Saknong 19
"Magandang umaga Aling Vaneng, nandiyan po ba si Clemente Montemayor?"
Binaba ni Aling Vaneng ang iniinom niyang tsaa at marahan na tumingin sa akin. "Tahakin mo ang pasilyo pakanan, naroon siya sa pangalawang kwarto. Katatapos pa lang ng serbisyo sa kaniya ngayon."
Tinahak ko ang masikip na pasilyo habang naamoy ang mga samyo dala ng gabi-gabing serbisyo. Sa umagang ito tahimik lamang ang bahay-aliwan maliban sa pagbuhos ng tubig mula sa tabo ang naririnig sa banyo, 'di kalayuan.
Nang makarating sa tapat ng kwartong kinaroroonan ni Clemente huminga muna ako ng malalim at napatapik-tapik pa ang aking paa sa malapad na kahoy.
Paano kung itaboy niya lang ako? Nasasaktan pa kasi siya sa ginawa ng kaniyang ama. Paano kung kailangan niya muna ng oras para sa sarili?
Adelia gurl, hindi mo malalaman sagot kapag 'di mo kinausap. Tama nga naman. Sige kaya mo 'to bubuksan mo lang naman 'yung pinto.
Sinimulan ko nang hawakan ang pinto at taimtim na napadasal na sana'y nasa mabuti nang kalooban si Clemente.
Dahan-dahan kong tinulak ang pinto at ngayon, pinagdadasal ko na sana'y kainin ako ng lupa sa sobrang kahihiyan. Nabitawan ko ang dala kong puto at napaawang ng bibig sa tanawing nakita ko.
Unti-unting humarap sa akin si Clemente na ngayo'y walang suot pang-itaas. Maging ang dalaga na nakahiga sa kama na hubo't hubad. Umagang-umaga gumagawa na ng kababalaghan.
"A-aalis..." Wala sa sariling pinulot ko ang bayong ng puto habang nakatingin pa rin kay Clemente na nagmamadaling magsuot ng damit at sa babaneg nakatakip ng kumot, "...na a-ako."
Mabilis kong sinara ang pinto at napakapit sa pader upang pakalmahin ang aking sarili. "Nakakainis, sabi ni Aling Vaneng tapos na sila."
Bumalik muli ako sa kinaroroonan ni Aling Vaneng at umupo sa isa sa mga upuan saka tinignan siya ng masama. Humigop muli siya ng tsaa at pilit na nginitian ako.
"Ayang," tawag ni Clemente na nakatayo na pala sa gilid ko. Hindi ko siya magawang tignan kaya nanatili pa rin ang tingin ko kay Aling Vaneng. "Pasensya na kanina, ano ang iyong sadya?"
Ang aking sadya? Hindi ko rin alam kung bakit ko siya pinuntahan dito. Nag-aalala lang siguro ako ngunit ayoko namang sabihin sa kaniya iyon baka asarin niya ulit ako.
"Nakakatawa ang iyong itsura kanina, maganda ba ang aking katawan?" Mas lalo akong hindi makapagsalita sa sinabi niya. Ano ba naman Clemente, bakit ka ganito?
Tumayo na ako sa aking kinauupuan at lumabas sa bahay aliwan. "Sandali, Ayang! Ikaw ba'y naninibugho?"
Mas lalo na akong nainis at binilisan ang aking paglakad palabas ng tarangkahan ngunit nagawa niya pa rin akong sundan, "Sa harap lamang ni ama tayo magkasintahan ngunit hindi ko inaasahan na hanggang dito ika'y maninibugho."
"Ang kapal ng mukha mo!" Sigaw ko sa kaniya at binato ang bayong ng puto ngunit nagawa niya iyon saluhin, "Nag-aalala ako sayo tapos ang ibubungad mo sa akin ay 'yang kapilyuhan mo? Hindi ako nagagandahan sa katawan mo at higit sa lahat hindi ako naninibugho! Naghintay ako rito ng apat na oras tapos mang-aasar ka lang? Clemente, nais ko lang kamustahin ka!"
"Halika sa karinderya, gutom lang iyan." Iyon lamang ang sinabi niya at wala ako sa sariling sumunod sa kaniya. Baka nga pagkain lang kailangan ko para kumalma.
Dumaan kami sa likod ng palengke at naglakad pa paderetso. Halos lahat ng mga taong nakakadaanan namin ay yumuyuko at bumabati kay Clemente, samantaling karamihan din ang nagtataka sa itsura ko.
Nang makapasok kami sa loob ng karinderya, pumili na ako ng pwesto kung saan malapit sa bintana upang aliwin ang aking sarili sa tanawin habang namimili ng pagkain si Clemente.
Puno ang karinderya ng iba't ibang uri ng mga tao. Tumingin ako sa gilid kung saan maraming mga abala. May isang matandang mag-asawa na kumakain at may baso ng alak. Mayroon ding isang pangkat ng mga babae sa gulang na terenta na walang ginagawa kundi magtawanan. Tinitignan sila ng isang mahigpit na nagluluto sa karinderya.
Sa kabilang banda naman may mga negosyanteng naninigarilyo. Katabi naman nila ay mga turistang Amerikano na nagpupumilit basahin ang tala ng mga kakanin.
Sa harapan naman namin ay ang isang pamilya kasama ang mga dalaga't binata nilang mga anak. Mataas ang antas ng ingay rito, maging ang antas ng usok mula sa sigarilyo ngunit hindi ako nagambala. Masasanay rin ako.
Sa tapat ng karinderyang ito ay ang plaza kung saan tanaw na tanaw ko ang entablado.
"Naparito ako upang sundin ang kaligayahan at sigaw ng damdamin ko, Adelia."
Mabilis akong lumingon sa kayumanggi niyang mga mata at pilit hinahalugilap ang sagot sa aking tanong, "Sigaw ng damdamin?"
"Ang sumayaw."
"Paano mo alam pangalan ko?"
"Nabasa ko sa iyong kuwaderno," kibit-balikat niya na parang wala lang. "Ano na ang iyong pasya tungkol sa plano?"
"Hindi ko alam, Jacinto. Hindi ko alam."
Ilang minuto ang nakalipas, may narinig kaming hakbang at kwentuhan mula sa 'di kalayuan, "Don Felipe, kung iyong nanaisin tayo'y magsugalan naman tayo balang araw."
"Kapag tumilaok na ang huling manok amigo," halakhak ni Don Felipe.
Mabilis akong hinila ni Jacinto papunta sa likod ng entablado kung saan may masikip na pasilyo roon. Iyon ang likuran kung saan dapat nagbibihis at naghahanda ang mga gumagamit ng entablado tueing may kaganapan.
Ilang pulgada lamang ang pagitan namin ni Jacinto dahil napupuno ng mga kahon at mga gamit ang pasilyo. Tumayo ako ng tuwid upang lawakan pa ang aming pagitan ngunit nararamdaman ko pa rin ang maiinit na paghinga niya sa aking noo.
"Amigo, may maimumungkahi ka bang mga dayuhang bumibili ng gitara?"
"Felipe, tanyag ka bilang hindi mahilig sa musika. Paano ka naman nagkaroon ng gitara?"
"Nabihag ko lamang iyon ngunit napakaganda at sa aking palagay mamahalin iyon."
"Bakit hindi ka gumawa ng subasta (auction) sa isang tiyatro?"
"Mahusay, aasikasuhin ko muna ang mga papeles."
Napatulala na lamang ako sa dibdib ni Jacinto nang marinig iyon. Tiyak akong gitara ko 'yun. Magaganda ang disenyo ng aking gitara.
Tumikhim si Jacinto kaya agad naman akong lumabas sa masikip ng pasilyo ng entablado. "Mauuna na ako."
"Sabayan na kita." Ani niya at hinayaan siyang sumunod sa akin sa gabing ito na napupuno ng natatagong silakbo ng damdamin .
Nawaglit ang aking gunita nang ilapag ni Clemente ang dalawang mangkok ng mainit na lugaw at dalawang baso ng tubig.
Nilubog ko ang kutsara sa mangkok at sinubo ang mainit na lugaw. Nang makailang subo na ako, naalala ko na ang aking sadya, "Kailan ka babalik ng mansion?"
Uminom ng tubig si Clemente at tumingin sa labas, "Hindi ko alam, kamusta sila sa mansion?"
"Nag-anunsyo sina Don Felipe at Don Miguel ng magaganap na kasal nina Jacinto." Wika ko habang sinusubo ang natitirang lugaw.
Ilang minuto kaming natahimik ngunit nagsalita ulit si Clemente, "Nangungulila ako sa aking ina," kumurap-kurap si Clemente upang iwasan ang pagtulo ng kaniyang mga luha at tumingin sa gilid. "Pumanaw na halos lahat ng taong sandalan ko maliban kay Jacinto."
"Ano bang nangyari sa iyong ina? Ayos lang kung hindi mo sagutin."
Muli siyang uminom ng tubig saka umiling habang tinatakpan ang kaniyang tainga. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at hinayaang dumaloy ang mga luha.
Dinampot ko ang panyo mula sa aking bulsa at marahang pinunasan ang kaniyang mga luha. Humalukipkip pa siya sa mesa at doon tumangis.
Hindi ko alam ang gagawin. Kung yayakapin ko naman siya upang patahanin, maraming mga tao ang makakakita. Kaya tinapik ko na lang ang kaniyang likod at hinimas-himas.
Nang tumahan siya, umayos siya ng upo at uminom ulit ng tubig, "K-kumakanta siya sa T-tiyatro Binondo. Sa gitna ng kaniyang pag-awit, lumusob ang mga taong nakasuot ng magigiting na armas at panangga. Hinila ako ni ama habang buhat niya si Jacinto. Sampung taong gulang pa lamang ako noon. Maraming tao. Ilang beses akong nadapa hanggang mabitawan ko si ama."
Huminto siya sa pagkuwento at uminom ulit ng tubig, "Sa entablado, nakita kong d-dinakip si ina kaya kinuha ko ang baril sa sahig at tinutok..." Huminga siya ng malalim at nagpunas muli ng luha, "...tinutok."
Kumawala siya ng buntong hininga at pinagpatuloy ang kuwento, "...tinutok ko ang baril sa nagdakip sa kaniya, kinablit ko ang gatilyo p-pero si i-ina ang nabaril ko. Hindi na ako tinuring na anak ni ama nang mangyari iyon."
Ito ang nangyayari kapag natrauma. Nakakapagpabago ito sa atin sa puntong hindi ka na makakabalik sa sarili mo. Marahil ang labis na kaligayahan at kapilyuhan ni Clemente ang siyang panakip sa masakit niyang alaala ng kaniyang ina.
"Huwag mo na akong alalahanin, kailangan ko lang ng mapagsasabihan."
"Bakit ako?"
"Pinagkakatiwalaan kita."
----
Habang pabalik ako sa mansion, hawak-hawak ko pa rin ang papel na inabot sa akin ni Clemente bago umalis.
Alas otso ng gabi, sa kubo.
Pumunta raw ako upang pagplanuhan na ang pagkuha ng aking gitara, maging ang iba pang mga instrumento.
Nadatnan kong nagpapaligo ng kabayo si Sergio sa labas ng mansion kaya agad naman akong lumakad ng patiyad patungo sa kaniya, "Psst Sergio, nandiyan ba sa loob si Jacinto?"
"Nakita ko silang umalis ni Binibining Elena kanina habang nakasakay sa kalesa ng pamilya Esperanza, bakit mo siya hinahanap?"
"Wala, mausisa lang."
Sinipa ko ang bato sa aking paanan at nagpaalam na kay Sergio saka nagtungo sa loob ng mansion.
Dumeretso ako sa kusina at nagtimpla ng kape para kay Don Felipe. Sa kabilang banda, nakita ko si Marisol sa bakuran at may niluluto sa ginatong na kahoy.
Habang nagpapakulo ng tubig, lumabas muna ako sa kusina at nilapitan si Marisol, "Babae, ano niluluto mo?"
Hinila niya ako palapit saka pinikit ang kaniyang mata, "Bibingka. Tikman mo kapiraso, ang bango."
"Hmmm lasang itlog, gatas at harina." Napalakas tawa ko ngunit seryoso lang akong tinignan ni Marisol. 'Ay okay, 'di niya gets.
"Siya nga pala, sinabihan ka na bang pupunta mamaya?" tumango ako sa kaniyang habang pinapanood siyang patayin anag apoy sa ginatong kahoy, "Sabay na tayo."
"Sige. Timpla lang muna ako kape, kumukulo na 'yung tubig."
Bumalik na ako sa kusina at binuhos ang kumukulong tubig sa baso at tinimplahan ng barakong kape.
Umakyat na ako sa ikalawang palapag at kumatok sa silid ni Don Felipe ngunti mga pagdaing lamang ang narinig ko.
Mabilis kong binuksan ang punta at tumambad sa akin ang amoy ng matapang na alak. Nakahiga naman sa sahig si Don Felipe.
Nag-aalalang nilapag ko ang baso sa kaniyang mesa at tinulungan siyang humiga sa kama, "S-sabihin mo diyan sa k-kasintahan mo, putangina niya!"
Hinampas niya ang mesa kaya't gumalaw at muntik nang mahulog ang mga bote ng alak at ang kape. Pinilit ko siyang buhatin papunta sa kama ngunit laking gulat ko nang yakapin niya ako, "Ang bango mo."
Naestatwa ako sa aking kinatatayuan at maging siya ay nakakapit pa rin sa akin, "Sobrang bango."
"D-don Felipe..." nauutal kong sambit at pinipilit siyang pahigain sa kama ngunit masyado siyang mabigat. Nagpatuloy ang kaniyang paglanghap sa aking katawan, mula sa leeg hanggang dibdib. Hindi na rin ako makahinga ng maayos sa aking nasasaksihan.
"Marikit," usal pa niya at bahagyang tinaas ang saya. Naiinis ako. Naiinis ako sa sarili ko dahil wala akong ginagawa. Gusto ko siyang sipain o isiko ngunit mahigpit niya akong niyakap. Napako lang ako rito habang hinahayaan siya.
Nang malapit nang makarating ang kaniyang kamay sa parteng hindi kanais-nais, bigla akong nakaramdam ng pagbuhos ng malamig na tubig sa aking katawan. Literal na tubig.
Agad napabitaw si Don Felipe at mabilis na napahiga sa kama nang may nagtulak sa kaniya, "Tulog na ama, ika'y lasing na."
Nagpumilit pumiglas si Don Felipe ngunit napakutkot lang rin siya sa kaniyang kumot at pumikit, "Putangina ikaw ba 'yung hinihimas ko kanina pa? Punyeta, guni-guni ko pala na may nagbuhos ng tubig."
"Opo, kayo'y matulog na," at doon mahimbing na natulog si Don Felipe. Tumayo si Jacinto mula sa kama at huminto sa harap ko. Nakatayo pa rin ako doon, basang-basa.
"Ipalilinis ko na lang iyan kay Aling Conchit--Sergio mamaya," Wika niya at hinila ako palabas ng silid. Bumaba kami sa unang palapag at nagtungo sa tapat ng aking kwarto.
"A-ayos ka lang ba?" Tanong niya nang hindi tumitingin sa akin.
"Hmmm."
"Magbihis ka muna, maaga tayong tutungo sa kubo. Maghihintay ako sa sala," Ani niya saka umalis.
Pumasok na ako sa aking kuwarto at wala sa sariling nagbihis. Kinuha ko ang aking basang mga damit at ginusot sa labas ng aking bintana saka sinampay roon. Bakit ang dami kong nasasaksihang kababalaghan ngayon? Isa lang ang masisiguro ko, hindi ko kayang tignan si Don Felipe gaya ng dati.
Nagdala ako ng talukbong at nagtungo sa sala kung saan naghihintay si Jacinto. Tiniklop niya ang binabasang dyaryo at binaba saka dumeretso sa labas ng mansion.
"S-salamat," wika ko nang makasakay kami sa kalesa. Magkatabi kami at si Sergio ang kutsero. Tumango siya sa akin at lumingon sa labas ng bintana at gayon din ako.
----
Unti-unting dumagsa ang mga kaanib ng samahan, kasama na sina Clemente, Elena at Marisol. Ang bawat isa ay tahimik na naghanap ng pwesto rito sa kubo. Batid kong alam nilang seryoso ang patutunguhan ng paksang ito.
"Magandang gabi mga kasamahan, malapit nang mangyari ang ating kagustuhan!" Panimula ni Clemente sa harapan, "Bukas na tayo magsisimula. Hinati namin ang pangkat sa lima. Ngayo'y alam niyo na kung aling pangkat kayo kabilang. Aking ipapahayag ang mga tungkulin."
"Ang mga pula ay magbabantay sa kagubatan malapit sa bilangguan. Kapag nag-umpisang magsikilusan ang mga kawal, inyo silang bantayan at kung mangyari'y paslangin. Mga asul, kayo'y magbantay palibot sa mansion. Mga dilaw, kayo naman sa tanggapan ng Gobernadorcillo. Kapag kumilos sila, umaksyon na rin kayo. Sa mga itim, kayo ang mag-aabang sa likuran ng tanggapan, sa inyo namin iaabot ang mga instrumento. Kami ang kikilos sa loob ng mansion at sa loob ng tanggapan" Pagpapaliwanag ni Clemente.
"Paano Ginoo kung nabisto tayo?" Tanong ng isa sa mga madla.
"Hindi malabong mangyari iyan kaya't susugod tayo."
Sabay na lumingon sa akin ang kambal na parang pinaparating na sumama ako sa grupo nila ngunit hindi pa ako nakakapagdesisyon.
"Pinaliwanag na namin sa mga pinuno ng bawat grupo ang detalye ng magiging aksyon at armas na dapat bitbitin, kayo'y magsitungo sa inyong mga grupo." Wika ni Jacinto.
Lumapit sa kinaroroonan ko sina Clemente, Jacinto, Marisol, Sergio at Elena. Umupo sila sa bilugang mesa at nakisama ako.
"Nahablot ko kanina habang lasing si ama ang mga susi. Bagamat marami iyon, susubukan naming lahat sa kandado na kinaroroonan ng mga instrumento. Mayroong isang silid na nakakandado sa sa tanggapan ng Gobernadorcillo na may lihim ng pinto sa isa sa mga banggera. Mayroong tatlong kandado roon at kami na ang bahala ni Clemente." Paliwanag ni Jacinto.
"Alas dos ng madaling araw tayo pupunta roon, ngunit ang ating problema ay ang Gobernadorcillo. Kayo, Marisol at Elena ang nakatoka roon. Elena, bumili ka ng mga pampalason. Tiyak na hindi ka nila tatanggihan dahil sa antas mo. Iabot mo ang mga iyon kay Marisol. Pupuntahan ka niya sa mansion niyo. Kung kasali ka Ayang, ikaw ang maghahalo ng lason sa kape ng Gobernadorcillo. Ipainom mo iyon sa kaniya at matutumba siya nang wala sa oras. Pagkatapos ay magtungo ka sa likod ng tanggapin. Kayo naman, Marisol at Sergio, ang magbabantay kay Felipe kung may sumugod na kawal sa loob. Wala na akong pake kung naging ama ko siya o hindi. Basta para sa bayan." Wika ni Clemente.
"Huwag naman natin patayin si ama," suhestyon ni Jacinto.
"Pinag-usapan na natin 'to Jacinto. Wala siyang takot patayin tayo, parang hindi niya tayo anak. Ang tanging mahalaga lamang sa kaniya ay ang posisyon at kayamanan niya. Jacinto, nagkukunwari lamang iyon na mahal ka niya dahil ikaw ang gagawin niyang tagapagmana." Napatahimik si Jacinto roon at tumango, "Jacinto hindi niya tayo mahal. Hindi niya rin mahal si ina. Pinapaalala ko lang na ginahasa siya Jacinto."
"Gaya ng sabi ko, kung sasali ka Ayang, matapos mong lasunin si ama ay magtungo ka sa likod ng tanggapan kung saan kikitain ka namin at tumulong ka sa pag-aabot ng mga instrumento. Kung sasama ka." Pagpapatuloy ni Clemente, "Mahalaga ang iyong gagawin, nasa iyo ang desisyon."
Sabay-sabay na tumingin sa akin ang kambal, si Elena, Marisol at Sergio upang hinihintay ang aking tugon. Ito lang naman ang paraan upang makuha ang aking gitara. Nakakahiya rin kung hindi ako sasama tapos sila ang kukuha ng gitara ko. Hindi ko rin kinakaya ang ginawa ni Don Felipe kanina kahit lasing siya.
"Aanib ako."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro