Facebook account ni Jake, pero hindi ko ginawa. Sinubukan ko ring isama si Shaira sa police station para kumalap ng impormasyon. Alam kong kapag nalaman niyang hindi ginahasa si Lirika, malaki ang mababago sa pananaw niya, ngunit agad kaming pinagbawalan ng kanyang kapatid.
Umasa akong matutuklasan din ni Shaira ang lahat kahit hindi ko direktang sabihin.
Hindi ko kayang sabihin nang diretso dahil kamumuhian niya ako nang harap-harapan. Kung magagalit man siya, gusto ko, sa panahong hindi na lang ako nakatingin, sa panahong hindi ko makikita ang galit niya sa 'kin.
Ngunit isang banta ang bumago sa lahat. "Tutulungan mo 'ko, Bryan. Tutulungan mo 'ko hanggang sa huli dahil mahal mo 'ko, dahil magkakampi tayo, dahil mahal kita. Matatapos din ang lahat ng 'to, at matatapos 'to nang magkasama tayo," matalim na sabi ni Charm. "At kung hindi, kung magdedesisyon kang kalabanin ako, alam mo na ang mangyayari sa 'yo at sa pamilya mo. Kung isusuplong mo naman ako sa pulis, baka sa halip na ako ang makulong, ikaw pa ang madiin. Hawak ng makapangyarihan ang batas, gustuhin mo man o hindi."
"H-hindi."
Ang bulong na iyon ang nagpabalik sa 'kin sa kasalukuyan. Huminga ako nang malalim. Nanginig ang aking kalamnan nang makita ang pag-awang ng labi ni Shaira.
"Bryan,'wag," aniya.
Nagmakaawa siya. Umiling siya nang marahas at umiyak nang umiyak. Gusto ko siyang yakapin nang mahigpit. Gusto kong iparamdam sa kanya ang totoo kong nararamdaman. Gusto kong magbago para sa kanya.
Pero paano? Saan ako magsisimula? Matatanggap ba niya ako? Matatanggap ba ako ng mga tao sa paligid niya?
Matatanggap ko ba ang sarili ko?
Masama akong tao. Isa akong kriminal. Nagpabulag ako sa maling pagmamahal. Masakit mang aminin pero huli na ang lahat para sa 'kin.
Nanlabo ang aking paningin. At bago pa man ako tuluyang humagulgol ay itinarak ko na ang hawak kong patalim sa aking puso. Wala akong naramdamang sakit, ngunit narinig ko ang nakabibinging sigaw ni Shaira.
Hanggang sa bumagsak ang katawan ko ay sumisigaw siya. Hanggang sa bumigay ang mga mata ko at magdesisyong pumikit na ay sumisigaw pa rin siya.
Natapos na ang kaguluhan, at natapos na rin ang lahat ng paniniwala ko maliban sa isa.
Mahal kita, Shaira... pero duwag ako.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro