Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Waiting For Rain

NAPALINGON ako sa bintana ng aking kwarto. Lumalagutok ang bawat tama ng ulan doon. Pinause ko ang pinapanood na K-Drama. Tumayo ako sa pagkakahiga at saka lumapit sa bintana. Binuksan ko ang sliding window niyon at idinikit ang mukha ko sa grills. Napabuntong-hininga ako kasabay ng pag-ngiti habang pinapanood ang ulan.

Malamig kapag umuulan at akala mo'y laging galit ang langit, pero sa tuwing pinapanood ko iyon sabay kong nararamdaman ang init at kahinahunan sa puso ko.

Inilahad ko ang kamay at pinanood ang pagpatak doon ng tubig-ulan. Napangiti ako roon.

"Para ka talagang bata."

Tiningnan ko ang katabi naming bahay. Nakadungaw rin sa bintana ng kwarto niya si Rainan. Kababata ko iyan pero hindi kami close. Simpleng magkakilala lang na nakikita ang paglaki ng isa't isa dahil simula't sapul ay magkapitbahay na. Pero hindi ko itatangging crush ko iyan. Naghihintay lang akong mapansin niya.

"At bakit, aber?"

"Ikaw lang ang kilala kong masaya kapag umuulan," nakangiting aniya.

"Mangha ka na niyan?" Ngisi ko.

Nangalumbaba siya sa pasimano ng bintana. "Bakit ba gustong gusto mong pinapanood ang ulan?"

"Bakit ko naman sasabihin sa'yo?"

"Para kang langit ngayon. Masyadong masungit."

Itinapik ko ang basa kong kamay patungo sa kanya. Malakas akong natawa nang tumalsik sa kanya ang tubig-ulan.

Napairit ako nang gayahin niya ang ginawa ko. Tumalsik ang tubig sa akin na ikinatawa ko. Pinunasan ko ng kamay ang mukha ko. Nang tingnan ko siyang muli ay multo pa ng pagtawa sa kanyang mukha.

Muli siyang nangalumbaba. "Bakit nga gustong gusto mo ang ulan? Palagi kitang nakikitang ganyan basta umuulan."

"Hindi mo ba nararamdaman? Nakakakalma kaya kapag umuulan. Pero syempre iba na kapag bagyo na. Ayoko na niyon."

"Nakakakalma ang ulan?" Tumingala siya. Nangunot ang noo niya saka ibinalik sa akin ang tingin. "Saang banda nakakakalma?"

Napangiwi ako. "Huwag mo na ngang alamin."

Tiningnan ko ang kamay kong nakalahad pa rin sa labas ng bintana. Basang basa na iyon. Pinanood ko pa ang bawat patak ng ulan doon.

Mula roon ay dahang-dahang lumipat muli ang tingin ko kay Rainan. Tikom ang bibig na nakangiti at kahit sa mga mata ay nakikita ko ang pagkaaliw. Hindi. Hindi pagkaaliw. P-Pagkamangha?

"Ang ganda mo talaga, Adah."

Nakita ko ang panlalaki ng mga mata niya. Kasabay niyon ay naramdaman ko pag-iinit ng magkabila kong pisngi. Sabay naming naisara ang salamin ng mga bintana namin.

Napakurap ako. Parang inaapuyan ang pisngi ko. Malalim akong napabuga ng hangin. Dinala ko ang kamay ko sa kaliwang dibdib ko. Napakalakas ng pintig niyon.

Umangat ang tingin ko nang marinig ang pagbubukas ng bintana ni Rainan. Nanatili siyang nakatayo roon. Muli kong binuksan ang sliding window ko. Malapad na ngiti niya ang sumalubong sa akin.

"Sabi na nga ba't hindi mo matitiis ang ulan."

"Hindi ko alam."

"Ha?"

"Hindi ko alam kung bakit kumakalma ako sa tuwing pinapanood ang ulan."

Bakas ang pagkalito sa mukha niya. Pero saglit lang iyon dahil muling sumilay ang ngiti niya.

"Kung gano'n, huwag mo na lang alamin, Adah. Ako na lang ang aalam."

"Paano mo naman malalaman 'yon?"

"Sasamahan kita laging panoorin ang ulan. At kapag naramdaman ko na ang nararamdaman mong kakalmahan sa tuwing pinapanood 'yon at nalaman ko na ang sagot saka ko sasabihin sa'yo."

"Gagawin mo 'yon?"

Nakangiti siyang napailing. "Hindi mo man lang ba napapansin, Adah?"

"Ang alin?"

"Na matagal na kitang pinapanood sa tuwing pinapanood mo ang ulan?"

Napanganga ako at ilang ulit na napakurap.

"Ang sakit mo naman sa heart, Adah! Masyado kang abala sa ulan at hindi man lang ako napapansin," madramang aniya.

Hindi ko alam iyon. Napapansin ko nga na madalas kapag umuulan at nasa tapat ako ng bintana ay nakikita ko rin siya sa tapat ng bintana niya. Dahil akala ko hilig lang din niya ang panoorin ang ulan.

Napalabi ako. "Bakit mo naman ako pinapanood?"

"Masaya kang pinapanood ang ulan, pero ako, masaya kapag pinapanood kita."

"Pinaglololoko mo na 'ko, Rainan."

"Hindi pa ba sapat na narito ako ngayon para patunayan 'yon?"

Natigilan ako roon.

"Naiinis ka kapag mainit ang panahon. Pero palagi kong nakikita ang ngiti mo kapag umuulan."

Lalo akong hindi nakaimik.

"Palagi mong hinihintay ang ulan. Pero ako, umaraw man o umulan, palagi kitang hinihintay, Adah. Hinihintay na mapansin ako."

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro