Chapter 32
Horace's POV
"Mahal, ito naman 'yon nagpunta tayo sa Bali. 2nd wedding anniversary natin 'yan," habang nakangiti nitong sabi.
"Ito naman mahal, nasa Siargao tayo nito," turo nito sa isang larawan na nakalagay sa loob ng makapal na plastik. Photo album daw ang tawag dito.
Bakit tuwing tinatawag niya akong 'mahal', bumibilis ang tibok ng puso ko. Bakit parang nakikiliti ako?
Nakuha muli nito ang aking atensyon nang tumawa ito sa isang larawan. Ang kyut niyang tumawa.
"Tawa nang tawa tayo diyan mahal. Ang tagal-tagal natin matapos sa kakatawa ng araw na 'yan halos umiyak na nga tayo sa sobrang kakatawa," tukoy nito sa isang lalaking may makapal na buhok sa ulo, may makapal na bigote at may hawak na isang mikropono, tila nagsasalita ito ng kinuhaan ng kamera.
"Sir Horace, Ma'am Seonaid, heto na po ang snacks niyo. Kumain po muna kayo," sabi ni yaya Yina. Pinakilala kasi ito sa akin ni Seonaid.
"Salamat po yaya Yina," sabi nito. Kinuha agad nito ang isang lalagyan na may laman na tsokolate na may nakaprint na mga letra sa katawan nito, N U T E L L A.
"Mahal, isa ito sa mga paborito mong pagkain," sabi nito sa akin habang pinapalamanan niya ang isang pirasong tasty bread.
"Heto mahal," bigay nito sa akin. Tinitigan ko muna ang binigay niyang pagkain ng ilang segundo bago ko ito kinuha.
Inamoy ko muna ito. Napansin ko rin na napatawa ko siya dahil sa ginawa ko. Hindi ko alam kung bakit parang natutuwa ako kapag nakikita ko siyang ngumingiti.
Agad ko naman itong kinain. Masarap nga.
"Mahal, pasok ka," sabi nito sa akin. Nauna itong pumasok sa kwarto. Katatapos pa lang namin kumain ng hapunan kasama ang mga magulang ni Seonaid.
Ngumiti ito sa akin. "Mahal, ito pala ang kwarto ko, pasensya na kung maliit lang," dagdag nito.
Nilibot ko ang paningin ko sa buong paligid, medyo maliit nga ito pero kahit papaano hindi naman madumi. Napatitig ako sa isang picture frame na nakasabit sa dingding na nasa uluhan ng kama.
"Mahal, isa iyan sa mga pre-wedding photo shoot natin."
Isang larawan ng dalawang masayang tao habang nagtititigan sa bawat isa, mayroon mga matatamis na ngiti ang nakapaskil sa kani-kanilang mga labi. Dalawang taong nagmamahalan - ako at siya.
"Mahal, baka pagod ka na? Mabuti pa magpalit ka na," wika nito.
Hindi ako kumibo. Tiningnan ko lamang siya.
Ngumiti muli ito sa akin. "Huwag kang mag-alala, ikaw na lang sa kama. Hindi kita tatabihan," sabi nito.
Nagtaka ako sa sinabi nito. Akala ko ba mag-asawa kami, bakit hindi siya tatabi sa akin?
"Saan ka matutulog?" tanong ko.
"Dito na lang ako sa couch, mahal ko. Maliit naman kasi ako kaya kasya ako diyan." Turo nito sa isang mahabang couch na nasa gilid.
"Sige na mahal ko, magpalit ka na ng damit mo," dagdag nito at may iniabot itong isang puting tela sa akin.
"Iaabot ko na lang sa 'yo ang mga isusuot mo. Hihiram pa kasi ako kay kuya Shannon. Wala ka kasing damit dito, mahal," malumanay nitong sabi.
"Ayoko! Ayokong suotin ang mga damit niya, baka pumangit ako!" reklamo ko.
Natigilan ito. "Ganoon ba? Sige huwag kang mag-alala kay daddy na lang ako hihiram, mahal," agad nitong sabi.
"Sige na mahal, pumasok ka na sa CR para makapahinga ka na nang maaga," dagdag nito.
Sumunod na lamang ako, gusto ko na rin naman magpahinga. Ito ang unang gabi na matutulog ako sa bahay ng asawa ko.
'Asawa ko?' Bakit hindi ko siya maalala, bakit wala akong maalala kahit isang bagay lang tungkol sa pagkatao ko, tungkol sa lalaking kasama ko raw tumakas sa mga pirata, maging sa mga taong nagpakilala sa akin o nakilala ko mula nang nakuha kami ng mga coast guard.
Sino ba talaga ako?
Sana nabalian na lang ako, mas gugustuhin ko iyon kaysa sa ganitong sitwasyon. 'Yong pakiramdam na may kulang sa 'yo, iyon may mga tanong ka na hindi mo naman masagot-sagot dahil hindi mo alam kung paano mo mabubuo ang mga kasagutan sa isip mo dahil pati ito ay nawawala.
"Mahal, nandito na ang susuotin mo," sigaw nito sa labas ng pinto ng CR.
Doon ko napagtanto na kanina pa pala akong nakatayo at nakatunganga sa salamin na nasa harapan ko ngayon.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro