Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Saknong 35

Ang makitang patay si Jacinto ay parang kamatayan ko na rin. 

Hinawakan ko ang pala-pulsuhan niya. Wala nang pintig. Pinadaan ko ang isa pang kamay malapit sa kaniyang dibdib kung saan nakasaksak ang itak. Wala na siya.

Dinampot ko ang kamay niya, napakalamig at namumutla. Hinawakan ko ang kaniyang basang pisngi, nakapikit lamang siya.

Nagpumilit ang aking isipan upang manatili sa sandaling iyon, upang mapanatili siyang malapit, ngunit ang oras ng Panginoon ay hindi mapangasiwaan ng mga mortal na tao. Ako ang dapat umalis, hindi siya.

Lumingon ako sa paligid. Wala nang tao. Winasik ko ang aking isipan tungkol kay Jacinto at naging alerto sa sumaksak sa kaniya. 

Nagbabadyang tumulo ang aking mga luha nang maalala ang mukha ng nanaksak. Hinding-hindi ko mapapatawad sa Diego kung anomang dahilan ng ginawa niya.

Tinignan ko si Jacinto na mahimbing na natutulog. Sana natutulog lang siya ngunit mahirap tanggapin na hindi.

Agad pumasok sa isip ko si Clemente. Kailangan niyang malaman ito.

Iniwan ko si Jacinto roon at dinampot ang aking gitara. Bago pa man ako umalis, nilapitan ko ulit si Jacinto at buong pwersang tinanggal ang itak sa kaniyang katawan.

Sinukbit ko ang aking gitara sa likod ko at paika-ikang naglakad paalis. Hinawakan ko ng mahigpit ang malamig na hawakan ng itak habang alertong minamanman si Daniel.

Ilang minuto akong ganoon hanggang sa natatanaw ko na ang kalsada. Nagpasya akong iwan na ang itas sa lupa upang hindi ako paghinalaan. Kumuha ako ng maraming mga damo saka tinabunan ang itak.

May kaunting sakit pa sa dalawang hita ko kaya nahihirapan pa ako maglakad subalit kailangan kong maging matatag.

Maaliwalas pa ang kalangitan at maraming mga abalang tao sa kalsada na parang walang dilubyong nangyari sa likuran ng kagubatan.

Nakayuko akong naglakad upang hindi mapansin ng mga tao. Hinawakan ko pa ang parte ng saya ko na nabahiran ng dugo. 

Nagmadali akong naglakad pabalik sa simbahan at laking pasasalamat ko na hindi pa tapos ang misa. Natatanaw ko ang pamilya Montemayor at Esperanza sa pinakaharap.

Hawak-hawak ko ang aking hita habang umaakyat sa hagdan. Mahigpit ang kapit ko sa riles dahil na rin sa pangangatal ng aking mga tuhod.

Sobrang dami pa ang tumatakbo sa isip ko at sariwa pa ang mga pangyayari na parang hindi totoo. Nang makarating ako sa ikalawang palapag, nagpunta ako sa parte kung saan mapapansin ako ni Clemente.

Nang makarating sa sulok, napansin ko siyang aligagang-aligaga. Tinaas ko ang aking kamay at kumaway. May ilan na napatingin sa akin ngunit hindi ako pinansin.

Ilang sandali, nabaling ang atensyon ni Clemente sa akin. Sinenyasan ko siya na umakyat kaya dali-dali naman niyang kinausap ang kaniyang ama. Tumango naman si Don Felipe kaya yumuko na si Clemente at tumakas sa pagpupulong.

Pumasok ako sa silid at hinintay si Clemente. Ilang araw ko na ring 'di nakita si manong simula noong iligtas niya ako.

Umupo ako sa gilid ng kama nang pumasok si Clemente.

"Patay na si Jacinto." Pagkasabi ko niyan natigil siya sa kaniyang kinatatayuan habang nakatingin sa malayo. Kinalikot ko ang aking mga daliri. Hindi ko alam kung paano ko iyon sasabihin pero mabuti na ito na walang paligoy-ligoy.

"A-ano?" Tumango ako sa kaniya at pinanood siyang dahan-dahang kumapit sa tabing mesa, "Kaya pala kanina pa ako aligaga. Paano?"

"Sinundan niya yata ako sa gubat tapos sinaksak siya bigla ni Diego," ani ko. 

Nagtataka siyang tumingin sa akin at nilagay ang kamay sa kaniyang baba, "Sinong Diego?"

"Iyong nagkakagusto kay Elena dati. Ewan ko lang ngayon."

Umawang ang kaniyang bibig at sinara ulit.

"Sa tingin ko kasi karapatdapat na ikaw ang una kong pagsabihan nito. Pasensya na. Nakikiramay ako sayo." Tumayo at nilapitan si Clemente upang tapikin subalit nagulat ako nang tumalikod siya sa akin bigla.

"Aalis muna ako." Pinanood ko siyang isara ang pinto. At doon napuno ng katahimikan ang silid.

Ilang minuto akong nakatayo roon na naestatwa at naghihintay na lamang ng himala. Naghihintay na buksan niya ang pinto. Kumikirot pa rin ang puso ko sa kaniyang kawalan at hindi ko na alam ang gagawin kung babalik na ba ako sa panahon ko.

Sa ibabaw ng mesa, may baso at alak. Binuhos ko iyon at ininom upang ibsan ang sakit na aking nararamdaman ngunit hindi ko maipagkakaila ang katotohanan.

Dahan-dahan akong umupo sa tabing upuan at pinagpatuloy inumin ang natitirang alak sa bote. Hindi ko muna nilasing sarili ko upang makapag-isip ng matino. Nangungulila ako.

Minuto lamang na wala siya ay nangungulila na ako.

Lalagukin ko na sana ang natitira nang bumukas ang pinto.

"Nabalitaan ko ang nangyari," bungad ni manong Manuel, "Ano na ang balak mo? Kailangan mo nang kumilos. Nasa sayo ang desisyon at takbo ng mga pangyayari sa panahong ito."

Napahilamos ako at humalukipkip sa mesa. Nais kong tumakas sa malupit na realidad. Paulit-ulit kong naalala kung paano ako tignan ni Jacinto sa huling beses na parang humihingi ng patawad na hindi niya naibagay ang makakaya niya para sa akin.

Hinampas ko ang lamesa at inangat ang aking ulo. Umupo si Manong sa tapat ko at tinignan ako ng taimtim, "Nais mo ba ng payo?"

"Yes, please," napapagod kong tugon sa kaniya, "Alam mo naman ang mangyayari sa hinaharap bakit hindi mo ako inabisuhan?"

"Hindi masaya ang buhay kapag nalaman mo lahat. Kaya heto ako, nagdudusa." 

Pagkasabi niya niyon ay mas naging interesado ako sa takbo ng buhay ni manong. Pinilit kong umayos ng upo at makinig.

"Kung ako sayo Adelia, bakit hindi mo gamitin ang propesiya sa kaniya?" suhestyon ni manong. Oo nga, may propesiya pa pala.

Nabuhayan ako ng loob ngunit agad na nalito, "Pero hindi po ba kailangan kong mamatay para humuni ang batis?"

"Hmm, hindi ba sinaksak ka na ni Elena noong nakaraang araw? Humuni ang batis niyon ngunit nauudlot dahil?" Humalukipkip si manong at sinasadyang putulin ang kaniyang pangungusap.

"Dahil hindi ako nasaktan masyado?"

Pumitik siya at ngumiti, "Tama! Ngunit nasa sayo ang desisyon. Kung ayaw mo, edi good bye. Balik ka na sa present at patay na si Jacinto. Paano na ang samahan ng mga rebelde? Walang mamumuno. Nakita mo naman si Clemente diba? Paano siya mamumuno sa lagay na iyon? Alam nating dalawa na mahina pa si Clemente."

Agad nagtagpi-tagpi ang mga impormasyon sa akin, "So destined akong mamatay?"

"Maaari? Hindi ko alam. Isipin mo kung paano ka nakaligtas noong katorse ka pa."

Inalala ko kung paano ako natamaan sa ulo sa tiyatro noon at kung paano ako nabalik sa kasalukuyan na nahulog daw ako sa bangin. Hindi kaya buhay ako sa kasalukuyan sadyang hindi ko lang kontrolado katawan ko?

Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa galugod nang mapagtanto iyon. Tinignan ko si Manong, tumango siya sa akin na parang tama ang iniisip ko.

"Pero kapag namatay ka rito, mamamatay ka rin sa kasalukuyan. Magpasya ka ng mabuti Ayang. May silbe kung bakit ka parating napapadpad sa panahon na ito. Kung hindi mo natapos ang iyong misyon maaaring bumalik ka na naman sa panahong ito, subalit hindi maipagkakailang patay pa rin ang minamahal mo."

Sa sinambit niyon ni manong tumayo na siya at inayos ang kaniyang manggas, "Sa tingon ko ito na ang huling pagkakataong magkikita tayo sa panahon na ito. May kailangan pa akong asikasuhin. Sapat na ang impormasyong binigay ko sayo. Hanggang sa muli, Adelia."

Aalis na sana si manong subalit tumayo ako agad at pinigilan siya, "Sandali!"

Humarap siya sa akin at ngumiti hudyat ng paglabas ng mga kulubot niya sa mukha.

"Magkikita pa po ba tayo sa kasalukuyan?" tanong ko sa kaniya, "Kasi sabi niyo po 'Hanggang sa muli.'"

Mapait siyang ngumiti sa akin, "Depende sa landas na tatahakin mo."

At doon, tuluyan na siyang umalis.

----

Lumubog na ang araw at ang buwan na ang naghari sa madilim na kalangitan. 

Kinalikot ko ang mga estante sa silid na ito. Nakahanap ako ng lubid kaya nilagay ko iyon sa bayong ko. Sa pagkakataong ito, kailangan kong maging matalino at practical kung papaano gamitin ang propesiya sa tamang paraan upang wala akong kaagaw.

Ilang oras kong pinag-isipan ang dapat kong gawin. Hihingi sana ako ng tulong kay Clemente ngunit napagtanto kong dapat gawin ko ito mag-isa.

Sinukbit ko sa aking likod ang bayong. Kinuha ko na rin ang natagpuan kong balisong sa isang aparador.

Nagsuot ako ng pantalon na nahanap ko rin lang sa aparador at itim na manggas. Pinusod ko ang aking buhok at matalim na tinignan ang aking sarili sa salamin. Ang babaeng ito ay pinanganak upang lumaban. 

Sinuot ko ang bota na nasa gilid lang ng aparador saka maingat na umalis ng simabahan.

Hinayaan ko ang hangin na kumanta kasabay ng mithiin ng kaluluwa ko upang pukawin ang mga emosyon. Hinayaan ko itong magdala ng mga matamis na alaala ng mga oras na nawala at umaasa para sa isang magandang hinaharap.

Hinayaan kong ipaalala sa atin na ang hangin ay naririto sa kasalukuyang sandali. Hinayaan ko ang hangin na kumalabog sa mga puno at i-ugoy ang mga damuhan, na galawin ang mga balahibo at ang buhok ko.

Hinayaan ko ang hangin na magsalita ng mga pakikipagsapalaran at pukawin ang marangal na puso sa mga paraan ng bayani na malakas para sa iba at handang kunin ang hindi kasiya-siya na kasama ng pagtulong sa iba. Para sa hangin ang lahat ng ito, tiwala at kakayahang umangkop, nababago at libre.

Mukha man akong baliw ngunit iniisip ko na si Jacinto ang hangin ko na gumagabay sa akin.

Nakarating ako sa tabing batas at sa lugar kung saan ko siya iniwan. Nangangamoy na ang kaniyang bangkay.

Tinakpan ko ang aking ilong gamit ang manggas na suot ko. Kinagat ko iyon upang mapanatiling nasa ilong ko.

Mula sa aking bayong, nilabas ko ang tali na dinala ko. Makapal ang tali kaya sapat na ito. Pinalibot ko ang tali sa beywang ni Jacinto saka binuhol. Inulit ko pa iyon upang mahigpit ang aking pagkakatali.

Tumayo ako panadalian at kinuha ang malaking bato sa 'di kalayuan. Sinubukan kong buhatin kaso hindi ko kaya. Tinulak ko na lang ito papunta sa lugar na kinahihigaan ni Jacinto.

"Hintay ka lang diyan, Jacinto," mahina kong sambit sa kaniya kahit alam kong hindi siya sasagot.

Nang malapit na ang bato, kinuha ko ang kabilang dulo ng tali saka binuhol paikot sa bato. Inulit ko pa iyon at hinila. Matibay na ito. 

Kahit nahihirapan akong iusog ang bato, ginawa ko ang aking makakaya upang madala iyon sa malalim na parte ng batis.

Tinulak ko ang malaking bato palapit sa batis kaakibat ng katawan ni Jacinto hanggang sa tuluyan ko na itong mahulog sa batis.

Kasabay ng paghulog ng bato sa ilalim ay ang paglubog ni Jacinto. Nakulayan ang bahagi ng tubig na iyon ng pula galing sa dugo ni Jacinto.

Saka ko na natanggap na wala na talaga siya.

"Diyan ka muna sa ngayon, may aasikasuhin ako," pagpaalam ko kay Jacinto na nasa ilalim na ng tubig.

Kinuha ko ang aking bayong kung saan naroon ang balisong dinala ko. Hinawakan ko ang laylayan ng bayong ng mabuti.

Mabagal akong naglakad pabalik. Hindi pa man ako nakakalayo, may pigurang tumatawid sa tulay.

Siningkitan ko ang pigura at napagtantong si Sergio iyon.

"Sergio!" Lumingon siya sa akin at napahinto sa gitna. Marahan akong tumakbo patungo sa kaniya, "Saan ka papunta? Bakit ka nandito?"

"May pagtitipon ang samahan sabi ni Señor Clemente."

Mukhang lumalaban na rin si Clemente, "Gayon ba, sama ako."

Sinamahan ko si Sergio patungo sa kubo. Alam kong kinakabahan siya tulad ko dahil anomang oras ngayong linggo ay mag-uumpisa ang digmaan.

"Alam mo na ba kung nasaan si Marisol?" tanong ko sa kaniya. Bumagal ang kaniyang paglakad at yumuko.

"Oo, ngunit sabi naman ni Señor Clemente ay iluluwas siya pabalik dito. Hindi ko lang alam kung kailan at nawa'y magtagumpay siyang makaluwas," malungkot na tonong ani ni Sergio.

Gusto ko sana sabihin sa kaniya ang nangyari kay Jacinto ngunit pinilit kong ilihim muna. Naglakad pa kami hanggang sa makarating kami sa kubo.

Pumasok na kami ni Sergio at nasalubong ng mga terentang tao na lang. Nasa pinakaharap si Clemente, nakatayo at parang binibilang ang samahan.

Sa kabilang sulok, nandoon sina nay Neng at tay Nesto na may dala-dalang mga armas. Sa kabila naman, naroon si Tonyo na natutulog. Ang iba pang kasamahan ay nag-uusap na pabulong at ramdam ko ang kaba sa kapaligiran.

Tumikhim si Clemente sa harap at doon ko lamang napansin ang namumula niyang mga mata, "Naging matatag tayo mula umpisa hanggang ngayon at masaya akong nanatili pa rin kayo. Dapat ang aking kapatid ang mamamahala sa inyo subalit wala siya. Magbibilin muna ako ng tauhan dito at ako'y luluwas ng Binondo upang sagipin ang ilang mga kasamahan doon."

Tumingin si Clemente sa paligid at nagsalita muli, "Sa ngayon, ang mamumuno ay si Sergio. Binilin ko na sa kaniya ang mga dapat gawin. Ang mga armas ay nakalap na nina nay Vaneng at tay Nesto."

Pumaroon si Sergio sa harapan at nagbigay galang sa kaniya.

"Bago ko panandaliang iwan ang samahan nais kong maghandog ng awitin para sa inyong lahat," anunsyo ni Clemente.

Kinuha niya ang gitara sa gilid at nagsimulang tumugtog. Sinimulan niya ang tugtog sa isang pito. Hindi niya pa sinisimulan ang mga liriko ngunit ang kaniyang pagpito ay nakakakilabot at madilim.

Ang bayan kong Pilipinas

Lupain ng ginto't bulaklak

Pag-ibig na sa kanyang palad

Nag-alay ng ganda't dilag


At sa kanyang yumi at ganda

Dayuhan ay nahalina

Bayan ko, binihag ka

Nasadlak sa dusa


Tumingala ang mga tao rito at nakisabay sa awitin habang nakataas ang kanilang mga kamao. Nagsimulang tumindig ang aking mga balahibo sa makapangyarihang boses ng samahan na kanilang inaalay.

Ibon mang may layang lumipad

Kulungin mo at umiiyak

Bayan pa kayang sakdal-dilag

Ang 'di magnasang makaalpas


Nilibot ko ang aking paningin at nakikita ko ang determinasyon at galit sa kanilang mga mata na sinasabing handa silang lumaban para sa Pilipinas.

Pilipinas kong minumutya

Pugad ng luha at dalita

Aking adhika

Makita kang sakdal laya


Aking adhika

Makita kang sakdal laya...


Nagpalakpakan ang samahan. Nilapag nin Clemente ang gitara at tumindig sa harapan "Mabuhay ang Pilipinas!"

"Mabuhay!"

"Mabuhay ang samabayanang Pilipinas!" sigaw pa ni Clemente.

"Mabuhay!"

Nagpunyagi ang mga kasamahan at na may lubos na kagalakan. Bumaba si Clemente mula sa harapan at nilapitan ako, "Maaari ba tayong mag-usap?"

"Sige."

Akmang tatalikod na siya nang mapagtantong nakatayo pa rin ako, "Sa labas sana Ayang."

"Ay." Sinundan ko na siya palabas at umupo sa kaniyang tabi sa mahabang kawayan na upuan.

Naramdaman kong sumulyap siya sa akin saka tumingin muli sa malayo, "Ganito kasi Ayang, batid mo na siguro itong nangyayari..."

"Malamang alam na alam ko ang nangyayari, nakikita ko. May mata ako," pabalang ko sagot sa kaniya. Marahan siyang tumawa saka nagseryoso muli.

"Hindi iyon," tugon niya.

"Ano ba?"

Nagtaka na lamang ako nang mapakamot siya ng ulo sa inis, "Pwede bang patapusin mo ako?"

"Ay sabi ko nga."

Huminga siya ng malalim saka humarap sa akin at tinitigan sa mga mata, "Kayo'y magkaaminan ni Jacinto at nagkaka-ibigan na. N-nakita rin namin kayo sa tiyatro..."

Agad akong nag-iwas ng tingin nang maalala ang halik na iyon, "Galit ba si DOn Felipe?"

"Huwag mo muna siya alalahanin, ako muna." Huminga ulit siya ng malalim at pinagpatuloy ang kaniyang sinabi, "Sa katunayan Ayang, naninibugho ako sapagkat ako ay parang nalalantang bulaklak sa dulo ng bangin habang nakatingin sa buwan at bituin."

"Anong ibig mong sabihin?" nagtataka kong tanong.

"Gusto kita Ayang subalit alam kong hindi ako ang pipiliin mo kahit subukan kong ligawan ka. At kahit magkamukha kami ay hindi ako ang pipiliin mo kung kaya't nagpasya na lang akong sabihin sayo ang mga nararamdaman ko bago ako lumisan. Nawa'y maging masaya kayo ng aking kapatid. Lagi akong suportado sa inyo."

Bahagyang ngumiti si Clemente at tumayo saka tumalikod sa akin subalit bago pa man siya bumalik sa kubo, tumayo ako agad, "Sandali!"

Pwede pa rin tayo maging magkaibigan, "Mag-iingat ka." Iba ang niluwal ng aking bibig. Tumango siya sa akin na may sakit sa kaniyang mga mata saka tuluyang pumasok.

Kumawala ako ng buntong hininga saka umupo muli at tumanaw sa kalangitan. Pinikit ko ang aking mga mata at dinama ang simoy ng hangin.

"Ayang..."

Mabilis akong napaayos ng upo at lumingon sa nagsalita sa 'di kalayuan. Madilim ang gubat kaya sumingkit ako hanggang sa makita ko ng maayos ang nagsalita, "Marisol..."

Tumayo ako agad at tumakbo papunta sa kaniya saka niyakap ng mahigpit. Kapansin-pansin ang kapayatan niya. Puro buto't balat na ang aking nayayakap.

Naramdaman kong namasa ang aking balikat kaya't hindi ko na pinigilan ang aking luha at binuhos lahat.

Matapos ang ilang minutong yakap, humiwalay kami, "Maayos ka. Paano ka nakabalik?"

Natahimik si Marisol at namumugtong mga mata na tumingin sa akin, "Basta. Maaari mo bang tawagin si Segio?"

"Ayaw mong pumasok?"

Umiling siya sa akin, "Hindi ko ibig makagambala."

"Sige, nirerespeto ko desisyon mo. Namiss kita alam mo 'yun. Wala na akong kasamang kalandian." Akmang yayakapin ko na siya muli nang humakbang siya paatras.

"Wala na akong oras, pakitawag siya Ayang," malamig niyang sambit. Napakurap ako ng ilang beses saka nagtungo sa loob ng kubo.

Natagpuan ko si Segio na nakaupo at pinaglalaruan ang kaniyang balisong, "Sergio, may nais makipagkita sayo sa labas."

Inangat niya ang kaniyang tingin at niligpit ang kaniyang balisong. Hindi na siya nagtanong kung sino at matamlay na lumabas.

Umupo ako sa inupuan ni Segio at tumulala sa malayo. Kakaiba ang pakikitungo ni Marisol sa akin. Parang may bumabagabag sa kaniya o baka naman pagod lang. Tama, baka pagod lang. Paano naman siya nakabalik? Ibig sabihin malaya na ang mga rebelde? Paano iyan, lumuwas na si Clemente.

Parang may mali talaga. Kinagat ko ang aking mga kuko at sumilip sa bintana. Nag-uusap pa sila ni Segio.

Pinadaan ko ang aking kamay sa gitnang bahagi ng aking ulo at hinawi ang aking buhok. Sobrang tagal ng oras. 

Ilang minuto na akong nakaupo na naaaligaga nang makabalik na si Segio na may ngiti sa kaniyang labi. Baka ako lang itong nag-ooverthink.

"Tawag ka niya."

Marahan akong tumayo at lumabas ng kubo. Sinalubong ko si Marisol kung saan nakasandal siya sa isang puno.

"Pinatatawag mo ako?"

Nagitla siya sa aking boses at umayos ng tayo, "Oo, ika'y sumama sa akin. May ipapakita ako sayo.

Tumango naman ako sa kaniya at sinundan siya sa lugar na hindi ko alam. May distansya sa pagitan namin habang naglalakad. Nasa unahan siya at tahimik lamang.

"So, mabuti na pakiramdam mo?" tanong ko at nagbabakasakaling sasagutin niya, ngunit tahimik lang siya.

"Uhm, saan ka pala noong nakalaya ka na?" tanong ko muli. Huminto siya ng lakad saka nagpatuloy muli.

"May problema ba Marisol? Nandito ako upang makinig."

Naglakad pa siya kaya wala akong nagawa kundi sundan siya at tumahimik na lang. 

Ilang sandali, nakarating kami sa isang bangin kung saan matatanaw ang ilog at buwan. Naalala ko ang lugar na ito. Dito ako dinampot ng tauhan nina Elena.

Nanlaki ang aking mga mata nang maalala iyon. Humarap si Marisol sa akin, "Halika't pagmasdan natin ang tala't buwan."

Kumunot ang aking noo. Umupo si Marisol sa dulo ng bangin at nakatanaw sa taas habang hinihintay ako. Baka naman malinis intensyon niya.

Nagaalinlangan akong lumapit, hanggang sa makaupo ako sa tabi niya. Nag-iwan ako ng ilang pagitan sa amin.

"Ayang. Bago mangyari ang gyera nais kong ipaalam sayo na patawad dahil naiwan kita noon kaya't nagkahiwalay tayo. Nangungulila ako sa inyo at wala akong magawa noong mga panahon na dinakip kami. Patawad dahil hindi ako naging malakas."

Naririnig ko na ang kaniyang mga hikbi kaya mas lumapit ako sa kaniya at pinatahan, "Hind mo kasalanan iyon. Ang importante magkasama na tayo ngayon."

"Maaaring ito na ang huli nating pagkikit--"

Pinutol ko ang kaniyang sinabi at niyakap siya, "Shh, huwag mong sabihin 'yan. Matatagumpayan natin ang gyera."

"Ayang, hindi mo naiintindihan," mahinahon niyang sambit.

Kumawala ako sa yakap at tinignan siya sa mga mata, "Anong hindi ko maintindihan?"

"Mahal kita ngunit mas mahal ko pamilya ko." 

Nagtataka ko siyang tinignan ngunit nalinawan nang may dukutin siya sa bulsa ng kaniyang saya at nilabas ang balisong. 

Nanlaki ang aking mga mata nang itaas niya ang kaniyang mga kamay. Marahan siyang pumikit at mahigpit na hinawakan ang balisong sa ere.

"Marisol!" sigaw ko at pinanood ang pagbaba ng balisong patungo sa aking dibdib. Hinawakan ko ang kaniyang palapulsuhan upang ihinto niya iyon subalit masyadong malakas ang pwersang nilaan niya.

"Huwag," mahina kong wika. Naging mabagal ang lahat hanggang sa naramdaman ko ang malamig na patalim sa dibdib ko ngunit nagulat ako nang natigil lang doon.

Umiling-iling si Marisol habang nakapikit at nahihirapang huminga.

"Ang tagal naman!" 

Sabay kaming napatingin sa pinanggalingan ng boses sa aming likuran.

Nakaturo ang palaso't pana sa akin at doon mas bumagal ang pangyayari. Naramdaman kong nilagay ni Marisol sa aking mga kamay ang balisong at mabilis siyang tumayo saka nagtungo sa aking likuran hanggang sa makarinig ako ng daing.

Mabagal na bumagsak ang katawan ni Marisol na nakaawang ang bibig. Tinamaan siya sa ulo ngunit nagawa ko pang marinig ang kaniyang sinabi, "Takbo."

Bumilis ang tibok ng aking puso nang kumuha ng pana si Elena sa kaniyang likuran. Mahigpit kong hinawakan ang balisong at tumakbo patungo kay Elena. Bago siya makatyempo, sinaksak ko ang kaniyang braso at mabilis na tumakbo pabalik sa kubo.

Hindi alintana ang mga nadadaanan kong maliliit na sanga. May mga pagkakataong natatapilok ako sa mga bato ngunit ayos lang. 

Nabuhayan ako ng pag-asa nang makita ang kubo. Sarado na ang mga ilaw.

Nanginginig kong binuksan ang pinto ngunit sa aking dismaya ay tulog na sila. Sinarado ko ang mga bintana at nagmadaling nagtungo sa silid. Patay na si Marisol.

----

Halos kalahati na sa amin ay gising na kaya't nagtungo ako sa salas ng kubo kung saan bumungad sa akin ang mabangong amoy ng kape.

"Kape?" alok sa akin ni tay Nesto. Kinuha ko ang kape at pan de sal sa kaniya saka kumain.

"Salamat."

Napalingon ako kay Sergio na nagkakape sa gilid ko, "Sergio may kailangan akong sabihin." 

Kwinento ko sa kaniya ang mga nangyari kagabi. Nakatulala lang siya dahil sa aking kwento at hindi na umimik. Wala sa sariling hinigop niya ang kaniyang kape. Nararamdaman kong nagpipigil siya ng mga emosyon dahil anomang oras ay gyera na.

Maging ako ay kailangang hindi magpadaig sa mga emosyon ko. Pumwesto ako sa labas ng kubo kung saan ay duyan at doon ninamnam ang kapaligiran at ang kakaibang kalakasan na tumutubo mula sa loob ko.

Nakaka-ilang subo pa lang ako nang makarinig ako ng sunod-sunod na silbato (siren). Naging alerto ang lahat at lumabas pa kami upang pakinggan.

Sunod naming narinig ay ang pagsabog sa malayo.

"Mga kasama! Maghanda na kayo! Kunin niyo na ang mga armas!" sigaw ni Sergio. Agad kaming bumalik sa loob at nagmadaling kumuha ng mga armas. Ang kinuha ko ay isang bolo. Hindi ko ibig agawin ang baril dahil may karapatdapat gumamit niyan.

Nang makakuha na kami ng mga armas, may sumisigaw na babae sa labas.

Pumasok ang babae sa kubo at mukhang hingal na hingal, "N-nandito na s-sila! Sa plaza may pasabog!"

Nabaling ang tingin namin kay  Sergio nang magsalita siya ulit, "Mga kasama sa plaza! Sugod!"

Sabay-sabay sumigaw ang mga kasamahan ng "Sugod!"

Tumakbo kaming lahat palabas ng kubo patungo sa plaza. Ngayon ko lamang naranasan ito ngunit ramdam ko ang kakaibang lakas at kumpiyansa sa aking sarili. 

Itinaas ko ang hawak kong bolo tulad ng ginagawa ng iba at sumigaw ng "Sugod!"

It's now or never. 

Habang tumatakbo kami, nagdadasal ako sa loob-loob ko na sana bigyan kami ng lakas at mapagtagumpayan ito kahit kaunti lang kami ay alam kong kasama namin ang mga Amerikano sa pagsusugpo ng mga Kastila.

Nang malagpasan namin ang gubat, napagtanto kong sobrang gulo na ng lahat.

Ang digmaan ay dumating sa abot-tanaw tulad ng isang mabagal na gumagalaw na tanke. Naging balisa kami at natakot. Naestatwa ako sa kinatatayuan ko habang pinagmamasdan ang mga kasamahan kong sumusugod. May mga pagkakataong nasasagi ako habang pinagmamasdan ang digmaan sa bayang ito.

Ang karahasan na minsan ay nakikita ko sa telebisyon ay naglalaro sa mga kalye. Ang drama na napapanood ko sa mga teleserye ay nakasulat sa mga dugo sa lupa. Sa gayon ay pumasok ang mga lalaking may kayumanggi at berdeng damit upang patayin ang mga anak ng bayang ito hanggang sa napatalsik ako sa isa pang bomba.

Pinilit kong tumayo ngunit nabigo nang may bala tumama sa aking balikat. Napadaing ako at nabitawan ang aking bolo.

Pinagmasdan ko ang kapaligiran. Ang bawat kamatayan ng tao rito ay maaari kong mahalin bilang isang kapatid sa ibang oras o lugar kung hindi ito nangyari. Ang mga bomba na ibinagsak nila ay pumapatay sa mga tao na ibubuhos ko sana ang aking buhay kung bibigyan ako ng pagkakataong makilala sila.

Ngunit ganoon ang digmaan. Kailangan mong mamili, lumaban at manalo o mamatay. Anong uri ng mga tao ang makukuha at makikilala natin sa mga digmaan pa rin? Mamamatay? 

Nawasik ang kaisipan ko roon at agad na tumayo nang maalala ko ang aking gitara. Habang tinitiis ko ang sakit, naririnig ko ang mga umpisang nota ng Balada ng Gunita. Humuhuni na ang batis.

Dinampot ko ang aking bolo at hinawakan ang aking braso at mabilis na tumakbo papunta sa simbahan.

Pinagmasdan ko ang aking braso. Malakas na bumubuhos ang dugo mula roon at mayroong namumuong itim na pasa sa gilid niyon. Dahan-dahan kong nilapat ang aking hintuturo sa gitna ng hiwa at huminga ako ng malalim habang umiikot ang sakit sa buong katawan ko. 

Pinilit kong itulak ang malaking pinto ng simbahan gamit ang isa kong kamay. Mabilis akong umakyat sa ikalawang palapag nang makarinig ulit ako ng pagsabog na medyo malapit lang.

Tumakbo ako papunta sa silid at sinungkit ang aking gitara.

Bago ako lumabas, pumunit ako ng tela gamit ang aking ngipin at kabilang kamay saka tinali sa braso kong may bala.

Binitawan ko ang bolo. Sa halipm ay ang gitara ang bitbit ko. Hindi ako lalaban sa digmaan ngayon, may kailangan akong haraping mas importante.

Tuluyan na akong umalis sa simbahan at iniwasan ang ilang kaguluhang nagaganap. Maingay ang buong paligid at naamoy ko ang mga usok galing sa mga tanke.

Yumuko ako at mabilis na tumakbo nang matigil dahil may tumamang bala sa balikat ko. Napapikit ako sa sobrang sakit at kirot sa parteng iyon ngunit tinuloy ko lang ang pagtatakbo papunta sa kagubutan.

Mas naging payapa ang gubat ngunit maingay ang huni ng batis na parang nakikiramay sa akin: malungkot at malalim na bersyon ng melodiya. Nagpatuloy pa ang huni ng batis nang may narinig akong pagsabog sa likuran ko at nabagsakan ako ng puno sa kabila kong braso hudyat ng pagpunit ng aking damit.

Pinagmasdan ko ang brasong iyon na may malaking galos.

Sinikap kong tumakbo pa papunta sa gilid ng batis hanggang sa makarating ako kung saan ko iniwan si Jacinto.

Lumuhod ako sa tapat niyon at nakisabay sa melodiya ng batis.

Nag-umpisang lumakas ulit ang hangin kaya pinagpatuloy ko lang tumugtog. Pinikit ko ang aking mga mata upang madama ang kakaibang pakiramdam ng paglaho sa lupa.

Nabaling ang atensyon ko sa mga daing sa gilid ko sa 'di kalayuan. Habang tumutugtog, natanaw ko si Elena na akay-akay si Daniel papunta sa gilid ng batis habang may hawak na bao ng niyog.

Masyado siyang abala sa pagpapainom ng tubig ng batis kay Daniel kaya hindi niya ako pinansin. Marahan akong napangisi sa kaisipang naunang uminom si Jacinto.

Kasabay ng pagkalas ko ng huling nota sa gitara. Agad kong binitawan ang gitara at sumisid sa tapat ko. Nandoon pa si Jacinto kung saan ko siya tinali.

Nararamdaman kong naglalaho na ang ibang parte ng katawan ko. Bagamat gayon, tiniis ko ang mga sakit sa sugat ko at ang pakiramdam ng paglaho.

Sumisid pa ako hanggang sa marating ko ang kinaroroonan ni Jacinto. Tinanggal ko ang tali sa kaniyang beywang. 'Di alintana ang aking mga sugat sa pagtanggal ng tali. Ang importante, makahinga si Jacinto.

Nang matanggal ko ang tali, naglaho na ang aking mga daliri.

Nilapitan ko pa si Jacinto at kumapit sa kaniyang balikat. Tinignan ko siya at nilapit ang aking mukha.

Sa walang hanggang segundong iyon, naramdaman ko muli ang kaniyang presensya. Nilapit ko pa ang aking mukha upang halikan si Jacinto sa huling pagkakataon ngunit nanalaki ang aking mga mata nang maramdamang may kamay na pumulupot sa batok ko at hinila ako papalapit.

Hindi ko na inaasahan ang mga sumusunod nang halikan ako ni Jacinto. Pinikit ko na lamang ang aking mga mata at hinayaang maging saksi ang batis sa aming pagmamahalan bago ako tuluyang maglaho sa kanilang panahon.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro