CHAPTER 022 - The Painful Secret - EXCERPT
"Punyeta, Raya, mahigit isang milyong dolyar ang narito!"
Pinanlakihan din siya ng mga mata. Kaya pala ganoon na lang ka-laki at ka-bigat ang box. Limpak na pera pala ang nakatago sa secret compartment ng box!
Nanginig ang tuhod niya sa pagkamangha.
"M-Makakapagbagong-buhay na ba tayo sa halagang ito, Dex?"
Ang ngisi ni Dexter ay unti-unting nawala nang marinig ang sinabi niya. Napatitig ito nang matagal sa kaniya bago muling nagsalita, "Ano?"
"Hindi ba at... sinabi mong ito na ang huli?" Nalipat ang tingin niya sa mga perang nasa sahig. "S-Sinabi mong ito na ang huli at kapag malaki ang makukuha natin ay magbabagong-buhay tayo at pagpapahingahin mo na ako."
"Syempre naman, Raya," anito sa seryosong tinig. "Hihinto ka na– hindi na kita ipadadala sa iba't ibang lugar para magnakaw."
Napalunok siya. "P-Pwede na rin ba akong sumubok na mamuhay mag-isa? P-Pwede ko bang subukang... lumayo at mag-umpisa nang ako lang?"
Muli ay tahimik na napatitig lang sa kaniya si Dexter hanggang sa tumayo ito.
Doon na siya nag-umpisang kabahan.
Humakbang ito palapit, dahan-dahan. Inisuksok nito ang mga kamay sa magkabilang bulsa ng suot na jacket kaya lalong kumabog ang dibdib niya.
At habang papalapit nang papalapit sa kaniya si Dexter ay umaatras din siya nang umaatras. Hanggang sa bumangga na ang kaniyang likod sa pader na katabi ng pinto ng silid.
Nagdilim ang mukha ni Dexter nang yumuko ito. Ilang sandali pa'y may inilabas ito mula sa kabilang bulsa ng jacket, at pinanghinaan siya ng loob nang makita kung ano iyon.
Droga.
Nakasilid sa maliit na pakete.
Wala sa loob na naglagay si Dexter ng kaunti sa likod ng palad nito saka iyon sininghot. Makaraan ang ilang sandali ay umungol ito, sandaling huminto sa paghakbang, saka muling itinago ang pakete sa jacket. Kinuskos nito ang ilong gamit ang kamao saka muling nag-angat ng tingin.
At doon ay tila nag-iba ang anyo nito.
At lalo siyang pinanghinaan ng loob dahil alam niya kung ano ang ibig sabihin niyon.
"Ikaw? Magpapaka-layo-layo para magbagong-buhay? Nang hindi ako kasama?"
Ngumisi ito— ngising-demonyo.
"Hindi ka magtatagal, Raya. Dahil unang-una, hindi mo kakayaning mag-isa. Pangalawa, hindi ka patatahimikin ng mga alaalang nakadikit na sa pagkatao mo. Pangatlo..." Sandali itong nahinto nang makalapit sa kaniya. At nang makalapit ay umangat ang isang kamay nito at dinala iyon sa kaniyang leeg. "Hahabulin kita hanggang sa dulo ng impyerno."
**
FULL CHAPTER IS POSTED ON MY FACEBOOK VIP GROUP
Pop me a message should you be interested to join in
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro