Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

7. Omen

Palabas na si Helena mula sa kanyang kwarto ng biglang makarinig siya ng malakas na sigaw galing sa unang palapag ng dormitoryo kanyang tinutuluyan. Sa pagkataranta ay agad siyang napatakbo at kamuntikan pang madapa sa sobrang pagmamadali. At pagkababa niya'y halos hindi magkandaugaga ang iba pang tenant at kasamahan na halos nagkakatulakan at tila may pinagkakaguluhan.

Agad siyang pumasok sa nagsisiksikang mga tao. At nanlaki ang mga mata niya ng masaksihan ang kaibigang niyang si Louie na nagwawala habang hawak ng iba pa niyang mga kaibigan. Nanlilisik ang mga mata nito't namumula animo'y naputakan ng ugat. Nangangatal din ang mga ngipin nito na para bang handang sumunggab at manglapa.

"Anong nangyayari sa kanya?!" mariing tanong ni Helena. Ngunit walang makapagbigay ng kasagutan at bulong-bulungan lang ang umikot sa paligid.

"Dali tumawag kayo ng doktor?!" sigaw ni Elise na sobrang tagatak na ang pawis.

"Hindi doktor ang kailangan natin. Albularyo o kaya pari ang tawagin niyo!" sigaw ni Luj na siyang humahawak sa kaibigang nagwawala.

Maya-maya pa'y huminto bigla sa pagwawala si Louie at tila natutulog na lang na nakaratay sa sahig. Agad siyang inilipat sa sofa saka tinapatan ng electric fan. Sa pagkakataong iyon ay bahagyang humupa ang tensyon sa loob at ang lahat ay may kanya-kanyang espekulasyon sa nangyari. Halos maubos din ang supply ng purified water sa domitoryo sa dami ng nainom ng mga tao roon dahil sa halu-halong emosyong idinulot ng binata.

"Okey na kaya siya?" nag-aalalang tanong ni Helena.

"Walang makakapagsabi, mas maigi na hintayin na lang natin yong pinatawag na pari ni nanay Ness," wika ni Chamaine habang pinupunasan ng basang bimpo ang mukha ng kasintahang si Louie.

"Bakit pari?! mas maigi kung dadalhin natin siya sa sa ospital baka inaatake lang siya ng seizure, epilepsy o what so ever!" may mataas na tonong sambit ni Elise.

Napatitig ng masama sa kanya si Chamaine at pinagtaasan ng kilay ang dalaga saka nagwika, "Walang sakit si Louie kaya pwede ba kung wala kang matinong sasabihin manahimik ka!"

"Anong mali sinabi ko?! huwag mong sabihin naniniwala ka pa sa kababalaghan? hello 2016 na!" mariing saad ni Elise habang nakapamewang at may kasama pang pag-irap ng mga mata.

Agad napatayo si Chamaine at susugurin na sana si Elise ng mapigilan siya ni Helena sabay bulong ng mga katagang, "Huwag mo na lang patulan, alam mo naman yan."

Dahil doon ay pinalayo na lang si Elise dahil sa tensyon sa pagitan nila. Mahigit trenta minutos na ring tulog si Louie kaya naman ay minabuti na nilang ipasok ito sa kanyang kwarto para makapagpahinga ng maayos. Balik sa ayos ang lahat at parang walang nangyaring kakaiba kanina. Dumating ang pari sa dormitoryo at nag-alay ng dasal. Benindisyunan niya rin ang buong lugar kasama ang iba pang naroon.

* * *

Naalimpungatan si Chamaine buhat sa pagbabantay sa nobyo. Madilim sa kwarto ng kanyang libutin iyon ng paningin, hinimas pa niya ang ulohan ng nobyo na sa wari niya'y mahimbing pang natutulog. Agad niyang inabot ang kanyang smart phone sa katabing lamesita para magsilbing ilaw at silipin ang rumehistrong oras; ala-sais y medya ng gabi.

At ng kanyang mahawakan ito'y nakaramdam siya ng may tila may malamig na kamay ang dumampi sa kanyang balat. Nabitawan niya ang hawak at napasigaw. Unang pumasok sa isip niya ang tumakbo sa switch ng ilaw para buksan ito.

Tumagaktak ng todo ang pawis ng dalaga habang nakahawak sa dibdib ng mapag-alaman niyang nag-iisa pala siya sa kwarto. Pakiramdam niya'y hihikain siya sa labis na pagkaubos ng hangin sa kanyang baga. Hindi malaman ang gagawin sapagkat ang buong akala niya'y katabi ng dalaga ang nobyo. At muli nanaman siyang napasigaw ng biglang bumukas ang pinto ng kwarto.

"Hon, anong problema?!"

Tila nabunutan ng tinik sa dibdib si Chamaine ng mapag-alaman niyang si Louie ang pumasok. Nanatiling tameme ang dalaga't sobrang tuliro ang pag-iisip. Takang-taka pa rin siya sa kakaibang nangyari kanina hanggang sa napayakap na lang siya sa nobyo ng mahigpit.

"Okey ka lang ba hon?"

"Oo!"

"Halika na sa baba ng makapag-hapunan na, alam kong gutom ka na."

Pilit inalis ni Chamaine sa isipan ang nangyari't sumama na lang sa nobyo. Pagdating nila sa kainan ng dormitoryo'y naroon na rin ang iba pa niyang kaibigan maliban kay Elise.

"Si Elise nasaan?" tanong ni Helena.

"Kinatok ko na siya bago ko ginising si Chamaine, ang akala ko bumaba na," tugon ni Louie.

"Tsk. Huwag niyang sabihin magpapahintay pa siya. Tara kain na tayo," saad ni Luj na naunang sumandok ng kanin.

"Huwag nga kayong ganyan. Sige ako na lang ang kakatok sa kwarto niya baka kasi napasarap ang tulog nun," wika ni Helena.

Pumanik ng ikalawang palapag si Helena habang ang iba niyang kaibigan ay nagsimula ng kumain. Pagkarating ni Helena sa pinto ng kwarto ni Elise ay agad siyang kumatok. Nakailang katok din ang dalaga ngunit walang sumasagot.

Sinubukang niyang ikutin ang saradora ng pinto't napag-alaman niyang hindi ito nakasara. At para makasigurong naroon ang kaibigan ay kaswal niya itong binuksan para silipin. Sa pagpihit at pagbukas ng pinto'y bumungad agad sa dalaga ang tila malansang amoy dahilan para malukot ang mukha niya.

Agad niyang kinapa ang switch ng ilaw malapit sa pinto at bumungad sa kanya ang nahandusay na katawan ni Chamaine sa sahig at naliligo sa sarili nitong dugo. Mula paa'y gumapang ang malakuryenteng pagkagimbal ng dalaga. At para ba siyang binangungot ng gising sa nakita. Napasigaw na lang siya ng ubod ng lakas na 'di mawari ang gagawin. Narinig ng mga kaibigan, mga tao sa katabing kwarto at pati na rin si ate Ness na kasalukuyang nagluluto sa kusina ang sigaw ng dalaga.

Agad nilang hinanap kung sino ang sumigaw at nang madatnan nila si Helena sa ikalawang palapag ay wala na itong malay-tao. Nakita rin nila ang duguang katawan ni Chamaine dahilan para magkagulo ulit sa dormitoryo at ang iba'y nagsitakbuhan na palabas.

Tumawag agad si ate Ness ng pulis at pilit pinapakalma ang ibang nangungupahan. Dumating ang mga magulang ni Elise pati ng iba pang batang nanunuluyan para sunduin ang kanilang mga anak ngunit 'di muna sila pinayagan ng mga pulis na umalis basta-basta sapagkat kailangan muna nilang magsagawa ng kaukulang inisyal na imbestigasyon.

Naging sarado muna ang dormitoryo sa paggulong ng imbestigasyon. Anim na araw na rin ang nakalipas ngunit bigo pa rin ang mga imbestigador sa pagtukoy sa posibleng salarin. Sa huling gabi ng lamay ni Elise ay naroon ang mga kaibigan niyang nakasama sa dormitoryo't nakikidalamhati sa sinapit nito. Kalunos-lunos man ang sinapit ng dalaga'y di pa rin ito lubos matanggap ni Helena at patuloy na bumabagabag sa kanya, kaya kahit may usapan sila na magpapalipas ng gabi'y nagdahilan na lang siya na sumama ang pakiramdam.

* * *

Lutang ang kaisipan habang naglalakad papauwi si Helena. Binabaybay niya ang kalsada ng kanilang lugar at tahimik ang paligid. May mangilan-ngilang ilaw sa poste habang ang iba'y pundido na kaya't may ilang espasyong madilim. Napatigil ang dalaga ng maaninagan niya sa kanto ang isang pamilyar na mukha. Napangiti pa siya ng mapagtanto kung sino iyon kaya agad siyang lumapit at kinausap ng kaswal ito, "Bakit ka narito? huwag mong sabihin na nagkatampuhan ulit kayo?" tanong ni Helena. Walang naging tugon ang kausap at nananatili lang sa madilim na bahagi.

Sa pagpalapit ng ilang hakbang ng dalaga ay may ay may matalim na bagay ang tumarak sa leeg ni Helena. Nanlaki na lang ang mata niya sa sobrang bilis at gulat sa pangyayari, hanggang sa natumba ang dalaga't pilit pang lumaban para mabuhay, ngunit sadyang malalim ang pagkakabaon ng patalim. Binawian siya ng buhay habang tirik ang mata at umalis na lang basta-basta ang salarin. Nabalitaan iyon ng iba niyang kaibigan at nagimbal sa masamang pangyayaring iyon. Natatakot sila na maaaring sila ang sumunod.

Anim na araw ulit ang lumipas matapos ang insidente sa pagkamatay ni Helena. At gaya ng naunang kasong pagpatay kay Elise ay wala rin naging kalinawan ang pagkamatay ni Helena. Dahilan para magdalamhati ng todo si Luj sa sinapit nito; mayroong lihim na pagtingin ang binata sa kaibigan na 'di niya masabi-sabi. Kaya ganoon na lang ang kanyang pagsisisi kung bakit 'di niya sinamahan ang dalaga sa pag-uwi. Nagkukulong lang siya sa kwarto't ilang araw na hindi pumapasok sa eskwelahan.

Hanggang sa dinalaw siya ng isang malapit na kaibigan at nakibalita sa kanya. Tinatamad mang buksan ang pinto'y wala rin siyang nagawa ng maalala niya na nag-iisa siya sa bahay. Agad niyang pinapasok ang bisita't pinaupo sa sala.

"Nag-iisa ka?"

"Oo pre, namalengke sila mama. Bakit ka nga pala napabisita?" malamyang tanong ni Luj sabay upo sofa.

"Wala naman, gusto lang kitang kumustahin," tugon ng bisita na umupo sa kaharap niyang sofa.

"Ayos lang ako. Gusto mo ba ng meryenda? teka ha kukuha ako," wika ni Luj. Napatayo ito't tumungo agad sa kusina.

Pabukas na siya ng refrigerator ng maramdaman niya ang presensiya ng kaibigan at bago pa siya makapagsalita at mapatingin dito'y may kung anong mabigat na bagay ang tumama sa kanyang ulo.

Sumalpok pa ang kanyang noo sa saraduhan ng refrigerator bago nakaramdaman ng matinding kirot at pag-ikot ng paningin dahilan para mawalan siya ng balanse't matumba. Pilit pa sana niyang tumayo para manlaban ngunit huli ng may matalas ng patalim ang sunod na humiwa sa kanyang lalamunan.

* * *

Napuno ng misteryo ang pagkamatay ng tatlong magkakaibigan sa anim na araw na pagitan ng kanilang pagpanaw. Labis ang pagtataka ng mga owtoridad na kung bakit ni isang ebidensya'y wala silang makalap.

Walang kahit na anong bakas ng fingerprints o ebidensya. Wala rin makapagturo o nakasaksi man lang na magtuturo sa kanila sa salarin. Kahit ang kuha ng mga cctv camera ay malabo at puro static lang ang maririnig.

* * *

"Para sa ating panginoon at buhay na walang hanggan!" wika ni Louie saka itinaas ang isang basong naglalaman ng pulang likido at tinapunan nito ng ngisi ang dalagang kaharap.

Magmula sa kinaroroonan nila'y tanaw na tanaw nila ang ilaw ng mga nagtataasang gusali. Itinaas din ni Chamaine ang hawak na baso at sabay nila itong ininom. Matapos maubos ang laman ay naghalikan ang dalawa't nagtalik sa ilalim ng madilim na kalangitan habang nasa gitna ng isang simbolong iginuhit ng pulang likido.

Sumunod silang nagtungo sa gilid ng rooftop na sa isang hakbang lang ay tiyak ang kanilang kamatayan. Hindi nila ang alintana ang anim na palapag na taas at hawak kamay lang sila sa paglasap ng malamig at malakas na hangin.

"Nararamdaman mo na ba Chamaine?"

"Oo mahal ko," tugon ng dalaga. Binigyan niya ulit ng isang halik ang kabiyak.

"Magkita na lang tayo sa muli kong pagkabuhay," wika ni Louie. At walang kagahol-gahol itong nagpatihulog.

Gumuhit naman ang malapad na ngiti sa labi ng dalaga sabay wika, "Ako ng bahala sa magiging anak natin." Wika ni Chamaine habang nakangiti't nakatingin sa duguang katawan ni Louie sa ibaba sabay hawak sa kanyang tiyan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro