Saknong 22
"May hinahanap ka ba Ayang?"
Hindi ko hinarap ang nagsalita dahil nakatutuok pa rin sa aking ang matulis at malamig na metal sa aking batok, "Yaong gitara ko lang naman."
"Ah sayo pala yaong magandang gitara na yaon. Makukuha mo ba pagkatapos mo akong patayin?"
Kasabay ng aking paglunok ay ang unti-unting kong pagtaas ng aking kamay. Paano? Paano siya nabuhay ulit? Ang pagkakaalala ko nilagay ko ang lason. Nahulog pa nga siya sa sahig eh.
"Marahil ay tinatanong mo kung paano ako nabuhay. Simple lang naman, kilala ko kayong mga rebelde. At kung tinatanong mo kung nasaan ang gitara mo, malapit ko na iyong ibenta," Nanatili pa rin akong nakaluhod habang nakataas ang dalawa kong kamay, "Mga kawa--"
Hindi natapos ang kaniyang sinabi at nakarinig na lamang ako ng malakas na pagtama ng kahoy at pagbagsak ng katawan.
"Ayang halika na!" Hindi ko na namalayan ang nangyayari at buhat-buhat na pala ako ni Jacinto palabas ng tanggapan. Binaba niya ako pagkalabas namin sa bintana at inumpisahang maglakad patungo sa hindi ko alam.
Kahit maraming mga kawal na naglilibot, iniwasan namin ang mga iyon. Walang nangahas magsalita sa amin at masuring nililibot ang tingin sa mga nakabantay.
Hindi namin pinansin ang umaaksyon na Heneral kaya piangpatuloy namin ang aming lakad. Kung saan man kami pumunta, nawa'y gabayan kami ng nasa itaas. Nais ko nang umuwi sa panahon ko.
Sinundan ko sina Jacinto at Clemente. May mga katanungan pang lumilipad sa aking utak gaya ng saan nila nakukuha ang enerhiya na iyon matapos silang masakal. Paano nila napalo ng kahoy si Don Felipe ng ganoon kalakas, saan nila nahugot iyon?
Huminto kami sa tapat ng isang munting bahay kung saan kakaunti lamang ang mga guardia civil na naglilibot.
Walang humpay na kumatok si Clemente, "Nay Neng! Tay Nesto!"
'Di kalaunan, bumungad sa amin ang isang babaeng minsan ko nang nakita. Si Aling Vaneng iyon. Si Aling Vaneng na nagmamay-ari ng bahay-aliwan, "Maghunos dili, Clemente. Pasok kayo."
Pinapasok kami ng ni Aling Vaneng sa kaniyang tahanan at naroon din ang lalaking kaedad ni Aling Vaneng na ang ngalan ay Nesto na nagpipintura ng larawan sa kanilang sala.
Ang mapanuring kong mata ay tumingin sa bawat tampok at sulok ng bahay na ito. Maraming mga litrato na nakasabit sa apat na pader ng tirahang ito. Ang ilang naman ay mga larawang ipininta. Pawang mga halo-halong emosyon ang matatagpuan dito kung matagal kang napatitig sa bawat litrato.
Nabalik ako sa aking mga ulirat nang magsalita ulit si Aling Vaneng, "Ang gwapo naman ng kasama niyo. Ilang taon ka na hijo?"
"Aling Vaneng ako po ito si Ayang. Babae po ako," tinanggal ko ang aking salakot at yumuko gaya ng ginagawa ng mga lalaking gumagalang sa panahon na ito.
"Aba bakit ganiyan ang iyong suot?" Wika niya habang inaalalayan kami paupo sa kakaibang upuan na gawa sa kahoy.Hindi patag ang mahabang upuan kundi palihis iyon sa iba't ibang anyo. Napakaganda sa paraang batid kong nilikha iyon ng pawang pagkamalikhain
Bumuntong hininga si Clemente at kuwinento lahat ng mga nangyari. Sa aking palagay mas malapit si Clemente kay Aling Vaneng kaysa kay Jacinto.
Habang nagkwekwento si Clemente, lumibot muli ang aking paningin sa tirahan na ito. Sa mga pader ay may mga litrato ng mga bata. Ang sahig naman ay may malalim na kulay ng kahoy na tinitimpla ng iba't ibang uri ng kayumanggi.
Sa ilalim ng liwanag ng gaserang kumakalat sa buong bahay ay sining ng likas na katangian na siyang nakakabusog sa bawat kaluluwa.
Nabaling ang aking tingin kay Tay Nesto na abala pa rin sa pagpipintura ng larawan ngunit aking napansin na nakatingin lamang siya malayo at hindi sa kaniayng larawan, habang nagpipinta.
Susuriin ko pa sana si Tay Nesto nang umigting ang aking tainga sa mga sinambit ni Clemente.
"...lalabas na sana kami ni Jacinto sa silid nang biglang kinandado kami ng mga kawal. Hindi na namin alam ang nangyayari hanggang sa bumukas ang munting pinto sa sahig. Nilabas ng pintong iyon si am--Felipe at ilang mga kawal. Sinubukan naming lumaban ngunit masyado silang marami at binigti kami. Nagkunwari kaming nawalan ng lakas dahil alam naming may mga kasamahang makakatagpo sa amin at naroon lamang si Felipe. Ginawa naming patibong si Ayang."
"Hindi ba nilagay mo iyong lason?" Tanong pa ni Clemente sa akin.
"Oo, tiyak akong nilagay ko iyon. Ang baho nga eh," sagot ko.
"Paano nangyari iyon? Hindi kaya iba ang nabili ni Elena?"
Natahimik kaming lahat at nag-isip. Pawang ang pagkiskis ng brotsa mula sa kamay ni Tay Nesto ang maririnig.
"A-ako iyon," mahinang sambit ni Jacinto. Gulat kaming napatingin sa kaniya, "Pinalitan ko ang lason ng pampatulog."
"Bobo ka ba?" Mas lalo kaming nagulat sa sigaw ni Clemente at pagdabog niya sa lamesa.
"Ama pa rin natin siya. Ang alam ko makakatulog siya ng isang linggo subalit hindi ko rin inaasahan na magigising siya ng maaga," paliwanag ni Jacinto.
"Tanga ka eh. Paano na tayo? Paano na ang samahan? Kalahati ang nabiwan ng buhay sa atin," hininaan naman ni Clemente ang boses niya sa pagkakataong ito.
"Marami namang namatay na kawal."
"Hindi ko na ibig makipag-alitan pa. Pumalpak tayo dahil sayo. Ano na ang susunod na plano?" tanong ni Clemente kay Jacinto.
"Hihintayin natin ang anunsyo ni ama. Hindi na tayo babalik sa mansion. Dito muna tayo. Hindi tayo maaaring lumuwas ng probinsya sapagkat hindi natin maaaring iwan ang samahan. Hihintayin natin ang anunsyo ni ama."
Sa pagkakataong ito, nagsalita ako, "Paano kung halughugin ni Don ang buong bayan tapos mahahanap tayo?"
"May silong ang ang bahay nila Nay Neng. Kapag nangyari iyon, tayo'y pumaroon sa silong."
Namayani ulit ang katahimikan sa apat na sulok ng bahay. Napasulyap ako kay Aling Vaneng at sinenyasan niya ako na sumama sa kaniya. Akin naman siyang sinundan.
"Sumama ka sakin bata ka at ika'y magpalit," sinundan ko siya sa kaniyang kwarto at binigyan niya ako ng baro't saya. Tinuro niya ang kinaroroonan ng banyo at nagtungo ulit siya sa sala habang nakikipag-usap sa kamabal.
----
"Hoy ikaw Ernesto! Nagpunta ka raw sa bahay aliwan ko. Isa pang beses na mahuli ka, hindi ako magdadalawang isip na palayasin ka!" Pagmamaktol ni Nay Vaneng kay Tay Ernesto habang dinuduro ang kaniyang tinidor.
"Nais lang naman kitang makita. Bawal ba?" Banat ni Tay Ernesto. Humalakhak naman sa tawa ang kambal habang pulang-pula na si Nay Vaneng sa pagkayamot at pagkakilig.
"Itigil mo 'yan dahil hindi ka naman nakakakita. Nakakalimutan mo yatang bulag ka?"
"Nabulag ako dahil tanging ikaw lamang ang nakikita ko."
"Punyeta ka," wika ni Nay Vaneng saka mabilis na sinubo ang natitira niyang pagkain.
"Maghunos dili aking asawa," Lambing pa ni Tay Nesto. Padabog naman na niligpit ni Nay Vaneng ang mga kubyertos at di pinansin si Tay Nesto.
Sa kakatawa, napatingin ako kay Jacinto. Tumatawa rin siyang nakatingin sa akin. Una akong nag-iwas ng tingin saka nilagya ang aking plato sa lababo upang hugasan.
"Ako na po dyan," pag-aalok ko kay Nay Vaneng at pinagpatuloy ang pagsasabon ng mga kubyertos.
"Dapat lamang. Ihahanda ko na ang pagtutulugan natin. Ayokong katabi yaong matandang bulag na iyan." sambit niya habang pagalit na nagpagpag ng kamay sa kaniyang saya saka umalis.
Ang kanilang lababo ay napupuno rin ng iba't ibang malikhaing disenyo. Mula sa batya ng tubig hanggang sa mga kubyertos ay may iba't ibang disenyo. Marahil ay nilikha ito ni Tay Nesto ngunit nakakamangha na kaya niya itong iukit gayong bulag siya.
Umupo na ako at uumpisahan na sanang maghugas ng pinggan nang mapadaing ako dahil sa saksak sa aking hita.
Baka kailangan ng palitan 'yung mga halamang gamot. Tinaas ko ang aking saya at marahang tinanggal ang tela.
Namamaga pa rin ang sugat.
Tatayo na sana ako nang biglang may nagbuhos ng tubig sa kinaroroonan ng sugat ko, "Aray! Hatdog naman.
"Ano bang nangyari sa iyo?" tanong ni Jacinto, "Sandali lang huwag kang gagalaw diyan."
Pumunta siya sa may banggera at kumuha ng mga halamang gamot.
"Hindi pa ba halata? Sinaksak ako duh."
"Ayos ka lang ba?"
"Ano sa tingin mo?" sumbat ko sa kaniya, " Malamang hindi."
"Bakit tila ika'y nagagaya kay Nay Neng. Nais mo bang suyuin din kita?" tanong ni Jacinto habang marahang tumatawa.
"Punyeta ka! Gagamutin mo ba ako o hindi?" Nakakairita talaga siya. Napaka-assuming.
Marahang siyang tumawa ulit saka umupo sa harap ko. Ilang beses siyang kumurap at tumingin sa gilid bago lagyan ng panibagong halamang gamot ang aking hita.
Sinubukan niyang tumingin sa taas habang tinatapalan ang sugat ko ngunit pumapalya siya. Ay shocks, mahalay palang tignan ang legs.
"A-ako na," kinuha ko ang mga gamot sa kaniyang kamay ngunit parang nagdadalawang isip pa siya at naestatwa sa lugar niya. Tumikhim ako hudyat ng pagtingin niya sa akin habang siya'y namumula na, "Pwede ka nang umalis."
Manginig-nginig niyang tinuro ang pinto palabas ng kusina habang nanginginig rin ang kaniyang labi, "A-alis na ako."
Hindi pa man siya nakakatayo nakarinig kami ng isang tikhim sa may pinto, "Ano ang kahulugan ng aking nakikita?"
Nilakihan pa ni Clemente ang kaniyang mga mata at nagkunwaring gulat na gulat, "Kapatid, masama iyang ginagawa mo. Pumapayag ka na ba Ayang?" dagdag pa niya.
"Punyeta ka rin Clemente. Alis nga kayo," Pagtaboy ko sa kanilang dalawa.
Tumayo na si Jacinto at pinagpagan ang pantalon niya, "Ako na maghuhugas ng pinggan," saka inakbayan si Clemente palabas. Nakakaasar. Hinawakan ko ang aking mukha at leeg. Hindi naman mainit. Bakit pinagpapawisan ako? Baka naman infection lang ito sa sugat.
Binalot ko na ng tela ang aking hita at nagtungo sa sala kung saan masaya silang nagkwekwentuhan.
Sumulyap sa akin si Jacinto at nagpaalam sa kanilang grupo saka nagtungo papunta sa kinaroroonan ko.
"Mag-iingat ka sa susunod," banggit niya saka nagtungo sa lababo.
Wala sa sariling nagpunta ako sa isang upuan malapit sa bintana at tulalang nakatingin sa madilim at maulap na langit.
Ito ay isang malamig na gabi na walang buwan. Madilim at mababa ang langit, ang malamig na hangin ay nagpapahirap sa akin huminga. Ang gabing ito ay nagpatuloy na bumulong sa akin ng mga matatamis na kilabot.
Masyadong maraming nangyaring hindi makapaniwalang bagay. Gusto ko lang naman umuwi sa apartment ko at mahimbing na matulog. Maraming mga buhay pala ang kapalit niyon.
Ilang minuto ang nakalipas, naramdaman kong may tumabi sa akin. Sumulyap ako sa kaniya ngunit nakatingin lamang siya sa malayo.
"Bulag man ako, nakikita ko ang iyong puso," pangunguna ni Tay Nesto.
"Wow, may third eye po kayo? Biro lamang, ano pong ibig niyong sabihin?"
"Nakikita ko ang alon na pumupukaw ng malalakas na hangin sa puso niya. Kung ikaw ay matapang na sumisid sa kailaliman niyon, ang lahat ay lalabo at mas gugustuhin mong mahulog ng labis sa pag-ibig. Pipiliin mong manatili roon kahit ano mang mangyari. Sa aking nakikita, sigurado ako." sambit niya habang nakatingin pa rin sa malayo.
Nagloloko lang siguro siya. Sa kabila ng kaniyang mga sinabi, namangha ako, "Kung inyo pong mamarapatin, paano po kayo nabulag? Paano po kayo nakakalikha ng mga ganito kagagandang larawan?"
"Simula bata pa ako, may pagkahilig na ako sa sining ngunit nagkaroon ako ng katarak sa mata limang taon nang nakalipas ngunit hindi pa rin ako sumuko," huminto siya saglit at marahang ngumiti.
"Ang sining ay bahagi ng ating kaluluwa. Ito ay pangarap na umuusbong mula sa isang bahagi ng ating sarili. Bawat malikhang gawa ay humihingi ng iba't ibang damdamin depende sa tao, kalooban, oras ng buhay. Ang sining ay larawan; ang sining ay ang malikhaing salita; ang sining ay musika. Tayong lahat ay artista sa iba't ibang paraan, lahat ay ipinanganak upang maging malikhain."
Napatingin ako kay Tay Nesto. Hindi siya gumagawa ng sining. Siya ay sining.
----
Madaling araw nang magising ako. Tulog pa si Nay Neng kaya sinindihan ko ang gasera at nagtimpla ng kape sa kusina. Mukhang tulog pa ang kambal at si Tay Nest sa kabilang silid.
Habang pinapakuluan sila ng tubig, nilaro ko muna sa aking daliri ang apoy sa loob ng gasera. Nakikisabay ang aking daliri sa sayaw ng munting apoy ngunit panandalian lamang. Kung ako'y magtatagal sa apoy, malamang masusunog ako.
Binuhos ko ang kumukulong tubig sa aking baso at nagtimpa ng kape. Matapos niyon ay nagtungo ulit ako sa silid namin ni Nay Neng at binuksan ang bintana upang magpahangin.
Bago pa man sumikat ang araw, ang silangang kalangitan ay pumupuno ng pinagsama-samang kulay ng rosas at dilaw. Isang banayad na paraan upang salubungin ng malugod ang isang bagong araw, isang panibagong simula.
Ang aking kamay sa tasa ay sumusubaybay ang mainit na usok na sumisingaw sa kape. Ang amoy nito ay tumitikas sa aking ilong habang humihigop ako sa pag-iisa at paghihintay ng aking gitara.
Ilang minuto ang nakalipas, nabaling ang tingin ko sa pagbukas ng bintana sa aking gilid.
"Magandang umaga," bungad ni Jacinto.
"Anong maganda sa umaga?" tanong ko at hinigop muli ang aking kape.
"Panibagong araw para sa madilim na nakaraan."
Kung magbabaliktanaw ako sa mga nangyari, baka mainis lamang ako ngunit sinabi sa akin ni Jacinto na hindi ako makakatakas sa realidad ng bukas kung tatakasan ko iyon ngayon.
"Ano na Jacinto. Ang daming buhay na nalagay sa panganib. Ni hindi ko nga alam kung buhay pa ang mga kaibigan ko." malungkot na wika ko sa kanoya. Ni hindi ko pa alam kung kelan ko makukuha gitara ko.
"Alam ko kung saan nilalagay ni ama ang mga dinakip. Iyon na ang susunod nating plano. Para pala sa gitara mo, pasensya na ngunit wala roon sa pinagtataguan ni ama. Abangan na lamang natin kung saan niya ipapasubasta iyon."
Hinilig ko ang ulo ko sa gilid at bumuntong hininga, bakas ang 'di kasiguraduhang bukas.
"Ayang."
"Oh?"
Nilahad niya ang kaniyang kamay sa akin at ngumiti. Mga mata'y nakikisabay sa kintab ng unang sinag ng araw, hudyat ng mas magarbong kulay ng kayumanggi.
Hinawakan ko sa kanan kong kamay ang kape kahit masyadong mainit sa pakiramdam saka nilapat ang kaliwa kong kamay sa kaniya. Ito ba ang ibig niyang sabihin? Baka maging assumera na naman ako nito.
Sinarado niya ang apat kong daliri at nilabas niya ang aking hinlalaki. Ginaya niya iyon sa kaniyang kamay at parehas kaming ngumiti habang sabay na sinasalubong ang araw na ito ng may kaligayahan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro