
Chapter 28 - 1
Shannon's POV
"Sigurado ka na ba pare?"
Nilingon ko ito. "Kailangan ko sila maabutan bago sila makaalis," sagot ko.
"Masyado pa naman maaga, magkape ka muna," alok nito sa akin sabay kuha ng tasa at kutsara. Magtitimpla ito ng kape.
Hindi ako sumagot.
Inaayos ko na ang mga gamit ko. Hindi ganoon kadami ang dala ko dahil maliit na bag lang naman na may laman na mga mahahalagang dokumento.
"Nga pala pare, tungkol do'n sa pinag-usapan natin kagabi, mamaya ko na lang isend sa email mo."
"Salamat pare, marami na akong utang sa 'yo. Huwag kang mag-alala, balang araw makakabawi talaga ako sa 'yo."
"Ano ka ba? Parang hindi naman tayo magkaibigan. 'Di ba ang magkaibigan, nagtutulungan. Hindi nang-iiwan," sabay ngiti nito.
Simpleng ngiti na lamang ang ibinigay ko. Wala naman kasi akong maisip na sabihin pa.
Inumpisahan ko na rin magsapatos. Kailangan ko kasi makaalis agad para maabutan ko si Seonaid bago man ito makaalis papunta ng safe house.
"Hindi ka ba talaga magkakape muna? Baka tarayan na naman ako ng mommy mo, iisipin niya na pinapagutom kita."
"Huwag kang mag-alala hindi naman niya malalaman puwera na lamang kung sasabihin mo," sagot ko. Natapos na rin ang pagsasapatos ko.
"Ang swerte ng kapatid mo dahil meron siyang katulad mo," pag-iiba nito.
"Salamat ulit pare sa pagpatuloy mo sa akin dito sa lungga mo," pag-iiba ko rin.
Hindi kasi ako nakauwi kagabi dahil masyadong malakas ang ulan at hindi ko nadala ang kotse. Kailangan kong mag-ingat dahil alam ko na nandiyan lang sa tabi ang mga mata ng kalaban kaya sinadya kong mag-commute, mas mabuti na iyon para mas madali akong makatago. Nalaman ko kasi na hindi simpleng tao ang binabangga namin. Salamat na rin sa tulong ni inspektor Simmon, ginagawa niya ang lahat para makahanap pa ng mga mas matibay na ebidensya.
Aalis na sana ako nang may kumatok sa pinto ng apartment ni inspektor Simmon. Napansin ko ang maliksi at maingat na kilos ni inspektor, sinisiguradong hindi kaaway ang kumakatok.
Agad naman nilagay nito ang baril sa kanyang likod at sinensyahan niya ako na tumahimik.
Binuksan niya nang bahagya ang pintuan, pinakita nito ang kanyang kalahating mukha sa kung sino man ang kumakatok sa pinto.
"Ikaw lang pala, insan."
Tumawa ito nang bahagya. "Natakot ka noh?" sagot nito kay inspektor.
"Sa susunod, magsalita ka naman. Puro ka katok," sagot ni inspektor sa lalaking kapapasok lamang ng apartment.
"Nga pala, Shannon pinsan ko. Si PS/Insp. (PCpt.) Gabo Madrigal," pakilala nito sa lalaki. Inakbayan niya naman ang lalaki sabay sabi, "Insan, si Shannon Lagores, the accounting professor," pakilala naman nito sa akin.
"Siya ba 'yon sinasabi mo na may magandang kapatid?" tanong nito kay inspektor. Hindi alintana na nasa harapan lang nila ako.
Tinitigan ko si inspektor Simmon nang seryoso dahil sa sinabi ng katabi nito.
Bigla naman namutla ang mukha ni inspektor. "Insan, ano ba ang ginagawa mo rito? Keaga-aga nangangapitbahay ka na!" pag-iiba nito.
"Gago, dito ako nakatira!" Pinalo nito ang batok ni inspektor Simmon.
"By the way, nice to meet you," baling nito sa akin.
Ngumiti na lang ako dito.
"Hindi na ako magtatagal pare. Kailangan ko nang umalis," paalam ko kay inspektor Simmon habang hinihimas nito ang sariling batok.
"Sige pare. Mag-ingat ka," sagot ni inspektor Simmon.
"Ingat," singit ni PS/Insp. (PCpt.) Madrigal.
Nakakalayo na ako mula sa kwarto ni inspektor Simmon nang maalala ko ang aking bag. Agad akong bumalik.
Binuksan ko na agad ang pinto, mabuti hindi naman nakasarado. Narinig ko silang nag-uusap pagkapasok ko. Hindi ko naman ugaling makinig sa usapan ng iba ngunit bago pa man ako makalapit sa kanila, napahinto ako sa sinabi ni PS/Insp. (PCpt.) Madrigal.
"Oo insan. Kaya nga umuwi ako ngayon kasi kukunin ko lang ang laptop ko, gagawa kasi ako ng report do'n sa dalawang lalaking nakita kanina na palutang-lutang sa dagat," lahad ni Madrigal.
"Huh? Bakit anong nangyari sa kanila? Nasira ba ang bangka nila dahil sa ulan kagabi?" tanong ni Simmon.
Patuloy pa rin akong nakikinig.
"Oo pare. Ang akala nga ng mga coast guard sa mga ito ay mga mangingisda na naabutan ng malakas na ulan. Nakita sila kaninang ala-syete ng umaga. Pero base sa testimonya ng isa, hindi naman daw sila mga mangingisda. Ala-singko daw ng umaga sila nakatakas sa isang fishing vessel ng mga pirata na umano'y kumidnap sa kanila."
"Ah. Ganoon ba? Teka, nasaan na sila ngayon?"
"Nasa kustodiya na sila ng coast guard."
Minabuti ko nang magpakita sa kanila.
"Oh bumalik ka?" tanong ni inspektor Simmon nang makita ako.
"Naiwan ko kasi ang bag ko."
"Ganoon ba?"
Aalis na sana ako nang makuha ko na ang pakay ko pero bigla akong tinawag ni PS/Insp. (PCpt.) Madrigal.
"Sandali, Mr. Lagores."
"Bakit?" naiinip kong tanong. Baka hindi ko na maabutan sina Seonaid, dapat kasi hindi na lang ako nakinig sa usapan nila.
"Mabuti't bumalik ka. Hindi ba isang Dela vega ang iyong kapatid?"
"Oo at bakit?" seryoso kong sagot. At ano naman ang kinalaman ng kapatid ko? Gusto ko sanang idagdag pero pinigilan ko ang sarili.
"Meron kasing dalawang lalaki ang nakatakas sa isang fishing vessel na kumidnap sa kanila. Pawang mga bumbero ang mga ito, sila raw ang nakaligtas sa pagsabog ng isang nasusunog na factory sa barangay Pagaspas."
Natigilan ako. Bigla kong naalala ang asawa ng kapatid ko. Si Horace.
"Pamilyar kasi ang mukha ng isa sa kanila kaya tinanong ng kakilala kong coast guard ang kanilang mga pangalan," patuloy nito.
"Iyon nga lang ang isa ay hindi niya maalala ang kanyang tunay na pangalan. Ayon sa kasama nitong nakatakas, posibleng nakalimot ito dahil nauntog daw ang ulo nito. Mabuti na lang ay kilala niya ito," dagdag nito.
"Anong pangalan niya?" agad kong tanong. Kinakabahan na rin ako.
"Horace Dela vega."
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro