Chapter 22
Seonaid's POV
Nagising ako dahil sa tunog na hatid ng digital alarm clock ko sa kwarto. Bago ko man abutin ito, may napansin akong isang bagay sa kaliwang parte ng aking kama. Nakapatong ito mismo sa isa kong puting unan. Napangiti ako nang makita ko ito at kaagad ko itong kinuha.
"Hmmm," amoy ko sa isang pirasong pulang rosas. "Sabi ko na nga ba eh, hindi mo ako matitiis," sabi ko habang pangiti-ngiti. Sino ba ang hindi kikiligin kapag binigyan ka ng isang bulaklak?
Alam na alam niya kasi ang paborito kong bulaklak. Namimiss ko na tuloy siya.
Nalusaw ang aking matatamis na ngiti nang may kumatok.
"Ma'am Seon?" tawag nito sa labas ng kwarto ko.
Agad kong tinago ang bulaklak sa ilalim ng unan ko. Kahit masakit ang katawan ko dahil na rin sa epekto ng pagsabog kahapon, pinilit ko pa rin umayos sa pagkakaupo. Inayos ko muna ang sariling kumot.
"Pasok!" sigaw ko.
"Good morning ma'am Seon," sabi nito habang ngumingiti sa akin. Siya. Anong ginagawa niya dito?
"Ma'am Seon, heto po ang almusal niyo. Kumain na po kayo," masaya nitong sabi habang bitbit nito ang isang bamboo bed tray na may nakapatong na mga pagkain.
"Anong ginagawa mo rito?" pagtataray ko.
Nagulat ito. Hindi ko kasi ito nasungitan ng isang beses pero ngayon gagawin ko.
"Bingi ka ba? Sabi ko anong ginagawa mo rito?"
"Ma'am Seon, ihahatid ko po sana ang almusal niyo."
"Ayoko! Umalis ka dito!" agad kong sagot.
"Pero ma'am, mapapagalitan po ako ng parents niyo."
Mapapagalitan? Hmm. May naisip akong magandang ideya. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa 'yo.
Huminga ako nang malalim. Pinalambot ko rin ang aking mukha. "Ganoon ba? Pasensya na kung nasigawan kita. Medyo masakit pa kasi ang katawan ko," kunwari kong sabi.
Na-e-excite ako kung ano ang mangyayari sa kanya pakatapos kung gawin ang naiisip ko ngayon.
Ngumiti ito. Kitang-kita ko kung paano ito ngumiti nang hindi totoo. "Tamang-tama po ma'am Seon mainit pa ang sabaw ng tinolang manok." Nilapag nito ang tray sa ibabaw ng aking hita.
Sakto!
"Madel, puwede ba na ikaw na lang ang sumubo sa akin? Medyo masakit pa kasi ang mga kamay ko," kunwari kong sabi.
Ang totoo hindi naman masakit ang mga ito. Mabuti na lang hindi ako masyadong malapit sa kotseng sumabog kahapon kaya hindi malala ang natamo kong mga sugat bagamat ramdam ko pa rin ang sakit ng pangangatawan ko.
"Sige po ma'am Seon," agad naman itong kumuha ng kutsara para sana sumalok ng sabaw ngunit kinuha ko agad ang mangkok na may laman na mainit na sabaw at agad kong binuhos sa sarili.
"Ah!" sigaw ko.
Shit, masyadong mainit ang sabaw.
Natataranta na ito. "Ma'am Seon!"
"Ah! mommy, daddy!" sigaw ko. Kailangan kong tiisin ang init dahil alam kong hindi naman ito tatagal. Sinampal ko nang sinampal ang aking sariling pisngi.
Sigaw pa rin ako nang sigaw. Sinasadya ko talagang magkunwaring nasasaktan habang nakikita ko ito na natataranta sa pagsigaw ko, napapangiti ako ng lihim.
"Ma'am Seon huwag po kayong sumigaw! Ano po bang ginagawa niyo?" taranta nito.
"Ah! mommy, daddy!" nag-uumpisa na rin akong umiyak. Kailangan kong umiyak para magmukhang totoo na nasasaktan ako. Ginugulo ko na rin ang aking buhok.
May naririnig na rin akong mga yapak na papalapit sa akin kwarto.
"Seonaid!"
"Anak!"
Tawag sa akin nina mommy, daddy at kuya Shannon mula nang makapasok sila sa kwarto. Umuwi pala si kuya?
Pinagpatuloy ko pa rin ang pag-aarte.
Agad naman lumapit si mommy sa akin, si daddy ay nasa likuran ni mommy at si kuya Shannon naman ay nasa gilid ng pintuan habang tinitigan nang seryoso si Madel.
"Anak, bakit?" tanong agad ni mommy nang makalapit ito sa akin.
"Mommy, ang sakit!" arte ko habang umiiyak.
"Anong nangyari dito Madel?" seryosong tanong ni daddy.
"Hindi po ako, si ma'am Seon ka---"
"Ah! mommy, daddy sinaktan niya ako! Ayoko pa kasing kumain, pinipilit niya ako!" putol ko sa sasabihin ni Madel.
Nakita ko ang paglaki ng mga mata ni Madel dahil sa sinabi ko.
"Binuhusan niya ako ng mainit na sabaw kaya ang sakit-sakit ng mga sugat ko tapos sinasampal-sampal niya pa ako, mommy ang sakit!" sumbong ko. Hindi ko hinahayaan na makapagsalita si Madel.
Kitang-kita ko ang pagdilim ng awra nina mommy at daddy. Tahimik lang si kuya habang seryosong nakatingin kay Madel.
"Sinungaling ka!" sigaw nito sa akin.
"Mommy, daddy!" takot kong sabi. Kunwari natatakot ako sa sigaw ni Madel kaya sinadya kong takpan ang mga tenga ko.
Agad naman hinablot ni mommy ang buhok nito.
"Ang kapal ng mukha mo huh! Sino ka para saktan ang anak ko!" galit na sabi ni mommy.
"Aray!" sabi nito habang umiiyak dahil sa ginagawa ni mommy sa kanya.
"Walang hiya ka! Pinapalamon kita tapos sasaktan mo ang anak ko!" sabi ni mommy habang patuloy na sinasapak si Madel.
"Lora, tama na! Baka mapatay mo iyan," saway ni daddy habang niyayakap na si mommy sa likuran nito.
"Bitawan mo ako Daniel! Hindi ako makakapayag na saktan niya lang ang anak natin!"
"Alam ko Lora! Pero hindi sa ganitong paraan!"
"Mom, enough! Tama si daddy," sabat ni kuya.
"Fernan, kunin mo ang babaeng iyan. Dalhin niyo siya sa bodega!" utos ni kuya.
"Opo sir Shannon," binitbit naman agad nito si Madel na halos wala ng lakas. Sinipa-sipa kasi ito ni mommy sa mukha at tiyan.
Patuloy pa rin akong umiiyak.
"Siguraduhin mo lang Daniel na may kalalagyan ang babae na iyan! Dahil mapapatay ko talaga siya sa oras na pinalampas niyo ang pananakit niya sa anak ko!"
"Huwag kang mag-alala Lora! Sisiguraduhin ko," pangako nito. Kitang-kita ko sa mga mata ni daddy ang galit. Parehas kasi sina ni kuya Shannon, tahimik lang pero matindi kung magalit.
Niyakap ako ni mommy habang hinahagod niya ang aking likuran, pinapatahan ako. Hinalikan muna ako sa ulo nina daddy at kuya Shannon bago sila umalis. May aayusin daw sila.
"Anak, tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka. Sandali lang naman ako. Ipagluluto muna kasi kita ng paborito mong pagkain," sabi ni mommy habang kinukumutan ako.
"Mommy, mangako po kayo sa akin na paaalisin niyo si Madel huh? Natatakot po ako sa kanya," paiyak-iyak kong sabi.
"Pangako anak, hinding-hindi mo na makikita ang babaeng iyon," panunumpa nito sa akin.
Isinara na ni mommy ang pinto ng aking kwarto. Pinunasan ko ang aking pisnging nabasa ng aking luha sapagkat tapos na ang pagkukunwari, tapos na ang pag-arte. Napangiti ako sa aking ginawa.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro